MAY PANININDIGANG DI MAAAPULA
Tala kang sumipot
Sa binging karimlan at bulag na hardin;
Subali’t dinig ka ng lunong panimdim
At nakikita ka ng kiming paningin;
May taynga ang dahong sariwa’t magaling
At may sampaguitang ang mata’y may ningning;
Pag-ibig kang handog.
Ang iyong pangako
Ay isinusulat sa pahat na diwa,
Pagka’t ang mithi mo ay malabathala;
Ibig kong ilangkap sa pagkamakata
Ang nota ng iyong dalisay na nasa
At paninindigang di maaapula;
Lunas ka ng puso.
Dila mo’y may apoy
Na ibig sumila sa kuhila’t linsil;
Ang katarungan mo ay ipatitikim
Sa mga pilato at hudas na taksil;
Di mo papayagang muli pang sikilin
Ang nagbangong dangal ng aping salamin;
May tapang ka, Noynoy.
At ang hangad mo pa
Na lalong dakilang hindi magwawakas,
Bayan ay ibangong tungo sa pag-unlad;
Buhol ng dalitang di makalas-kalas
Sa wagas mong pita’y ikaw ang kakalag;
O, Pangulong Noynoy, pasan ma’y mabigat,
Di ka nag-iisa!!!
TUNGHAYAN DIN:
Kaugnay na Tulang Handog kay Noynoy Aquino
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact