MAGNO : (Hihimasin ang leeg at lulunok.) Nakakauhaw naman pala ang balitang iyan.
DIEGO : Oo nga! Tuyung-tuyo na rin ang balumbalunan ko. Nashaan na ba si Aling Eshter?
MADEL : Para ano pa? Ang magagawa ni Ester ay kaya ko ring gawin. Sandali at kukunin ko ang inyong mga pamatid-uhaw.
DIEGO : Pero nakakahiya naman sha inyo, Aling Madel. Alam namin na kayo ay abalang tao.
MADEL : Alam mo, gaano man kaabala ang isang tao ay hindi siya dapat mawalan ng kahit kaunting panahon para sa mabigat na pangangailangan ng kanyang kapwa. Sandali lang. (Papasok sa tindahan at ilalabas ang order ng tatlo.)
KULAS : Talagang prangka itong si Aling Madel.
MAGNO : Kulang na lang kay Aling Madel ay sabitan ng medalya.
ESTER : Ano bang medalya?
DIEGO : Medalya ng pagiging tsish...prangka. Aling Eshter, magandang umaga!
ESTER : Magandang umaga, Diego. Napakaaga naman yata ang happy hour natin ngayon?
MADEL : Hindi napakaaga, Ester. Napakahaba. Bago dumating rito ang mga yan ay full tank na.
KULAS : Naglilibang lang ho ng konti, Aling Ester... (Mapapalingon) Gaya ni Padre Moranaz.
ESTER : (Hindi pansin ang dumarating.) Paano nadamay sa usapan si Padre Moranaz?
MAGNO : Si Padre Moranaz ay... dumarating, Aling Ester. (Tatayo.) Magandang umaga ho, Father.
ESTER : Aba, Father! Magandang umaga ho!
MADEL : Hmp!
MORANAZ : Magandang umaga, mga anak. Tamang-tama at naririto kayo. Hindi na namin kayo kailangang puntahang isa-isa sa inyu-inyong bahay.
ESTER : Ano po ba’ng sadya, Father?
MORANAZ : Ang ating parokya ay maglulunsad ng isang Bible Study. Sa bahay nina Sister Concha gaganapin ang unang pagtitipon, mamayang alas-nuwebe nang umaga. Ibig sana naming anyayahan kayong dumalo.
MADEL : Bible Study. Hmp!
DIEGO : Mawalang-galang na, Padre. Ano ba yang tinatawag ninyong “Bible Sshhtudy” at ano ang kabuluhan niyan sha aming buhay? Nakakain ba yan? O mash importante, naiinom ba yan?
MORANAZ : Alam mo, Anak, ang Bible Study ay isang pag-aral sa banal na Salita ng Diyos.
DIEGO : Teka muna. Paano ninyo ako naging anak? Kayo ba ang aking ama?
MORANAZ : Ang mabuti siguro’y sa ibang araw tayo mag-usap, Diego. Kapag hindi ka nakainom, saka ko sasagutin lahat ang mga tanong mo. Bueno, kami’y hindi na magtatagal. Aasahan namin ang inyong pagdalo sa sama-samang pag-aaral sa Salita ng Diyos, kung hindi man mamaya ay kahit na sa ibang pagkakataong darating. Paalam na, mga anak.
DIEGO : (Titindig.) Teka muna, Padre. Huwag kayong bastosh na bashta na lang tatalikod kapag kinakaushap kayo. Itinuturo ho ba sha bibliya ang kabashtusan sa pakikipag-ushap sa kapwa?
TOMAS : Father, tayo na po. Huwag po ninyong pansinin si Diego. Lasing lang po iyan kaya ganyan.
DIEGO : Hoy, Tomash! Hindi ako lashing! Ang hirap sha inyong mga taong banal, sha mga kapwa banal lamang kayo marunong makipag-ushap nang matino. Bakit? Wala na ba akong karapatang matuto tungkol sha aral ng Diyosh? Nagtatanong ako nang maayosh kay Padre Moranazh tungkol sha kabuluhan ng “bible shhtudy”, pagkataposh, tatalikuran ako. Bakit? Hindi ba ninyo alam ang ishashagot sha tanong ko?
MORANAZ : Hindi naman sa gayon, Diego. Kaya lang...
MARIO : Padre, tayo na. Sobra na ang pambabastos na ginagawa sa inyo ng lasenggerong iyan.
DIEGO : Hoy, Mario! Huwag mo akong matawag-tawag na lashenggero dahil hindi ikaw ang gumagastos sa iniinom ko! May trabaho ako at marunong akong magbanat ng buto, hindi katulad mo na kaya laging may panahon sha shhhimbahan ay dahil ang ashawa mo at maliliit pang mga anak mo ang kumakayod sa inyo para hindi magutom ang pamilya mo!
MARIO : Hindi totoo yan! Bawiin mo ang sinabi mo. (Akmang susugurin si DIEGO, aawatin ng mga kasamahan.)
DIEGO : Anong hindi totoo? Ayan shi Aling Madel. Shiya ang aking teshtigo. Shiya rin ang nagkukuwentong madalash tungkol sa misherableng buhay ng pamilya mo habang ikaw ay maghapong nagshashakripisyo para maipangaral ang ebanghelyo ng kaligtashan sha ibang tao. Bakit hindi mo itanong kay Aling Madel? Hindi ka niyan tatalikuran di kagaya ni Father. Prangkahan niyang shasagutin ang tanong mo.
MADEL : Aba, Tomas, hindi ko ugali ang manghimasok sa buhay ng ibang tao. Lasing lang yang si Diego kaya nakapagsasalita ng ganyan.
DIEGO : Hoy! Isha ka pa palang bashtos kausap, Aling Madel. Dapat ka ngang puluputan ng medalya sha leeg para matahimik nang tuluyan ang iyong bibig! Pero hindi na ako nagtataka. Anong shabi ni Aposhtol Shantiago, Padre, tungkol sa dila ng tao? Bakit ayaw ninyong shagutin ang tanong ko? Gushto ninyong mag-“Bible Shtudy”, eto na ang “Bible Shtudy.” Akina yang Bibliya, Aling Auring. (Hahablutin ang bibliya, ibibigay kay KULAS.) Shige, Kulas, bashahin mo ang shinashabi ni Aposhtol Shantiago tungkol sa dila ng tao. Aling Madel Madeldel, makinig kayong mabuti.
KULAS : Diego, hindi ako marunong gumamit nito. Alam mo namang alak ang kinalakihan kong relihiyon.
DIEGO : Isha ka pang dapat mahiya sha sharili mo, Kulash. Hindi mo ba alam na ang pangalan mong Kulash ay pangalan din ng isa sha mga manunulat ng Bagong Tipan sha Bibliya, binaligtad lamang ang ishpeling? Akina nga iyan! (Kukunin ang Bibliya, bubuklatin sa sulat ni Santiago.) Eto, Shulat ni Shantiago Aposhtol, kapitulo tresh, bershikulo uno hanggang doshe. (Ibabalik kay KULAS ang Bibliya.) Shige, Kulas. Bashahin mo para kay Aling Madel. Kayo din (ituturo ang mga kasamahan ng pari), lalo na kayong mga mahihilig mangaral sa inyong kapwa, makinig din kayo. (Uupo at iinom ng alak sa baso.)
KULAS : (Tatayo at babasahin nang medyo nangangapa sa letra, halatang hindi sanay magbasa ng Bibliya.) “Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo yamang alam ninyo na tayong nagtuturo ay hahatulan nang mahigpit kaysa iba. Tayong lahat ay malimit magkamali. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap, at marunong magpigil sa sarili.”
DIEGO : (Titindig, itataas ang baso.) Ehymen? (Sisikuhin si MAGNO na nasa aktong umiinom.)
MAGNO : Ehymen!
KULAS : “Kapag nilagyan ng bokado ang bibig ng kabayo, ito’y napasusunod at napapupunta saan man natin ibig. Gayon din ang barko. Bagama’t ito’y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman ibigin ng piloto. Ganyan din ang dila ng tao. Kay liit-liit na bahagi ng katawan nguni’t malaki ang nalilikhang kayabangan.”
DIEGO : Ehymen?
MAGNO : Ehymen!
KULAS : “Isipin na lamang ninyo! Napalalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. Ang dila ay isa ngang apoy, isang daigdig ng kasamaang nakakahawa sa ating buong katawan. Mula sa impyerno ang apoy na ito at pinapag-aapoy ang lahat sa buhay ng tao. Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad o gumagapang o nakatira sa tubig ay kayang supilin at talagang nasusupil ng tao. Nguni’t walang makasupil sa dila. Ito’y napakasama at walang tigil, puno ng kamandag na nakamamatay. Ito ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa pag-alimura sa tao na nilalang na kalarawan ng Diyos.”
DIEGO : Ehymen?
MAGNO : Ehymen!
MORANAZ : Napakagandang mensahe, Diego. Bueno, kami’y hindi na magtatagal. Marami pa kaming dapat na puntahan.
DIEGO : Teka muna, Father! Bakit ba parang iwash na iwash kayo sha akin? Dahil ba sha ako ay mashama hindi kagaya ng mga taong banal na kashama ninyo kaya iniiwashan ninyong makipag-ushap nang matagal sha akin? Ang tao bang mashama na katulad ko ay hindi mahal ng Diyosh?
MORANAZ : Mahal ka ng Diyos, Diego. Lahat tayo, ano man ang ating katatayuan sa buhay, ay pantay-pantay sa mata ng Diyos. Mahal Niya tayong lahat.
CONCHA : Oo nga, Diego. “Gayon na lamang ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Iyan ang nasusulat sa John 3:16.
DIEGO : Ehymen, Aling Concha. Ehymen! (Kay MAGNO) Ehymen?
MAGNO : Ehymen!
DIEGO : Nakita na ninyo, Father. Dito pa lang ay puwede na tayong mag-“bible shhhtudy.” Mahal ako ng Diyosh. Mahal tayo ng Diyosh. Ehhhyyymen! Ehymenom muna tayo. Aling Eshter, isa pa nga hong lapad.
MORANAZ : Diego, iho, tama na yang pag-inom. May bukas pa naman. Meron pang makalawa. Huwag mong lunurin sa alak ang iyong sarili sa iisang araw. Ang labis na pag-inom ay masama sa katawan ng tao.
TOMAS : Ang katawan ng tao ay siyang templo ng Espiritu Santo, kaya hindi ito dapat na inaabuso.
CONCHA : At saka sinasabi sa Bibliya, sa aklat ng Mga Kawikaan: “Ang alak ay palalo. Ang inuming matapang ay magulo. Sino mang mahilig sa mga ito ay hindi marunong.”
DIEGO : Tama kayo. Tama kayong lahat. Ako ang mali. Ako ang hindi marunong, kaya ako ang makashalanan. Pero mahal ako ng Diyosh. Kayo ang mga mabubuti, ang mga banal, at mahal din kayo ng Diyosh. Pero ako’y totoong makashalanan, Padre. Inaamin ko na ako’y isang makashalanan, at hindi ko itinatago ang katotohanan tungkol sha aking sharili. Eh kayo (ituturo ang mga kaharap, simula sa pari), kayo, kayo, kayo... genuine nga ba iyang idinidishpley ninyong kabaitan, o iyan ba’y palabash lamang para kayo’y mapuri at hindi mapulaan ng inyong mapanghushgang kapwa tao? Ehymen? Ehymenon muna tayo! Aling Ester, isha pa nga!
ACERO : Mga kabayan, mukhang nagkakasayahan yata tayo, ah. Father, magandang umaga sa inyo.
MORANAZ : Magandang umaga, Meyor.
ESTER : Meyor, magandang umaga po. Napasyal kayo?
ACERO : Alam n’yo na, Aling Ester, maaga pa’y kumikilos na ang mga kalaban ko sa politika, kaya ako naman po ay gayon na rin. Umaasa akong sa darating na halalan ay muli ninyong tatangkilikin ang inyong abang lingkod para sa magandang hinaharap at patuloy na pag-unlad ng ating bayan. (Makikipagkamay.)
DIEGO : (Itataas ang baso, at gayon din ang gagawin nina MAGNO at KULAS.) Ehymen, Mayor! Ehymenom muna tayo!
ACERO : Salamat, Diego. (Makikipagtagayan siya sa mga nag-iinuman.) O kayo, bakit kahit softdrinks ay wala kayong iniinom? Aling Ester, pakibigyan nga ho ninyo sila ng pamatid-uhaw. Ipaglabas na rin ho ninyo sila ng mamemeryenda. Father, mga kasama... halina muna kayo at samahan ninyo kaming magpalamig.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.