JUANITO : (Bubuklatin ang mga pahina ng munting kuwaderno na waring binabasa nang mabilis ang mga naisulat mula kanina. Magkakamot ng tuktok.) Hmm. Paano kaya ang magandang gawin dito? Medyo mahihirapan ako sa aking assignment. (Tsetsekan ang nakasulat sa kwaderno.) Diego Macabago... Hmm...
PABLITO : Diego Macabago... Hmm... (May pipindutin sa laptop computer.) Isinilang sa Rosario, Cavite, 38 taong gulang; walong magkakapatid sa pamilya; nagtapos sa elementarya sa San Roque Catholic School; naulila sa ama sa idad na labingtatlo; natigil sa pag-aaral; nagsi-mulang maghanapbuhay bilang limpia de bota upang matulungan ang ina sa pagpapalaki ng mga kapatid; lumipat ang pamilya sa isang liblib na pook sa Sorsogon; anim at kalahating taong nanirahan sa piling ng tiyuhin sa Leyte; Mahigit na ngayong sampung taong nakatira sa San Isidro; binata; kargador sa palengke ...
JUANITO : Wow! Reporter siguro ang taong ito. Kararating pa lamang ay kaydami nang naisulat tungkol sa pari!
PABLITO : Hindi ako reporter, at hindi ako nagsulat ng anuman tungkol sa pari. Binasa ko lang itong nasa database ng aking laptop.
JUANITO : (Lilingon at titingin sa paligid.) Aba, sino kaya ang kinakausap niya, ay ako lang naman ang malapit sa kanyang puwesto?
PABLITO : Sino pa nga ba sa palagay mo? Eh di, ikaw.
JUANITO : Ako?
PABLITO : Oo, ikaw nga.
JUANITO : (Magkakamot ng tuktok, sasapuhin ang dibdib.) Naku po, nalintikan na! Lagot ako nito kay Manager Peter!
PABLITO : Bakit lagot? At sino si Manager Peter?
JUANITO : Si San Pedro. Pinababa niya ako rito para sa isang special assignment. Kailangan kong mahikayat ang mga tao upang magsisi at talikuran ang kasamaan at magbalik-loob sa Diyos. Pero mahigpit ang utos niya sa akin na hindi ako maaaring makipag-usap nang diretsahan at di rin puwedeng magpakita sa sinumang tao dito sa lupa.
PABLITO : Ganoon ba?
JUANITO : Ganoon nga. Pero ngayong kausap kita, at nakikita mo pa... naku! Patay ako kay Manager Peter pag nagkataon!
PABLITO : Hmm... Bawal pala sa iyo ang diretsang makipag-ugnayan sa mga tao, ha?
JUANITO : Ganoon ang kondisyon bago ako pinayagang makabalik dito.
PABLITO : Makabalik dito? Ibig mong sabihin, dati ka nang galing rito?
JUANITO : Katulad rin ninyo ako dati. Isang tao. Pero nang tawagin ako sa aking huling hantungan at marebisa ang transcript of records ko, incomplete daw ang grades ko sa kagandahang-asal, pero hindi rin daw naman sapat ang bilang ng mga back subjects ko para magdusa sa impyerno. Sa maikling salita, sa purgatoryo ako humantong kung saan kailangan kong makumpleto ang aking mga deficiencies. Ang aking sintensya ay 15,000 calendar years. Kamakailan ay nagkaroon ng special offer sa purgatoryo. Mapapaikli raw ang pagtigil roon ng sino mang tatanggap ng special assignment na babalik sa mundo upang tumulong sa inilunsad na campaign ni San Pedro. Ang tawag dito ay PIRMA.
PABLITO : PIRMA?
JUANITO : Oo. Peter’s Initiative to Reform Mankind, Ah! PIRMA for short. Nalalapit na naman ang eleksyon sa langit, at mukhang walang balak si Manager Peter na umalis sa puwesto bilang tagapag-ingat ng susi sa pinto ng maluwalhating kaharian. Kaya naisipan niyang ilunsad ang Peter’s Initiative to Reform Mankind, Ah! Isa ako sa mga first batch of volunteers ng kilusang PIRMA. Dito ako nadestino. Kailangan kong mapagbago ang tao, at mahikayat silang magbalik-loob sa Diyos. Pero yun nga! May ilang kondisyones, kagaya ng –– di ako puwedeng makipag-usap o magpakita sa sino mang tao. First day ko pa lang sa trabaho, palpak na kaagad, dahil may kausap na akong tao.
PABLITO : Pero hindi ako tao.
JUANITO : Hindi ka tao?
PABLITO : Dati, oo. Pero ngayon, kaluluwa na rin ako na katulad mo. Galing rin ako sa sinasabing mong purgatoryo.
JUANITO : Pero bakit ngayon lang yata kita nakita? Halos lahat ng bilyun-bilyong kaluluwa sa purgatoryo ay kakilala ko na sa tagal ng ibinakasyon ko roon.
PABLITO : Kamamatay ko pa lamang kanina. Diretso agad ako sa impyerno. Kaso, pagdating doon, noong sinusukatan na nila ako ng uniporme...
JUANITO : Uniporme?
PABLITO : Yung buntot at sungay saka itim na pakpak at pangil... Walang magkasyang uniporme sa akin. Hindi pa raw ganap ang aking kasamaan, kaya ni-reject nila ako sa impyerno at ipina-transfer sa purgatoryo.
JUANITO : Ni-reject?
PABLITO : Oo. Masyado na raw overcrowded ang impyerno kaya tinaasan nila nang husto ang kanilang pamantayan roon, at hindi na sila basta-basta tumatanggap ng kahit na lang kung sino. Ang pinapapasok na lamang nila sa impyerno ay yung mga talagang sagad sa buto ang kabuktutan.
JUANITO : Samakatuwid pala’y sa purgatoryo ka rin galing. Ilang taon ng sintensya mo?
PABLITO : Ang sabi sa akin ay isang daang milenyum ang itatagal ko roon, dahil mas marami akong nagawang kasamaan kaysa kabutihan noong ako’y nabubuhay.
JUANITO : Isang daang milenyum!
PABLITO : Oo. Bale 100,000 years. Kapag nakumpleto ko ito, makakapasok na rin ako sa langit. Pero ang sabi sa akin doon, kung gusto ko nga raw mapadali ang pagpasok sa langit, mag-volunteer daw ako sa... ano na nga yong sabi mo kanina?
JUANITO : PIRMA.
PABLITO : Yon. Bago pa lang kasi ako kaya hindi ko pa kabisado, eh. Pero bago ako napunta sa purgatoryo, itinanong ko sa front desk officer ng impyerno kung may pag-asa pa akong makabalik roon sakaling mapunta ako sa purgatoryo.
JUANITO : Babalik ka sa impyerno? Ayaw mo sa langit?
PABLITO : Wala akong gaanong alam na gawain tungkol sa langit. Baka hindi rin ako mag-enjoy doon. Kahit papaano, sa impyerno, siguradong mas marami ako roong kakilala. Mga bigatin pa – mga presidente, senador, kongresista, artista, may mga obispo at pastor pa! Hindi ako mahihirapang makisama.
JUANITO : Anong sabi sa iyo?
PABLITO : Sabi nung front desk officer, kung maglalagay raw ako, baka sakaling “maareglo” niya ang mga papeles ko at mapalabas na notoryus akong kriminal na dapat sentensyahan sa impyerno. Pero sabi ko, wala akong panlagay.
JUANITO : Anong panlagay?
PABLITO : Shabu-shabu.
JUANITO : Shabu?
PABLITO : Hindi shabu... Shabu-shabu. Ayon sa front desk officer sa impyerno ay paborito niya ang mga Japanese food, lalo na nga raw ang shabu-shabu, tempura, yakitori, sushi...
JUANITO : Tama na, ginugutom ako! Ano’ng nangyari?
PABLITO : Ang sabi ko’y hindi ako nakapagbaon ng panlagay dahil aksidente ang aking pagkamatay, isang aksidenteng hindi inaasahan kaya hindi ko napaghandaan. Pero nangako ako sa kanya na kung tutulungan niya akong makabalik sa impyerno ay hindi ko lamang siya dadalhan ng mga masasarap na Japanese food, magsasama pa ikako sa impyerno ng magaling na Japanese cook.
JUANITO : Pumayag ba siya?
PABLITO : Well, ang sabi niya sa akin, kung talaga raw na interisado akong makapasok sa impyerno, kailangan ko pa ring magpunta muna sa purgatoryo, magpa-register sa PIRMA at humingi ng assignment para makabalik sa lupa. Pag nakabalik na ako sa lupa, siya na raw ang bahala. Sinunod ko ang kanyang bilin. At kagaya mo, dito rin ako napadestino. At alam mo ba? Pagdating ko rito kanina, may nag-aabang na sa akin, isang messenger mula sa impyerno. Binigyan niya ako ng isang laptop –– eto yon –– at mga instruksyon tungkol sa aking misyon.
JUANITO : Talaga?
PABLITO : Oo! At di lang yan. Binigyan pa rin ako ng kaunting kapangyarihan, konting black magic para magamit ko sa pagtukso sa mga tao upang gawin silang masasama, mga sagad sa buto ang kasamaan. Nasa database ng komputer na ito ang lahat ng impormasyong kakailanganin ko tungkol sa mga taong naninirahan dito. Tulad kanina, halimbawa, pagkatapos kong i-type ang pangalan ni Diego Macabago at pindutin ang Enter, nalaman ko mula sa komputer na ito ang tungkol sa kanyang buong buhay at pagkatao. Mabilis, one click lang, ayos na.
JUANITO : Ganoon pala! Akala ko pa naman kanina ay isa kang manunulat. Akala ko pa rin, isang tao ang kausap ko at hindi kaluluwang kagaya ko na galing sa purgatoryo. Nakakainggit ka naman, may kompyuter ka pa, samantalang ako, kapirasong notebook lang at ballpen ang ibinigay sa akin ni Manager. Problema ko tuloy ngayon, hindi ko maisip kung paano ko magagawa ang balak kong gawin...
PABLITO : Ano ba ang balak mong gawin?
JUANITO : Una, balak ko sana munang magsagawa ng isang market research. Parang feasibility study. Gusto kong magkaroon ng listahan ng kung sino sa mga tao rito ang tunay na nagmamahal sa Diyos at laging handang tumupad sa kanyang mga utos; gayundin kung sino naman ang sumusunod sa mga utos ng Diyos hindi dahil mahal nila Siya kundi dahil natatakot silang maparusahan kapag sinuway nila ang Kanyang kalooban; gayundin kung sino yaong mga tumutupad sa mga utos hindi dahil sa takot o pag-ibig sa Diyos kundi dahil sa labis na pagmamahal sa sarili at kayabangang ginagatungan ng mga papuri ng kapwa nilang humahanga sa kanilang panlabas na asal; gayundin, ang mga naghahangad at nagpipilit na makatupad sa kalooban ng Diyos nguni’t dala ng kahinaan ay paulit-ulit na nagagapi ng tukso at nabubulid sa kasalanan; at, siyempre pa, yaong mga taong ayaw sumunod sa utos ng Diyos dahil... ayaw nila.
PABLITO : Hmm. Gusto mong magkaroon, samakatuwid, ng iba’t ibang klasipikasyon ng mga tao ayon sa antas ng kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang Lumikha. Magandang ideya. Pero saan mo gagamitin ang listahang iyong mabubuo?
JUANITO : Siyempre, batay sa listahang iyon ay makapagpaplano ako ng mga istratehiya kung sino sa kanila ang pagbubuhusan ko ng lalong malaking panahon, atensyon at aksyon, at kung sino ang hindi gaano. Ang tawag roon ay prioritizing. Halimbawa, yung nasa pinakahuling kategorya marahil ay dapat na maging first priority ko dahil mas mahirap mareporma ang kanilang ugali kumpara sa iba.
PABLITO : Maganda ngang ideya. Pagkatapos, ano pa ang balak mo? Paano mo naman sila marereporma?
JUANITO : Bueno, iyan ang problemang hindi ko pa tapos pag-isipan. Basta ang alam ko, meron na akong naisip na umpisa, at saka ko na daragdagan ang mga plano kapag nagawa ko na ang mga preliminary steps ng aking misyon.
PABLITO : Magandang ideya. Teka, itong balak mong pagkakategorya o paggawa ng klasipikasyon ng mga tao, paano mo malalaman kung sino ang tunay na nagmamahal sa Diyos, sino ang hindi, at sino ang iba pa?
JUANITO : Simple lang. Itatanong ko sa kanilang lahat na, kung sakali, pakinggan mo – KUNG SAKALI LANG, na suspendido muna ang lahat ng kautusan, at samakatuwid ang tao ay magiging ganap na malaya upang gawin ang kanyang maibigan, at siya ay hindi maparurusahan sakaling abutin man ng kamatayan habang nasa gayong kalagayan ng pamumuhay sa kasalanan, ano ang kanyang gagawin? Sa kanilang itutugon o reaksyon ay malalaman ko kung sino ang patuloy na gagalang at tutupad sa batas ng kabutihang-asal, at kung sino ang magsasamantala sa pagkakataon upang pagbigyan ang sariling kagustuhan sa halip na sundin ang kalooban ng Maykapal.
PABLITO : Napakagandang ideya! Labis mo akong pinahanga sa husay mong magbalangkas ng mga matatalinong plano. (Kakamayan si Juanito.) Hayaan mong batiin kita, ah... eh...
JUANITO : (Makikipagkamay.) Juanito. Juanito Bonito. At ikaw?
PABLITO : Pablito. Pablito Nandito.
JUANITO : Ikinagagalak kong makilala ka, Pablito.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.