NOYNOY: ASIN AT ILAW
ni Bert Cabual
Kayo ang asin ng mundo. Nguni’t kung mawalan na ng lasa ang asin, paano pa ito mapaalat na muli? Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lungsod na itinayo sa tuktok ng bundok.- Mateo 5:13-14
PAMUNONG dakila ng lunting sigasig
Sa bagong liwayway ng gabing pusikit;
Ang kuyom na apoy ng pananahimik
Ay naglalagablab ngayong mag-uusig;
Ang munting buwayang panggap kung manangis,
Lulusong sa dagat ng burak na putik.
Santong katarunga’y ngayon iaabot
Ni Noynoy Aquino sa kamay ng Diyos;
Ang dungong kahapon ng umagang limos
Ay bakas sa birang ng paghihimutok;
Sa pagwawasiwas ng himalang tungkod,
Luluha ng lubid ang dapat managot!
Ipinabandilang si Noynoy ay asin
Sa pagkapangulong timyas kung lasapin;
Ang dilang marunong tumimos ng aliw,
Sa lugod ng bayan ay mangagpipiging;
Subali’t ang ganid at bungangang haling,
Sa pagas na lupa’y sisikangang matsing.
Nang kumandidato’y may ilaw si Noynoy
Na sulong humawi sa dilim na lambong;
Ang sikil na puso’t budhing nakakulong
Ay nangagsilaya sa kiming panaghoy;
Ang bukong liwawag mandin ang nagtaboy
na ang Presidente ay si Noynoy ngayon.
Ang kayakap nati’y asin at liwanag
Na buhay, pag-ibig, pag-asa’t pangarap;
Nakatanaw tayo sa gintong hinagap
Na may Inang Bayang babangon sa hirap;
Sa templo ng kanyang mabathalang sikap,
Windang na ang kutang karsel ng bagabag!!!
TUNGHAYAN DIN:
Kaugnay na Tulang Handog kay Noynoy Aquino
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact