Saang sulok ng daigdig ka man naroon, Kabayan, BAYANI kang ituturing ng iyong Inang Bayan.
BALAGTASAN
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo TUNGKOL
SA SAYT NA ITO

Advertisement
affiliate_link

KAPISAN SA BAHAY ANG BIYENAN

TANONG: DAPAT ba o HINDI DAPAT na kapisan sa bahay ng manugang ang biyenan?


Mula sa pinagsamang panulat nina:
Elvie V. Espiritu – nagtanggol sa panig ng Dapat
Gonie T. Mejia – nagtanggol sa panig ng Hindi Dapat
Rafael A. Pulmano – namagitan bilang Lakandiwa


LAKANDIWA

Malugod na pagbati po sa lahat ng nakikinig
Ang handog ko ngayong gabi ng Disyembre, unang Lunes
Samahan po kaming muli sa sunod na ilang saglit
Sa buwanang Balagtasang isinasahimpapawid.

Ito po si Ralph Pulmano, Lakandiwang papagitna
Sa dalawang magbabanggang magagaling na makata
Hayaan nyong ihayag ko ang napili naming paksa
At kayo rin ay magsuri kung alin ang mali't tama:

Kung hilingin ng byenan mo, o magulang ng yong kabyak,
Na sila ay makipisan sa piling ng yong mag-anak,
Kasuno sa isang bubong sa maghapon at magdamag
Manugang ka, ito kaya sa tingin mo'y nararapat?

Yamang inyong nabatid na ang paksa ng pagtatalo
Pormal ko nang hinahawi ang tabing ng entablado
Kung mayroong nagnanais makilahok ngayon dito
Pumanhik na sa tanghalan at nang ating mapagsino.


DAPAT

Ako po ay nangahas nang tumugon sa panawagan
Upang aking ipagtanggol na "DAPAT po ang pumisan"
Ang sa akin ay lalaban, maging siya'y sino pa man
Ipunin ang pag-iisip, sikhayin ang katatagan.

ELVIE V. ESPIRITU po ang lingkod n'yong dalaga pa
Sa larangan ng bigkasan, walang atras makibaka
Tubong Nueva Viscaya po, sa rima ay Amasona
Magandang Lunes ng gabi, pagbati ko sa balana.


LAKANDIWA

Ang makatang paraluma'y magiliw kong tinatanggap
Magtuloy ka at ang alam ay dito mo isiwalat
Kung meron pang nagnanasang makisali't makibabag
Bukas pa po ang listahan sa tagisan ng pagbigkas.


HINDI DAPAT
Ayaw ko sanang pumatol sa makatang paraluman
Ngunit sa amin pong lahi, ang pagtanggi'y karuwagan
Tinatanggap ko ang hamon, buong puso't kalooban
Sa panig na tutuguning "DI MARAPAT ang pumisan."

Hamak man po sa paningin ang lingkod nyong taga-Tarlac
Sa rima ang makatuos ay sa Mental bumabagsak
GONIE MEJIA po ang lingkod nyong naghahayag
Nagpupugay, buong galak, sa inyo pong lahat-lahat.


LAKANDIWA

Dal'wa na po ang makatang sa paksa ay magtatalo
Baka maging malabo po kung gagawin nating tatlo
Kaya ating simulan na ang pukpukang walang hinto
Una nating palakpakan si Miss Elvie Espitiru!


DAPAT

Kahit ako ay single pa sa biyahe po ng pag-ibig
Ako'y di pa nahuhuli sa wika nila ay last trip
Pinipili ko ang Adan na makakaisang-dibdib
Na handang bigyang-halaga, ama't ina kong nilalangit.

Sa pagsapit ng panahong ako'y isa nang maybahay
Magulang ng kapilas ko'y itatangi ko din naman
Kung kami ay hihilingang sa kanila ay pumisan
Ako ay di magkakait, sila'y aking aayunan.

Sa malinaw na salita, sa dalawang mag-asawa
Marapat ang pang-unawa sa panig ng bawat isa
Sa biyenan man o magulang, lalo pa't matatanda na
Kapintasan sa pagpisan ay hindi ko nakikita.

Marapat po ang pumisan ang siya kong tinutukoy
Nang sila ay madamayan sa labi nilang panahon
Di ba't isang kasabihang segunda sa Panginoon,
Magulang po ang nagsilbing sa buhay nati'y dumugtong?

Sa dahilan pong ganito, sila ba ay bibiguin
Kung pagpisan sa kanila ay masuyong hinihiling?
Ako po ay di maramot, sa pinanggalinga'y di suwail
Di paris ng katunggaling makasarili ang damdamin.


LAKANDIWA

Ang makatang napakinggan ay dalaga pa pong tunay
Ngunit kapag umibig daw, mamahalin pati byenan
Ang kanya pong katunggali'y bigyan naman nating daan
Kay Gonie po'y isalubong, matunog na palakpakan!


HINDI DAPAT

Ngayon ako naniwalang kalaban ko'y Amasona
Daglian kung magparatang sa katuos ay karaka
Di kaya ito'y katunayan, ang tumatanda pong dalaga
Ay sadya daw sumusungit, hindi ako nambubuska.

Single man ang paraluman, ako nama'y may asawa
Ipagpatawad pong sa aki'y nawalan siya ng pag-asa
Nais ko lang ipabatid bilang padre de familia
Ang pagpisan sa magulang o sa biyena'y di maganda.

Karapatang mag-asawa'y magsarili at bumukod
Nang tuwirang magampanan sa pamilya ang paglilingkod
Kung ikaw ay nakasuno sa biyena'y di malulubos
Ang tungkuling ginaganap na sa iyo'y napaloob.

Ang pagpisan sa kanila'y di gaanong kapintasan
Hindi ko lang maaatim gampanin ko'y pakialaman
Malimit na nangyayari laging bida ay ang biyenan
Ang kawawang kontra-bida'y ang nakisunong manugang.

Dahil ako ay may layang piliin ang nararapat
Ang kanilang kahilingan ay hindi ko tinatanggap
Magkagayon pa man, ako'y lagi pa ring bukas-palad
Ang magsilbi ngunit hindi ang pagpisan nilang hangad.


LAKANDIWA

Sa tugunang nagbabaga ng makatang nagbubuno
Mukhang kapwa walang balak padaig at mapasuko
Kaya ako ay tatabi upang sila'y hayaan po
Na tumalak at magbangay hanggang hindi nahahapo!


DAPAT

Sapantaha ko po lamang sa makatang katunggali
Ay wari bang may hinampo, sa byenan ay namumuhi
Kung ito man ang dahilan kaya siya tumatanggi
Hindi ko na pagtatakhang pagpisan nga'y iwawaksi.

Pagbubukod nga po'y tama, sa mag-asawa'y suungin
Hindi ko itinatatwang ito ang tamang hakbangin
Paalala sa kahidwa, huwag lang sanang lilimutin
Ang diwa ng pagtatalo kung pagpisa'y hihilingin.

Manugang ay kabilang na sa anak ng mga biyenan
Malasakit po ang sanhi kung sila man ay makialam
Sa iyo naman bilang anak, matuwid ba na magdamdam
Kung ang tanging mithi nila'y sa inyo ding kabutihan?

Tila aking napapansin, kalaban ko'y pusong mamon
Kaunti man yatang parunggit ay kaagad nagmamaktol
Mag-asawa'y halimbawang pinaghirap ng panahon
Sa pagpisang sinasabi, ikaw pa ba ay tututol?


HINDI DAPAT

Hindi dahil tutol ako na sa biyenan ay sumuno
Kahulugang sa kanila ako na ay may hinampo
Kung sa akin ay may galit ang paralumang katalo
Huwag naman akong isadlak sa malaking iskandalo.

Lalaki pag nag-asawa, sa magulang ay hihiwalay
Nang sa buhay ang kabiyak ay solo niyang makatuwang
Hindi ito nalilingid sa ating mga kaisipan
Pagkat ito'y karapatan na atin nang kinagisnan.

Hindi ako pusong mamon na paris po ng paratang
Ako lang ay nangingilag sa pasaring at iringan
Sa bayaw at mga hipag, di ko lahat sinasaklaw,
Ang pagsuno namin kaya sa kanila'y kagalakan?

Ayaw ko pong sumapit ang sandali sa pagkalito
Paghutok sa mga anak nami'y nais kong mapiho
Ito lang ay mangyayari, tiyakan at sigurado,
Kung gampanin kong pamilya'y kalukop kong nagsosolo.


DAPAT

Ibig yatang palitawin ng makatang kahidwaan
Sa paghutok, di maalam sa bata ang mga biyenan
O baka po nangingilag, di maamin ng kalooban
Higit dumisiplina ang biyenan na hinog sa karanasan.

Marami sa kagaya mo na manugang ay pabaya
Katungkulan sa pamilya, minsa'y binabalewala
Kung malasakit ng biyenan, sa pamilya mo'y ikukusa
Ikaw pa ba ang may ganang sa alok nila'y magtatatwa?

Ako lang ay nagtataka sa isang katotohanan
Manugang ay lumalayo sa biyenan ang kalooban
Kaparis ng kahidwa ko, huwag naman pong magdaramdam
Sa magulang ng asawa ay wari bang nasusuklam.


HINDI DAPAT

Di lang pala Amasona ang makatang paraluman
Kundi ubod din ng kulit na parating nagbibintang
Kung ako man po ay tutol sa mga biyenan ay pumisan
Hindi ito kahulugang sa kanila ako'y suklam.

Malimit ding nangyayari, at ito'y katotohanan,
Kung ikaw ay nakasuno, kapos ka sa kalayaan
Na gawin ang nararapat ayon sa iyong kagustuhan
Sa sarili mong pamilya pagkat mayrong makikialam.

Halimbawa ko po dito'y sa iba ang nalalaman
Kamalian ng manugang ang lagi nang tinitingnan
At sa dakong mga huli ay umabot sa sukdulan
Ang anak ay sinulsulang sa manugang humiwalay.


DAPAT

Matuwid na mangyayari ang bagay na nararapat
Ngunit nasa mag-asawa kung pagsasama'y magluluwat
Magmungkahi man ang biyenan, sa nagmamahalang matatag
Pabaya man ang manugang, hiwalay walang pagkatupad.

Malinaw pong sinasambit nitong binatang makata
Nais lang ay huwag mapuna ang mali niyang magagawa
Kahit yata makikisuno sa biyenan ay ninanasa
Siya lahat ang masusunod, nais maging hari yata.


HINDI DAPAT

At sino'ng di nagnanais masunod ang ginugusto
Lalo't sa sariling pamilya sa buhay ay dalahin mo?
Tahimik ang pamumuhay kung hindi ka nakasuno
Ako pa ngayon ang mali sa panig na tama't wasto.

Sa malapit na panahon ako'y magiging biyenan din
Sa manugang ang pagpisan sa ami'y di ko hihilingin
Pagkat ayaw kong magsilbing balakid at suliranin
Sa kanilang pagsasama na hinangad na tungkulin.


DAPAT

Malinaw ang pagtatalo nguni't yata nilalabo
Nitong aking kahidwaang unawa'y di ko matanto
Paksa ay kung hihilingin sa manugang ang pagsuno
Ang tugon po ay baluktot, sa matuwid sadyang liko.


HINDI DAPAT

Sa diwa po nitong paksa kahamok ko'y walang batid
Dahil kaya dalaga pa, di matukoy ang matuwid
Ang tugon ko ay pagtanggi, bakit niya iginigiit
Na sa aming pagtatalo, ako daw ay lumilihis?


DAPAT

Sa biyenang matatanda na at magulang ng asawa
Ang hiling na pagsuno nyo, magagawang tanggihan ba?


HINDI DAPAT

Pag sinabing hinihiling, ito'y hindi sapilitan
Ako din ang masusunod kahit ito ay ayawan.


DAPAT

Ang pagtanggi sa pagsuno'y pagkakait sa asawa!


HINDI DAPAT

Pagtutol ko sa pagpisa'y pagmamahal sa pamilya!


LAKANDIWA

Di ko sana puputulin ang sagutan ninyong dal'wa
Subalit ang umagahin tayo rito'y di maganda
Kaya kayo'y manahimik sumandali't magpahinga
Kayo namang madlang people, palakpakan muli sila!

Kababayang nakikinig, kung kayo ang tatanungin:
Ang byenan ba'y nararapat sa bahay ay makapiling?
Ani Elvie, dapat daw po kung ito ay hinihiling
Ani Gonie, di raw dapat; pag-usapan nga po natin.

Sa panig ng dapat daw pong makipisan sa biyenan,
Tama lang daw mahalin din ang magulang ng yong mahal.
Ang magkait ng pagdamay sa kanilang katandaan,
Sa sariling asawa raw lumalabas na nagkulang.

Kung ang byenan, sa manugang, parang anak na ang tingin,
Sa kanila'y magulang daw ang dapat ding maging turing
Sakali raw makialam sa sariling suliranin
Ito raw po'y malasakit at di dapat na damdamin.

Sa panig po ng nagtanggol na di dapat magkapisan
Sa lilim ng isang bubong ang mag-asawa at byenan
Di raw galit, pagkasuklam, o hinampo ang dahilan
Umiiwas lang sa gusot, sa intriga at iringan.

Bagama't di nilalahat, madalas daw nangyayari
Ang byenan pag nakialam ay sa anak kumakampi
Ano pa't kung may problema ang pamilya't may naapi
Mas malimit kaysa hindi, manugang ang nasisisi.

Pagtanggi sa kahilingan ng byenan ba'y pagdaramot?
Kung sila ba'y makipisan, resulta ba'y laging gusot?
Yamang kapwa may katwiran ang dalawang nagtutuos,
Sa trono ng karangalan ay sino ang maluluklok?

Sa aklat ng Ecclesiastes, sa Banal na Kasulatan,
May panahon daw ang lahat, kanya-kanyang takdang araw
Panahon ng panganganak, panahon sa pagkamatay
Panahon sa pagluluksa, panahon sa pagsasayaw.

May panahong ama, ina, at anak ay sama-sama
May panahong kailangang maglayo ang isa't isa
Pag sumapit ang panahong ang anak ay mag-asawa
Panahon na upang sila ay magbukod ng pamilya.

Sumapit na ang panahon upang kami'y magpaalam
Panahon na upang itong aking hatol ay pakinggan:
May katwiran man po kapwa ang makatang naghidwaan
Si Gonie po ang nagwagi kaya ating palakpakan!
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.


Aral at ligaw
Babae ang manliligaw
Bakla sa PNP
Bata at pamalo
Boksingerong anak
Dagdag na taon sa haiskul
Diborsyo sa Pilipinas
Giyera laban sa droga
Halalan sa 2016
Hiling ng magulang
Kapisan ang biyenan
Kapit sa patalim
Katotohanan sa pamamahayag
Maganda vs Pangit
Mahal mo vs Mahal ka
Matalino vs Mayaman
Pag-asa ng Bayan
Pagkakaisa ng mga Pilipino
Paglahok sa politika
Pagsasabi ng totoo
Pagsasawalang kibo ng inaapi
Pakialam sa pag-ibig ng anak
Pakikihalo ng matanda sa SK
Panghihimasok sa buhay ng iba
Pangingibang-bansa
People Power vs GMA?
Pusher na kaibigan
Si Manny Pacquiao at ang politika
Tahanan vs Paaralan



BALAGTASAN
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo

 
Personal na web site ni Rafael A. Pulmano

OFW – ANG BAGONG BAYANI
 
COPYRIGHT 2017 © RAFAEL A. PULMANO

affiliate_link