Saang sulok ng daigdig ka man naroon, Kabayan, BAYANI kang ituturing ng iyong Inang Bayan.
BALAGTASAN
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo TUNGKOL
SA SAYT NA ITO

Advertisement
affiliate_link

DAGDAG NA TAON SA HAISKUL

TANONG: DAPAT ba o HINDI DAPAT dagdagan ng isa pang taon ang haiskul sa Pilipinas?



Unang araw ng klase sa Lake Shore Educational Institution
(Larawang kuha ni Rafael A. Pulmano, Batch 1972)


Mula sa pinagsamang panulat nina:
Bheng Arellano – nagtanggol sa panig ng Dapat
Rudolf Miranda – nagtanggol sa panig ng Hindi Dapat
Bert Cabual – namagitan bilang Lakandiwa

BELEN "BHENG" ARELLANO
ng London
LAMBERTO "BERT" CABUAL
ng Batangas
RODOLFO "RUDOLF" MIRANDA
ng Laguna


LAKANDIWA

“Dapat ba o Hindi Dapat na dagdagan
Ng isa pang taon ang haiskul na paham?”
Tanong itong ngayo’y kinasasabikang
Mag-ilaw ng tugong sa baya’y tatanglaw.

Itong Balagtasa’y aking ibubukas
Sa nangalilimping kawal ni Balagtas;
Ang mga makata’y maaring maghayag
Ng pangangatwirang madiwa’t matatag.

Makatang may giting at lakas ng loob
Na sa Balagtasang ito ay lumahok;
Ngayo’y oras ninyong pumutak...sumangkot,
Kumbaga sa tandang at inahing manok.


DAPAT  (Sa ibaba ng tanghalan – Panawagan)

Nakalaan ako, bunying Lakandiwa
Na sa Balagtasang ito’y sumagasa;
Ako ay hindi pa inahing makata,
Nguni’t dumalagang manok na sariwa.

Gayon pa man, ako’y sasagot sa tanong:
Dagdagan ang haiskul ng isa pang taon!
Ang ayaw pumayag at gustong magmaktol,
Kung hindi man pangit ay sarat ang ilong.


HINDI DAPAT (Sa ibaba ng tanghalan – Panawagan)

Ilong ko’y di sarat, Binibining Kalog,
Pagka’t tandang akong mananalo’t bantog;
Di ako sang-ayong dagdagan pang lubos
Ng taon ang haiskul sa bayan at lungsod.

Lakandiwa namin, ako’y nakahanda
Sa paanyaya mong mahalagang paksa;
Kung nais mong kami’y magtalo sa tula,
Diyan sa tanghalan, bayaang magdigma.


LAKANDIWA

Magsiakyat kayo dito sa tanghalan,
Nang ang “bagyo” ninyo’y ating masubukan;
Dapwa’t bago kayo maglako ng yabang,
Mangagpakilala sa harap ng bayan.


DAPAT (Sa ibabaw ng tanghalan – Pagpapakilala)

Ang aking pangala’y likhang-sinag-tala
Na – “Belen” – ni Hesus—Pasko ng hiwaga;
Nguni’t tinatawag ng kasalamuha
Na “Bheng Arellano” bilang manunula.

Tubo man sa London, dapwa’t sa Tagalog
Ay pinanday ako’t matamang hinubog;
Kaya ang panig ko’y kapag binatikos,
Ang tabak kong tula, aking iuulos!


HINDI DAPAT (Sa ibabaw ng tanghalan – Pagpapakilala)

Ako’y si “Rodolfo” nguni’t “Rudolf” na lang
Ang itawag ninyo upang maalwanan;
Bunying Alemanya yaong pinagmulan
Ng maalamat kong ngalan sa Aleman.

Ang aking sandata’y espadang matalim
At malayang plumang apoy pag sinaling;
Di ko uurungan ang sino ma’t aling
Tututol sa aking tulang kakathain.


LAKANDIWA

Pagpapakilala’y yamang nakaraos,
Na may “sigwa’t hanging” kakila-kilabot;
Ngayon ay oras nang sila’y pumalaot
Sa pangangatwirang madiwa’t  matayog.

Ang unang titindig ay ang pumapayag
Na ang limang taon sa haiskul ay dapat;
Sa pagtayo ni Bheng na may sigla’t gilas,
Palakpakan natin, bayang nagmamalas.


DAPAT (Unang Tindig)

Ang pahat na diwa nati’y tumataas,
Habang lumalaon sa nasang pag-unlad;
Sa haiskul na batis ng dunong na hiyas—
Ang apat na taong panaho’y di sapat.

Ang isang taon pang idaragdag dito
Ay tulong sa batang mapurol ang ulo;
Kaalamang dagdag na di mamagkano,
Ay tulong din naman sa matatalino.

Di ba’t sa mataas nating paaralan,
Aral-kolehiyo’y pinaghahandaan?
Ito ang Minerba ng sigliwang daan
Sa unibersidad ng pagtatagumpay!

Kaya naman ako’y lubhang nagtataka
Sa kabalagtas kong wala yatang mata;
Sa galaw ng mundo, manong magmasid ka,
Ang walang tiyaga’y nagmumukhang tanga.

Ang aking mungkahi, tayo’y magtiyaga
Ng isang taon pang pandagdag na takda;
Sa haiskul, ang limang taong paghahanda
Ay may pamantasang may hihinting tuwa.

Maniwala kayong may magandang dating
Yaong limang taong haiskul na may ningning;
Ang hindi sang-ayong ito ay magaling,
Kung hindi man pangkal, ay makatang haling!


LAKANDIWA

Una pa lang tindig ng panig sa dapat
Ay merong hagupit na kagulat-gulat;
Makatang binata ngayo’y magsisikap,
Sagutin ang mutyang may tulang agimat.

Kaya naman ngayo’y sunod na titindig
Si Rudolf Miranda: may tula sa dibdib; 
Kayo naman bayang dito’y nakikinig,
Sa palakpak ninyo, siya ay ihatid.


HINDI DAPAT (Unang Tindig)

Ang daigdig ngayo’y lubhang peligroso
Sa krisis-pinansyal na pasan ng tao;
At ang Pilipinas, tingna’t apektado,
Marami sa atin ay walang trabaho.

Bagama’t nasanay ang Pinoy sa hirap,
Ayaw ko sa haiskul ng santaong dagdag;
Inaasam nating diplomang pangarap,
Di man imposible’y magiging mailap.

Sabihin ma’t hindi’y magkaka-problema
Sa silid-aralan, aklat at pisara;
Gayon din sa gurong gabay at pag-asa,
Kakulanga’y baka natin ipagdusa.

Hindi makikita sa dagdag na taon
Ang ganda’t kalidad ng haiskul sa ngayon;
Manapa’y sa husay ng mga instruksyon
Ng aral-may-upa o ng walang twisyon.

Sa di matingkalang hirap nitong Pinoy,
Ang santaong dagdag ay tila kumunoy;
Sa kitang karampot ni pobreng Mang Pandoy,
Pagpasok ng anak—di maitutuloy!

Sa ating problema ay hindi panlutas
Ang dagdag sa haiskul na santaong singkad;
Ulap ang isip mo, mutyang kabalagtas,
O, Bheng, gumising ka...ito’y realidad.


LAKANDIWA

Titigil na muna akong Lakandiwa
Na nasa pagitan ng dalwang makata;
Kung may suliranin sa pananalasa,
Saka mag-aawat upang pumayapa.

Ngayon ay minsan pang aking tatawagin
Si Bheng Arellano sa London pa galing;
Sa kanyang pagtula’y ating salubungin
Ng maatikabong palakpakan natin.


DAPAT (Ikalwang Tindig)

Sa teknolohiyang ngayo’y umuunlad—
Visual aids, computer: may bagong kalidad;
Sa komunikasyong talisik na ganap,
Lubhang kailangan ang oras na dagdag.

Ang buong santaong idagdag sa haiskul,
Matinong ideyang inihihimaton;
Mabuting tanggapin itong mahinahon,
Pagka’t ibubunga’y masusing pagsulong.

Sa ating lipuna’y naglipana mandin
Ang masalimuot na mga usapin;
Binging moralidad ay tutok sa bangin
Ng pagkariwarang kay saklap tanggapin.

Tapos man ng haiskul ay di nalalaman
Ang pagpapamilya at pananagutan;
Ang marami’y walang pag-ibig sa bayan,
Minamahalaga’y ang sarili lamang.

Ang mga ito ba’y dapat na ituro?
Oo, kailangan!..itanim sa puso...
Ito ay hamon din sa lahat ng guro:
Dagdagan ang taon sa haiskul!—isamo!

Haiskul ang pag-asa tulad ng palihang
Panghubog sa mga kabataang mangmang;
Kapag ang panaho’y kapos...kulang-kulang,
Bansot ang hinubog sa silid-aralan.


HINDI DAPAT (Ikalwang Tindig)

Tunay ngang maunlad ang teknolohiya,
At ang Pilipinas ay ayaw pauna;
Nguni’t nasasayang ang oras at pera
Sa net games ng haiskul na walang kapara.

Sa gamit ay walang salaping idagdag,
Mga mag-aaral ay kahabag-habag;
Pagtuturo’y pa’no  magkaka-kalidad?
Payak ay ayusin...timbangin ang lipad!

Sa iyo nanggaling na di nalalaman
Ng tapos sa haiskul ang pananagutan;
Haiskul pala sa ‘yo’y walang kabunasan,
At walang magaling na patutunguhan.

Di ako sang-ayon sa iyong sinabi—
Dagdag bang santao’y huhunos ng ani?
Kung di maitanim ang binhing marami,
Sa santaong hirap walang mangyayari.

Pandayan ng isip ang haiskul—totoo,
Hubugan ng diwa, bago kolehiyo;
Nguni’t suliranin kung di epektibo
Ang mga instruksyong turong-makatao.

Ang panahong dagdag ay hindi tutugon
Sa nakababagot nating edukasyon;
Ang kaisipan mo’y tila krusipiksyon
Sa haiskul na Kristong sa krus naparool.


DAPAT (Ikatlong Tindig)

Kabataa’y “Kristo” sa basal na lupa
Na sadyang natigang ng pagpapabaya!
Sa magulang lang ba ang sisi at pula,
Gayong haiskul natin ay nangaglipana?

Aral-panlipuna’t pagpapakatao
Ay pananagutan ng ating gobyerno;
Ang kasalukuyang pagtuturo rito,
Turong- balisawsaw, pagka’t hindi todo.

Paano ang gugol ng mga magulang
Na nangaghihirap sa pagpapaaral?
Ano ang gusto mo? (gagastos din lamang)
Ay “half-baked” ang “graduates”—di ba kahihiyan?

Sa “hilaw” na “tapos” ay di maririnig
Ang ganda at tunog ng tuwid na Ingles;
Ingles ay kasamang-agapay na salik
Ng sariling wikang nasa ating dibdib!

Kung wika’y pundasyon ng nasyonalismo,
Kawawa ang batang hindi natututo;
Pagka-makabaya’y buhay at prinsipyo
Ng alinmang bansa saan pa mang dako.

Anong mahihintay na magandang bukas
Sa bansang binunsay ng panaho’t hirap?
Aking uulitin, tayo ay pumayag,
Santaong dagdag pa sa haiskul ay lunas!


HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)

Ating pagbalikan, kasaysayan natin,
Matinding problema ay ating silipin;
Sa bunton ng dukhang mistulang alipin,
Haiskul ay banyaga’t hirap na pasukin.

Tayo ay humarap sa katotohanang
Mga libreng twisyo’y iilan sa bayan;
Haiskul na marangya, abot ng mayaman,
Subali’t sa dukha’y pangarap na lamang.

Pag-unlad ay hindi sa dagdag na taon,
Kung di sa mahusay at matinong leksyon;
Ang lengwaheng Ingles ay gapok na timon
Sa bangkang-panlayag sa ilog at talon.

Kahi’t bulatlatin ang estadistika,
Maraming mahirap sa haiskul, hindi ba?
Ang dagdag na taong pinipilit mo pa
sa dagat ng dukha’y malagim na sigwa.

“Half-baked” ang sabi mo ang “graduates” sa ngayon
At nakahihiyang resulta ng haiskul;
Nguni’t nalingat ka sa mga sitwasyon,
Sa pinanggalingan nilang institusyon.

Sang-angaw mang taon ang ating idagdag
Sa haiskul ay walang buting iuunlad;
Edukador nati’y nag-aasal-tunggak,
Dahil sa goyernong salaula’t uslak!


DAPAT

Salaula’t uslak?...kapag may swine virus
Na banta sa madlang kakila-kilabot;
Isinasarado ang haiskul sa takot
Na ang mga bata’y mahawa’t matepok.

At gayon din naman kung may bagyo’t baha,
Tarangka ng haiskul ay isinasagka;
Kung merong santaong dagdag na sinadya,
Masasakop yaong araw na nawala.


HINDI DAPAT

Araw na nawala ay nakaabala,
Ngunit ligtas naman ang mga eskwela;
Magsuot ang gauze mask at magbitamina,
Upang ang“swine virus” di maging problema.

Yaong mga baha at matinding bagyo
Ay pangkaraniwang kalamidad ito;
Kung magkapote ka’t soot ang bota mo,
Bubuksan ang haiskul na langit mo’t mundo.


DAPAT

Sa langit mo’t mundo ay alagataing
Dagdag na santao’y dagdag sa aralin;
Bukod sa instruksyong mabisa’t magaling,
Henyong pagtuturo’y palawig-lawigin.


HINDI DAPAT

Palawig-lawigin? Iya’y walang saysay
Sa tamad na bata’t bugok na paggabay;
Ang dapat lingilin ay makabuluhang
Dagdag na gusaling mga paaralan. 


DAPAT

Maraming bakasyon sa hayskul, hindi ba?,
National holidays at iba’t iba pa;
Araling nabalam ay maiaadya
Ng hustong santaong ipag-aabala.


HINDI DAPAT

Bakasyo’t pahinga ang dapat kaltasan,
Nang ang mga pista’y mabawas-bawasan;
Tapos ang lakwatsa at tradisyong-hangal,
Makatitipid pa ang pamahalaan. 


DAPAT

Panahong santaon, higit pa sa hiyas,
Tumatanggi rito ay bobo at tamad!


HINDI DAPAT

Ang tamad at bobo ay ang walang hangad
Tutulan sa haiskul ang santaong dagdag!


DAPAT

Dagdag na santaon kapag tinanggihan
Ay lalong darami ang “graduates” na “hilaw.”


HINDI DAPAT

Idinaramay mo sa sinabi mong ‘yan,
Ang “luto” sa haiskul ng mabuting kalan.


DAPAT

Katwiran mo’y liko, makata ng Biñan!


HINDI DAPAT

Lalong liku-liko ang matwid mong bigay!


DAPAT

Ang dapat sa iyo’y haiskul-bayabasan!


HINDI DAPAT

At kangkungan-haiskul ang sa iyo naman!


DAPAT

Manhid na makata, gusto mo ba’y away?


HINDI DAPAT

Kung ‘yan ang gusto mo, makatang pasaway!


(Habang nagsisigawan ang nagtatalo, hahadlang ang lakandiwa.)


LAKANDIWA

Kayo’y huminahon!  Belen at Rodolfo,
Ito’y balagtasan at di basag-ulo;
Hahatulan ngayon kayong nangagtalo,
Kung sinong nagapi’t kung sinong nanalo.

Ang bibig ko’y halos di ko maibuka
Sa mga katwirang dito’y ibinadya;
Kung panalunin ko si Bheng na kay ganda,
Baka paratangang ako’y “sumisinta!”

Kung si Rudolf naman ang papagwagihin,
Lalaking makisig kung sa biglang-tingin;
Baka naman ako ay biglang dustaing
Isang binabae’t “malasadong bading.”

Kaya pakiusap sa madlang narito,
Sa gawang paghatol ay tumulong kayo;
Kung saan itapat ang kanang kamay ko,
Si Bheng o si Rudolf palakpakan ninyo.

Una muna’y kay Bheng, kamay ko’y tumapat,
Ang panig sa kanya...ngayo’y pumalakpak;
Yaong palakpakang tila nagpipiglas,
Tandang panig kayo sa kanyang binigkas.


(Magsisipalakpak ang mga panig kay Bheng.)


Ngayon ay tumapat ang kanan kong kamay
Kay Rudolf...ibuhos iyang palakpakan;
Ang palakpak ninyo na nagpapatunay
Na kapanig kayo sa kanyang katwiran.


(Magsisipalakpak ang mga panig kay Rudolf.)


Aling palakpakan ang lalong malakas
Na magtutugatog sa makatang pantas?
Kahatulang mula sa inyong palakpak,
Pag-uwi ng bahay...doon ibulalas!

Maraming salamat madlang nalilimpi
Sa inyong ginugol na mga sandali;
Habang kumakaway kaming nakangiti,
Tagubilin nami’y namnamin ang sidhi.

Bayang nakikinig, bayang minamahal,
Mga panauhing guro’t mag-aaral;
Ang bukas ng ating haiskul na marangal
Ay nasasa inyong mabubuting kamay.

Matapos na kayo’y makapagdesisyon
Kung haiskul ay apat o lima mang taon;
Magkaisa kayo...magsamang tumugon
Sa hibik ng aba’t lumpong edukasyon.

Sa natipong lakas ng pagkakaisa,
Burol ng kurapsyon ay mabubungkal na...
(Sa haiskul, tagpasin ang puno at sanga
Ng lisya at tusong pamumulitika!)





TUNGKOL SA KATHANG ITO

Ang Balagtasang ito ay tugon sa kahilingang ipinarating ng isang bumisita sa web site at na nag-iwan ng ganitong mensahe sa GuestBook:

July 5, 2009

ganda, un lang!!! help po asap kailangan ko ng balagtasan about
"dapat bang dagdagan ng isang taon ang high school?"

Euris Pilar
Philippines

Maganda ang nabanggit na paksa, kaya minarapat ng inyong lingkod na bumuo ng isang pangkat para sumulat ng piyesa tungkol dito.

Taus-pusong pasasalamat ang ipinaaabot ko kina Bert Cabual, Bheng Arellano, at Rudolf Miranda sa kanilang pagtugon sa kahilingang ito at masinop na paghabi ng mga tula upang mabigyang-katuparan ang pangangailangan ng nabaggit na mag-aaral at iba pang kagaya niya.

Ito ang kaunaunahang balagtasan na kinatha at nilahukan nina Bheng (na sumulat rin ng kaugnay na sanaysay at naging batayan ng kanyang mga katuwiran) at Rudolf, at sila ay binabati ko sa mahusay nilang komposisyon.

Sa tuwing papalapit ang Agosto, kung kailan ginugunita ng Pilipinas ang Buwan ng Wika, maraming mag-aaral ang nagre-search tungkol sa Balagtasan, at isa ang web site na ito sa mga madalas na ginagawang sanggunian.

Karangalan naming makapaghandog ng aming kakayahan sa pagkatha ng tula – mga kakayahang buhat sa Diyos – para sa Kanyang maluwalhating kapurihan at sa kapakinabangan ng ating mga kababayan sa buong mundo.

 
Rafael A. Pulmano
Pohnpei, F.S.M.
July 23, 2009
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.


Aral at ligaw
Babae ang manliligaw
Bakla sa PNP
Bata at pamalo
Boksingerong anak
Dagdag na taon sa haiskul
Diborsyo sa Pilipinas
Giyera laban sa droga
Halalan sa 2016
Hiling ng magulang
Kapisan ang biyenan
Kapit sa patalim
Katotohanan sa pamamahayag
Maganda vs Pangit
Mahal mo vs Mahal ka
Matalino vs Mayaman
Pag-asa ng Bayan
Pagkakaisa ng mga Pilipino
Paglahok sa politika
Pagsasabi ng totoo
Pagsasawalang kibo ng inaapi
Pakialam sa pag-ibig ng anak
Pakikihalo ng matanda sa SK
Panghihimasok sa buhay ng iba
Pangingibang-bansa
People Power vs GMA?
Pusher na kaibigan
Si Manny Pacquiao at ang politika
Tahanan vs Paaralan



BALAGTASAN
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo

 
Personal na web site ni Rafael A. Pulmano

OFW – ANG BAGONG BAYANI
 
COPYRIGHT 2017 © RAFAEL A. PULMANO

affiliate_link