ESTER : Aba, labis ninyo akong pinahanga sa inyong pasiya. Harinawa’y maging matagumpay kayo sa inyong pagbabagong-buhay.
DIEGO : Salamat ho, Aling Ester. Eh, magpapaalam na ho muna kami.
ESTER : Kaawaan kayo ng Diyos.
ESTER : Aba, Cassandra, good morning!
CASSANDRA : Good morning din ho, Aling Ester. Kumusta kayo? (Sabay tingin sa relo.)
ESTER : Mabuti. Mukhang may hinihintay ka yata?
CASSANDRA : Meron nga ho, Aling Ester.
ESTER : At may bitbit ka pang maleta. Para yatang magbabakasyon ka sa malayo.
CASSANDRA : (Tatawa.) Mahusay kayong manghula, Aling Ester. Ang totoo ho’y... mag-aasawa na ako. I mean, magpapakasal na ako. (Titingin muli sa relo.)
ESTER : Talaga? Aba’y tingnan mo nga naman at sa wakas ay nakaisip ka na ring lumagay sa tahimik. Eh, sino ba naman ang mapalad na binatang...
CASSANDRA : Heto na ho siya, paparating na. Hi, Sweetheart!
MORANAZ : Hello, Darling! Pasensiya ka na at medyo na-late ako. May mga parukyano kasing dumating sa kapilya...
CASSANDRA : That’s alright, Sweetheart. Ang mahalaga ay narito ka na. O paano? Shall we?
ESTER : Teka, teka muna! Naguguluhan ako sa mga nangyayari. Ibig ninyong sabihin, kayo ni Fr. Al Moranaz ay...?
MORANAZ : Tama kayo, Aling Ester. Kami ni Cassandra ay matagal nang nagmamahalan. At ngayon ay nakapagpasiya na kaming magpakasal.
ESTER : Pero teka, teka... Hindi ba bawal sa mga paring gaya ninyo ang mag-asawa?
MORANAZ : Oho, Aling Ester. Pero noon ho yon. Ngayon ho ay puwede na.
ESTER : Puwede na? Bakit? Kailan pa, at paano naging puwede?
CASSANDRA : Aling Ester... Ngayon ho, kahit ano ay puwede na!
ESTER : Kahit ano ay puwede na? Teka muna, teka-teka! Hindi ko pa rin maintindihan ang inyong sinasabi!
MORANAZ : Gusto ko sanang magpaliwanag, Aling Ester, kaya lang ho ay alas-otso ang flight ng aming eroplano. Kailangan naming magmadali. Pasensiya na kayo.
CASSANDRA : Huwag kayong mag-alala, Aling Ester. Pagkatapos ng honeymoon namin ni Al sa Europa ay magtutungo kami sa Canada para doon manirahan. Tatawagan namin kayo mula roon para maikuwento sa inyo nang buo ang lahat. Paalam.
MORANAZ : Paalam, Aling Ester.
ESTER : Paalam. At patnubayan kayo ng Diyos.
TOMAS : Aling Ester, magandang umaga ho.
ESTER : Magandang umaga rin sa inyo. O ano, Concha, nagkita na ba kayo nina Diego, Kulas at Magno? Sasali raw sila sa inyong Bible Study.
CONCHA : Hindi kami nagkita. Hindi na muna kami nag-Bible Study ngayon dahil may dadaluhan kasi kaming concert nina Sister Auring, Brother Tomas at Brother Mario.
ESTER : Concert? Ano bang concert iyan at umagang-umaga? Ang alam kong mga concert ng mga sikat na manganganta ay kadalasang sa gabi ginaganap.
MARIO : Ester, ibang concert ito.
AURING : Oo nga. Dapat kasi’y paminsan-minsan, magsasara ka muna ng iyong tindahan at sumama ka rin sa amin sa mga konsiyerto para ka naman malibang kahit kaunti. Mahirap yang puro na lang hanapbuhay ang nasa isip, Ester. Madali kang tatanda.
ESTER : Eh, alam n’yo namang wala akong kahilig-hilig sa mga kantahan kahit noon pa.
TOMAS : Ang concert na tinutukoy namin, Aling Ester, ay madyong.
ESTER : Madyong?
MARIO : Oo, dadayo kami sa bahay nina Brother Roger. Doon kami magmamadyong.
ESTER : Brother Roger?
CONCHA : Si Brother Roger, yung chairman ng lupon sa pagsamba sa Parish Council of the Laity. Pagka raw kasi ganitong araw, umaga pa lamang ay marami ng manlalaro roon.
ESTER : Pero teka, hindi ba iyang madyong ay... isang sugal?
TOMAS : Isa itong uri ng paglilibang, Aling Ester.
ESTER : Paglilibang na may kasamang pustahan ng pera, hindi ba? Eh di sugal na rin iyon!
MARIO : Libangan man o sugal ang itawag, wala namang masama roon.
ESTER : Anong walang masama? Halos araw-araw ay laman kayo ng simbahan, nag-aaral ng Bibliya, nangangaral sa ating mga kabarangay. Hindi ba masagwang itsura kung malaman nila na...
MARIO : Ester, noon yon. Pero ngayon ay wala nang masagwa o masama. Ano man ang gawin natin ay puwede na. Hindi mo pa ba nababalitaan ang pagbabagong umiiral sa ating lipunan? Ang bawa’t isa ay malaya nang gumawa ng anumang naisin niya!
CONCHA : Siyanga naman Ester. Kaya halika na, sali ka na rin sa amin.
ESTER : Eh, hindi... kuwan, kayo na lamang. Okey lang ako dito.
CONCHA : Bueno, ikaw ang bahala. Kung iyan ang gusto mo.
MARIO : O paano, Ester, tutuloy na kami. Kanina pa kasi naghihintay si Brother Roger. Paalam.
ESTER : Paalam.
ACERO : Hello, Mrs. Esteriray! Kumusta na ang butihing tindera ng barangay? Kung kami ang inyong tatanungin –– eto, mabyuting-mabyuti pa rin!
ESTER : Sino ba kayo? Bakit kilala ninyo ako? Ngayon ko lamang yata kayo nakita rito...
BODYGUARD #1 : Si Aling Ester naman! Hindi ba ninyo kilala si Boss, este... si Madam Acendero Acero?
BODYGUARD #2 : Ang magiting na Meyor ng ating bayan!
ESTER : Meyor Acero? Pero bakit...?
BODYGUARD #3 : Ano’ng bakit, Aling Ester? Si Meyor Acero, at wala nang bakit-bakit pa!
ESTER : Pero anong nangyari sa inyo at ganyan ang itsura ninyo?
ACERO : At bakit ho, Aling Ester? Ano’ng masama sa aming itsura? Magaganda naman kami ah!
BODYGUARD #1 : That’s right! Anong sinabi nina Vilma at Sharon sa mga beauty namin!
ESTER : Pero... Bakit? Kailan pa kayo nagkaganyan?
BODYGUARD #2 : Matagal na kaming ganito, hah! Ngayon lamang kami naglaladlad!
BODYGUARD #3 : Ang tagal naming ikinubli ang aming tunay na pagkatao, ang aming pagiging mahinhing walang pakundangan.
BODYGUARD #1 : Dahil nangangamba kaming baka kami ay kutyain at isumpa ng aming kapuwa.
BODYGUARD #2 : Sapagka’t kami’y tao lamang...
BODYGUARD #3 : Mga baklang tao lamang!
BODYGUARD #1 : Masisisi ba ninyo kami kung kami’y ipinanganak na ganito?
BODYGUARD #2 : naman kami ganito, may nagagawa pa rin kaming mabuti sa mundo.
BODYGUARD #3 : Puwede pati kaming mahalal sa Senado.
BODYGUARD #1 : Nguni’t ang tao ay malupit at mapanghusga!
BODYGUARD #2 : Ang turing nila sa mga baklang tulad namin ay marumi at kasuklam-suklam!
BODYGUARD #3 : Dahil dito’y wala kaming choice kundi ang magkunwari at itago ang aming pagkababae!
ACERO : Pero ngayon ay wala nang dahilan para magkunwari. Wala nang dahilan para ikubli ang katotohanan, sapagka’t ngayon ang lahat ay puwede na!
ESTER : Puwede na? Teka, kanina ko pa naririnig ang salitang puweda na, ah! Sino ba ang nagpauso niyan?
ACERO : Sino pa, kundi ang magiting na si Madel.
ESTER : Si Madel?
ACERO : That’s right! Si Madel Madeldel, ang aming savior at angel! O paano? Kami’y aalis na dahil maghahanap pa kami ng yari! Babu...!
DOMENG : Magandang umaga, Aling Ester. Kumusta sa lugar na ito? Wala ho bang trobol?
ESTER : Wala naman, Ka Domeng. Tahimik lang kami rito.
DOMENG : Mabuti kung gayon. Dito kasi ako ini-assign ni Kapitan para magpatrolya upang pangalagaan ang kaayusan at katahimikan sa ating barangay. Kaya kung may nanggugulo o may problema, sabihin nyo lang agad at ako ang bahala.
ESTER : Naku, salamat naman kung gayon. Eh, ano ba ang gusto mong inumin?
DOMENG : Kahit na ho anong softdrinks, Aling Ester. Kayo na ang bahala.
KB #1 : Mga pards, mards... dito na natin ituloy ang sesyon.
KB #2 : Anong ituloy, eh kanina pa ubos ang ating baon!
KB #3 : Problema ba yon, eh di bumili!
KL #1 : Mga pards, mards, wala na akong bread.
KL #2 : Ako rin, ubos na ang pera ko.
KB #1 : No problem. Akong bahala. ’Tara sa tindahan ni Aling Ester.
KB #1 : Aling Ester, meron ba kayo riyang one thousand?
ESTER : One thousand na ano?
KB #2 : One thousand pesos, Aling Ester. Holdap ito!
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.