PIRMA

Apat-na-yugtong dula mula sa panulat ni

Rafael A. Pulmano

​

Karugtong ng Dula – Pahina 10

LAHAT : Habulin!

​

  • (Ang iba, sa halip na sumigaw ng “Habulin” ay sisigaw nang boses-hayop! Tatakbo si MADEL. Hahabulin nila si MADEL, paikot sa entablado. Papasok sina DIEGO, KULAS AT MAGNO. Sasalubungin ni MADEL si DIEGO.)

​

MADEL : DIEGO! Utang na loob, tulungan ninyo ako! Papatayin nila ako!

​

DIEGO : Sino sila?

​

MADEL : Sila!!!

​

  • (Ituturo ni MADEL ang mga humahabol. Magsusumiksik si MADEL sa likuran ni DIEGO.)

​

DIEGO : Mga kapatid! Bakit kayo naririto? May problema ba?

​

CARLITO : Anong kapatid? Hoy, Diego! Hindi ka namin kapatid! Magkaiba tayo ng ama at ina!

​

CARLOTA : At isa pa, huwag kang makialam sa aming problema! Umalis ka riyan at ipaubaya mo sa amin ang Madel na yan!

​

LAHAT : Tama! (Ang mga may boses-hayop ay mag-iingay din ng pagsang-ayon.)

​

DIEGO : Teka muna, huminahon kayo, mga kasama. Baka naman puwede nating pag-usapan ito nang hindi dinaraan sa init ng ulo? Relaks lang kayo...

​

LUCIO : Ano’ng relaks? Malaki ang atraso sa amin ng Madel na iyan, kaya hindi kami puwedeng magrelaks! Umalis ka diyan!

​

LUCIA : Masama ang tabas ng dila ng babaeng iyan! Ang dila niya ay makasalanan!

​

LAHAT : Makasalanan! (Ang mga may boses-hayop ay mag-iingay din ng pagsang-ayon.)

​

AMADO  : Dapat siyang parusahan!

​

LAHAT : Parusahan! (Ang mga may boses-hayop ay mag-iingay din ng pagsang-ayon.)

​

AMANDA : Gupitin ang kanyang dila para hindi na makapagsalita nang masama sa kanyang kapwa!

​

LAHAT : Tama! (Ang mga may boses-hayop ay mag-iingay din ng pagsang-ayon.)

​

CARLOTA : Gupitin ang dilang makasalanan!

​

LAHAT : Gupitin! Gupitin! Gupitin! (Sasabayan ng pag-iingay ng mga may boses-hayop.)

​

DIEGO : (Mas lalakasan ang boses) Tumahimik kayo! Ang inyong gagawin ay hindi makatarungan!

​

  • (Tatahimik ang lahat. Pagkalipas ng ilang saglit na katahimikan...)

​

CARLITO : At sino ka upang magsabi na hindi makatarungan ang aming gagawin? Kailan ka pa naging hukom, ha, Diego?

​

CARLOTA : Ibigay mo na sa amin si Madel, at tuturuan namin siya ng leks’yon. Puputulan namin siya ng dila para hindi na makapagsalita nang masama!

​

DIEGO : Talagang ayaw ninyong paawat... O sige! (Dudukutin sa bulsa ang isang gunting.) Eto ang gunting! Kung sino sa inyo ang hindi kailan man nakapagsasalita ng masama sa kanyang kapwa, kung sino sa inyo ang hindi nakapagsisinungaling nang kahit katiting mula noong kayo’y ipinanganak ng inyong ina hanggang sa mga sandaling ito... eto ang gunting, pumila kayo rito at gumupit kayo ng tigkakapiraso sa dila ni Madel.

​

  • (Manlalaki ang mga mata ni MADEL, titili nang malakas, at lalong magsusumiksik sa likod ni DIEGO.  Manginginig sa takot.) 

​

MADEL : Eeehhhhhh!!! Diego! Ano ka ba? Akala ko ba’y kakampi kita?

​

DIEGO : Tumahimik ka!

​

MADEL : Paano akong tatahimik, eh puputulan na ako ng dila?

​

DIEGO : Sinabi ko nang tumahimik ka! Shut up!

​

  • (Sandaling maghahari ang katahimikan. Nakatungo ang lahat, hindi makatingin kay DIEGO.)

​

DIEGO : Bakit walang kumikilos at lumalapit sa inyo? Eto’ng gunting...

​

  • (Manlalaki uli ang mga mata ni MADEL at ibubuka ang bibig, pero tatakipan agad iyon ni DIEGO ng kanyang kamay kaya si MADEL ay hindi makakasigaw.)

​

DIEGO : Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Ang panukat na ginagamit ninyo sa inyong kapwa ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo. Bakit ninyo sinisilip ang puwing sa mata ng inyong kapwa, samantalang hindi naman ninyo nakikita ang puwing sa inyong sariling mata? Hindi ako ang maysabi nito, mga kaibigan. Ipinapaalala ko lamang sa inyo. Ang paalaala’y gamot sa mga taong nakalilimot. May atraso sa inyo ang babaeng ito. Ginawa niyang parang hayop ang boses ng iba sa inyo. Ang problema ninyo ngayo’y paano maibabalik ang inyong dating boses-tao. Pero wala sa paghihiganti at pagkagalit sa babaeng ito ang solusyon. Kahit tadtarin ninyo nang pino ang dila ng babaeng ito ay hindi maso-solve ang problema ninyo.

​

  • (Manlalaki uli ang mga mata ni MADEL at ibubuka ang bibig, pero sesenyasan siya ni DIEGO na manahimik.)

​

DIEGO : Ano’ng malay ninyo, baka ang pangyayaring ito sa inyong buhay ay isang paraan upang paalalahanan kayo ng Diyos dahil kayo’y nakakalimot nang tumawag sa Kanya? Marahil ay ginagamit lamang ng Diyos ang babaeng ito upang maging kasangkapan Niya sa pagbibigay sa inyo ng isang mahalagang mensahe o paalaala para magbalik-loob sa Kanya? Bago ninyo ibunton ang inyong galit sa babaeng ito, bakit hindi muna ninyo ituon ang pansin sa inyong sarili, iksaminin at suriing mabuti ang inyong budhi, at alamin kung anong mensahe ang ibig iparating ng Diyos? Marahil ay nagkukulang kayo sa panalangin at pagtawag sa Kanya, dahil labis kayong abala sa maraming bagay. Isipin ninyong mabuti at pagnilayan ang mga bagay na ito.

​

  • (Tahimik pa rin at nakatungo ang lahat, nag-iisip nang malalim. Papasok si PABLITO galing sa likod ng puno.)

​

PABLITO : (Pabulong) Psssttt! Madel!

​

  • (Lilingon si Madel, pero hindi niya makikita si PABLITO.)

​

PABLITO : Psssttt! Madel! Ako ito!

​

MADEL : (Pabulong din) Sino ka? Nasaan ka?

​

PABLITO : Ako ito, si Pablito. Nandito ako sa tabi mo!

​

MADEL : Pablito? Nasaan ka? Bakit hindi kita nakikita?

​

PABLITO : Eh kasi, hindi na ako puwedeng magpakita sa tao. Binawi na sa akin ang kapangyarihang...

​

MADEL : Kapangyarihan? Teka, kailangan ko ng kapangyarihan! Dali! Bigyan mo ako ng kapangyarihan para ibalik ang dating salita ng mga taong ito. Galit na galit sila sa akin, at ito lamang ang paraan para mawala ang galit nila.

​

PABLITO : I’m sorry, Madel. Gusto sana kitang tulungan, pero sinabi ko na nga sa iyo. Tinanggalan na ako ng kapangyarihan. Kaya hindi ko maibibigay ang iyong hinihingi.

​

MADEL : Ano? Teka, sinong kumuha ng iyong kapangyarihan?

​

PABLITO : Ang demonyo.

​

MADEL : Demonyo! (Mapapalakas ang salita ni MADEL, kaya mapapatingin ang lahat sa kanya.) 

​

ESTER : Diego, si Madel...

​

  • (Mag-iingay ang mga hayop. Itataas ni DIEGO ang kamay para patahimikin ang lahat.)

​

LUCIO : Para siyang may kinakausap...

​

LUCIA : Pero wala akong nakikita...

​

Amado : Para siyang isang Santa...!

​

AMANDA : Para itong isang himala...!

​

LAHAT : Himala! Si Madel ay naghihimala!

​

  • (Mag-iingay uli ang mga hayop. Sesenyasan sila ni DIEGO para tumahimik.)

​

PABLITO : Ang demonyo. Oo. Siya ang nagbigay sa akin ng black magic para magamit ko sa pagpapalaganap ng kasamaan. Pero ngayon ay gusto ko nang makagawa ng kabutihan at makatulong sa tao upang magpakabuti. Nagalit ang demonyo nang malaman ito, kaya binawi lahat ang kapangyarihang ibinigay sa akin.

​

MADEL : Paano ngayon yan? Tulungan mo ako! Ano ang gagawin ko?

​

PABLITO : Dinaramdam ko, Madel. Hindi kita matutulungan. Pero meron akong kilala na tiyak na makatutulong sa iyo.

​

MADEL : Sino?

​

PABLITO : Ang Diyos, na siyang pinakamakapangyarihan sa lahat. Sa Kanya ay walang bagay na imposible.

​

MADEL : Ang Diyos!

​

PABLITO : Oo, Madel. Tumawag ka sa Kanya, at hindi ka Niya bibiguin.

​

MADEL : Alam kong may Diyos, naniniwala ako sa Kanyang kapangyarihan. Pero... maliban sa aking alam at pinaniniwalaan, wala akong karanasan tungkol sa Diyos. Ni hindi ako marunong tumawag sa Kanya. Nasaan ba Siya?

​

PABLITO : Ang Diyos ay nasa lahat ng lugar, Madel. Siya ay nasa langit, nasa lupa, nasa tabi natin, at higit sa lahat, Siya ay nasa puso ng mga taong may malinis na budhi at busilak na kalooban.

​

MADEL : Paano ako hihingi ng tulong sa Kanya?

​

PABLITO : Gamitin mo ang iyong dila, Madel. Pero samahan mo ito ng iyong puso. Manalangin ka nang taimtim. Sumampalataya ka at manalig sa Kanyang banal na pangako. Humingi ka at ikaw ay bibigyan, kumatok ka at ikaw ay pagbubuksan, humanap ka at ikaw ay makatatagpo. Siya mismo ang maysabi nito.

​

MADEL : Pero... Hindi ganyan katatag ang pananalig ko sa kanya. Nangangamba akong...

​

PABLITO : Madel, eto pa ang kanyang sabi: Kung ang iyong pananampalataya ay kasingliit lamang ng buto ng mustasa, maaari mong sabihin sa isang bundok na lumipat ng lugar, at lilipat siya. Sumampalataya ka sa Diyos at huwag mag-alinlangan, at sa tulong Niya, ang bundok na nakabara sa lalamunan ng mga taong ito ay mapapawi at sila’y muling makapagsasalita nang normal. 

​

MADEL : Gusto kong sumampalataya. Tulungan mo akong manalangin, Pablito.

​

PABLITO : Oo, Madel. Sasamahan kitang manalangin. Lumuhod ka at idipa ang iyong dalawang kamay, gaya ng pagdipa ni Moises nang hilingin niya sa Diyos na hawiin ang tubig sa Dagat na Pula upang sila’y makatakas sa mga tumutugis na kaaway. Manalangin tayo.

​

  • (Luluhod sina PABLITO at MADEL, ididipa ang mga kamay, ipipikit ang mga mata at tahimik na mananalangin. Maya-maya ay dahan-dahang tatayo si MADEL. Mananatiling nakaluhod at nakapikit is PABLITO. Itataas ni MADEL ang mga kamay.. Papasok si JUANITO mula sa likod ng puno, at itataas din ang kamay. Walang makakakitang sinoman kay JUANITO. Ikukumpas ni JUANITO ang dalawang kamay.)

​

JUANITO : Booommm!

​

  • (Sabay-sabay na hahawakan ng mga may-boses hayop ang kanilang lalamunan, makakaramdam ng pagbabago sa sarili.)

​

JUANITO : Yeeeesssss!!!

​

  • (Babalik si JUANITO sa likod ng puno.)

​

HAYOP #1 : Magaling na ako! Nakapagsasalita na ako!

​

HAYOP #2 : Ako din, bumalik na ang dating boses ko!

​

HAYOP #3 : (Umiiyak.) Salamat! Hu-hu-hu...! Maraming salamat!

​

HAYOP #4 : (Tumatawa.) Ha-ha-ha...! Sa wakas, nakapagsasalita na uli ako nang normal! Ha-ha-ha...!

​

HAYOP #5 : Mabuhay si Madel!

​

LAHAT : Mabuhay!

​

HAYOP #6 : Buhatin si Madel!

​

LAHAT : Buhatin!

TATAPUSIN >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]  [7]  [8]  [9]  [10]  [11]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link