Saang sulok ng daigdig ka man naroon, Kabayan, BAYANI kang ituturing ng iyong Inang Bayan.
BALAGTASAN
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo TUNGKOL
SA SAYT NA ITO

Advertisement
affiliate_link

PAGLAHOK SA POLITIKA

TANONG: PAYAG ka ba o HINDI PAYAG na kumandidato kung ikaw ay mahilingang lumahok sa politika?


Mula sa pinagsamang panulat nina:
Gonie T. Mejia — nagtanggol sa panig ng Payag
Rafael A. Pulmano — nagtanggol sa panig ng Hindi Payag
Elvie V. Espiritu — namagitan bilang Lakambini


LAKAMBINI (Pambungad)

Ang tabing po ng tanghalan ay atin nang hinahawi
Pagkat nga po sumapit na ang inasam na sandali
Ang pingkian ng matuwid, Balagtasan ang taguri
Bago po yan ay puwede bang sa palakpak makahingi?

Salamat po nang marami sa maugong na pagtanggap
Magandang Lunes ng gabi, sukling alay ko sa lahat
ELVIE ESPIRITU po, Lakambini na gaganap
Tatayo pong tagahatol, papagitnang tagaawat.

Sa hiling po ng maraming mahal na tagasubaybay
Maghihidwa ngayong gabi'y magkasukat sa larangan
Ang Hari ng Balagtasan vs. Lakandiwang batikan
Sa paksa pong tutuguning ganito ang nilalaman:

Kung ikaw sa politika'y hilingang kumandidato
Payag ka ba o di payag, tugon mo ba ay Yes or No?
Magaan po itong tanong ngunit nakakubli dito
Suliraning masusuong at dangal na matatamo.

Tulad po ng nararapat sa lahat ay paalala
Kung mayroong masasagi sa laba'y di sinasadya
Sa makatang maglalaban ay akin ding paunawa
Hinaho'y wag malilimot at huwag na huwag mapipika.

Matapos po na mag-toss coin ang dalawang magbabangay
Ang pinalad po sa kara'y makata ng ka-Tarlac-kan
Habang siya'y papalapit sa ating silid-tanghalan
Siya'y ating salubungin ng masiglang palakpakan!


PAYAG (Pagpupugay)

Salamat sa Lakambini at Reyna ng Balagtasan
Ang magiliw nyong pagtanggap ay isa kong karangalan
Sa lahat ng naririto, maging labas ng bulwagan
Isang mapagpalang gabi sa inyo ang pagpupugay.

Kung kaya din lang ng bulsa, kalusugan at ng isip
Kapintasan para sa akin sa hiling ay maging manhid
Sa tanong na tinutugon, malinaw ang aking panig,
Gonie Mejia po lamang, di maramot, hindi pikit.


LAKAMBINI (Pagtanggap)

Ang narinig nyo'y si Gonie, ang Hari ng Balagtasan
Isunod po naman natin ang kanyang makakalaban
Ang batikang Lakandiwa at makatang taga-Binan
Kababayan, ang hiling ko'y masigabong palakpakan


HINDI PAYAG (Pagpupugay)

Noon pa mang ako rito sa Saipan ay bagong salta
At kalaban ko po'y di pa personal na nakikita
Sa husay n'yang mangatwiran, ako'y hanga pong talaga
Pero ngayon, hindi na po, dahil palpak din po pala.

Ang lahat ay nagsasabi, politika ay marumi
Kaya kahit may humiling, ako'y hindi po sasali
Ako'y di po isang Gonie — may ipis ang guniguni
Ako po si Ralph Pulmano, nagpupugay, m'gandang gabi!


LAKAMBINI (Pagtanggap)

Sanay man ang kagaya kong duminig sa paghihidwa
Ngunit ako sa iringan ng dalawa'y nangatog na
Dahil hindi ko na kayang ang laban ay iatras pa
Si Gonie'y naritong muli, sa palakpak suubin siya.


PAYAG (Unang Tindig)

Iyang larong politika ay malinis na larangan
Ang may dungis lamang dito'y politiko na gahaman
Kung ang aking guniguni'y may ipis man sa paratang
Ito namang si T'su Paeng ay bakla ang katuwiran.

Kung lahat po ng lalaki'y alanganin yaong isip
Mayron pa bang katinuang mangyayari sa daigdig?
Kung walang pamahalaang sa ating batas ay uugit
Anong uring pamumuhay ang atin bang makakamit?

Hindi dapat na itanggi ang pagtulong sa lipunan
Kakayahan mo'y isilbi sa kaniyang kaunlaran
Kahit hindi hilingin ang pagpasok ko sa halalan
Magkukusa na rin ako lalo't kinakailangan.

Nababatid nga po nating politika'y maligalig
Ngunit iya'y di dahilang tayo'y dapat nang magkait
Ng pakialam sa lipunan, mag-alay ng malasakit
Maghandog-katiwasayan sa lupaing iniibig.

Kung sa pugad po ng manok, itlog laging nabubugok
Ang lahi po ng inahin magmamaliw at lulubog
Bayan mang itinatangi sa dusa ay malulugmok
Kung gaya ng katunggali ang kaniyang sinasakop.


LAKAMBINI

Ang daluyong ng matuwid ni Gonie ay paragasa
Tumatangay sa damdamin ng may pusong mahihina
At ngayon naman ay si Ralph ang sunod na tutuligsa
Ikaloob po sa kanya'y palakpak na masagana.


HINDI PAYAG (Unang Tindig)

Politiko ang marumi at di raw ang politika
Na para bang sinasabing itong ating bayang sinta
Ay hindi po naghihirap, ang pobre'y ang nakatira
O gobyerno'y hindi corrupt, opisyal ang salaula.

At kaylakas po ng loob na magbintang ni Gorgonio
Na katwiran ko ay bakla, ang kanya po baga'y ano?
Politika'y maligalig, inamin ng kalaban ko,
Samakatwid po ba nito'y tahimik ang politiko?

Kung galit ka sa kapwa mo at hangad na makaganti
Ang mabisang solusyon daw, sikapin mong makumbinsi
Yaong taong iyon upang sa halalan makisali
Sa manalo't matalo man, l'yamado ka, sya ang lugi!

Ang matalo'y masakit po sa bulsa at kalooban
Ang manalo'y sakit din po ng ulo pag nanungkulan
May hihingi ng abuloy na may sakit, namatayan,
Masama ka kapag merong isang hindi napagbigyan.

Lahat po ng kandidato'y nangangakong maglilingkod
Pag nabilang na ang boto at natuos na ang gastos
Ang nagwaging namuhunan ng salapi, antok, pagod,
Syempre upang makabawi, kailangang mangurakot!


LAKAMBINI

Ang liyab ay tumitindi sa hurno ng paglalaban
Ako muna'y tatabi na nang sila ay mapagbigyan
At kapag po may sunog na sa dalawang nakasalang
Saka ako papagitna at da-dial sa 911!


PAYAG (Ikalawang Tindig)

Sakripisyo't panlilibak, katugon sa politika
Dati na pong sakit iyan, di na ako nagtataka
Pagkat diyan nauuri yaong tao na dakila
Tumutulong ka na't lahat, ikaw pa rin ang masama.

Politika'y kompetisyon kaya dito'y may ligalig
Di lahat ng kandidato'y may maruming pag-iisip
Pakiusap sa kahidwang tila asong nagngingitngit
Politiko'y wag lahatin, kung sa akin siya may galit.

Dahil itong si T'su Paeng ay tutol sa politika
Kahulugang sa gobyerno'y bantulot ding kumilala
Kahit pa man magkagayon, nakikinabang po siya
Sa maayos na trapiko't kongkretong mga kalsada.

Halimbawang siya din ay pagbigyan sa kanyang gusto
Iwaglit ang politika, buwagin na ang gobyerno
May hustisya pa ba kayang iiral sa ating tao
Kung lahat ay kanya-kanya pagkat walang mamumuno?


HINDI PAYAG (Ikalawang Tindig)

Kalaban kong si Gorgonio'y mahilig pong mag-ilusyon
Mahilig din pong magsuri, mali naman ang konklusyon
Palagay ko ay kaylangan muna niyang magbakasyon
Kaya lang po, balita ko'y apaw na ang Mandaluyong.

Politika, di gobyerno, ang akin pong inayawan
Dahil kahit kasingtibay ng bakal ang pamahal'an
Politika, pag naghari'y masahol pa sa kalawang,
Kapakanan ng partido'y inuuna kaysa bayan!

Katunggali'y nagdaramdam kapag aking nilalahat
Iyang mga politikong iba anya'y de-kalidad
Nalimutan na po yatang isang bakol man ang prutas,
Mapahalo'y isang bulok, uuurin din pong lahat!

Magdila pong anghel sana ang kahidwang kutis-sanggol
Dahil sa 'min kalye'y wasak, at trapiko'y buhul-buhol
Di matapus-tapos yaong politikal na diskusyon
Sa paglagak nitong pondong daming ibig mangomisyon!


PAYAG (Ikatlong Tindig)

Politikong halal-bayan, ang luklukan ay gobyerno
Natural sa politikang may lapian at partido
Bakit sa bakol ng prutas nasira'y isa wika mo
Ang matinong karamihan, basura mong nasisino?

Hindi ko po sinasabing si T'su Paeng ay ninety-nine
Ngunit kapag po tutoo, di dapat kong pinatulan
Sa wika niyang Mandaluyong ay mayron pong kagalingan
Ngunit sa tao pong tanga, mayroon bang pagamutan?

Pasalamat ka na kahit kalsada ay baku-bako
Daanan ng behikulong nagbubuhol sa trapiko
Kung wala ang politikong may palakad sa gobyerno
Baka kahit na pilapil, wala na pagkat pribado.


HINDI PAYAG (Ikatlong Tindig)

Di nakuha ni Gorgonying ang aral ng mga prutas
Malala na palang sadya ang lagay ng kanyang utak
Politika'y isang sakit na madaling kumakalat
Mabuti mang kandidato, may sungay din pag nagluwat.

Ibig yatang palabasin ng mabunying katalo ko
Na kung walang politika'y wala na rin ang gobyerno
Di lahat ng namumuno sa gobyerno'y ibinoto
Mas maraming hinihirang sa pang-sibil na serbisyo.

Kapag isang politiko ang nasa administrasyon
Tingin niya'y nakapako sa darating na eleksyon
Ang pinunong napaupo dahil sa kwalipikasyon
Nakatuon ang pananaw sa sunod na henerasyon.


PAYAG

Hindi lamang pala mata sa katalo'y lumalabo
Pati na din ang matuwid na ngayon ay lumiliko
Ang prinsipal ay sino ba sa pang-sibil na serbisyo?
Kundi yaong nakaupong taong-bayan ang bumoto!

Sa pinuno't politiko ng katalo'y tinalakay
Sa hangarin ay iisa, kapakanan po ng bayan
Mahalaga ding mabatid ni Rafael ang dahilan
Kaya mayrong politika, nang ang bansa'y mapagyaman.


HINDI PAYAG

Ang paksa po namin dito'y kung sakaling hihilingan
Na lumahok bilang isang kandidato sa halalan
Ako po ba ay papayag? Ayoko po, gulo lang yan
Baka pati sarili kong pamilya'y mapabayaan.

Pag si Gonie ay nahalal, bayani pong tatanghalin
Dahil sa twing merong away, bangkay na di mapalibing,
Kalabaw na nawawala, naghuramentadong lasing,
Kasarapan ng tulog nya'y saka merong manggigising!


PAYAG

Halintulad po ng bansa'y isang puno ng halaman
Na ang dito'y tagadilig, nagwaging nanunungkulan
Kung katulad ni T'su Paeng ang lahat ng mamamayan
Puno ay hindi lalago, malalanta, mamamatay.


HINDI PAYAG

Nakapuntos din sa wakas ang sunog kong kabalagtas
Nang sa puno inihambing ang bansa kong nililiyag
Na dati po'y malago na, mabunga at mabulaklak
Ngayo'y lanta sa dami ng politikong panay corrupt!


PAYAG

Tao daw pag mainggitin, daglian kung magparatang
Ngakngak dito, dada doon, kahit walang katibayan
Baka si Raffy'y di batid, may batas na pinagtibay
Sa isang naninirang-puri, may katugong bilangguan.


HINDI PAYAG

Ayaw ko sa politika'y talamak ang kaplastikan
Kandidato'y kaybabait sa oras ng kampanyahan
Masuyo kang ngingitian, aakbayan, kakamayan
Ngunit sila'y may amnesia pag tapos na ang halalan.


PAYAG

Lingkod-bayang politiko, mahirap ngang makaiwas
Sa pintas po ng botanteng mapaggawang-alingasngas!


HINDI PAYAG

Politika ang syang mitsa ng maraming karahasan
Pag sinabing very peaceful ang eleksyon, may patayan!


PAYAG

Kung wala ang politiko, meron bang katahimikan?


HINDI PAYAG

Politika'y hindi sugal, pero lintik ang dayaan!


PAYAG

Kahit dito'y may dayaan, dapat ka ring makialam!


HINDI PAYAG

Makialam sa pagboto, hindi sa kandidatuhan!


LAKAMBINI (Paghatol)

Ang oras ay sumapit na upang kayo ay awatin
Magpahinga muna kayo at ang ulo'y palamigin
Muli po sa naririto'y masuyo kong hinihiling
Palakpakan ang dalawang naglaban nang buong giting.

Paunawa ko sa lahat, ang hatol ko'y ibabatay
Sa hinayag na matuwid ng makatang naghidwaan
Pahabol kong paalala, ang paksa pong tinalakay
Politikang Pilipinas, ibang bansa'y di kabilang.

Simulan nating limiin ang matwid ng bawat isa
Sa paksa po na tinugon, kung tutol ba o payag ka
Kung ikaw ay nahilingang tumakbo sa politika?
Panig muna ng pagpayag ang siya nating iuuna.

Ani Gonie, ang pagpayag o magkusa po ay dapat
Lalo't ikaw'y may hangaring ang bayan ay mapaunlad
Maligalig man daw anya at halalan ay may dahas
Iya'y di mga dahilan upang ikaw ay maduwag.

Matuwid din niyang tinukoy kung wala ang politiko
Na halal ng taong bayang mamumuno sa gobyerno
Walang batas na iiral, bayan daw ay magugulo
Maganda ang paliwanag ng makatang si Gorgonio.

Ayon naman kay Rafael, ang makatang sumalungat
Politika'y maligalig, nanunungkula'y mga corrupt
Ang isa pa na dahilan na hindi raw matatanggap
Karahasan sa halalan, palagi nang nagaganap.

Wika din niya ang pamilya ang siyang mapapabayaan
At sakit daw po ng ulo pag politika'y pinatulan
Dito'y ibig niyang tukuyin, kanya-kanya tayong buhay
Lahat walang limitasyon, wala ang pamahalaan.

Bayan ay kahalintulad sa mayabong na pamilya
Na magulang ang heneral, sa anak ay mga guwardiya
Magkagayon man sa anak, may away pang nagagawa
Yaon pa bang sambayanan na walang namamahala?

Kung wala po ang halalan, wala din ang politiko
Kung wala ang politiko, paano ba ang gobyerno?
Kung wala ding politikong sa bayan ay mamumuno
Mawawalan ng direksiyon, bukas nating tinutungo.

Paalala ko'y igalang lahat ng nanunungkulan
Sa ating pamahalaan na halal ng taong bayan
Si Gonie po ang nagkampeon sa ginawang paglalaban
Pakunsuwelo po sa kanya'y matunog nyong palakpakan!

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.


Aral at ligaw
Babae ang manliligaw
Bakla sa PNP
Bata at pamalo
Boksingerong anak
Dagdag na taon sa haiskul
Diborsyo sa Pilipinas
Giyera laban sa droga
Halalan sa 2016
Hiling ng magulang
Kapisan ang biyenan
Kapit sa patalim
Katotohanan sa pamamahayag
Maganda vs Pangit
Mahal mo vs Mahal ka
Matalino vs Mayaman
Pag-asa ng Bayan
Pagkakaisa ng mga Pilipino
Paglahok sa politika
Pagsasabi ng totoo
Pagsasawalang kibo ng inaapi
Pakialam sa pag-ibig ng anak
Pakikihalo ng matanda sa SK
Panghihimasok sa buhay ng iba
Pangingibang-bansa
People Power vs GMA?
Pusher na kaibigan
Si Manny Pacquiao at ang politika
Tahanan vs Paaralan



BALAGTASAN
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo

 
Personal na web site ni Rafael A. Pulmano

OFW – ANG BAGONG BAYANI
 
COPYRIGHT 2017 © RAFAEL A. PULMANO

affiliate_link