PIRMA

Apat-na-yugtong dula mula sa panulat ni

Rafael A. Pulmano

​

Karugtong ng Dula – Pahina 2

KRISTINA : Ngayon po ay napunta ako rito dahil naghahanap ako ng bahay na matitigilan.

​

ESTER : Matitigilan?

​

KRISTINA : Opo.

​

MADEL : Bakit? Saang planeta ka ba nanggaling? Diretso ako kung magtanong at hindi ko gusto ang maraming paliguy-ligoy na iisa rin naman ang patutunguhan. Sumagot ka!

​

KRISTINA : Taga-Cotabato po ako, pero limang taon akong tumigil sa Maynila kung saan ako’y nag-aral at nagtapos sa kolehiyo. Kamakailan po’y nakapag-aplay ako sa trabaho bilang guro sa elementarya dito sa inyong bayan, at pinalad po naman akong matanggap. Eh, bago po sana magsimula ang klase ay gusto ko nang makalipat rito para maging pamilyar ako sa lugar na lilipatan at pansamantalang magiging tirahan ko.

​

ESTER : Eh, bakit si Ka Augusto ang hinahanap mo? Dati na ba kayong magkakilala?

​

KRISTINA : Naku, hindi ho. Isang mag-aaral sa eskwelang pinasukan ko sa Maynila three years ago ang nakipagkaibigan at nagbigay sa akin ng pangalan at address nitong si Mang Augusto. Ang sabi’y kung sakali raw na magagawi ako sa bayang ito at mangangailangan ng bahay na matitigilan, hanapin ko lamang daw ang Augustong ito at malaki raw ang maitutulong sa akin.

​

MADEL : Hmp! P’wes, pasalamat ka at ngayon ka napadpad rito. Kung napaagaaga ka ng dating, sayang ang diplomang pinagsunugan mo ng kilay nang mahabang panahon.

​

KRISTINA : Ano po ang ibig ninyong sabihin, Aling Madel?

​

MADEL : Ang sinasabi mong bahay-paupahan ni Augusto, ang demonyong si Augusto... Hmp! Sa totoo ay isang bahay-aliwan noong araw!

​

KRISTINA : Bahay-aliwan?

​

MADEL : Oo, Kristina, iha. Bahay-aliwan. Hindi yung bahay ang pinauupahan, kundi yung mga batambatang kababaihang nasa bahay...

​

ESTER : Madel!

​

MADEL : O, bakit? Totoo naman, di ba?

​

KRISTINA : Pero ang sabi ng kaibigan ko’y...

​

MADEL : Ang sabi ng kaibigan mo’y katulad rin ng sinabi niya sa marami pang ibang babaeng tatanga-tanga na nauna sa iyo rito. Excuse me! Sinabi ko na sa iyo na prangka ako kung magsalita.

​

KRISTINA : Pero...

​

MADEL : Anong pero? Ano’ng palagay mo sa akin? Sinungaling? Oy, para sa iyong impormasyon, marami akong kapintasan, pero ang pagsisinungaling ay hindi ko kailanman natutuhan at nakagiliwan. Honesty is still my best insurance policy. Kung ayaw mong maniwala ay problema mo na yan. Basta ako’y prangka. Halos linggu-linggo ay may mga bagong saltang kababaihan rito na ang istorya ay parehong-pareho ng sa iyo. Naghahanap ng bahay na matitigilan. May nakilala’t naging kaibigan sa Maynila na nakapagsabing hanapin raw si Mang Augusto. Ang mabait na si Augusto. Hmp! Pag naroon na ang bagong saltang tatanga-tanga, ang kanyang pagkain ay hahaluan ng pampatulog, at magigising na lamang ang kaawaawang babae sa katotohanang ang kanyang puring pinakaiingat-ingatan ay nakuha na ng iba. Kung magkagayon ay tuluyan nang magbabago ang lahat para sa kanya, at siya’y matutulad na rin sa iba pang mga naunang biktima ni Mang Augusto – mga babaeng dati’y may makulay na pananaw at matayog na pangarap sa buhay, nguni’t sa isang iglap ay nasadlak sa madilim na sulok ng mapait na karanasan at naging mga kalapating mababa ang lipad, saklot ng pangamba, kahihiyan at takot na mabunyag ang pangit na kabanatang iyon ng kanilang buhay kaya hindi magkalakas ng loob na makabalik sa malayong probinsiyang pinagmulan upang taas-noong harapin ang katotohanan at salubungin ang naghihintay na bagong bukas.

​

KRISTINA : Talaga ho?

​

MADEL : Talagang-talaga! Hmp! Iha, tandaan mo ang sasabihin ko at hindi ka mapapariwara. Kung meron kang dapat malaman tungkol sa lugar na ito, isa lang taong ganap na maaasahan mo: Ako!

​

KRISTINA : Naku, salamat na lamang pala at sa inyo ako agad nakapagtanong.

​

MADEL : Pasalamat ka at ang demonyong si Augusto at ang kanyang mga dyablong ampon ay nagsilayas na sa lugar na ito! Correction – Pinalayas pala sa lugar na ito, dahil hindi na nakatiis ang ilang mga concerned citizens sa masamang impluwensiya ng kanyang bahay-aliwan na sumisira sa hibla ng moralidad ng aming pamayanan. Hmp! Ang balita nga’y nasa Estados Unidos na ang hudas na iyan, at doon naman nagsasabog ng lagim. Pero patuloy pa rin siyang nambibiktima ng mga kababaihang Pilipina na nangangarap makarating sa ibang bansa, mga kababayang walang kamalay-malay sa pangit na kapalarang nag-aabang sa kanila pagdating roon.

​

KRISTINA : Napakasama pala niyang tao.

​

MADEL : Sobrang kasamaan! May recruitment agency yan sa Maynila, nangangalap ng mga kunwari’y magtatrabahong katulong sa Amerika, pero sa halip na maging domestic helper, pagsapit roon ay mga prostitutions na ang tawag sa kanila!

​

KRISTINA : Baka ho “prostitutes” ang ibig ninyong sabihin?

​

MADEL : Pareho na rin yon. Iningles lang nila dahil mga Amerkanong Ingles ang kostumer nila roon.

​

KRISTINA : Kaawaawa naman sila.

​

MADEL : Hindi lang kaawaawa. Isipin mo, pag nilangaw na ang kanilang lilipas rin namang kasariwaan at ganda, marami sa kanila ang uuwi siyempre dito sa Pilipinas, may pasalubong na US dollar, mga imported na tsokolate, at imported na AIDS at MTV. Hmp!

​

ESTER : HIV yon, Madel, hindi MTV.

​

MADEL : Pareho rin yon, ininglis lang nila!

​

ESTER : Oh, eh paano ka na ngayon niyan, Ineng? Saan ka ngayon tutuloy?

​

KRISTINA : Naku, yan po ngayon ang problema ko. Meron po ba kayong alam ritong apartment o boarding house na mauupahan? Yung medyo mura, kahit po pansamantala lamang, hanggang sa makakita ako ng ibang malilipatan?

​

ESTER : Sa ngayon ay wala akong maisip na lugar... May alam ka ba, Madel...?

​

MADEL : Bakit di mo na lang patuluyin sa iyong bahay, Ester? Tutal, si Arman naman ay mukhang disidido nang sa Zambales maninirahan.

​

KRISTINA : Sino hong Arman?

​

MADEL : (Kay ESTER.) Ako na, Ester. (Kay KRISTINA.) Kaisaisa niyang anak na nagtatrabaho sa Subic, sa isang kumpanyang Hapon. Mataas ang posisyon at malaki ang sahod. Balita ko’y nakabili na raw doon ng isang yunit ng kondominyum kaya bihira na siyang maligaw rito.

​

KRISTINA : Napakasuwerte naman pala ninyo, Aling Ester.

​

ESTER : Masuwerteng malungkot din, dahil...

​

MADEL : Ako na, Ester. Mas maganda akong magkuwento kaysa sa iyo. Alam mo, Kristina, mula nang mabiyuda iyang si Ester kay Ambo ay si Arman na lamang ang kanyang kasa-kasama sa bahay at sa buhay. Pero ngayon ay solo na uli siya, dahil nga may trabaho na si Arman – si Engineer Arman Gonzales, doon sa malayo. Kung gusto mo ay dito ka na lang sa bahay ni Ester tumira. Gamitin mo muna ang silid ni Arman. Malamang, gulu-gulo pa roon dahil may ilang taon nang hindi nakikilusan, pero konting ayos lang siguro’y okey na rin.

​

KRISTINA : Naku, parang nakakahiya naman yata sa inyo, Aling Ester. Baka ho...

​

MADEL : Huwag ka nang magpakipot at hindi naman bagay. Isa pa’y prangka ako, kaya dapat na maging prangka ka rin sa akin. Kalimutan mo na muna ang hiya at wala kang malayong mararating kapag puro hiya ang pinairal mo. Isang tanong, isang sagot: Gusto mo ba o ayaw mo?

​

KRISTINA : Eh...

​

MADEL : Good! Yan ang gusto ko sa tao. Diretso kung magsalita. Wala nang paliguy-ligoy pa. Hala, sige, si Ester na ang bahala sa iyo. Hindi pa ako pagod magsalita, pero ikaw ang inaalala ko. Baka pagod ka na sa pakikinig.

​

ESTER : Hindi kalakihan ang aming bahay, Kristina, pero marahil naman ay kasya tayong dalawa. Sana’y magustuhan mo ang aming lugar.

​

KRISTINA : Naku, marami hong salamat sa inyo, Aling Ester, Aling Madel. Ang babait talaga ninyo.

​

MADEL : Iha, lahat kaming mga tagarito ay talagang mababait. Isa lang ang maipapayo ko sa iyo. Mag-iingat ka lang palagi at huwag basta-basta magtitiwala sa kahit kanino, lalo na sa lugar na ito. Maliwanag ba?

​

KRISTINA : Ho?

​

ESTER : Nagbibiro lang iyan. Halika na nga at sasamahan kita sa iyong magiging silid. Madel, puwede bang ikaw na muna ang maiwang bantay sa tindahan? Saglit lang ako.

​

MADEL : Kahit tagalan mo.

​

KRISTINA : Eh teka, paano nga po pala ang bayad sa kuwarto? Magkano po ba?

​

ESTER : Saka na natin pag-usapan ang tungkol doon. Halika na’t alam kong pagod ka. Makapagpahinga ka muna.

​

KRISTINA : Paalam na po muna sa inyo, Aling Madel.

​

MADEL : Adyos!

​

  • (Lalabas sina ESTER at KRISTINA. Kapag natiyak na wala na ang dalawa, si MADEL ay papasok sa loob ng tindahan, magbubukas ng softdrinks at kukuha ng biskwit. Habang kumakain, darating sina DIEGO, MAGNO at KULAS. Uupo ang mga bagong dating sa mga upuan sa palibot ng mesa.)

​

DIEGO : (Halatang nakainom na.) Aling Eshter, ishang lapad nga ho, shamahan na ninyo ng yelo at baso.

​

MAGNO : At saka ho pulutan.

​

KULAS : At saka baka ho pwede namin kayong maiteybol, Aling Ester?

​

  • (Hahagalpak ng tawa ang tatlo. Lalabas si MADEL.)

​

MADEL : Hoy! Mahiya naman kayo sa mga balat ninyo! Umagang-umaga, laklak agad ang hanap ninyo. Ni hindi pa yata kayo nakapagmumumog!

​

DIEGO : Kaya nga ho kami umoorder ng alak, eh. Para magmumog! (Tatawa.)

​

MADEL : Hmp!

​

DIEGO : Aba, tingnan mo nga naman at narito pala si Aling Madel! Ang tsishmosang si Aling Madel!

​

MADEL : Hindi ako tsismosa!

​

KULAS : Siya nga naman, Diego. Bakit mo sinasabing tsismosa si Aling Madel? Totoong si Aling Madel ay isang taong prangka kung magsalita.

​

MAGNO : Isang taong diretsa sa punto at hindi na lumiligoy pa kung makipag-usap.

​

DIEGO : Shyanga naman pala. Pashensya na kayo, Aling Madel. Nakapagshalita lamang ako ng gayon dahil sha aking kalashingan.

​

MADEL : Hmp! Ang hirap kasi sa inyo’y sa tiyan ninyo inilalagay ang alak at hindi sa bituka!

​

DIEGO : Ipagpatawad ninyo, Aling Madel, ang aking kashalanan. Shyanga pala... Ano ho ba ang pinaka-latesht na balita?

​

MADEL : Hoy! Ako’y taong abala sa mga mahahalagang bagay. Wala akong panahon para sa mga walang kuwentang balita, kaya sa bagay na iyan ay wala kayong mapapakinabang sa akin. Siyempre, lahat naman siguro kayo ay pamilyar sa nangyaring aksidente sa alkalde ng ating bayan. Sa ating dating kagalang-galang na Meyor Crispulo Sandoval. Sumalangit Nawa... Biglang-bigla ang kanyang pagkamatay, at ayon sa mga report ng mga respetableng pahayagan ay natagpuan na lamang siyang isang malamig na bangkay sa silid ng hotel na kanyang tinitigilan noong dumalo siya sa pambansang kumbensyon ng partidong pulitikal na kanyang kinaaaniban bilang paghahanda sa darating na halalan. Atake raw sa puso ang sanhi ng pagkamatay. Nguni’t sa mga mumurahing tabloyd ay may binabanggit na tungkol sa isang disisais anyos na babaeng kasama diumano ng isang pinuno ng pamahalaan sa kuwarto ng hotel, na siyang histerikal na nagsisigaw at humingi ng saklolo sa mga tauhan ng hotel noong malagutan ng hininga ang biktima. Maraming kilalang tao at mga opisyal na may mataas na posisyon sa gobyerno, kabilang na si Vice Mayor at ngayon ay siya nating Acting Mayor Acero, ang nagpadala ng mga koronang bulaklak, dumalaw at nakidalamhati sa kanyang naulilang kabiyak at limang anak na puro panganay.

​

KULAS : Puro panganay ikan’yo, Aling Madel?

​

MADEL : Puwes, iyan ang kumakalat na bulungbulungan, ngayong ang alkalde ay patay na at wala nang pagkakataon para ito’y kumpirmahin o pabulaanan. Pero sinabi ko na naman sa inyo. Ako’y lubhang abala sa mga mas importanteng bagay at wala akong panahon para ipagtanung-tanong upang beripikahin kung totoo o hindi ang balita.

​

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link