PABLITO : Gayon din ako sa iyo, Juanito. Ibilang mo akong isang bagong kaibigan at masugid na tagahanga. Ang iyong mga ideya ay talagang magaganda!
JUANITO : Salamat. Meron lamang isang problema.
PABLITO : Problema?
JUANITO : Bukod sa hindi ako maaaring makipagkita o makipag-usap sa sinumang mortal na nilalang, hindi rin ako pwedeng magsinungaling sa kanila. Mare-revoke ang lisensya ko at agad akong papabalikin sa purgatoryo. Ayokong bumalik roon, nakakainip maghintay.
PABLITO : Hmm. Problema nga iyan. Hindi mo masasabi sa tao ang tungkol sa suspensyon ng batas. Sayang, maganda pa naman ang iyong ideya. Wala ka na bang naisip na ibang paraan?
JUANITO : Wala na. Ikaw ba ay mayroon?
PABLITO : (Mag-iisip.) Hmm. Wala akong balak na bumalik sa purgtoryo at mapunta sa langit.
JUANITO : Ganyan nga ang aking pagkaunawa.
PABLITO : Puwede akong magpakita sa tao.
JUANITO : Talaga?
PABLITO : Puwede rin akong makipag-usap sa kanila.
JUANITO : Talaga?
PABLITO : At higit sa lahat, puwede akong magsinungaling.
JUANITO : Talaga?
PABLITO : Of course! Yan ang aking specialty.
JUANITO : Kung gayon, matutulungan mo ba ako?
PABLITO : Kaibigan mo ako, hindi ba?
JUANITO : Oo.
PABLITO : At isa mong masugid na tagahanga.
JUANITO : Yan nga ang sabi mo.
PABLITO : Sayang lang ang ating pagiging magkaibigan at ang paghanga ko sa iyo kung hindi kita matutulungan. Kung gusto mo, ngayon din ay ipaaalam ko sa mga tao sa lalong madaling panahon ang tungkol sa iyong mensahe –– na suspendido muna ang mga kautusan at malaya nilang magagawa ang kanilang maibigan.
JUANITO : Hindi ganoon. Ang aking mensahe ay sa porma ng isang tanong tungkol sa isang hipotetikal na sitwasyon. Ano ang gagawin ng tao KUNG SAKALING SUSUSPINDIHIN... Inuulit ko, KUNG SAKALI...
PABLITO : Ganoon na nga ang tinutukoy ko.
JUANITO : Paano mo sila kakausapin?
PABLITO : Ipaubaya mo na ang detalye sa akin.
JUANITO : (Kakamayan si PABLITO.) Labis-labis mo akong pinaligaya, Pablito Hindi ko alam kung paano kita sisimulang pasalamatan.
PABLITO : Gusto mong makaganti ng utang na loob?
JUANITO : Oo. Sabihin mo lang sa akin kung sa paanong paraan.
PABLITO : Puwes. Ihanap mo ako ng isang mahusay na Japanese cook na marunong magluto ng Japanese food. Hanggang sa muling pagkikita, kaibigan. Paalam. (Lalabas.)
JUANITO : (Mag-iisip nang malalim.) Japanese cook na marunong magluto ng Japanese food?
IKALAWANG YUGTO
TAGPO:
MADEL : (Sa sarili) Ang laking halaga nito! Kanino kaya ito?
MADEL : (Sa sarili, habang dali-daling itinatago ang pitaka.) May tao!
PABLITO : Excuse me?
MADEL : Yes?
PABLITO : Pwede bang magtanong?
MADEL : Ano yon?
PABLITO : Meron ka bang napansin ditong...
MADEL : Wala.
PABLITO : Wala?
MADEL : Wala. Marahil ay sa ibang lugar mo naiwala ang hinahanap mong pitaka. D’yan ka na. (Aktong paalis.)
PABLITO : Sandali lang, Miss...
MADEL : Madel. O, ano pa ang kailangan mo. Madali ka, dahil ako’y abalang tao at wala akong panahon para sa mga walang kuwentang pakikipag-usap na gaya nito.
PABLITO : Paano mo nalamang pitaka nga ang hinahanap ko?
MADEL : Ako’y prangka at palaging diretsa sa punto. Ayaw ko ng masyadong maraming paliguy-ligoy sa pagsasalita. Hindi ba totoong pitaka ang hanap mo?
PABLITO : Marunong ka palang manghula!
MADEL : Hindi naman. Nagkataon lamang na marami akong nalalaman.
PABLITO : Ah, isa kang matalino kung gayon!
MADEL : Hindi rin, at wala akong balak. Tama na sa akin ang pagiging maalam, dahil marami akong alam.
PABLITO : Siyanga ba? Bueno, kung ikaw ay maraming alam, ang lahat ba ng kaalaman na dapat mong malaman ay iyo nang nalalaman?
MADEL : Ano? Hindi ko yata na-get ang sinabi mo.
PABLITO : Meron akong alam na sikreto, at siguradong ito ay hindi mo pa nalalaman.
MADEL : Walang sikre-sikreto sa akin. Basta mga bagay na importante, ako’y hindi nagpapahuli. Meron akong taingang kawali, lalo na sa mga lihim na kawili-wili.
PABLITO : Pero ang isang ito’y siguradong hindi mo pa nalalaman!
MADEL : At paano mo natiyak?
PABLITO : Dahil ito’y hindi sikreto ng tao, bagama’t malaki ang kinalaman nito sa magandang kapalaran ng tao.
MADEL : Hindi kita maintindihan.
PABLITO : Talagang hindi mo ako mauunawaan hangga’t hindi ko nasasabi sa iyo ang lahat.
MADEL : Pwes, bakit hindi mo pa sabihin sa akin ang lahat?
PABLITO : Dahil nga sa ito’y sikreto at walang nakaaalam nito liban sa akin. Oras sa sabihin ko ito sa iyo...
MADEL : Marunong akong magtago ng sikreto!
PABLITO : Ikaw ba’y nangangakong mananahimik tungkol dito?
MADEL : Oo, nangangako ako.
JUANITO : (Kay PABLITO.) Teka, bakit mo naman pinatatahimik, eh kailangan nga nating ipagsabi para kumalat ito sa tao?
PABLITO : (Kay JUANITO.) Tumahimik ka!
MADEL : Kung yan ang gusto mo.
JUANITO : (Kay PABLITO.) Pero kailangang mabunyag ito sa lahat ng tao!
PABLITO : (Kay JUANITO.) Huwag kang maingay!
MADEL : Hindi ako mag-iingay.
PABLITO : Nakahanda ka bang sumumpang hindi sasabihin kanino man ang sikretong ibubunyag ko?
MADEL : Sumusumpa ako, kahit putulin pa ang dila ko!
JUANITO : Patay!
PABLITO : Bueno, makinig kang mabuti. (Titingin sa paligid.) Ako’y hindi pangkaraniwang nilalang.
MADEL : Ano? Ang ibig mong sabihin, ikaw ay isang... Teka, ano ka nga ba talaga?
PABLITO : Ano ba sa tingin mo?
MADEL : Huwag mo akong bibiruin. Imposibleng ikaw na kausap ko ngayon ay isang... anghel!
JUANITO : Talagang imposible!
PABLITO : At bakit imposible?
MADEL : Hindi kasi bagay. Pero teka, iyan na ba ang sinasabi mong sikreto?
PABLITO : Umpisa pa lamang ng sinasabi kong sikreto. Ako’y naparito upang ipahayag ang isang mahalagang balita.
MADEL : Ano’ng mahalagang balita?
PABLITO : Nagkaroon ng malaking pagbabago sa balangkas ng gawaing pangkaligtasan ng sankatauhan. Simula sa araw na ito ay suspendido o pansamantalang pinawa-walang-bisa ang Sampung Utos na ibinigay kay Moises sa bundok ng Sinai. Kaya ang tao ay malayang makagagawa ng kahit anong bagay – mabuti at masama – nang walang sinusunod o sinusuway na anumang batas. Samakatuwid pagdating sa kanyang huling araw at sa oras ng kanyang paghuhukom, ang tao ay hindi hahatulan ayon sa kanyang mga gawa. Ano man ang kanyang maging atraso sa lupa, tatanggapin pa rin siya sa langit dahil doon ang lahat ng kaso ay siguradong ididismis.
JUANITO : (Kay PABLITO.) Ano?
MADEL : Ano? Totoo bang lahat ang sinasabi mo?
PABLITO : Bakit? Hindi ka ba naniniwala?
JUANITO : (Kay MADEL.) Huwag kang maniniwala!
MADEL : Para kasing hindi kapanipaniwala...
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.