PIRMA

Apat-na-yugtong dula mula sa panulat ni

Rafael A. Pulmano

​

Karugtong ng Dula – Pahina 9

PABLITO : Kailangang tanggapin nila ang katotohanang sila’y hindi perpekto, at kapag tinanggap nila ang katotohanang ito, saka lamang sila magiging malaya at mapapanatag sa sarili. Ang wika nga ng Banal na Kasulatan, “The truth shall set you free.”

​

JUANITO : (Mag-iisip nang malalim. Pagkaraan ng ilang saglit...) Alam mo, ngayon ko natanto na may katuwiran ka. Hanggang ngayon ay takot akong humarap sa katotohanan. Marahil ay panahon na rin upang hubarin ko ang maskara ng aking pagkukunwari at makiayon sa iyong ginagawa.

​

PABLITO : Ano’ng ibig mong sabihin?

​

JUANITO : Tama ka. Tamang lahat ang iyong sinabi. Kaya iniisip kong kalimutan na ang langit. Marahil ay sa impyerno rin ako nararapat, kaya gagawin ko na rin ang mga pinaggagawa mo. Guguluhin ko na rin ang buhay ng mga tao para maibulid silang lahat sa impyerno!

​

PABLITO : Ano? Nasisira na ba ang ulo mo?

​

JUANITO : Hindi. Ang totoo’y naiinggit ako sa mga tagumpay mo. Nakikita ko na enjoy na enjoy ka sa iyong ginagawa. Para sa akin, ang ganyang pag-e-enjoy ay langit na rin ang katumbas. Kaya wala ka man sa langit ay parang nandoon ka na rin dahil sa kaligayahang iyong tinatamasa. Ganyan din ang gusto kong gawin. Gagayahin kita, Pablito! Tutulungan ko ring magpakasama ang tao. Samasama na lang tayo sa impyerno!

​

PABLITO : Nasisiraan ka na nga ng bait, Juanito! Hindi mo nalalaman ang iyong pinagsasabi!

​

JUANITO : Alam ko ang aking sinasabi. Tayo na, pagtuangan nating ibulid sa kasamaan ang daigdig!

​

PABLITO : Hindi kita mapapayagan sa iyong binabalak!

​

JUANITO : At bakit? Hindi ba iyan naman ang gusto mo? Ginagawa mo na ito. Ano’ng masama kung makisosyo ako?

​

PABLITO : Ang iyong misyon sa lupa ay gawing mabuti ang tao. Hindi mo dapat kalimutan ang bagay na iyon!

​

JUANITO : Puwes, kinakalimutan ko na! Ang misyon ko ngayon ay paris na ng sa iyo. Gawing masama ang lahat ng tao!

​

PABLITO : Kabaliwan ang iyong pinagsasabi!

​

JUANITO : Ikaw ang nagsasalita na parang baliw! Gusto mong maging masama ang mga tao, bakit mo ako pinipigilan ngayon kung iyon din ang aking gusto?

​

PABLITO : Sapagka’t…

​

JUANITO : Sapagka’t ano?

​

PABLITO : Hindi ako mag-e-enjoy kapag itinuloy mo ang binabalak mo!

​

JUANITO : Ano? At bakit?

​

PABLITO : Sapagka’t…

​

JUANITO : Sapagka’t ano?

​

PABLITO : Mawawalan ng kompetisyon! Masaya lamang ako sa ginagawa ko dahil may kakompitensiya ako –– ikaw. Pinabubuti mo ang mga tao, at pinasasama ko naman sila. Kung nagtagumpay man ako, matamis ang tagumpay na iyon dahil may kalaban ako. Masarap ang pakiramdam ko kapag alam ko na ako ang nanalo sa laban, dahil nadaig ko ang kalaban.

​

JUANITO : Ganoon ba yon?

​

PABLITO : Oo, ganoon nga yon. Kaya isipin mo na lang kapag ikaw ay naging kakampi ko sa paggawa ng kasamaan, ano pang kasiyahan ang aking madarama? Mawawalan na ako ng kakompitensya... Eh di mawawalan na rin ng thrill, mawawalan na ng excitement ang lahat!

​

JUANITO : Ah basta! Kahit ano pa ang sabihin mo, buo na ang aking pasya. Pasasamain ko na rin ang mga tao, gaya mo!

​

PABLITO : Seryoso ka ba?

​

JUANITO : Of course, serious ako.

​

PABLITO : Hindi na mababago ang iyong pasya?

​

JUANITO : Hindi na.

​

PABLITO : Kung gayon, buo na rin ang aking pasya! Makikipagpalit ako ng misyon sa iyo.

​

JUANITO : Ano???

​

PABLITO : Simula ngayon, tutulungan kong magpakabuti ang tao. Lalabanan ko ang lahat ng gagawin mo para hindi sila mahulog sa iyong maitim na balak.

​

JUANITO : Ano?????

​

PABLITO : Sinabi ko na sa iyo. Mas enjoy ako kapag may kompetisyon. Hinahamon mo ako. Puwes! Gawin mo ang gusto mong gawin, pero pagbutihin mo, dahil ako ang makakalaban mo! Paalam!

​

JUANITO : Hintay!!!

​

  • (Dali-daling lalabas pakanan si PABLITO. Hahabulin siya ng tingin ni JUANITO, na pagkaraan ng ilang saglit ay lalabas namang pakaliwa.)

IKAAPAT NA YUGTO

​

​

TAGPO:

​

  • Gaya ng sa ikalawang yugto. Papasok si PABLITO, galing sa likod ng poste. Titingin sa paligid, ilalagpak ang isang pitakang punum-puno ng salapi, sa gawing gitna ng tanghalan. Titingin uli sa paligid, mapapansing pumapasok si MADEL, babalik at magtatago nguni’t sisilip-silip, sa likod ng poste. Makikita ni MADEL ang pitaka, dadamputin ito, sisilipin ang laman, at magugulat.

​

​

MADEL : Ang laking halaga nito! Kanino kaya ito? Hmm... Palagay ko’y alam ko na kung kanino ito!

​

  • (Titingin si MADEL sa paligid, dudukutin ang laman ng pitaka, bibilangin. Papasok si PABLITO, galing sa likod ng puno. Makikita siya ni MADEL.)

​

MADEL : (Sa sarili, habang dali-daling itinatago ang pitaka.) Sinasabi ko na nga ba!

​

PABLITO : Excuse me? Pwede bang magtanong?

​

MADEL : Pwede. Pero sayang lang ang tanong mo, dahil wala sa akin ang pitakang hinahanap mo.

​

PABLITO : Paano mo nalamang...?

​

MADEL : Di ba sinabi ko na sa iyong marami akong alam?

​

PABLITO : Oo, nasabi mo ngang minsan. Pero hindi lahat ng iyong nalalaman ay makabubuti para sa iyo. Sa katunayan, maaaring iyon pa ang magpahamak sa iyo.

​

MADEL : Ano’ng punto mo sa iyong sinabi? Bakit di mo pa ako diretsuhin?

​

PABLITO : Yung lihim na ipinagtapat ko sa iyo kahapon, hindi iyon nakabuti para sa iyo at para din sa maraming tao, sapagka’t hindi iyon ang buong katotohanan.

​

MADEL : Hindi buong katotohanan?

​

PABLITO : Hindi. Kulang ang iyong nalalaman tungkol sa bagay na iyon!

​

MADEL : Alin ang kulang doon? Ano ba talaga ang buong katotohanan?

​

PABLITO : Ang buong katotohanan – ang pansamantalang pagsususpindi ng mga kautusan hinggil sa kagandahang-asal ay isang paraan upang malaman ng Diyos kung sino sa mga tao ang tunay na nagmamahal at sumusunod sa Kanyang kalooban.

​

MADEL : Ganoon?

​

PABLITO : Ganoon yon. Pero hindi alam ng mga tao na ang lahat ay isang pagsubok tungkol sa kanilang katapatan sa Diyos, at ikaw mismo ang nakasaksi sa mga pangyayari. Lumabas ang tunay na kulay at lumantad ang totoong pag-uugali ng marami noong mabatid nila na wala ng batas na dapat sundin. Ang katulad nila’y mga batang masunurin na lumalabas lamang ang kapilyuhan kapag hindi nakatingin ang mga magulang. Ang sabi nga ng lumang kasabihan, kapag wala ang pusa, naglalaro ang mga daga! Ganyan ang inasal ng maraming tao kahapon, hindi ba?

​

MADEL : Eh, ganoon nga. Pero hindi ba’t iyon ay natural lamang. Human nature... Sapagka’t kami’y tao lamang, wika nga ng isang awit.

​

PABLITO : Natural na nga iyon sa tao. Pero nais ng Diyos na iangat ang tao sa mas mataas na antas ng kalikasan, upang hindi siya manatiling namumuhay bilang tao lamang kundi upang makihati sa buhay na maka-Diyos.

​

MADEL : Talaga? Hindi ko alam yon ah!

​

PABLITO : Sa simula’t simula pa’y nilikha na ng Diyos ang tao na kawangis Niya. Sa wakas ay plano ng Diyos na ang tao’y makasama Niya, makapiling niya sa Kanyang maluwalhating kaharian. Nguni’t kailangang patunayan ng tao na siya’y karapat-dapat sa langit na kanyang magiging bagong tirahan. Kailangang mamuhay siya nang naaayon sa kalooban ng Maykapal. At ngayong alam mo na ang bagay na ito, inaanyayahan ka ng Diyos na talikdan na ang iyong maling ugali at kumilos ka nang naaayon at nakalulugod sa Kanyang kalooban.

​

MADEL : Nguni’t anong maling ugali ang iyong sinasabi na dapat kong baguhin? Inaamin kong ako’y hindi relihiyosa at lalong hindi palasimba, pero wala akong nakikitang masama sa aking pag-uugali.

​

PABLITO : Ang iyong dila, Madel, ay masyadong makasalanan. Madalas kang nakapag-bibitiw ng salitang taliwas sa katotohanan, at kung magkatotoo man, kadalasan naman ay nakasasakit sa damdamin ng iyong kapwa. Baguhin mo na ang pagiging tsismosa at pagkadaldalera mo. Simula ngayon, sikapin mong gamitin ang iyong dila sa paraang magbibigay luwalhati sa Panginoon.

​

MADEL : Teka, teka, teka! Piraratangan mo ba akong sinungaling at naninira sa puri ng aking kapwa. Bawiin mo ang iyong sinabi, dahil kung hindi...

​

PABLITO : Madel, tandaan mo, bago tumilaok ang manok ay tatlong beses mong itatatuwa ang katotohanan. Paalam.

​

  • (Babalik si PABLITO sa likod ng puno.)

​

MADEL : (Sa sarili.) Ako, magsisinungaling? Never! Madaldal ako, totoo, pero NEVER na nagsabi ako ng hindi totoo, bah!

​

  • (Papasok ang isang batang babae.)

​

BATA #1 : Aling Madel! Andiyan lang pala kayo... Marami hong naghahanap sa inyo! At naku! Mukhang galit na galit ho sila sa inyo!

​

MADEL : Sino raw ang hinahanap?

​

BATA #1 : Kayo ho! Hindi ho ba kayo nga si Aling Madel?

​

MADEL : Aba naku, hindi! Nagkakamali ka, hindi ako si Madel. Baka nakamukha ko lang!

​

  • (Isa pang bata, lalaki naman, ang papasok.)

​

BATA #2 : Aling Madel, hinahanap kayo ng maraming tao, galit na galit!

​

MADEL : Hoy, bata! Nagkakamali ka, hindi ako si Madel, naintindihan mo?

​

BATA #1 AT #2 : Pero...

​

MADEL : Heh! Wala nang pero-pero! Basta!

​

  • (Papasok si CARLOTA. Ituturo si MADEL. Sisigaw ng malakas.)

​

CARLOTA : Mga kababayan! Nandito si Aling Madel!

​

MADEL : Hoy! Hindi ako si Madel! Hindi! Naiintindihan mo! Hindi!

​

  • (Papasok ang mga humahabol, lalaki at babae. Ang ilan sa kanila na mauuna kaysa iba ay titilaok na parang tandang! Magugulat si MADEL, mapapanganga at mandi-dilat ang mga mata.)

​

CARLITO : Habulin si Aling Madel!

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]  [7]  [8]  [9]  [10]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link