TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
PAKIALAM SA PAG-IBIG NG ANAK
TANONG: DAPAT ba o HINDI DAPAT na makialam ang magulang sa pagpili ng mapupusuan ng anak?
Mula sa pinagsamang panulat nina:
LAKANDIWA (Pagbubukas)
Magandang unang Lunes po ng Marso sa inyo, Bayan
At sa mga inaantok, "Hoy, gising!" ang panawagan
Narito po kaming muli upang kayo ay handugan
Ng inyo pong paboritong nagbabagang Balagtasan.
RAFAEL A. PULMANO po ang lingkod n'yong bumabanat
Magiliw na nagpupugay, bumabating walang puknat
Dito'y ako'ng tagahahatol, Lakandiwa po ang tawag,
Mabait na Lakandiwa, ang matalo'y bitay agad.
Ang magulang ba ay dapat o di dapat makialam
Sa pagpili nitong anak ng nais na mapusuan?
Sa pag-ibig, ang supling ba'y matwid na panghimasukan?
Iyan po ang paksa ngayon nitong ating paglalaban.
Kahit na may kabigatan ang napili nating paksa,
Mabibigat din po naman ang makatang magbabangga
Mga Reyna at Hari po sa larangan ng pagtula
Palakpakan sila habang lumalapit papagitna!
DAPAT (Pagpapakilala)
Maaliwalas ang langit sa gabi ay nakatunghay
Wari bagang umaayon sa ihahayag kong patunay
Na dapat lang makialam sa anak po ang magulang
Sa pagpili ng kasuyong itatangi habang buhay.
Sa akin pong katunggali na kutis ay takipsilim
Ang sarili ay ihanda at isip ay patalimin
ELVIE ESPIRITU po, nagpupugay, buong giliw
Sa lahat ng kababayang katulad ko ang hangarin.
HINDI DAPAT (Pagpapakilala)
Matayog na pangarapin kalimita'y di matupad
Katulad ay lakbay-diwang sarili'y di umaangat
Diyan ko po ihahambing itong kahidwa kong dilag
Nananaginip pong gising, mata nama'y mga dilat.
Ama akong nagmamahal sa kaloob na mga anak
Ang sila'y panghimasukan sa kakatuwangin ay di dapat
GONIE MEJIA po ang lingkod nyong taga-Tarlac
Sa tanan ay nagpupugay, buong tuwa at ng galak.
LAKANDIWA
Mukhang handang-handa na po ang makatang paraluman
Ang makatang taga-Tarlac, tila gayon din po naman
Unang tindig, si Elvie po ang sya munang pagbibigyan
Upang lalong ganahan po'y ihatid ng palakpakan!
DAPAT (Unang Tindig)
Kahulilip ay ligayang hindi kayang mapantayan
Ang nadama nitong ina nang ang anak ay isilang
Ang sanggol ay inaruga ng malingap na kandungan
Ng magulang na nagsilbing sa bukas nya'y mga tanglaw.
Mga taon pang napigtal sa tangkay nitong panahon
Sa wastong gulang sumapit ang anak na tinutukoy
Pag-ibig sa itatangi nang sa puso ay sumibol
Karapatan nitong anak ang damdamin ay matugon.
Tungkulin ng magulang ay pangalagaan ang anak
Iwasto sa kalagayan, sa di tama ipangilag
Ang higit na karanasan sa kanila ay di hamak
Mas pa nilang nababatid sa anak ang nararapat.
Kung sumapit sa panahong anak ay mag-aasawa
Pakialam ba ng magulang, itatanggi, itatatwa?
Malasakit nga ba nila'y ipagwawalang-bahala?
Ang sa aki'y pagtatanong, dulutan po ng unawa.
At ngayon sa katunggaling kahidwa ko at kabangay
Sa panig pong tinutugon ay huwag nawang malimutan
Hangga't anak ay sakop pa sa kandili ng magulang
Sila pa rin ay may layang sa anak ay umantabay.
LAKANDIWA
Maliwanag na nagsaysay ng katwiran ang makata
Na dalaga pa pong tunay, maganda at batambata,
Ang kalaban nya po namang binat-na ang syang tutudla
Palakpakan din po't dinggin, tingnan kung may binatbat nga!
HINDI DAPAT (Unang Tindig)
Maganda ang kahidwa ko, ang pangit lang ay ang matuwid
Pati pintig ng puso ng anak yata'y ginigipit
Kung sa wastong gulang na din yaong anak pag sumapit
Desisyon nyang pangsarili, di dapat nang ipagkait.
Wika din niya kung ang anak ay umibig at gumiliw
Sa kanya ang karapatang damdamin ay pairalin
Ngayon nama'y nakikialam, hangad niya'y nais sundin
Hindi kaya kahulugang ang dilag po ay balimbing?
Kapag puso ay umibig, magmahal ay natutunan
Paraan ay magagawa lalo na nga't hahadlangan
Malimit ngang nagaganap, kapag magulang nakialam
Anak ay napipilitang sa kasintaha'y magtanan.
Masasabing malasakit, magulang pag nanghimasok
Katumbas nama'y pagluha sa anak ang idudulot
Kasawiang tataglayin, pag lumabis ay himutok
Sa di mainam hahantong ang anak sa pagkalungkot.
Di po lubos maunawa ng makatang paraluman
Kung gaanong hapdi sa anak ang kabiguan
Tayo'y mga nagdaan na sa ganiyang kalagayan
Hanggang ngayon siya'y bulag pa sa isang katotohanan.
LAKANDIWA
Para lalong magkaigi ang dalawang nagtatalo
Hahayaan ko na silang magbaknatan hangga't gusto
Kayo namang nakikinig sa istudyo at sa radyo
Ipabaon sa kanila'y palakpakang todong-todo!
DAPAT (Ikalawang Tindig)
Pag-ibig ang siyang bulag, hindi yaring pang-intindi
Taliwas po ang pasaring ng mahanging katunggali
Hindi ba't ang kabataan, kahit anak mong sarili,
Mapupusok sa pag-ibig, sa pagpili'y namamali?
Kapintasan bang masabing ang anak ay maturuan
Sa nababagay na kasuyong kakasamahin sa buhay?
Di ikaw ang masusunod, kahit ikaw'y nakialam,
Mahalaga'y pagpapayo na nagmula sa magulang.
Mas mahapding madarama lalo't anak mo'y babae
Napakasal halimbawa sa tampalasang salbahe
Sa altar kung ibinuklod, habang buhay magsisisi
Dahila'y di nakialam ang magulang sa pagpili.
Huwag naman pong itutulot kung iyan ay mangyayari
Sino bang dapat buntunan kundi yaong di nagsilbi?
Pabaya sa katungkulang marapat na ibahagi
Na paris ng kahidwa kong iniinda ay sarili.
HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)
Hilong talilong na yata ang dilag kong kabanggaan
Ang bunga sa pakikialam ay kanyang nakaligtaan
Anak, kung ipinagkasundo sa hindi napupusuan,
Hantungan nitong malimit ay di ba paghihiwalay?
Pag sinabing nakikialam ang magulang po sa anak
Kanilang pinipintuhong balak nila ang matupad
Ang sustansiya ng hidwaan, nais po yatang isadlak
Nitong aking katunggali, sa paglihis, pangingilag.
Pag-ibig ay kawikaang labis makapangyarihan
Ang lahat ay hahamakin maging pati kamatayan
Kapag puso ang nag-utos sa anak at hinadlangan
Kundi sa hukay babagsak ay do'n sa Mental Hospital.
Bakit ko pa nanaising ang ganito ay maganap
Kung sa aking pakikialam, ang anak ay mapahamak?
Di ko panghihimasukan, sino man ang ililiyag
Sa halip ang bendisyon ko sa kanila'y igagawad.
DAPAT (Ikatlong Tindig)
Kagaya ng nasabi kong karapatan ng magulang
Sa anak magmalasakit pagka’t dugo nila't laman
Halimbawang ang anak mo may asawa ang napusuan
Anong uring magulang ka kung ito'y di tututulan?
Sa harap ng kapintasang nakadilat, nagbabanta
Ang magsawalang-kibo ka hindi ba pagpapabaya?
Kung di kabagay ng anak sa pagsinta ang ninanasa
Ikaw din ba ay aayon at sa iyo'y balewala?
Balakid ngang sasambitin pag nakialam ang magulang
Ngunit dapat na mangyari pagka’t isang pagmamahal
Kahit sabihin pa nating anak sa aki'y masuklam
Kung akin siyang napanuto, ina akong nagtagumpay.
HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)
Tagumpay sa kabiguan, pagwawaging kasawian
Sa pagluha nakakalong ang umapi at nasaktan
Sa malinaw na salita, bahid po ng katuturan
Nakialam at pinakialaman, lungkot ang kalulugmukan.
Katulad sa isang anak na dalaga't ubod ganda
Sa mayamang manliligaw, isinabwat nitong ina
Sa takdang araw ng kasal, sa halip na pagsasaya
Ang ina ay tumatangis, masakit na nagluluksa.
Halimbawa ko po lamang itong aking inihayag
Bagaman may pangyayari na dito ay natutulad
Nasaan ang pagmamahal ng magulang po sa anak
Kung karapatan sa pag-ibig ng bunso ay winawasak?
DAPAT
Maganda ang halimbawa ng makatang kahidwaan
Ngunit ang tema ng paksa'y di maunawang lubusan
Ang pakialam ng magulang sa anak ay nakabatay
Kung sa kanyang kakatuwangin ay may punang kapintasan.
Katulad din halimbawa ng sa anak lumiligaw
Lasenggo at butangero, sugarol po at batugan
Ang anak ba'y hahayaang sa ganyan mapasakamay
Kapag ito'y napangyari, magulang ang masasaktan.
HINDI DAPAT
Muli akong sinapawan kaya ako'y di maka-draw
Katunggali'y lumiliko, mahirap ang makapusoy
Bakit ba kung nagigipit, kahidwa ko'y lumiligoy
Sala sa init at lamig kung baga po sa panahon.
Ngunit po sa isang dako ay hindi niya nababatid
Mas liligaya ang anak sa kaniyang nilalangit
Batugan at lasenggo man, kahit kapintasa'y labis
Kung tibok ng kanyang puso, magulang ay huwag magkait.
DAPAT
Ako lang ay nagtataka sa pasaring ng kalaban
Ang pangarap ba sa anak, isadlak sa kamalian?
Ang gawang pangungunsinti sa anak po kalimitan
Ang bunga ay di maganda, tuturingang walang inam.
HINDI DAPAT
Pangungunsinti nga kayang unawain yaong anak
Kung siya'y di pakialaman sa pipiliing kapilas?
Kung ako'y manghihimasok ay akin pong natitiyak
Ako'y kanyang sisisihin sakaling siya'y di pinalad.
DAPAT
Pagmamahal po sa anak kung magulang ay makialam
Sa pagpili ng kasuyong sa buhay niya'y makakatuwang.
HINDI DAPAT
Sasabihing ako po ay malupit na isang ama
Kung sa anak makikialam sa pagpili ng asawa.
DAPAT
Kapag hindi ka nakialam ay wala kang malasakit!
HINDI DAPAT
Ama akong makatuwiran, di gaya mong mapagkait!
DAPAT
Pagkakait ba sa anak kung siya ay iwawasto?
HINDI DAPAT
Kapag ikaw ba'y nakialam, may bukas siyang mapipiho?
DAPAT
Tiyakan at sigurado!
HINDI DAPAT
Hindi sa paniwala ko!
LAKANDIWA (Paghatol)
Puputulin ko na ngayon ang pagdada ninyong dal'wa
Magsipirmis muna kayo't ako naman ang poporma
Kababayan, kung sakaling kayo po ay naandyan pa,
Pwede po bang makahiling ng palakpak na sagana?
Kung umibig ba ang anak at ang puso ay tumibok
Ang magulang ba ay dapat o di dapat manghimasok?
Dapat raw po, ani Elvie; Di dapat, kay Gonie'ng sagot
Ano naman ang "say" ninyo kung kayo ang masusunod?
Minsan pag nanghimasok ka, nagrerebelde ang anak
Kapag di ka nakialam, baka naman mapahamak
Kung kailan nababagay ang maghigpit o magluwag,
Yan ang hamon sa magulang na dati ring naging anak.
Kung paseksihan ang laban, si Elvie po'y panalo na
Subalit kung papogihan, kay Gonie po, siya'y tumba...
Kayo na po, Kababayan, ang bahalang sumintensya,
Pagpalain tayong lahat ng Dakilang Diyos Ama!
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.