HILING NG MAGULANG
TANONG: Halimbawang pito kayong magkakapatid, ikaw ang panganay, at bilang pa-Pasko ay hiniling ng iyong mga magulang na huwag ka munang mag-aasawa hanggang hindi nakakatapos ng pag-aaral ang iyong mga kapatid – PAGBIBIGYAN mo ba o HINDI PAGBIBIGYAN ang kahilingan nila?
Mula sa pinagsamang panulat nina:
Elvie V. Espiritu — Pagbibigyan
Rafael A. Pulmano — Hindi Pagbibigyan; sumulat rin sa iskrip ng Lakandiwa (na sa aktwal na pagtatanghal ay ginampanan ni Bayani Cambronero)
LAKANDIWA (Pagbubukas)
Milyong dolyar na pagbati ang sa inyo'y aking hatid
Bayani Cambronero po ang lingkod nyo na didinig
At hahatol sa makatang magpapalitan ng matwid
Dito po sa Balagtasang labanan ng merong isip!
Halimbawang sa pamilya'y pito kayong magkapatid
Panganay ka at single pa, never been touched, never been kissed,
Atin na ring ipalagay na ang bunso'y nasa first grade
Ang sumunod naman sa yo'y napasok din, first year college.
Ang tatay mo at nanay mo'y matanda at mahina na
Palibhasa'y Pasko naman, meron silang hiling sana
“Hanggang mga kapatid mo'y di pa tapos ng karera
Pupuwede bang ikaw, Anak, ay wag munang mag-asawa?”
Ang inyo pong napakingga'y syang paksa ng Balagtasan
Isang paksang naaangkop sa diwa ng kapaskuhan:
Bilang anak na panganay, magulang ba'y pagbibigyan
O iyo bang ikakait ang regalong inaasam?
Mapalad po tayo ngayon sapagka’t ang maglalaban
Ay di lamang magagaling dahil walang karamdaman
Sila rin po'y sikat, tanyag sa loob ng kan'lang bahay
Si Miss Elvie Espiritu'y una nating palakpakan!
PAGBIBIGYAN (Pagpupugay)
Sa paksa ng pagtatalo na ngayon ay nakahain
Hiling ng mga magulang pintuho kong tutugunin
Sa aking muling karangalan na kayo ay makapiling
Magandang gabi po sa inyong lahat kababayang ginigiliw.
LAKANDIWA
Dalaga po ang naunang nagsabi ng kanyang pasya
Pakinggan po naman natin ang kalaban nyang binat-na
Ang akin pong tinutukoy na makata'y walang iba
Kundi si Ralph Pulmano po, palakpakan natin siya!
HINDI PAGBIBIGYAN (Pagpupugay)
Pelikula'y di kikita kung artista'y puro bida
Kaylangan po ang tulad kong ang papel ay taga-kontra
Ako ngayo'y nagpupugay — Kalaban ko, humanda ka
Ngayon pa lang, ang payo ko'y tumawag ng ambulansya!
LAKANDIWA
Matapos pong pakilala ang dalawang maglalaban
Sisimulan na po natin ang pukpukang walang humpay
Ang una pong papaputok ng basuka at masinggan
Ay si Elvie Espiritu, palakpak po'y pakawalan!
PAGBIBIGYAN (Unang Tindig)
Tayo'y mga Pilipinong sa mga magulang mapagmahal
Turing natin sa kanila pangalawa sa Maykapal
Kung sila'y may hihilingin sa kapatid at kanilang kapakanan
Magagawa ba nating biguin ang nagpalang mga kamay.
Oo, ako'y dalaga pa, may tatlumpu at apat na taong gulang
Sa antas ng aking idad, pag-aasawa sana'y dapat lang
Dahil akin ang ligaya mga magulang ay pagsilbihan
Sa kanila ang maglingkod ay galak ko at tagumpay.
Hindi ko ipagkakait ang tulong ko ay ibigay
Upang aking mapagtapos mga kapatid na nag-aaral
Lalo't mga magulang ang nakiusap ito'y di ko tututulan
Kaya kong ipagparaya ang ilang taon pa na daratal.
Higit lalo na marahil kung araw ng kapaskuhan
Ang regalo nilang nais ay hindi ko pahihindian
Lalo't sila'y matatanda na sa kanilang kaligayahan
Ang papagtapusin ang mga kapatid handa kong isakatuparan.
Sumapit man ang panahon kabataan ko ma'y kumupas na
Ang di paglagay sa tahimik di rin naman pagkakasala
Hindi ba sa Banal na Aklat nakasaad at nakatala
Ang pag-aasawa'y di sapilitan, di ako dapat mabahala.
LAKANDIWA
Makabagbag-damdamin po ang katwirang binitiwan
Ng makatang nagpauna na dalaga pa pong tunay
Si Rafael Pulmano po'y atin namang bigyang-daan
Paliguan natin siya ng saganang palakpakan!
HINDI PAGBIBIGYAN (Unang Tindig)
Tatlumpu at walong taon lamang po ang aking edad
May asawa na po ako, mag-aanim lang ang anak
Kung ako ba'y binata pang walang damage, walang lamat,
Ang hiling ng magulang ko'y akin kayang matutupad?
Palagay ko, kahit maging Santa Claus ang inyong lingkod
Ganyang uri ng papasko'y di ko kayang maihandog
Kung tutulong man po akong kapatid ay mapagtapos
Bakit naman pati pintig ng puso ko'y igagapos?
“Humayo at magparami,” Iyan po ang kautusan
Na matanda pa kay Moises, kay Jacob at kay Abraham
Dahil dito'y iiwan nga ng lalaki ang magulang
Pipisan sa asawa nya, sila'y maging isang laman.
Ang pagtulong sa magulang ay hindi na hinihiling
Katungkulan nating anak na sila ay kalingain
Kung matanda't mahina na, lalo pa ngang dapat gawin
Na tulungan silang kusa sa abot ng kaya natin.
Sa abot ng kaya natin — iyan po ang aking sabi
Dahil kahit may asawa'y maaari ding magsilbi
Ngunit ang magpakatanda, magburo sa isang tabi,
Sa tingin ko'y hindi tama, sayang ka lang na kabute!
LAKANDIWA
Unang yugto ng saguta'y tapos na po, kababayan
Kapwa pa po walang sugat ang dalawang naglalaban
Tingnan natin kung dadanak na ng dugo sa second round
Si Miss Elvie Espiritu'y muli nating palakpakan!
PAGBIBIGYAN (Ikalawang Tindig)
Ang kautusang magparami na tinukoy ng katagisan
Ito ay may kasalungat sa aklat na Bagong Tipan
Ang pag-aasawa'y di masama, ang manatiling dalaga ay gayon din naman
Sa Unang Corinto Pito talatang walo at siyam matatagpuan.
Ang pagtulong sa magulang ay hindi nga sapilitan
Ngunit tayo ay may budhi, may puso at kalooban
Ang pakiusap ba ng ama't ina ay kaya mong talikuran
Katunggali ko'y maramot, walang lingap sa pinagmulan!
Ang tulong ng may pamilya sa walang asawa'y kakaiba
Pagka’t walang masasaktan o maninimdim na iba
Lalo't kapilas mong natagpuan, makitid ang pang-unawa
Ang pagtulong mo sa magulang, away lang ang ibubunga!
Kailangan pa bang magsumamo, ama't inang minamahal
Upang puso mo'y maantig, hiling nila'y mapagbigyan?
Apat na taon ba ay matagal na kanilang kahilingan
Upang mga kapatid mo'y tulungan sa kanilang pag-aaral?
LAKANDIWA
Matindi po't parang lintik ang left hook at ang upper cut
Ni Miss Elvie Espiritu, sinabayan pa ng lay up
Si Rafael Pulmano po'y tila hindi makapayag
Pabalikin nati't tingnan kung talagang may binatbat!
HINDI PAGBIBIGYAN (Ikalawang Tindig)
Akala ko, kalaban ko ay mahina lang sa music
Wala palang sinabi rin sa subject na arithmetic
Ang sabi ng Lakandiwa, bunso mo raw na kapatid
Ay Grade One lang, papaanong after four years ay ga-graduate?
Katunayan pa rin namang siya'y boba sa numero
Nag-asawa'y naging dal'wa, tuos niya'y naging zero
Sumapit man ang sandaling di na sapat ang tulong mo
Magulang ay wag magmukmok, nakinabang nama'y apo!
Tatanungin kita ngayon: Kung magulang baga'y ikaw
Pag-ibig ng panganay na anak mo ba'y sasaklawan?
Matitiis bang makitang tumanda sya't malipasan
Habang anak mo pang iba'y pasarap sa pag-aaral?
Wag ka sanang magsalita ng tapos at hindi dapat
Paano kung ma-in love ka at damdami'y mag-umalpas?
Pag ang puso ay napusoy, ang Bataan ay babagsak,
Sasabog ang Pinatubo, “Goodbye” Inay, “Welcome My Love!”
LAKANDIWA
Tayo po ay dumating na sa sukdulan ng bakbakan
Dito na po maghahalo ang balat sa tinalupan
Malalaman natin ngayon kung sino nga'ng mas matibay
At kung sino naman yaong isusugod sa ospital!
Bago kayo magbanatan ay makinig ng instruksyon
Walang hitting below the belt, ide-deport ang mapikon
Kayo ngayo'y magkamayan, tayo namang madlang people
Palakpakang pampagana ang atin pong isalubong!
PAGBIBIGYAN (Pangatlong Tindig)
Kalaban ko'y isang musmos sa larangan ng palaisipan
Kung first year college makapagtatapos, sa fifth grade na ang aakay
Sa Laguna ang mga tao batid kong mga Tagalog na taal
Katalo ko'y pa-Ingles-Ingles pa, di kailang Pinoy naman!
Marami sa kabaro mo ay mga andres de saya
Ang pagtulong sa magulang ay di lubos na nakakaya
At sa ganyang kalagayan hindi ba mas mahalaga
Hiling nila'y mapagbibigyan, pag-aasawa'y isasaisantabi muna?
Ako yata'y napasubo sa isang mangmang ay pumatol
Inuunawa lang ng sarili, sa magulang nagkakait ng tulong
Sa palagay mo ba ang tao kupas na kahit sa apat na pung taon
Samantalang diyan lang nagsisimula ang gilas ay sumisibol?
HINDI PAGBIBIGYAN (Pangatlong Tindig)
I-replay nga muna natin ang sabi ng Lakandiwa
Kayo na pong nakikinig ang humatol sa maysala:
"Hanggang mga kapatid mo'y di pa tapos ng karera
Pupuwede bang ikaw, Anak, ay wag munang mag-asawa?”
Maliwanag, hindi po ba, ang paksa ng Balagtasan?
Kung susundin, gurang na po si Elvie pag sya'y nagtanan!
Kung sabagay ay okey lang dahil kapag sya'y nagsilang
Anak nya'y may lola agad at hindi lang merong nanay!
Ang hirap sa kalaban ko, kapag siya'y nakokorner
Nilalabo ang usapan, ayaw na lang sumurender
Bawiin mo ang sabi mong marami sa ami'y ander
At kung hindi'y isusumbong kita sa aking kumander!
PAGBIBIGYAN
Sisiw pati ang isipan nitong aking katunggali
Tinutukoy na di tama halimbawa ko't mga pasakali
Kung kanya lang babalikan unang talata kong isinukli
Marahil ang mga pintas niya, sampal sa kanyang mga pisngi!
Nais akong pasukuin, katalo ko'y hangad magwagi
Kung siya ang lumilitaw suwail sa magulang na nagtangi
Sa Balagtasang may indayog, ako ba'y kanyang pagagapi
Kung bigkas niya'y di pangmakata, pampulitikong talumpati!
HINDI PAGBIBIGYAN
Wag po ninyong seryosohin ang kawawa kong kalaban
Pag dalaga'y tumatanda, utak raw po'y lumalabnaw
Hayaan nyong ibalik ko ang laban sa katinuan
Pagbibigyan ba o hindi yaong hiling ng magulang?
Mahal ko ang magulang ko, pero sagot ko po'y hindi
Tulad nila, di ko gustong maputol ang aking lahi
Utang ko nga sa magulang ang buhay ko't pagkandili
Ako nama'y sisingilin ng anak ko, kaya bawi!
PAGBIBIGYAN
Ayoko sanang ulitin sa makulit kong kalaban
Handa akong magparaya kung ligaya ng magulang
Hindi ko nais manakit, damdamin niya'y aking saktan
Lahi niya pag sumuway ay lahi ng lapastangan!
HINDI PAGBIBIGYAN
Lapastangan ba ang taong tapat lamang sa damdamin?
Tungkulin ng magulang ba'y panganay ang may sagutin?
Kung uugud-ugod ka na, ikaw kaya'y aakayin
Ng utol mong may diploma at sariling pamilya rin?
PAGBIBIGYAN
Marahil kung kaparis mong mararamot ang mga kapatid
Ikaw nga'y di aakayin, sa tulong ay magkakait!
HINDI PAGBIBIGYAN
Gusto ko nang maniwalang martir ka ngang paraluman...
Baka naman wala lamang magkamali na manligaw?
PAGBIBIGYAN
Sumusuntok na sa hangin ang makatang sampay-bakod
Nililiko ang usapan, nilalabo nitong hambog!
HINDI PAGBIBIGYAN
May rekruter akong alam, mura lamang ang lagayan
Ihahanap ka ng boyfriend, ilan ba ang yong kaylangan?
PAGBIBIGYAN
Alibugha ang katalo ko at balakyot ang isipan
Sa anak bang kagaya mo sa langit ay pagbubuksan?
HINDI PAGBIBIGYAN
Mag-ingat ka sa dila mo, mga anak ko'y andyan lang
Pag nagalit sila'y baka hamunin ka ng pitikan!
PAGBIBIGYAN
Dapat lamang mapagbigyan, pakiusap ng mga magulang!
HINDI PAGBIBIGYAN
Bakit hindi na lang kayo ang magsama't magpakasal?
LAKANDIWA (Paghatol)
Tumahimik muna kayo't walisin ang inyong kalat
Sumapit na ang sandaling hinihintay nating lahat
Ibibigay ko ang hatol kagaya ng nararapat
Pero pwede po ba munang makahiling ng palakpak?
Si Elvie at si Rafael ay tunay pong nagpamalas
Ng kanilang kahusayan hindi lamang sa pagbigkas
Sa kabila ng sagutang maanghang at nangangagat
Sila'y buo po ang loob, ewan lang po yaong utak.
Labis akong humahanga sa makatang paraluman
Bihira sa anak ngayon ang may ganyang katangian
Wala na ngang pag-ibig pang mas hihigit at lalamang
Sa mag-alay ng sarili alang-alang sa yong mahal.
Sa magulang naman, okey ang tulungan ka ng anak
Gayon pa man, ikaw pa rin ang may responsibilidad
Magulang ka, kung tungkulin sa anak ay di matupad
Mag-"family planning" ka na, wag mangitlog kung di dapat.
Sa simula'y batid ng D'yos, di mabuti ang mag-isa
Itong tao kaya siya'y binigyan ng kapareha
Mula noon hanggang ngayon, habang mundo ay mundo pa
Sa magulang hihiwalay ang anak pag nag-asawa.
Kung iwanan man ng anak ang magulang na nagpala
Ang pagtulong sa abot ng kakayahan ay dapat nga
Sapagka’t ang panukat mo sa pagtrato sa yong kapwa
Ay sukatang gagamitin naman sa yo sa pagtanda.
Pagtulong sa ama't ina ay sapat ng kabaitan
Ang wag munang mag-asawa'y labis na pong kahilingan
Kaya naman ang hatol ko: Magulang ay wag pagbigyan
Sumainyo ang masayang diwa nitong kapaskuhan!
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact