HAPPY VALENTINES
Nang mga panahong masigla pa’t bata
Hanggang magsimulang magbuhay-binata,
Baliw ang isipang buo ang tiwala
Na kayang sungkitin
ang araw, ang buwan,
bituin at tala.
Nang makilala ka’y doon naunawa,
Kabaliwang turing pala’y talinghaga;
Ang katotohanang nagmula sa diwa:
Ikaw pala’ng tala,
araw, b’wan, at bit’wing
sa puso’y papana!
Ang Happy Valentines sa pinipithaya,
Pa’no ihahatid ngayong ikaw’y wala?
Malawak ang dagat, malayo ang lupa,
(At ang pamasahe
sa United Airlines
ay di bumababa!)
Sa bulaklak, Mahal, Giliw, Irog, Sinta
Init ng pagbati ay ipadarama,
Kalakip ng pusong wagas sa pagsinta
Kahit may puti na
buhok natin, saka
apo’y sangkaterba…
Love,
2-14-2018
Pohnpei, FSM
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact