DIEGO : Sandali lang, mga kapatid. Bago ang lahat, huwag nating kalimutang pasalamatan muna at papurihan ang Diyos dahil sa kanyang kabutihan! Si Madel ay ginamit lamang Niyang kasangkapan upang kayo’y pagalingin!
HAYOP #7 : Tama si Diego! Purihin at pasalamatan ang Diyos!
LAHAT : Amen!
HAYOP #8 : Thank you, Lord! Purihin ang Panginoon! Amen! Praise the Lord!
LAHAT : Amen!
HAYOP #9 : Mabuhay ang Panginoon!
LAHAT : Mabuhay!
HAYOP #9 : Mabuhay si Madel!
LAHAT : Mabuhay!
DIEGO : Mga kapatid, umawit tayo ng papuri at pasasalamat sa Panginoon!
LAHAT : Amen!
SAN PEDRO : Congratulations, Pablito, for a job well done.
PABLITO : Sino kayo? At bakit alam n’yo kung sino ako?
SAN PEDRO : Of course! Hindi pa nga pala ako nagpapakilala sa iyo. Ako si Simon na anak ni Jona at kapatid ni Andres, kilala rin sa pangalang Pedro, tinatawag ding Cephas, na ang ibig sabihin ay “Bato”.
PABLITO : Pedro? Kayo si... San Pedro?
SAN PEDRO : That right! At narito ako upang batiin ka sa iyong kabutihang nagawa, at upang personal na samahan ka papuntang langit. Isang napakalaki at masayang reception ang naghihintay sa iyo roon.
PABLITO : Ako? Pupunta sa langit? Nguni’t ako’y hindi karapat-dapat...
SAN PEDRO : Dati, oo. Pero ngayon ay napatunayan mo na ikaw ay isang tunay na Krist’yano, isang may ganap na pananalig sa Diyos. At higit sa lahat, nakatulong ka rin nang malaki upang ang mga taong ito, na matagal nang nakalilimot tumawag sa Diyos, ay magbalik-loob sa Kanya.
PABLITO : Hindi ninyo naiintindihan. Ako’y isang...
SAN PEDRO : Pablito, naiintidihan ko ang lahat. Minamat’yagan namin, mula sa isang napakalaking computer monitor sa itaas, hindi lamang ang iyong mga kilos at gawa, kundi maging ang iyong mga iniisip at balak. Alam namin na noong una ang naghahari sa iyong puso ay ang pagiging makasarili. Wala kang pakialam kung may matuwa o masaktan, ang mahalaga sa iyo ay ang iyong sariling kaligayahan. Pero nitong huli ay nagbago ka ng iyong pananaw sa buhay. From being selfish and celf-centered you made a complete turn-around and focused your attention to God and to your fellow men. Ang lahat ng ito’y naka-register nang maliwanag sa aming heavenly computer.
PABLITO : Tama kayo. At ibang iba ang aking pakiramdam ngayon. Kakaibang uri pala ng kaligayahan at kapanatagan ng loob ang naidudulot ng pagkakaroon ng tunay na panananalig sa Diyos at pagmamalasakit sa kapwa. Nakikita kong masaya ang lahat, at masaya na rin ako!
SAN PEDRO : Tumpak, Pablito, at ibayong kaligayahan pa kaysa riyan ang naghihintay sa iyo sa langit. Kaya tayo na. Baka naiinip na ang mga anghel na sasalubong sa atin sa pintuan ng maluwalhating kaharian.
PABLITO : Pero teka... Meron pa akong dapat gawin dito sa lupa bago ako sumama sa inyo sa langit.
SAN PEDRO : Kalimutan mo na kung ano man iyon. Pasado ka na sa iyong eksamen, nakumpleto mo na ang iyong assignment dito sa lupa, kaya wala ka nang dapat gawin...
PABLITO : Hindi! Hindi rin ako ganap na magiging masaya sa langit kung may isang kaluluwang mapapahamak dahil sa aking kagagawan. Kailangan ko siyang makausap at hikayatin...
SAN PEDRO : Sinong kaluluwa ang iyong tinutukoy?
PABLITO : Si Juanito Bonito. Dahil sa aking pasyang makagawa ng kabutihan ay siya naman ang nagpasyang gumawa ng kasamaan, at alam ko na iyon ay hindi tama dahil walang hanggang pagdurusa ang kanyang patutunguhan.
SAN PEDRO : Si Juanito ba wika mo? Ho-ho-ho...!
PABLITO : Bakit kayo nagtawa?
SAN PEDRO : Si Juanito ay huwag mong alalahanin. Kasama mo rin siyang pupunta sa langit.
PABLITO : Talaga? Pero hindi ba...?
SAN PEDRO : Alam kong magugulat ka, pero... Ah, sandali lang.... (Malakas.) Juanito! Juanito, halika nga rito! Come and join us!
JUANITO : Hello, Boss Peter! Ayos ba ang acting ko? Pang-Oscar, di ba?
PABLITO : Anong acting? Anong pang-Oscar ang sinasabi mo?
SAN PEDRO : Si Juanito ay naparito para sa isang top secret mission.
PABLITO : Top secret mission? Teka-teka, pakilinaw nga para magkaintindihan tayo.
JUANITO : Ganito yon, p’re. Ang misyon mo rito sa lupa ay...
PABLITO : Gumawa ng paraan upang ang mga tao’y magbalik-loob sa Diyos.
JUANITO : Tumpak! Ang misyon ko na naman... ang top secret mission ko dito sa lupa...
SAN PEDRO : Ay gumawa ng paraan upang ikaw, Pablito, ay magbalik-loob sa Diyos. At iyon ay nagampanan ni Juanito nang buong husay. Mission accomplished, wika nga.
PABLITO : Ibig mong sabihin...?
JUANITO : Oo, Pablito. Ikaw mismo ang aking assignment. Alam nila sa itaas na mas gusto mong makarating sa impyerno kaysa mapunta sa langit, kaya ako ang kanilang ipinadala rito para kumbinsihin ka na magbago ng iyong pasya.
PABLITO : Naisahan mo yata ako roon, ah!
JUANITO : Ginawa ko lang ang dapat kong gawin, p’re. Trabaho lang ito, walang personalan.
PABLITO : Kaybuti mo, Juanito. Maraming salamat sa tulong mo. Kung hindi dahil sa iyo marahil ay...
JUANITO : Wala yon! Kasiyahan ko ang paglingkuran ka.
SAN PEDRO : O paano, handa na ba kayong bumiyahe patungong langit?
PABLITO : Eh, Sir Peter... meron lang sana akong ire-request bago tayo umalis.
SAN PEDRO : Ano yon?
PABLITO : Magpapaalam lang ako kay Madel.
SAN PEDRO : No problem. Go ahead. Magpaalam ka na.
DIEGO : Mga kapatid! Konting katahimikan lamang, mga kapatid. Nagmimilagro uli si Madel. May kinakusap siya na hindi natin nakikita.
MADEL : Mga kasama. Ibig kong ipabatid sa inyo na labis akong nagagalak at nagpapasalamat sa pagbibigay ninyong muli ng pagtitiwala sa akin sa kabila ng perhuwisyong nagawa ko sa marami sa inyo. Ibig ko ring ipabatid sa inyo na sa araw na ito ay gumawa ako ng isang pasya. Kaya nais kong magpaalam sa inyong lahat...
ESTER : Magpapaalam ka sa amin?
KULAS : Bakit?
MAGNO : Saan ka pupunta?
MADEL : Papasok ako sa kumbento.
KRISTINA : Papasok sa kumbento?
DIEGO : Bakit?
MADEL : Gusto kong maging madre.
LAHAT : Gusto mong maging madre!!!
ESTER : Magmamadre ka, Madel?
MADEL : Oo.
TOYANG : Tanggapin ka kaya sa kumbento?
MADEL : Baka sakali.
Ang perang ito ay ibibigay ko sa inyo. Hindi ko kailangan ito sa aking pupuntahan. Gamitin sana ninyo sa paraang makabubuti para sa inyo.
HAYOP #1 : Ang bait-bait ni Madel, ano?
HAYOP #2 : Talagang mabait!
HAYOP #3 : Ang dami ng naagaw kong pera!
HAYOP #4 : Ako rin!
HAYOP #5 : Teka-teka muna! Napeke tayo ni Madel!
HAYOP #6 : Ano’ng napeke?
HAYOP #5 : Hindi totoo ang perang ipinamigay ni Madel! Peke ang mga salaping ito!
HAYOP #7 : Paano mo nasabing peke?
HAYOP #5 : Tingnan ninyo –– Panay walang pirma ni Presidente!
HAYOP #8 : Oo nga, ano?
HAYOP #9 : Pati ang pirma ng gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nawawala rin!
PABLITO : E, Boss Peter, puwede na siguro tayong umeksit. Mukhang sumasama ang panahon, eh. Mahirap na. Baka dito pa tayo abutin ng malakas na bagyo.
SAN PEDRO : Palagay ko nga.
JUANITO : Tara na, Boss. Let’s go na!
ACERO : Mga kababayan, peke nga ang perang ito! Napeke tayo ni Madel!
TOYANG : Ano pang hinihintay natin? Habulin si Madel!
LAHAT : : Habulin!
MADEL : (Mandidilat ang mata at tititli nang malakas.) Eeeehhhhhhhhh!
SAN PEDRO : Takbo na!
–– Wakas ––
October 14, 1997
Biñan, Laguna
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.