TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
KAMANYANG KAY MANNY PACQUIAO
ni Bert Cabual
SUMISIGAW ang balana ng ngalan mo, Manny Pacquiao,
nang si Oscar De La Hoya’y ipahayag na talunan;
nangagbunyi ang marami – libu-libo, angaw-angaw,
nang itaas ang kamay mong ipuipo sa suntukan;
tagumpay mo’y tagumpay rin ng bayan mong sinilangan,
(kahi’t tayong Filipino ay busabos ng gahaman.)
Karangalang maging isang may pangalang boksingero
na may taglay na biyaya ng matatag na kamao;
katawan mo, paa’t kamay ay panyanig na asero
sa kawawang katunggaling timawa ng pagkatalo;
gayon pa man ay hindi ka naghahambog kung manalo,
ikaw’y mapagpakumbaba at may budhing-makatao.
Maliksi ka kung kumilos at may matang matalisik
sa paggalaw ng kalabang may hangaring mamiyapis;
kayang-kayang mailagan ang daluyong at panganib
na pang-ulos ng katalong walang habas kung sumapit;
kung salagin mo ang dating ng salakay na pang-usig,
parang kidlat ang ganti mong inihambalos ng langit.
Ugali mong sumangguni’t dumalangin kay Bathala
bago tupdin ang gawain at tungkuling ninanasa;
sa Las Vegas nang magwagi at tanghalin kang dakila
ay hindi mo naikubli ang daloy ng iyong luha;
taimtim mong pasalamat na taos sa iyong diwa,
sa Lumikha’y lagi’t laging kaurali’y pagpapala.
Mapagmahal ka sa ina at sa anak ay may lingap
na kasuno sa umagang liwayway mo at pangarap;
ang buhay mo’y isang bugtong na nobelang isinulat
ng tadhanang kasang-ayon ng panahon mong laganap;
ang lumipas at ngayon mo’y kapalarang kaakibat
ng pananaw na bukas mong nasa iyong mga palad.
Kaming nasa ibang lupa’t sa ibayo nandayuhan,
ay kaisa ng kalahi nating ikaw’y papurihan;
O, batikang boksingero, kami’y iyong kaagapay
sa lalo pang tagumpay mong matatamo balang araw;
(hiling lamang namin, Manny, at pagsamong mapitagan,
nawa’y di ka pagagamit sa kuhila’t tampalasan!)
London, UK
Disyembre, 2008
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
• Noynoy Aquino
— May Paninindigang Di Maaapula
• Kamanyang Kay Manny Pacquiao
ni Bert Cabual