Saang sulok ng daigdig ka man naroon, Kabayan, BAYANI kang ituturing ng iyong Inang Bayan.
BALAGTASAN
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo TUNGKOL
SA SAYT NA ITO

Advertisement
affiliate_link

PEOPLE POWER VS. GMA?

TANONG: Dapat ba o hindi dapat na mag-People Power Revolution ang mga Pilipino upang patalsikin sa Malacanang si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (GMA)?


Mula sa pinagsamang panulat nina:
Dinapoco Macatiis — nagtanggol sa panig ng Dapat
Masigasig Magtaggol — nagtanggol sa panig ng Hindi Dapat
Solomon Jurado — namagitan bilang Lakandiwa


LAKANDIWA

Kababayan at Kalahi, tayo ngayon ay may tanong
Na sa inyo ihihingi ng sagot at ng solusyon
Dapat ba o hindi dapat patalsikin sa posisyon
Si GMA sa paraang People Power Revolution?

Si GMA – Mga kasong sa kanya ay inuugnay
ZTE Deal na umano'y sangkot din si First Gentleman,
Hello Garci Controversy sa eleksyong may dayaan,
At ang pondong nawawala dahil sa Fertilizer Scam.

People Power Revolution – Di madugong himagsikan
Kung saan ang mga tao, sama-sama, kapit-kamay
Nagtitipon sa kalsada, taimtim na nagdarasal
Mapayapang hinihiling mabakante Malacanang.

Bukas na ang entablado sa ibig na makilahok
Ilahad ang nalalaman, ilabas ang niloloob:
Ang Pangulong si GMA na umano ay kurakot
Kung dapat na paalisin, People Power ba ang sagot?


DAPAT

Sa bigat ng akusasyon at sa dami ng paratang
At sa dusang dinaranas ng hirap nang mamamayan
Kailangan mapatalsik, Pangulo sa Malacanang
People Power Revolution ang mabisang kasangkapan.

Dinopoco Macatiis ang lingkod nyong kumakatok
Sa sinumang makalaban, handa akong makihamok
At sa paksang napakinggan, malinaw ang aking sagot:
Ang panig ng DAPAT ang syang pinili kong itaguyod.


HINDI DAPAT

Sa lahat ng naririto, naririyan, naroroon
Bumabati muna akong si Masigasig Matanggol
Noong una, pangalawa, pumatok ang Rebolusyong
People Power, ngunit ito ay wala nang 'power' ngayon.

Akusasyon at paratang, sabi-sabi, haka-haka
Wala namang matibay na ebidensyang mapakita
Nais lang ng oposisyon, ang maghari nama'y sila
Maliwanag: HINDI DAPAT ang panig kong isasangga.


LAKANDIWA
Dalawa nang mabilasik sa pagtula ang narito
Baka tayo'y magkagulo kung gagawin silang tatlo
Simulan na agad natin ang banggaan ng berdugo
Sa panig ng DAPAT, Bayan, ibigay ang palakpak nyo!


DAPAT

Ang posisyon ng Pangulo ay galing sa mamamayan
Na bumoto upang siya'y iluklok sa katungkulan
Kaya naman mamamayan ang mayron ding karapatan
Na ito ay kuning muli pag Pangulo ay pasaway.

Ang paraan ng pagbawi sa binigay na posisyon
Maaaring isagawa sa susunod na eleksyon
Ngunit kung di na mahintay, lehitimo pa ring option
Ang maghain ng Impeachment, magdaos ng Snap Election.

Ang Pangulo'y maaaring magbitiw rin namang kusa
At ipasa ang tungkulin sa Bise Presidente nya
Subalit kung sa luklukan, kapit-tuko syang talaga
Resignation, Snap Election, at impeachment, walang tsansa.

Kung talagang parang lintang walang balak sumantabi
Kahit sukang-suka na nga ang bumotong nagsisisi
Taong bayan, pag nag-aklas, civil war ang mangyayari
Pag sundalo, nag-coup d'etat, baka Junta ang maghari.

Di kaylangan ang magbuhos ng dugo ang Pilipino
Di kaylangan ang magbuwis ng buhay ng kapwa-tao
May paraang mapayapa, nagawa na natin ito
People Power ang bubuwag sa baluktot na gobyerno!


LAKANDIWA

Maaanghang na kataga ang kaagad binitiwan
Ng makatang Dinapoco Macatiis ang pangalan
Si Masigasig Magtangol, sunod nating pakikinggan
Salubungin nating lahat ng masiglang palakpakan!


HINDI DAPAT

Unang EDSA Revolution, unang People Power Revolt
Nagpatalsik sa diktador at pamilyang mga Marcos
Bahagi ng kasaysayang naulit pa sa EDSA Dos
Nang si Erap, pinakulong at si Gloria, iniluklok.

Kasaysayang nagsimula sa magandang simulain
Sa pag-asang mas gaganda ang takbo ng buhay natin
Ngunit ano ang nangyari? Sa gobyerno naron pa rin
Ang kurakot na sistema, mas malala pa sa kanser.

Kahit ilang People Power pa ang gawin, walang silbi
Pagod na ang taong bayan sa pagmartsa at pag-rally
Dahil kahit na sino pa'ng maluklok sa Presidency,
Ang pagbago sa kultura ng korapsyon, imposible.

Saka mga pagpaplanong si GMA patalsikin
Dahil siya'y iniugnay sa kaso ng ZTE deal
Ng testigong whistle blower sa ginawang Senate Hearing
Pawang tsismis, pulitika, gimik, luma nang tugtugin.

Kaya sayang, sayang lamang kung babalik sa lansangan
At mag-People Power muli ang sawa nang mamamayan
Mabuti pang magtrabaho, wag na tayong makialam
Sa bangayang pulitikal at wika nga ay "Let's move on!"


LAKANDIWA

Mahinahong pinagtanggol ni Masigasig ang panig
Samantalang kanina pa tila hindi makatiis
Ang kaniyang katunggaling muli ngayong nagbabalik
Salubungin ng palakpak, pampagana't pampainit!


DAPAT

Totoo bang pagod na nga sa People Power ang madla?
Hindi kaya prayoridad lamang nila ay sikmura?
Araw-araw, dumarami isang kahig, isang tuka
Iba'y di pa makakahig dahil trabaho ay wala.

Bakit walang matrabaho?  Bakit masa'y naghihirap?
Gayong ayon kay GMA, ekonomya'y umaangat?
Ang dahilan, iilan lang kasing mga mapapalad
Ang maswerteng yumayaman kung bansa nga'y umuunlad.

Sila'y mga kaalyadong mayaman na'y nayaman pa,
Kaibigang negosyante, kakampi sa pulitika,
Mga corrupt sa gobyerno, mga puno ng ahensya
Mahihilig mangumisyon, mangupit, magdelihensya.

Tingnan na lang ang ZTE Broadband Network Deal na palpak
Na saksi pa si GMA sa pagpirmahan ng contract
Nang kontrata ay naglaho, ang balita'y sumambulat,
Kalahati daw ng presyo, komisyon ng taga-Wack Wack!


LAKANDIWA

Nagbabagang katuwiran, mababagsik na salita
Walang takot na sinambit ng magiting na makata
Ang kalaban, ano kaya ang sagot na itutudla?
Palakpakan nating muli at dinggin ang kanyang tula!


HINDI DAPAT

Ang makatang katunggali ay pangahas magparatang
Gayong ito'y pawang tsismis at mahina ang batayan
Si Rodolfo 'Jun' Lozada, na witness sa ZTE scam,
Isang Probinsyanong Intsik, magaling lang sa iyakan.

Marami sa sinabi nya ay hearsay at haka-haka
Ngunit walang ebidensyang mas kapani-paniwala
Kung susundin ang mahigpit na proseso ng Hustisya
Sino man sa sinangkot nya, hahatulang walang sala.

Aminin na ang totoo, wag na sanang magkunwari
Pakana ng oposisyon si Lozada at ZTE
Gayon na rin ang isa pang whistle blower na si Joey
Para alsin si GMA, sila naman hahalili.

Suma-total, pulitika, pulitika't walang iba
Ang dahilan kaya tao'y nagagalit, nag-aalma
Madre, guro, estudyante, ginagawang raliyista
Ginagatungan ng mga ambisyoso sa Kamara!


LAKANDIWA

Umiinit, kumukulo, paakyat na sa sukdulan
Ang bakbakan ng dalawang nagsisipag-Balagtasan
Ako muna ay tatabi at sila na'y hahayaan
Palakpakan nating muli, Kababayang minamahal!


DAPAT

Kung tunay ngang walang timbang ang lahad na testimonya
Bakit kaya tinangka pang kidnapin si Jun Lozada?
Pati si CHED Secretary Neri, bakit, bakit nga ba
Pinipigil ng Palasyong tumestigo't magladlad na?

Kung malinis ang kunsyensya, walang bahong tinatago
Bakit ang E.O. 464, di bawiin ng Palasyo?
Bakit nga ba tila takot na mabunyag ang totoo?
Bakit pati taumbayan, niloloko't ginagago?

Panahon na upang tayo'y kumilos at makialam
Patalsikin ang pinunong kurakot sa pamahal'an
Sa impeachment tayo'y bigo, at malabo syang mag-resign
People Power Revolution, sasagip sa ating bayan!


HINDI DAPAT

Bakit ipi-People Power si GMA na nagsikap
Na iahon itong bansa sa lusak ng paghihirap?
Lumalago ang GNP, ang piso ay tumataas,
Kampante ang negosyante, unemployment lumalagpak.

Bakit itong ekonomyang pinaunlad ni Arroyo
Pilit namang winawasak ng magulong pulitiko?
Bakit hindi makiisang Strong Republic ay itayo?
Bakit ang "Politics of Hate" ang pilit ibinabato?

Problema ng ating bansa, hindi dapat nilulutas
Sa paraang emosyonal, pag-iingay, pag-aaklas
Ang maruming pulitika, sa halip na mapaunlad,
Ekonomyang maganda na'y muli nitong ibabagsak!


DAPAT

Kalaban ko na rin mismo ang tumumbok sa problema
Kung bakit di makuntento kay GMA mga masa
Marami pa hanggang ngayon, sa pagkain sumasala
Marami ang nagtitiis na sa abroad paalila.

Ekonomya ni GMA ay hanggang istatistiks lang
Pagkat ito'y di madama ng maraming mamamayan
Paano nga'y nahuhuthot o di kaya't nahaharang
Ng tiwaling namumuno at kasabwat sa nakawan.


HINDI DAPAT

Corruption di mapipigil kahit sino ang maupo
People Power, di solusyon kung hangad ay pagbabago
Mas mainam patapusin si GMA sa termino
Kaysa maging problema pa'y ang papalit na Pangulo.

Kung si Bise Presidente Noli de Castro luluklok
Marami ring tumututol, ninenerbyos, natatakot
Si Erap daw ay English lang ang na-corrupt, nabaluktot
Si Kabayang Noli kaya, anong uring paglilingkod?


DAPAT

Katunggaling hindi kalbo, ibig yatang magpatawa
Sa layuning mailihis itong paksa naming dal'wa
Sino man ang hahalili, yan ay bukod na problema
Na sa ibang Balagtasan nararapat na igisa.


HINDI DAPAT

Hindi ako nagbibiro, kailangan nitong bansa
Ay pinunong matalino, matalas ang pang-unawa
Kaya tayo may eleksyon, upang bayan ang humusga
Pumili ng nararapat na mamuno sa kanila.


DAPAT

Karapatang ninakaw na ni GMA nang tawagan
Nya si Garci sa Comelec kahit bawal at ilegal!


HINDI DAPAT

Pulitika'y isantabi, isulong ang kaunlaran!


DAPAT

Kaunlarang nagpipyesta'y mga corrupt na opisyal!


HINDI DAPAT

Si GMA ay di corrupt, mahal nya ang ating bayan!


DAPAT

Baka naman minamahal lamang niya'y kabang-bayan?


HINDI DAPAT

Sinungaling!  Mapanlamang!


DAPAT

Naroon sa Malacanang!


LAKANDIWA

Itigil ang pag-aaway!  Kayo muna ay kumalma
Kapwa kayo may katwiran, may punto ang bawat isa
Kababayang kanina pa nagmumuni't nakanganga
Palakpakan nating muli ang magiting na dalawa!

Patalsikin si GMA? o hintayin ang eleksyon?
Palitan sa 2010? o People Power na ngayon?
Pagpalain tayong lahat ng Dakilang Panginoon...
Kayong madlang pipol na po ang humusga at humatol.

 

 

________________
Mula sa may-akda:

Ang napapanahong balagtasang ito ay isinulat at nakumpleto ngayong Linggo, ika-24 ng Pebrero, dito sa Pohnpei, Federated States of Micronesia.  Hanggang sa mga sandaling ito ay wala pang katiyakan kung ano ang mangyayari sa Pilipinas sa susunod na mga araw.  Ang balagtasang ito, anuman ang maging kagapanan sa hinaharap, ay magiging bahagi na lamang ng kasaysayan na para sa mga musmos at di pa ipinangangak, ay masasabi naming kami ay naging saksi sa mga pangyayari, at kabilang kami sa maraming naghahangad na matigil ang korapsyon sa lahat ng antas ng aming pamahalaan, na ang katapatan at katotohanan ang maghari sa aming Inang Bayan.

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.


Aral at ligaw
Babae ang manliligaw
Bakla sa PNP
Bata at pamalo
Boksingerong anak
Dagdag na taon sa haiskul
Diborsyo sa Pilipinas
Giyera laban sa droga
Halalan sa 2016
Hiling ng magulang
Kapisan ang biyenan
Kapit sa patalim
Katotohanan sa pamamahayag
Maganda vs Pangit
Mahal mo vs Mahal ka
Matalino vs Mayaman
Pag-asa ng Bayan
Pagkakaisa ng mga Pilipino
Paglahok sa politika
Pagsasabi ng totoo
Pagsasawalang kibo ng inaapi
Pakialam sa pag-ibig ng anak
Pakikihalo ng matanda sa SK
Panghihimasok sa buhay ng iba
Pangingibang-bansa
People Power vs GMA?
Pusher na kaibigan
Si Manny Pacquiao at ang politika
Tahanan vs Paaralan



BALAGTASAN
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo

 
Personal na web site ni Rafael A. Pulmano

OFW – ANG BAGONG BAYANI
 
COPYRIGHT 2017 © RAFAEL A. PULMANO

affiliate_link