PIRMA

Apat-na-yugtong dula mula sa panulat ni

Rafael A. Pulmano

​

Karugtong ng Dula – Pahina 8

KB #3 : Ang pera, Aling Ester. Ilabas n’yo na, dali! Kung ayaw ninyong magkagripo sa leeg!

​

ESTER : Huwag! Utang na loob! Kabubukas ko pa lamang ng tindahan. Wala pang isang libo ang benta ko. Sige, kunin na ninyong lahat ang laman ng kaha, huwag lamang ninyo akong sasaktan!

​

  • (Papasok sina KL 1 at KL 2 sa loob ng tindahan at kukunin ang laman ng kaha. Lalabas para ibigay sa mga kasama.)

​

KL #1 : Ayos, pwede mo nang bitiwan si Aling Ester.

​

KL #2 : May pambili na tayo ng droga.

​

  • (Pakakawalan si ESTER. Habang binibilang ng mga kabataang durugista ang pera, hahaplusin ni ESTER ang leeg.)

​

ESTER : Pambihira ka naman, Ka Domeng. Naturingan kang Tanod ng barangay, bakit hindi mo ako tinulungan? Nakatanga ka lamang riyan at nanonood habang halos patayin na ako ng mga durugistang iyon.

​

DOMENG : Wala tayong magagawa, Aling Ester. Hindi naman masama ang ginagawa ng mga batang iyan eh.

​

ESTER : Ano bang hindi, eh mga ke-babata pa’y lulong na sila sa droga at ngayon ay mga kriminal pa! Hindi pa ba masama para sa iyo ang mga iyon?

​

DOMENG : Hindi, dahil ngayon, wala nang masama at wala nang bawal. Ang lahat ay puwede na. Sandali lang ho, Aling Ester.

​

  • (Sa harap mismo ng tindahan ay doon magbebentahan ng bawal na gamot sina DOMENG at mga kabataan. Lalabas ang mga kabataan.)

​

ESTER : Ano yan? Ang ibig ba nitong sabihin, kayo pang opisyal ng barangay ang nagsusuplay ng droga sa mga kabataang iyon?

​

DOMENG : Oh, eh ano? Sinabi ko na naman sa inyo na wala nang bawal-bawal ngayon. Ang lahat ay puwede na!

​

  • (Makakarinig ng malakas na tili ng isang babae, pagkatapos ay tatakbong palabas ng bahay si KRISTINA, nakatapi, may sira ang damit.)

​

KRISTINA : Aling Ester, tulungan ninyo ako! May lalaking nakapasok sa loob ng bahay! Tulungan ninyo ako!

​

  • (Yayakapin ni ESTER si KRISTINA.)

​

ESTER : Susmaryosep! Ano ba itong nangyayari sa atin? Ka Domeng, kumilos ka riyan at tulungan mo naman kami!

​

DOMENG : Huwag kayong mag-alala, Aling Ester. Ako’ng bahala.

​

  • (Papasok, mula sa bahay, si FREDDIE, tatakbo patungo sa gitna ng stage, aktong tatakas.)

​

DOMENG : Hoy! Saan ka pupunta? Taas ang kamay!

​

  • (Magpapaputok si DOMENG ng baril paitaas. Titigil si FREDDIE, itataas ang kamay. Lalapit si DOMENG, itututok ang baril kay FREDDIE.)

 

FREDDIE : Huwag po! Wala po akong kasalanan! Para n’yo nang awa!

​

  • (Babarilin ni DOMENG si FREDDIE. Bubulagta si FREDDIE. Patay.)

​

ESTER : Ka Domeng! Bakit mo binaril?

​

DOMENG : Nanlaban kasi, eh. Isa pa, ang ganitong klaseng tao ay dapat lamang na mamatay.

​

ESTER : Suko na ah? At saka, hindi ba ang dapat ay dakpin lamang siya at ikulong, pagkatapos ay litisin sa korte?

​

DOMENG : Para ano pa?

​

ESTER : Bawat akusado’y may karapatang ipagpalagay na inosente hangga’t hindi napatutunayang nagkasala. Kung sakaling mapatunayang nagkasala ay saka lamang dapat patawan ng parusa. Pero ang iyong ginawa ay sabay na ang paghatol at pagparusa!

​

DOMENG : Kow! Ganon din yon, Aling Ester. Isa pa, kahit ano ay puwede ko nang gawin ngayon. Teka, Aling Ester, kung may pinagbasyuhan kayong kahon ng sigarilyo ay akin na lang. At pahiram na rin ng pentel pen ninyo.

​

ESTER : (Ibibigay ang basyong kahon at pentle pen kay Domeng.) Aanhin mo ito?

​

DOMENG : Igagawa ko ng karatula: “DRUG PUSHER. HUWAG PARISAN.” Diyan na muna kayo at itatapon ko sa tambakan ang basurang ito!

​

ESTER : Susmaryosep! Ano ba’ng nangyayari sa mundo at ang lahat ay pwede na kahit hindi pwede. Halika na Iha, sa loob ng bahay, at mag-ayos ka ng sarili. Huwag ka nang mag-alala at ligtas ka na.

​

KRISTINA : Aling Ester, dito na muna ako sa tindahan. Natatakot ho akong mag-isa roon sa loob ng bahay.

​

ESTER : O sige, iha. Kung yan ang gusto mo. Doon ka sa loob ng tindahan at magpahinga ka muna.

​

  • (Aakayin ni ESTER si KRISTINA sa loob ng tindahan. Darating si TOYANG, kasama ang anak na si BOBOY.)

​

TOYANG : (Galit) Aling Ester! Nakita ba ninyo si Madel?

​

ESTER : Aba, Toyang! Bakit mo hinahanap si Madel? Ano’ng nangyari?

​

TOYANG  : Itong si Boboy na kaisaisa kong anak, binaboy ng walanghiyang Madel na yan!

​

ESTER : Paanong binaboy, Toyang? Bakit, ano ba talaga ang ginawa ni Madel kay Boboy?

​

TOYANG : Hala, Boboy, magsalita ka! Ipaliwanag mo kay Ester kung anong kababuyan ang ginawa sa iyo ni Madel.

​

  • (Magsasalita si BOBOY - salitang baboy!)

​

ESTER : Ha? Anong salita yan?

​

TOYANG : Ano pa, salitang-baboy! At si Madel ang may kagagawan ng lahat! Humanda sa akin ang Madel na iyan!

​

ESTER : Teka, paano mo nasabi na si Madel ang may kagagawan nito?

​

TOYANG : Bakit di mo itanong kay Boboy?

​

ESTER : Boboy, si Madel nga ba ang may kagagawan nito?

​

  • (Uungol si Boboy – ungol baboy! Papasok si MADEL, lasing pa rin.)

​

TOYANG : Nakita mo na. Asa’n na nga ba’ng Madel na yan!

​

MADEL : Eto ako, Toyang!

​

  • (Magre-react si BOBOY nang makita si MADEL sa pamamagitan ng pag-ungol baboy.)

​

TOYANG : Madel! Ano’ng ginawa mo sa anak ko? Bakit mo siya ginawang baboy?

​

MADEL : Paano, tinawag niya akong shinungaling! Shinabi ko nang pwede na niyang gawin ang kahit anong gusto niyang gawin dahil wala nang bisha ang mga utosh at batash sa tao, ayaw niyang maniwala, at shinabi pang shinungaling ako. Pwesh, para maniwala shiya na totoo ang shinashabi ko, boom! Ginawa kong baboy ang shalita niya.

​

TOYANG : At bakit? Saan mo naman nakuha ang kasinungalingang iyan at kung kani-kanino mo pa itsinitsismis?

​

MADEL : Ah-ah...! Isha ka pa, Toyang. Huwag mong shashabihing kasinungalingan ang shinashabi ko dahil baka palitan ko rin ang tabas ng dila mo! Bawiin mo ang shinabi mo, kung hindi...

​

TOYANG : Hindi ko babawiin ang sinabi ko dahil totoo namang napakasinungaling mo! Kahit kailan ay wala kang...

​

  • (Mandidilat ang mata ni MADEL at ibibuka ang dalawang kamay sa mukha ni TOYANG.)

​

MADEL : Boom!

​

TOYANG : Ang dila ko...! Ang dila...aakkk! (Hawak ang leeg, magsisisigaw si Toyang, sigaw-kambing!) Meeeeeeehhh!

​

ESTER : Toyang! Ano’ng nangyari? Magsalita ka!

​

TOYANG : Meeeeeeehhh! (Sasabayan ni BOBOY ng iyak ng baboy.)

​

ESTER : Madel? Ano’ng ginawa mo? Totoo ba ito? Bakit? Paano?

​

MADEL : Shinashabi ko na sha inyo, ayaw pa kayong maniwala. Hindi ako shinungaling! Shinashabi ko lamang ang aking nalalaman, pero ayaw ninyo akong pakinggan! O ngayon, ayaw pa rin ba ninyong maniwala sha akin?

​

TOYANG : Meeeeeeehhh! (Sasabayan ni  BOBOY ng iyak ng baboy.)

​

  • (Papasok ang iba pang tao, lalaki at babae. Ang iba ay sumisigaw, pero boses-hayop – iba’t ibang klase ng hayop! Ang iba ay boses-tao pa rin.)

​

RAMONA : Hayun si Madel! (Sisigaw rin ang mga may boses-hayop.)

​

ROMANO : Kunin si Aling Madel at gulpihin! (Sisigaw rin ang mga may boses-hayop.)

​

RAMONA : Bugbugin! (Sisigaw rin ang mga may boses-hayop.)

​

MADEL : (Mandidilat ang mga mata, ibubuka ang dalawang kamay.) Boom!

​

  • (Hahawakan ng iba ang kanilang leeg, magsisimulang sumigaw rin sa wikang hayop! Hahabulin nila si Madel, maingay ang lahat, pawang boses-hayop! Eeksit silang lahat sa entablado.)

​

IKATLONG YUGTO

​

​

TAGPO:

​

  • Gaya ng sa unang yugto, gabi. Sarado na ang tindahan ni ESTER. Tanging ang ilaw sa poste ang nagbibigay ng liwanag sa kapaligiran. Unang papasok si Pablito, kasunod si Juanito. Papasok pa lamang ay nag-uusap na ang dalawa.

​

​

JUANITO : Niloko mo ako, Pablito! Marahil ay masaya ka na ngayon, dahil maraming buhay ang nabulabog mo!

​

PABLITO : Hindi kita niloko, Juanito. Trabaho lamang ang ginawa ko, walang personalan. Kaibigan mo pa rin ako.

​

JUANITO : Kaibigan! Sinira mo ang plano ko!

​

PABLITO : Hindi, Juanito. Hindi ko sinira ang iyong plano. Tinulungan pa nga kita. Hindi mo ba nakita ang resulta? Lumantad ang tunay na asal ng mga tao noong malaman nilang libre na nilang magagawa ang anuman maibigan nilang gawin. Kailangang matutuhan mong harapin ang katotohanan, Jaunito. Ang tao’y masama, at kung nagpapakita man siya ng kabutihang-asal ito’y pakitang-tao lamang, sapagka’t sa kanyang kaloob-looban ay naghahari ang iba’t ibang uri ng pagnanasa na ang tanging nakapipigil ay ang malalim na paniniwala sa isang Diyos na hahatol sa kanya sa huling panahon, at ang hiya sa kapwa-taong nag-aasal Diyos dahil sa kanilang hilig na maging tagapaghatol sa kasalukuyang panahon.

​

JUANITO : Dati akong tao, at alam kong walang katotohanan ang iyong sinasabi. Maging ang pinakamasamang nilalang ay may bukal na kabutihan sa kanyang puso, sapagka’t sa kanyang puso ipinunla ng Diyos ang binhi ng Kanyang dakilang pag-ibig, katarungan at awa. Ang tao’y hindi likas na masama, at ayaw niyang maging masama. Tinatalo lamang siya kung minsan ng tukso, nguni’t sa kabila nito ay nagsisikap pa rin siyang magpakabuti.

​

PABLITO : Well, hindi mo dapat kalimutan, Juanito, na dati rin akong tao, at dati rin akong naniniwala sa sinasabi mo. Pero madali akong magapi ng tukso, kaya nang lumaon ay kinalimutan ko na ang ganyang paniniwala sapagka’t nakita kong ako’y mahina at ang aking buhay ay patuloy na magiging miserable habang patuloy kong nilalabanan ang tukso gayong alam na alam kong sa bandang huli ay magagapi rin naman ako. Noon lamang tanggapin ko ang katotohanang ako’y masama at hindi ko dapat pigilin ang sarili ko sa paggawa ng masama, saka lamang natahimik ang aking budhi at naging kontento ako sa aking buhay. Kung ayaw mong tanggapin ang aking paliwanag, puwes, tingnan mo na lang ang nangyari kina Fr. Moranaz, Mang Tomas, Aling Conching, Meyor Acero. Noong una’y nagpipigil na ilantad ang tunay na kulay ng kani-kanilang pagkatao dahil sa takot sa hatol ng Diyos at sa sasasabihin ng kanilang kapwa-tao. Pero ang tao’y hindi maaaring mabuhay nang masaya sa likod ng patuloy na pagkukunwari. 

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]  [7]  [8]  [9]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link