Saang sulok ng daigdig ka man naroon, Kabayan, BAYANI kang ituturing ng iyong Inang Bayan.
BALAGTASAN
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo TUNGKOL
SA SAYT NA ITO

Advertisement
affiliate_link

BOKSINGERONG ANAK

TANONG: Kung hangad ng kaisa-isa mong anak ay maging isang boksingero, PAYAG o TUTOL ka ba?


Mula sa pinagsamang panulat nina:
Gonie T. Mejia — nagtanggol sa panig ng Payag
Rafael A. Pulmano — namagitan bilang Lakandiwa; sumulat din sa iskrip ng Tutol, na ipinagtanggol ni Emma C. Malaca


LAKANDIWA (Pagbubukas)

Kagaya ng nararapat, ako muna'y bumabati
Sa naritong mga seksi at tulad kong mga pogi
Kami po ay nakahanda na pong muling mangiliti
Upang kahit kayo'y homesick, kahit konti'y mapangiti.

Ako po si Ralph Pulmano, Lakandiwa ninyong lingkod
Taga Binan, Laguna po, bumabating buong lugod
Para lalong ganahan po't mawala ang aming nerbyos,
Pwede po bang makahiling ng palakpak na matunog?

Ang paksa ng Balagtasa'y akin na pong ihahayag:
Kung anak mo'y iisa lang, lalaki s'ya, at ang hangad
Bilang isang boksingero balang araw mapatanyag
Ikaw baga na magulang ay tututol o papayag?

Matapos pong mapakinggan ang tanong na sasagutin,
Ang dalawang magtatalo'y atin na pong tatawagin
Si Emma C. Malaca po ang sya nating paunahin
Sa masiglang palakpakan ay atin pong salubungin!


TUTOL (Pagpupugay)

Kumusta po kayong lahat, kababayang minamahal
Ako po ay isang inang sa inyo ay nagpupugay
Masakit po para sa 'kin na makitang sinasaktan
Ang anak ko, kaya “TUTOL” ang panig kong ilalaban!


LAKANDIWA

Taga-Nueva Ecija po ang makatang paraluman
Sa Tarlac po naman buhat ang makata nyang kalaban
Pogi rin po, huwag lamang titingnan nang matagalan
Si Gonie T. Mejia po ay atin ding palakpakan!


PAYAG (Pagpupugay)

Bilang ama nitong batang lalaki't bugtong na anak
Kung boksing ang siyang hilig akong ito ay papayag
Itulot po ninyo ngayon sa inyo muna'y maigawad
Ang kayo ay batiin ko, magandang gabi po sa lahat!


LAKANDIWA

Di na natin ibibitin ang labanan ng dalawa
Simulan na agad natin habang sila'y mainit pa
Ang makatang paraluman ang sya muling mauuna
Ang atin pong igaganti'y palakpakang masagana!


TUTOL (Unang Tindig)

Syam na b'wan pong dinadala sa kanyang sinapupunan
Ng ina ang kanyang sanggol bago ito maisilang
Syam na buwang sakripisyo, paghihirap, pagdaramdam,
Ang buhay ng dinadala'y karugtong ng kanyang buhay.

Sa oras na iluluwal ang sanggol na sinisinta,
Ang ina ay nakabingit sa hukay ang isang paa
Ang kirot ng panganganak na wala nang pangalawa
Ay ganap na napapawi pag supling ay nakita na!

Sa paglipas pa ng araw, linggo, buwan, mga taon
Gatas sa dibdib ng ina ang sa gutom ay pantugon
Kahit ina'y sobrang pagod sa gawain sa maghapon
Hindi pwedeng di babangon pag umuha itong sanggol!

Kung ni lamok ay aayaw padapuin sa anak nya
At sa konting magalusan, ina rin ang nagdurusa
Gaano pa kayang hapdi sa magulang na makita
Ang anak ay binubugbog sa boksing ng kalaban nya!

Tutol akong ang anak ko ay makipagsapalaran
Sa larangan niyang boksing na sakit lang ng katawan
Kung minalas-malas ka pa, sa boksing pag napuruhan
Ang koronang kakamtin mo'y korona ng mga patay!


LAKANDIWA

Sa simula pa lamang po'y patayan na ang usapan
Ako muna'y papagitna nang tumagal itong laban
Ang makatang makisig po ang sya namang pagbibigyan
Palakpakan din po natin para naman wag magdamdam!


PAYAG (Unang Tindig)

Maraming ikinumpisal na pasakit ang kalaban
Wika'y dinanas ng ina sa anak nang maisilang
Ang anak ba'y pinalaki, inaruga't pinagkamal
Nang sa dakong mga huli'y gagawing pagmaramutan?

Bugtong mang anak na lalaki'y kung boksing nahihiligan
Dahil ito ay propesyon, hindi dapat siyang hadlangan
Pagkat ito'y paligsahan, mabugbog di maiiwasan
Lakas at tibay ng loob ang dito'y nakasalalay.

Magulang ba ay maramot, mga sakim kung magmahal?
Pati hangad nitong anak magboksingero'y tatanggihan
Di ba dapat ikatuwa sakaling maging kampeon sa larangan?
Katalo ko yata'y mahina, sa karangalan umaayaw!

Hindi dahil sa sinabing anak mo ay boksingero
Pawa lang kapahamakan dito'y kanyang matatamo
Pahihintulutan mo ba siya sa larangan na ganito
Kung walang gilas-kakayahan aspeto sa kampeonato?

Tumanyag ang bayan natin, dinakila't kinilala
Dahil sa ating mga kampeon — Flash Elorde't Pancho Villa
Mga koronang nakamit sa iyo'y isang paalala
Korona ng karangalan, tagumpay ng bansang sinta!


LAKANDIWA

Unang salpok ng dalawang nagtatalo'y nakita n'yo?
Mukhang bago maglinawan ay malaki munang gulo!
Si Emma po'y nagbabalik, kaya bayan, ang hiling ko
Isalubong agad nati'y palakpakang masigabo!


TUTOL (Ikalawang Tindig)

Malasakit ang turing ko sa tawag mong kasakiman
Karamutang tinukoy mo, sa akin ay pagmamahal
Kung magulang ay di dapat sa anak ay makialam
Bakit ang D'yos nating Ama'y nagbigay ng kautusan?

Ang utos na sa magulang nagmumula'y di pagsiil
Sa ligayang hinahangad ng anak na mahal sa 'kin
Ang anak nga'y naglalakbay sa di tukoy na landasin
Magulang ang mas may alam sa peligrong susuungin.

Kung ang hanap ng supling mo'y mapatanyag sa lipunan
Tungkulin mong ipakita sa kanya ang wastong daan.
Sa Bibliya'y nasusulat: Ang anak ba ay bibigyan
Mo ng bato kung ang kanyang hinihingi ay tinapay?

Alalaong baga, alam mo nang boksing ay di tama
Kalusugan, pati buhay ng anak mo'y nakataya
Parang batong ipupukpok sa ulo ng minumutya
Kung matinong magulang ka, yan ba'y dapat ikatuwa?


LAKANDIWA

May katwiran ang makatang ang damdami'y maka-Ina
Pakinggan po naman natin ang tugon ng kalaban nya
Si Gonie ay maglalahad ng panig ng isang ama
Wag po kayong mahihiya...Sige na po, palakpak na!


PAYAG (Ikalawang Tindig)

Malasakit na hunghang at hangal na pagmamahal
Kung patuloy mong bilanggo ang anak sa karapatan
Sa landas na tatahakin higit pa syang maliligaw
Kung inaangkin nyang sarili minamaniobra ng magulang
.
Hindi iniutos ng Diyos na saklawin mo ang lahat
Lalo't ito'y kapakanan at kasiyahan ng anak
Ang tinukoy mong tinapay, magiging bato ang kasukat
Kapag anak mo'y binigo, damdamin nya'y maghihirap.

Magulang ay hinahangad anak nila'y mapabuti
Hindi naman sa paraang hilig nila'y itatanggi
Hindi dapat nakapalda ang anak mo na lalaki
Ito yatang katalo ko, Korokan ang kanyang lahi!

Kung boksing nga ay di tama, dapat itong ipagbawal
Ngunit ito'y tinatanggap sa larong pampalakasan
Dahil di ko pinipiit ang anak sa kagustuhan
Sa akin ang katinuan, sa katunggali ang kamangmangan!


LAKANDIWA

Sa ikatlo't huling tindig, atin na pong matitimbang
Kung sino ang tatanghaling kampeon nitong Balagtasan
Ako muna ay titiklop, silang dalwa'y hahayaan,
Kayo namang nanonood, gamitin ang mga kamay!


TUTOL (Ikatlong Tindig)

Pilipit po ang katwiran nitong aking katunggali
Anya'y hangad ng magulang na anak ay mapabuti
Ngunit di raw sa paraang hilig nila'y itatanggi
Eh, kung hilig nya ay shabu, ano'ng iyong masasabi?

Hindi naman komo ikaw'y nagsabi ng hindi gusto
Pati layang magdesisyon ng anak ay inalis mo
Sya pa rin ang masusunod, kung sumuway man sa iyo
Mahalaga ay hindi ka nagkulang sa pagpapayo!

Karangalan ba ng bansa pag ang anak ay nagkampeon?
Palakpak ng nanonood, sa nagwagi nga ba ukol?
Boksing, gaya ng basketbol, ay katulad din sabong...
Hindi manok, kundi pusta, ang dinayo ng sugarol!


PAYAG (Ikatlong Tindig)

Sumasablay na uppercut ang tugon ng katagisan
Kumikitid ang matuwid na di ko maintindihan
Propesyon ba ay kahambing ng isang gamot na bawal
Di naman sa pamimintas, siya yata'y isip-tungaw!

Umamin din ang makatang kalaban ko sa matuwid
Na anak ang masusunod sa nahihiligan niya't nais
Di na dapat patagalin itong laban kahit saglit
Pagkat dito ay lantaran nang gapi ko ang kanyang isip!

Sa boksing ay kapwa tao sa rueda ang maglalaban
Hindi kaparis ng sabong dayuhin ng nagpupustahan
Ako'y sadyang nagtataka sa katalong paraluman
Hinahalintulad ang boksing sa di dapat kahambingan!


TUTOL

Nagbibilang na ng sisiw ang kalaban ko pong sunog
Gayong di pa napipisa ang itlog nyang baka bugok!
K'westyon dito'y di po naman kung sino ang masusunod,
Palagay ko'y kailangang paiksamen sya ng tuktok!

Maliwanag po ang tanong na paksa ng pagtatalo
Ang kaisa-isang anak ay gustong magboksingero
Bilang ina, ako po ba'y sasang-ayon? Ano, hilo?
Di pwede yan! Kung gusto mo, magsuntukan na lang tayo!


PAYAG

Ang pagtutol po sa anak ng ginang na hindi sunog
Nangangahulugan lamang siya ang nais masunod
Sa seryosong paglalaban, halatang siya'y tiklop-tuhod
Ngunit marunong din palang magkenkoy kahit di panot!

Ako'y isang mahabagin lalo't lasing ang kalaban
Hindi ako pumapatol sa babae ng suntukan
Ang magboksing ang anak mo, bakit di mo mapayagan
Samantalang ikaw pala ay boksingera din naman?


TUTOL

Hindi ako boksingera, pero kapag kinukulit
Lalaki mang katulad mo ay kaya kong ipaligpit
Ikaw itong hinahamon, ba't anak ang ginigiit?
Nagdududa tuloy ako, bakla ka ba o silahis?


PAYAG

Matindi yata ang tama sa akin ng paraluman
Ngayo'y mukhang nagseselos, lingkod nyo'y pinaparinggan
Kung hindi lang nakagapos ang puso sa ibang mahal
Baka ako'y magkamaling ikaw'y aking pagbibigyan!


TUTOL

Akala ko'y malilipat sa Murphy ang basurahan
Nasa utak mo na pala ngayon ang Puerto Rico dump!


PAYAG

Nagsimula ang basura sa bibig mo at salita
Inagapan ko nga lamang na huwag itong kumawala!


TUTOL

Kung sa inang kagaya ko ay wala kang pakundangan
Di lalo na sa yong anak na bulag ang tagaakay!


PAYAG

Akin na pong ibabalik ang laban sa katinuan
Bilang ama nitong anak, sa boksing siya'y pagbibigyan!


TUTOL

Bilang ina'y tutol ako ngayon, bukas, hanggang wakas!


PAYAG

Ako naman po'y di hadlang, ngayon, bukas, kaylan pa man!


TUTOL

Katalo ko'y nagladlad na!


PAYAG

Lakandiwa ang huhusga!


LAKANDIWA

Manahimik muna kayo at ang bibig ay i-zipper
Lumalalim na ang gabi, ako naman ang papapel
Kababayang nanonood, wag ilipat iyang channel
Ang dalawang magagaling, palakpakan muli natin!

Kasabihang mas madali ang manood at magmiron
Tama't mali'y napupuna, di problema ang maghukom
Ngunit akong lakandiwang nakasalang din po ngayon
Ay tutoong nalilito sa dapat kong maging hatol!

Ang paksa po natin dito'y simple lamang sa umpisa
Sa boksing ay inaalam, opinyon mo'y ano nga ba?
Subalit kung hihimayin ang katwiran ng dalawa,
Mas malawak po ang isyung batayan ng pagpapasya.

Imateryal po ang hiling, o kung ilan ang yong anak
Ang hamon sa ama't ina'y alin nga ba ang mas dapat...
Payagan ang supling kahit may peligrong mapahamak,
O, tutulan siya gayong may sarili na syang utak?

Merong mga nagsasabing di tungkulin ng magulang
Na linisin at ihanda sa anak ang daraanan
Ang kaylangan ay bigyan mo sya ng mapa bilang gabay
Sa pagtahak sa malubak na landasin nitong buhay.

Alalong baga, maging tutol ka man o sang-ayon
Sa hangad ng iyong anak, magulang ka na ang misyon
Ay magpayo at mangaral ng tama at naaayon
Ngunit anak, hindi ikaw, ang dapat na magdesisyon.

Kahit na po anong bagay, hindi tama kapag sobra
Gayon din po ang magulang sa pagtrato sa anak nya:
Kung sukdol ang malasakit, sakim na ang yong pagsinta
Kung labis ang layaw naman, iresponsable kang ama.

Nang tanungin ko'ng misis ko, may katwiran daw si Emma
Pero sabi ng anak ko, si Gonie ang mas-type nila
Kaya ngayon, para wala pong mag-welga, sila'y tabla
Pagpalain tayong lahat ng Dakilang Diyos Ama.

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.


Aral at ligaw
Babae ang manliligaw
Bakla sa PNP
Bata at pamalo
Boksingerong anak
Dagdag na taon sa haiskul
Diborsyo sa Pilipinas
Giyera laban sa droga
Halalan sa 2016
Hiling ng magulang
Kapisan ang biyenan
Kapit sa patalim
Katotohanan sa pamamahayag
Maganda vs Pangit
Mahal mo vs Mahal ka
Matalino vs Mayaman
Pag-asa ng Bayan
Pagkakaisa ng mga Pilipino
Paglahok sa politika
Pagsasabi ng totoo
Pagsasawalang kibo ng inaapi
Pakialam sa pag-ibig ng anak
Pakikihalo ng matanda sa SK
Panghihimasok sa buhay ng iba
Pangingibang-bansa
People Power vs GMA?
Pusher na kaibigan
Si Manny Pacquiao at ang politika
Tahanan vs Paaralan



BALAGTASAN
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo

 
Personal na web site ni Rafael A. Pulmano

OFW – ANG BAGONG BAYANI
 
COPYRIGHT 2017 © RAFAEL A. PULMANO

affiliate_link