Apat-na-yugtong dula mula sa panulat ni
MGA TAUHAN
(Ayon sa papgpasok sa entablado)
San Pedro
Juanito Bonito
Ester Gonzales
Madel Madeldel
Cassandra
Kristina Lopez
Diego Macabago
Magno
Kulas
Padre Almario Moranaz
Auring
Concha
Tomas
Mario
Acting Mayor Acendero Acer
3 bodyguards
Pablito Nandito
Cesar
Domeng
4 kabataang babaeng addict
2 kabataang lalaking addict
Freddie
Toyang
Boboy
Ramona
Romano
Carlota
Carlito
Amanda
Amado
9 Lalaki at babaeng may boses-hayop
2 Bata
Lucio
Lucia
UNANG YUGTO
TAGPO:
SAN PEDRO : Naku, napagod yata ako nang husto sa katatakbo!
JUANITO : Eh, kasi naman, Manager. Sukat ba namang hanggang dito’y dinala mo pa iyang alaga mo.
SAN PEDRO : Balita ko kasi’y usung-uso ang derby sa lugar na ito.
JUANITO : Ano na nga bang lugar itong pinagdalhan mo sa akin?
SAN PEDRO : Ito ang Barangay San Isidro, at dito natin masusubok kung hanggang saan talaga ang galing mo. O ano, may tanong ka pa ba tungkol sa iyong assignment, Juanito?
JUANITO : Wala na.
SAN PEDRO : Good. Diyan ka na at aasikasuhin ko muna ang dapat kong asikasuhin.
MADEL : Magandang umaga, Ester.
ESTER : (Biglang bibitiwan ang bintana at sasara ang tindahan.) Kanina’y ganyan din ang akala ko.
MADEL : Akala mong ano?
ESTER : Na maganda nga ang umaga. Pero ngayong dumating ka na, pakiramdam ko ay biglang sumama ang panahon.
MADEL : Tila yata hindi maganda ang gising mo, Ester?
ESTER : Hindi kasi maganda ang pasok mo. Dalawa lang ang nakikita kong posibilidad: Uutang ka na naman sa tindahan ko, o may tsismis kang bago! Masyado pang napakaaga para diyan.
MADEL : Maling-mali ka ng iniisip, Ester. Napakamura naman ng pagkakilala mo sa akin.
ESTER : (Aangatin muli ang bintana ng tindahan.) Puwes, kung wala kang bagong tsismis at wala kang planong mangutang, eh ano ang dahilan at napakaaga mong napadpad rito?
MADEL : Meron lang akong ikukuwento sa iyo. Siguradong hindi mo pa alam ito. (Lalapit nang kaunti kay ESTER, itutuon ang isang kamay sa pasimano ng tindahan.) Pero atin-atin lang dalawa ito at huwag na huwag mong mababanggit sa iba, ha? Ah, teka... Mabuti pa’y bigyan mo muna ako ng isang lata ng sardinas at dalawang supot na monay. Idagdag mo na sa listahan ko. Magaling akong buena mano.
ESTER : (Mabibitiwan uli ang bintana ng tindahan. Maiipit ng kamay ni MADEL.) Sinasabi ko na nga ba!
MADEL : Aray ko! Bakit ka ganyan, Ester? Halatang halata na sinadya mong bitiwan ang bintana para masaktan ako. Bakit? Kostumer din naman ko, ah! Nakalimutan mo na bang “the customer is always right?” Bah!!! I can demand you, you know.
ESTER : Patawad, Madel. Huwag ka nang magdemanda. Pauutangin na kita. (Papasok sa loob ng tindahan at ibibigay ang binibili ni MADEL. Ililista.) Ang haba na nitong listahan ng utang mo, Madel. Kailan ka ba talaga magbabayad?
MADEL : Huwag muna nating pag-usapan ang utang, Ester. Pangit na paksa iyan sa isang magandang umagang kagaya nito. Marami namang ibang puwede tayong pag-usapan. Halimbawa. Nabalitaan mo na ba yung kumakalat na usap-usapan tungkol kay Padre Moranaz?
ESTER : Si Padre Almario Moranaz?
MADEL : Oo, si Padre AL MORANAZ. Aba, lumalabas na tila may katotohanan ang mga alingasngas tungkol sa Al Moranaz na yan, dahil siya ngayon ang madalas na laman ng mga umuusok na balitang kumakalat sa apat na sulok ng ating bayan.
ESTER : Kung ano man iyon ay siguradong mga hakahaka lamang at hindi dapat paniwalaan.
MADEL : Ano bang hakahaka ang sinasabi mo? Marami na ang nakakakita kay Padre Moranaz na nagmimisa sa simbahan.
ESTER : Natural. Trabaho niya iyon. At naroon din ang kanyang tirahan.
MADEL : Tama. Samantala, itong si Cassandra... Lantaran sa madla ang ginagawa niyang pagpunta sa simbahan, nagsisimba at nagnonobena tuwing Linggo!
ESTER : Ano naman ang masama roon? Kahit sino’y puwedeng gawin ang ginagawa ni Cassandra. Iyan ay isang gawaing banal at maka-Krist’yano.
MADEL : Pero hindi mo ba nakikita? Hindi mo ba nauunawaan ang kahulugan ng lahat ng ito? Si Padre Moranaz ay nagiging malapit kay Cassandra.
ESTER : Ipagpalagay na. Pero malapit din si Padre Moranaz kay Auring, kay Concha, kay Tomas, kay Mario at sa iba pang lay leaders na aktibo sa mga proyektong pamparokya. Wala akong nasisilip na kontrobersyal doon.
MADEL : Sila’y mga lay leaders. Si Cassandra ay iba.
ESTER : Para sa akin, parepareho lang silang tao. At si Padre Moranaz ay tao rin.
MADEL : Ah, basta! Para sa akin, ang gayong pagiging malapit ng isang pari sa isang babae, lalo na sa isang babaeng kagaya ni Cassandra, ay isang kasalanang walang kapatawaran.
ESTER : Kadalasan ang kasalanan ay nasa mata at dila ng taong malisyoso at mapanghusga sa kaniyang kapwa.
CASSANDRA : Magandang umaga ho, Aling Ester. Kumusta kayo, Aling Madel?
ESTER : Aba, Cassandra! Magandang umaga... Maaga yata ang alis mo? Saan ba ang lakad, iha?
MADEL : Hmp! Ang dapat na itanong mo, saan ka ba galing at inumaga ka yata? Hmp!
ESTER : Madel! Ano ka ba? Eh, Cassandra, pasensiya ka na kay Madel, ha? Mabiro talagang tao yan.
CASSANDRA : Ayos lang ho yon, Aling Ester. Matagal ko na hong kilala si Aling Madel kaya sanay na rin ako sa mga biro niya.
MADEL : Hmp! Ako rin, matagal ko nang bistado ang kalibre mo, kaya sanay na ako sa pag-alis mo nang gabi at pag-uwi nang wala sa oras. Hmp!
CASSANDRA : (Tatawa.) Si Aling Madel talaga. (Kay ESTER) Siya nga pala, Aling Ester, pagbilhan nga ho ninyo ako ng Marlboro. Isang kaha. Eto ho’ng bayad.
ESTER : (Kukunin ang Marlboro at iaabot kay CASSANDRA.) Naku, ang laki naman nito. Wala ka bang barya, Cassandra? Alam mo’y kabubukas ko pa lang ng tindahan kaya wala akong maisusukli.
CASSANDRA : Wala ho, eh. Hayaan na ninyo Aling Ester. Sa inyo na lang ang sukli. Malaki naman ang kinita ko, eh.
ESTER : Naku! Huwag naman, anak. Sobrang laki nitong Ninoy na bayad mo para sa isang kahang sigarilyo. Kung gusto mo’y dalhin mo na muna’t saka mo na lang bayaran.
CASSANDRA : (Tatawa.) Sige na ho, Aling Ester. Kunin n’yo na yan. Paano ho, maiwan ko na muna kayo.
ESTER : Pambihirang bata ire...
MADEL : Talagang pambihira! Mahirap na lang magsalita. Hindi ko kasi ugaling manghimasok sa buhay ng may buhay at humatol sa aking kapwa, kaya... Hmp! Mahirap na nga lang kasi talagang magsalita. Pero nakita mo na, Ester. Siguro’y naniniwala ka na ngayon sa sinabi ko sa iyo?
ESTER : Alin do’n? Ang dami mo nang nasabi mula pa kanina.
MADEL : Alin pa! Eh, di... na totoo ngang mahusay akong buena mano. Isipin mo, wala pang isang oras na nakabukas itong tindahan mo, kumita ka na agad ng P500.00? Kaya bigyan mo pa nga ako riyan ng isang boteng toyo...
KRISTINA : Magandang umaga po. Maaari po bang magtanong?
ESTER : Ano yon, ineng?
KRISTINA : Saan po ba rito ang bahay-paupahan ni... (Kukunin sa bulsa ang isang pirasong papel, babasahin ang nakasulat.) ... Ginoong Augusto Buenavente?
ESTER : Ah, eh... doon sa banda ro’n pa yon. Pero matagal nang sarado ng bahay na iyon at wala na rito ang may-ari. Nasa Amerika na.
KRISTINA : Gano’n po ba?
MADEL : Ganoon nga, iha. Sino ka ba? Tagasaan ka? Anong masamang hangin ang nagtulak sa iyo sa lugar na ito? At bakit mo hinahanap si Ka Augusto? May utang ba siya sa iyo?
ESTER : Rendahan mo naman kahit kaunti iyang dila mo, Madel! Hindi ka ba nahihiya dito sa...? Pasensiya ka na, ha ineng. Ano na nga pala ang pangalan mo?
MADEL : Hmp! Mabuti na yung diretsahan para maliwanag agad ang usapan sa simula pa lang. Hala, sige, magsalita ka, iha. A, teka muna. Bago ka bumanat ng salita, ako nga pala si Madel. MISS Madel Madeldel, tagariyan lang sa kabilang kanto. Ito naman si Ester. Sa kanya ang tindahang ito. At yamang naparito ka para humingi ng impormasyon ay inaasahan kong disente kang tao na hindi basta na lang aalis matapos mong makuha ang iyong gusto nang hindi man lamang bumibili ng kahit ano sa tindahang ito. Iyan ay tanda ng kahinaan ng karakter at kawalan ng kagandahang asal. Prangka ako kung magsalita at hindi ko ugali ang manghimasok sa buhay ng ibang tao. Ngayon, mabalik tayo sa iyo. Sino ka ba talaga at ano ang papel mo sa buhay? Hala, magsalita ka!
KRISTINA : Mabuti po at prangkahan kayo kung magsalita. Hindi kayo mahirap pakisamahan kung gayon.
MADEL : Hoy babae, huwag kang padalus-dalos sa iyong pagpapasya. Sinabi ko na sa iyong prangka ako kung magsalita, pero wala akong nakikitang dahilan para pakisamahan ka. Dayo ka lang dito at hanggang ngayon ay hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Sino ka bang talaga at ano ang raket mo at anong masamang hangin ang nagpapadpad sa iyo rito? Hala sige, dali, magsalita ka!
KRISTINA : Pasensiya na po kayo, Aling...
MADEL : Madel. Remember the name: Madel and no other. Sige, magsalita ka.
KRISTINA : Ako po si Kristina. Maria Kristina Lopez po ang buong pangalan ko, pero kahit Kristina lamang po ay okey na.
MADEL : Okey, Kristina kung Kristina. Wala tayong pagtatalunan diyan kaya hindi dapat na pahabain pa ang isyu. O, ngayon...?
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.