PABLITO : Sa maniwala ka’t sa hindi, iyan ang totoo.
JUANITO : Teka muna, teka muna! Ang aking orihinal na proposisyon ay sa porma ng isang tanong, KUNG SAKALING SUSUSPINDIHIN...
PABLITO : (Kay JUANITO.) Sinabi ko na sa iyong tumahimik ka diyan!
MADEL : Pero paano ako tatahimik, samantalang...
PABLITO : Alam ko kung ano ang iyong iniisip.
MADEL : Alam mo?
PABLITO : Oo. Nangangamba ka na baka walang maniwala sa iyo kapag sinabi mo ang bagay na ito sa ibang tao, hindi ba?
MADEL : Pero bakit ko sasabihin sa kanila? Ito ay isang sikreto!
PABLITO : Tumpak! Hindi nila dapat malaman ang sikretong ito. Ang lihim na ito ay atin-atin lamang!
MADEL : Pero, paano kung hindi nga sila maniwala?
PABLITO : Hmm... Magandang tanong iyan.
MADEL : Maaaring isipin nila na ito ay gawa-gawa ko lamang.
PABLITO : May katwiran ka.
MADEL : Masisira ang aking kredibilidad sa madla.
PABLITO : Hindi dapat magkagayon.
MADEL : Baka pagbintangan nila akong nagsisinungaling!
PABLITO : Walang basehan ang ganyang paratang!
MADEL : O kaya’y nasisiraan ng bait!
PABLITO : May naisip akong paraan.
MADEL : Ano?
PABLITO : Kung merong ayaw maniwala sa iyo, puwede mong baguhin ang kanilang salita.
MADEL : Baguhin ang salita?
PABLITO : Oo. Sa halip na salita ng tao, puwede mong gawing salita ng hayop ang kanilang wika.
MADEL : Salita ng hayop? Paano?
PABLITO : Bibigyan kita ng pambihirang kapangyarihan, sa gayon ay makikita nila na ikaw ay hindi nagsisinungaling, na ang sinasabi mo’y pawang katotohanan lamang. (Ikukumpas ang kamay at may sasambulat na usok sa kanyang tapat.)
MADEL : (Manlalaki ang mga mata, titingnan ang dalawang kamay, ititiklop ang mga palad.) Pakiramdam ko’y may kakaibang napadagdag sa akin. Para akong may bagong taglay na kapangyarihan!
PABLITO : Hindi ka nagkakamali. Taglay mo ngayon ang kapangyarihang baguhin ang dila ng sino mang ayaw maniwala sa iyong sinasabi. Pero huwag mong kalilimutan, ikaw ay sumumpang hindi ipagsasabi ang ating lihim!
MADEL : Hindi ko ito sasabihin kanino man!
PABLITO : Paalam!
ESTER : Magandang umaga, Madel.
ESTER : Tahimik ka yata ngayon. Ano ba ang bagong balita?
MADEL : (Nakatingin pa rin sa malayo.) Wala.
ESTER : Wala? Milagro! Ngayon ka lang yata nawalan ng ibabalita?
MADEL : Bigyan mo nga ako ng isang boteng lapad.
ESTER : Aba, Madel! Kataka-taka! Kailan ka pa natutong uminom ng alak?
MADEL : Ngayon pa lang ako mag-eenrol. Sige na, Ester. Akina’ng order ko. Samahan mo na rin ng isang kahang sigarilyo.
ESTER : Madel! Talagang nakakapanibago ang iniaasal mo ngayon! Hindi ka naman dating naninigarilyo, ah! Seryoso ka ba?
MADEL : Seryoso ako. Ano ba, bibigyan mo ba ako o hindi?
ESTER : Bibigyan... Ikaw naman! Sadya lang na ako’y nagtataka...
MADEL : Aba’y bilis-bilisan mo ang kilos kung ganon. (Dudukot ng pera mula sa pitakang napulot.) O, heto nga pala ang bayad. Awasin mo na rin diyan ang lahat ng utang ko.
ESTER : (Habang inihahanda ang inorder ni Madel.) At mapera ka pa ngayon! Talagang nakapagtataka!
MADEL : Huwag ka nang magtaka, Ester. Talagang ganyan ang suwerte ng tao... bigla na lang dumarating kung kailan hindi mo inaasahan. At isa pa, alam mo bang matagal ko na talagang gustong gawin itong pag-inom ng alak. Hindi ko lang maumpisa-umpisahan. Pero ngayong lahat ay puwede ko nang gawin at wala nang bawal...
ESTER : Ano’ng ibig mong sabihin?
MADEL : Ang pag-inom at paninigarilyo ay itinuturing kong mga kapintasan, mga bisyong umaalipin sa matinong isipan ng sinumang taong nagiging sugapa sa mga ito. Pero, alam mo, Ester, madalas kong naiisip noon pa, at madalas kong itinatanong sa aking sarili: Masarap nga siguro ang uminom ng alak at manigarilyo. Kasi, kaydami ng mga nararahuyo sa bisyong ito. Hindi mo alam, Ester, lihim akong nagnanasa na matikman rin ang kaligayahang tinatamasa ng aking kapwa. Pero ako’y tinatalo ng hina ng loob at matinding hiya. Ngayon, panahon na upang matuklasan ko ang katotohanan. (Iinom ng alak mula sa baso. Mapapasimangot sa pait ng lasa.) Aaaahhh...! Ang pait pala ng lasa!
ESTER : Bakit? Ano ba sa akala mo?
MADEL : (Kukunin ang sigarilyo.) Meron ka ba riyang posporo? Pasindi nga.
ESTER : Ano ba, Madel? Lasing ka na yata, ah?
MADEL : Ayossh lang kung ako’y malalashing. Dahil meron akong shikretong lihim na hindi ko puwedeng shabihin. Kapag ako’y pinilit, hindi ko pa rin shashabihin. Pero kapag ako’y nalashing...
CESAR : Aling Ester, pagbilhan nga ho ng sigarilyo. Isang kaha. Etong bayad.
MADEL : (Mapungay ang mga mata, sa bagong dating.) Hello, lover boy? Whanna danzhhh with me?
ESTER : Madel! Mahiya ka naman!
MADEL : Bakit ako mahihiya? Nangangarap rin naman akong magkaroon ng ishang prince charming gaya ng kahit shinong normal na babae. Ito’y ishang malalim na pagnanashang matagal ko na ring kinikimkim. Pero ngayon ay iba na, Eshter. Ang dami ko nang pinalampash na pogi sha buhay ko dahil sha hiya... (Aakbayan si CESAR.) Oh, come on! Whanna light my shigar, beybeh?
MADEL : Hey! Shaan ka pupunta? Shweetheart! Darling! Huwag mo akong iwan! Bumalik ka rito! (Uubuhin uli.)
ESTER : Madel! Ang bunganga mo! Nakakabulahaw ka sa mga kapitbahay...
MADEL : Sho what? Hindi ko pinanghihimashukan ang kanilang buhay, kaya wala shilang pakialam kahit pa magshishigaw ako rito, dahil bunganga ko at hindi ang bunganga nila ang ishinishigaw ko! Gushto kong malashing! (Iinom uli ng alak, hindi na sa baso kundi sa bote.)
ESTER : Ano na ba talaga ang nangyari, Madel, at ikaw ay nagkakaganito?
MADEL : Gushto mo talagang malaman?
ESTER : Oo.
MADEL : P’wes, hindi ko shashabihin.
ESTER : At bakit? Ano’ng dahilan?
MADEL : Shikreeettttt.....! Uminom tayo, Eshter. Ahh... Lashing na nga yata ako. O, s-s-sshige, aalis na muna ako. Thanks for the drinks, Mareh! (Gayak nang umalis.) Babayyy...
ESTER : Saan ka pupunta?
MADEL : Sa shimenteryo.
ESTER : Sa simenteryo! Pero ano’ng gagawin mo roon?
MADEL : (Magsisimulang humakbang nang parang matutumba sa kalasingan.) May ibabaon akong lihim!
ESTER : Lihim na naman! Ano ba talagang lihim yon, Madel?
MADEL : Shikreeettttt.....! (Umaawit habang papaalis.) Wanzhh I have a shikret love...that lived within thish heart of me...
ESTER : Magandang umaga sa inyo, Diego. Pormal na pormal ang suot natin, ah! Mukhang may ispesyal na okasyon kayong ise-celebrate! O ano, ilalabas ko na ba ang lapad gaya ng dati?
DIEGO : Hindi na muna ho ngayon, Aling Ester. Pass muna kami. May lalakarin pa ho kasi kami.
ESTER : Ganoon ba? Kaya pala puro kayo nakaporma. O, eh... saan ba ang lakad?
MAGNO : Eh, kuwan ho, Aling Ester... diyan lang ho sa kapilya.
ESTER : Sa kapilya? Ano’ng meron sa kapilya? May inuman ba roon?
KULAS : Kuwan ho, Aling Ester... Magsisimba ho kami.
ESTER : Magsisimba?
MAGNO : At saka a-attend ho kami ng... Bible Study.
ESTER : Bible Study?
DIEGO : Oho, Aling Ester. O Sige ho, tuloy na ho muna kami.
ESTER : Teka-teka! Teka muna? Bakit kayo magsisimba? Ibig kong sabihin, ano’ng nangyari at magba-Bible Study kayo? Hindi yata tama, ang ibig kong sabihin, katakataka yata ang inyong gagawin!
DIEGO : Aling Ester, napag-isip-isip ho namin na walang mangyayaring maganda sa buhay namin kung patuloy kaming mag-iinom at maglalasing araw-araw, at pagkatapos ay maghahanap ng basag-ulo. Maikli lamang ang panahong ititigil natin dito sa lupa kumpara sa naghihintay na buhay sa kabila. Yan ang madalas na pangaral sa akin ng aking nanay noong siya’y nabubuhay pa. Kaya naipasya ko, namin nina Kulas at Magno, na magbago na.
KULAS : Tama ho yon, Aling Ester. Magbabago na kami.
MAGNO : Mga bagong-silang na sanggol na uli ang pakiramdam namin ngayon, Aling Ester.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.