TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

PAGSASAWALANG KIBO NG INAAPI


TANONG:   DAPAT ba o HINDI DAPAT na magsawalang-kibo ang manggagawang inaapi?


Mula sa pinagsamang panulat nina:

Elvie V. EspirituDapat

Gonie T. MejiaHindi Dapat

Rafael A. PulmanoLakandiwa



LAKANDIWA (Pagbubukas)


Sumapit na ang sandaling hinihintay nating lahat

Ang pingkian ng talino, Balagtasan po ang tawag

Sa balanang nakikinig sa istudyo't nasa barracks

Samahan po ninyo kami sa matunog na palakpak.


Salamat po nang marami, ngayon kami ay handa na

Ako po si Ralph Pulmano, Lakandiwa pong huhusga

Dito'y walang palakasan, ang matalo ay pasensya

Ang manalo'y dapat namang pasalamat, pameryenda.


Buhay po ng manggagawang dayuhan at nagsisilbi

Ang sa paksa'y tutugunin ng dalawang magtunggali

"Dapat nga bang magsawalang-kibo yaong naaapi?

O hindi ba nararapat?" Kayo din po ay pumili.


Patalastas ko lamang po sa mahal kong kababayan

Maselan po itong isyung paksa nitong Balagtasan

Kung sakaling masasagi ang inyong pong kapintasan

Unawain lang po kami at wag sanang magdaramdam.


Makata pong matitinik ang sa laba'y maghaharap

Matitigas po ang mukha, parehas pong walang gulat

Taga Nueva Viscaya po ang syang unang maglalahad

Si Miss Elvie Espiritu'y salubungin ng palakpak!



DAPAT (Paglalahad ng panig)


Salamat po, Lakandiwa, kababayan, magandang gabi

Ako din po ay dayuhan, sa isla ay nagsisilbi

Dapat magsawalang-kibo, ang panig kong pinipili

Sa paksa ay ilalaban sa makatang katunggali.



LAKANDIWA


Matapos pong maihayag ang panig ng paraluman

Ang makata po ng Tarlac ang sunod na pagbibigyan

Di na dapat ipagtanong sa larangan ng bigkasan

Kay Gonie Mejia din po, palakpak ay pakawalan!



HINDI DAPAT (Paglalahad ng panig)


Kung paa ko'y natapakan, masasabi ko ay aray

Kung ako ay maaapi, dapat lamang ang umangal

Malinaw po ang tugon ko sa panig na ilalaban

Isang maligayang gabi, sa lahat po ang paggalang!



LAKANDIWA


Gusto na pong magsagupa ng dalawang mainit na

Palagay ko'y di tatagal at mayroong mababalda

Unang tindig ay si Elvie na ang byuti'y pang-artista

Palakpakan natin para mas lalo pong ganahan pa!



DAPAT (Unang tindig)


Lilinawin ko po muna itong aking kalagayan

Ako po ay hindi api sa 'king pinaglilingkuran

Dapat mang magsawalang-kibo ang panig kong ilalaban

Sa aking kinalalagyan, ito'y walang kinalaman.


Tayo'y mga nagsidayo, ang dahilan ay pangarap

Nang hirap ay matakasan, sa ginhawa'y makalasap

Wika nga, ang lahi natin, matiisin, masisipag

Na ipinagkakapuri ng Inang Bansang Pilipinas.


Kasakop sa pagtitiis ang ugaling matimpiin

Hindi basta nagngangalit ang matibay na damdamin

Hindi natin natitiyak ang bukas na aabutin

Pagka't maraming pagsubok malimit ang dumarating.


Iisa ang tinutungo nitong aking paliwanag

Tatag nati'y sinusubok, magkaminsa'y sinusukat

Naapi ka man ngayon, nguni't pagsapit ng bukas

Gantimpala'y makakamit, kung dito'y makakalampas.


Kung ikaw ay reklamador, sa bagay mang maliliit

Ikaw'y walang mararating lalo't ang boss mo'y nagalit

Katiyakan ay iisa, hanapbuhay ang kapalit

Kapag hindi ka na-renew, saka pa ba magbabait?



LAKANDIWA


Samantalang bumibigkas ang makatang nagpauna

Ang kalaban naman niya'y parang bakang nag-aalma

Si Gonie po'y nagbabalik, poging-pogi't mapustura

Ibalibat din po nati'y palakpakang pampasigla!



HINDI DAPAT (Unang tindig)


Ayaw ko pong mabintangang manggagawang reklamador

At sa mga naaapi, ako'y hindi nanunulsol

Dahil ito'y paligsahan, laan ako na tumugon

Para itong katunggali'y maamutan ko ng dunong.


Simula pa lamang ng laban, katalo ko'y lumihis na

Sa kanya ang pang-aapi ay pagsubok lamang pala

Baka siya'y sobrang bait, isang martir na nilikha

Kahit pa nga inaaba, ito'y okey din sa kanya.


Halimbawa naman kayang gawain mo'y sobra-sobra

At hindi pinapasahod sa dapat mong kinikita

Paano na ang pamilyang sa iyo ay umaasa?

Ikaw'y kahig nga nang kahig, sila'y walang natutuka.


Tayo'y umibayong-dagat, hanapbuhay ang dahilan

Ang bunga ng pagpapagod, ay dapat lamang tumbasan

Kung ito'y ipagkakait ng iyong pinagsisilbihan

Natural lang ang kumibo, pagka't ikaw'y nasasaktan.


Sa matuwid na salita, ay dapat lang ang umangal

Pagka't ayaw kong maapi, maabuso, malamangan

Ang hanap ko ay parehas, pagka't aking karapatan

Tanggapin ang nararapat, sa hirap kong pinuhunan!



LAKANDIWA


Unang tindig ay tapos na, sa ikal'wang paghaharap

Ako muna ay tatabi upang sila'y bigyang luwag

Si Elvie po ang syang muling papagitna at babanat

Palakpakan natin agad kagaya ng nararapat!



DAPAT (Ikalawang tindig)


Masasabi bang pang-aapi kung suweldo ay maantala?

Sa lumabis na gawain, iyan ba ay pandudusta?

Tayong mga naglilingkod, dapat ding makaunawa

Na ang pinaglilingkuran, di rin perpektong nilikha.


Ngayo'y aking lilinawin sa katalo ang pasaring

Ang mga pinagsisilbihan, may sariling problema din

Halimbawang ipakiusap o kaya ay mapapansin

Sila'y pansamantalang kinakapos, di mo ba uunawain?


Sa kundisyong pagsisilbi, dapat ding pahalagahan

Kapakanan ng kumpanya ay dapat pangalagaan

Lumabis ka man sa oras, kung kinusa mo din naman

Di na dapat pang tuusin, hindi dapat na iangal.


Sa ikabubuti ng paglilingkod, ikaw'y ay magpakatapat

Dapat magpakababa, nando'n man ang paghihirap

Ang tunay na pagpapala ng langit ay igagawad

Doon sa mga nilikhang inapi at nagpatawad.



HINDI DAPAT (Ikalawang tindig)


Kung araw ang itatagal sa sahod na maantala

Di pa ito pang-aapi na dapat ikabahala

Sa gawain na lumabis, kung iyo namang kinusa

Hindi ito pang-aapi, bagay pa ring balewala.


Kung buwan ang inaabot, ang sahod ay ibabalam

Labag ito sa kundisyon, hindi na tamang paraan

At kung labis na sa oras, utusan ka nang puwersahan

Turing dito'y pang-aapi, wala din sa kabutihan.


Nguni't itong katalo ko'y patuloy na umiiwas

Sa aming tunay na paksa ay wari bang nangingilag

Sa hindi po kaapihan, ang tema'y kinakaladkad

O baka po isang sipsip, magagapi siyang tiyak!


Pang-aapi ay abuso sa tuwiran na salita

Nandiyan ang ikaw'y saktan, alimurahin, dinudusta

Tinatakot, binubusabos nang labis pa sa alila

Ng isang pinagsisilbihan, ito pa ba'y bale wala?



DAPAT (Ikatlong tindig)


Ito yatang katalo ko'y nang-aapi na sa laban

Nais ko daw magpasipsip, wala pong katotohanan

Sa tinukoy mong panlalamang ikaw'y aking lalabanan

Nang mamulat ang mata mong pikit sa katotohanan.


Mayro'ng mga nang-aaping abusadong nananakot

Kung ikaw'y magreklamo, kapakanan mo'y masasangkot

At kung ikaw'y walang layang sa kinauukulan dumulog

Ang magsawalang-kibo ka ay hindi ba naaangkop?


Sa katunggali'y hanga ako pagka't siya ay matapang

Ang sa iba ay nangyari, hindi pa niya nasuongan

Kung sa kanya ay gagawin ng iba ay nararanasan

Baka po ang katalo ko'y mapipi din nang tuluyan.



HINDI DAPAT (Ikatlong tindig)


Maliwanag po ang tugon ng makatang paraluman

Na takot ang siyang sanhi, sa inapi ang dahilan

Upang magsawalang-kibo, nguni't sa totoo lang naman

Nais man daw ang umangal, ang paraa'y hindi alam.


Nagsawalang-kibo ang nagsisilbing kababayan

Akala ng kanyang amo, kuntento na siya sa ganyan

Pagka't nagsawalang-kibo, pang-aapi'y dinagdagan

Ang sala po ay nandoon sa nagsibing di maalam!


Marapat na isatinig ng sino mang naglilingkod

Nilalaman ng kontrata ang syang dapat na masunod

Kung ito'y di magagawa, natatangay ka ng takot

Ikaw din ang masasaktan, magdurusa sa himutok.



DAPAT


Walang aliping mas higit kaysa pinaglilingkuran

Turo'y pagpapakumbaba sa Aklat ng kabanalan

Hindi ikaw kundi sila ang higit nakakaalam

Kung ano ang nararapat, kung ano ang nababagay.


Sa isang taong mareklamo'y mailap ang kapalaran

Sa nagsasawalang-kibo ay maamo ang tagumpay

Sadyang di ko magagawang sa amo'y maging lapastangan

Tatanggapin kong maapi, nguni't hindi ang umangal!



HINDI DAPAT


Tayo'y di mga alipin na paris ng sinauna

Ito palang kahidwa ko'y may ugaling makaluma

Siya man daw ay alipin, ituturing pang ligaya

Kapakanan ay itinatanggi, anong uri kaya siya?


Maamo daw ang tagumpay sa isang nagpapaapi

Tingin ko po ay mailap kung ikaw'y maduduhagi

Sa nagsasawalang-kibo, ikaw man ay naaapi

Sa mali ikaw ay ayon, wala kang bait sa sarili!



DAPAT


Katalo ko'y hindi ganap ang tunay na pang-unawa

Maangal at mareklamo, hindi ako nangungutya

Nguni't hindi katuwiran lalo't buhay ang nakataya

Sa panakot ng nang-aapi kung reklamo'y magagawa.



HINDI DAPAT


Sa punto po ng pag-amin, umabot ang pagtatalo

Takot ang namumutawi sa hindi nagrereklamo

Maging sa sikat ng araw, maliwanag ang tugon ko

Kapag ikaw'y naaapi, marapat po ang kumibo.



DAPAT


Katalo ko'y pogi sana, kaya lang po ay makulit

Wala akong inaamin, paris ng iginigiit.



HINDI DAPAT


Ngayon pa magrereklamo itong aking kahidwaan

Bibig nya ang nagkanulo, magsawalang-kibo ka na lang!



DAPAT


Ang pagsasawalang-kibo ay bait sa pagsisilbi!



HINDI DAPAT


Wala yaong nang-aapi kung walang nagpapaapi!



LAKANDIWA (Paghatol)


Pinuputol ko na ngayon ang batuhan n'yo ng matwid

Irolyo na iyang dila, ibutones na ang bibig

Ang akin pong hiling naman sa lahat ng nakikinig

Palakpakan nating muli ang dalawang matitinik!


Balikan po natin ngayon ang katwiran ng nagtalo

Pagkatapos ay timbangin nang sa gayo'y mapaghulo

Kung alin ang nararapat kapag tao'y inabuso

Tatahimik na lamang ba o dapat bang magreklamo?


Sang-ayon sa paraluman, lahi nati'y matimpiin

Kung nais na guminhawa, lahat anya'y titiisin

Pang-aapi'y pagsubok daw sa tatag ng yong damdamin

Ang bukas ay hindi tiyak, kaya pisi'y pahabain.


Dapat rin daw unawaiin ang sitwasyon ng kumpanya

Na 'yong pinaglilingkuran, sila rin ay may problema

Reklamo ng naaapi'y maaari ding magbunga

Na permit mo'y di ma-renew, ang buhay mo'y mabingit pa.


Ayon naman sa makatang hindi payag malamangan

Kung nag-abroad man daw tayo'y trabaho ang pinuntahan

Pagpapagod ng naglingkod ay dapat lang na tumbasan

Nang ayon sa nasasaad sa kontratang pinirmahan.


Kung gawai'y sobra-sobra, sweldo'y kulang, atrasado

P'ano anya ang pamilyang umaasa lamang sa 'yo?

Wala raw abusado kung walang nagpapaabuso

Api'y lalong aapihin kapag takot, walang kibo.


Ang tao ay pantay-pantay kahit ano'ng kanyang lahi

Ang mang-api, mang-abuso sa kapwa ay sadyang mali

Subalit ang inaaping walang kibo, takot, kimi

Ay paris lang ng nang-api, walang bait sa sarili!


Si Elvie po at si Gonie'y sadyang kapwa mahuhusay

Nguni't ako ang hahatol at heto ang kapasyahan

Hindi dapat manahimik ang taong nilapastangan

Sumainyo ang saganang pagpapala ng Maykapal.

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link

Copyright  © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link