KATAPATAN NG KANDIDATO SA SENADO
TANONG: Dapat ba o Hindi Dapat na Taglaying Katangian ang “Katapatan” ng mga Kandidatong Senador sa Ating Bansa?
LAKANDIWA (Pagbubukas)
Panahon na namang muli ng masiglang kampanyahan,
Eleks’yon ay paparating, kandidato’y manliligaw;
Taumbayan sa pagpili ng angkop na manungkulan,
Handog nami’y Balagtasang may ganitong katanungan:
Dapat ba o hindi dapat na taglaying katangian
Ng kandideyt sa senado ang birtud ng “Katapatan”?
Pormal ngayong binubuksan ang tanghalan sa balana
Sa makatang mahuhusay sa pagbigkas nang may rima;
Katuwirang ilalahad ay pagkaing masustansya
Sa diwa ng mamamayang nangangapa ang konsyensya;
Kung lalahok siguruhing ang baon ay sangkaterba
Gyera ito ng may utak, ang bobo ay mababalda.
DAPAT (Sa ibaba ng tanghalan)
Maginoong Lakandiwa, ako po ay sumasagot
Sa paksa ng Balagtasang paanyaya ninyo’y lubos;
Sa halalang nalalapit matatag ang aking loob
Na sa mga manghahalal kat’wiran ko ay ihandog;
Ang mithi ko sa senado ang senador na maluklok
Ay taglay ang katapatan at damdaming maka-Diyos.
Kandidatong hindi tapat sa gagawing katungkulan
Ay di dapat na iboto — layuan at pangilagan;
Ang sagutin ng senador sa senado ay maselang
At panganib ang di tapat sa bansa at taong-bayan;
Kaya bunying Lakandiwa, sa panig na DAPAT lamang,
Tulutan po ninyong ako’y makaakyat sa tanghalan.
LAKANDIWA (Pagtanggap)
Ang makatang buena mano sa pagtugon sa anyaya
Magiliw kong tinatanggap sa ibabaw ng tribuna;
Halika at katapatang inusal mo’y ipakita
Isulit ang pagkatao’t sarili ay pakilala;
Kayo namang natitipon ritong pawang nakanganga
Masigabong palakpakan pakawalan ninyo sana.
DAPAT (Sa ibabaw ng tanghalan)
Salamat po, Lakandiwa, sa magiliw na pagtanggap
Sa makatang ngayong gabi’y papalaot sa pagbigkas;
Yaring aking pagkatao’y magiting kong ihahayag,
Bert Cabual ang ngalan ko na may diwa’t pusong tapat;
Ako’y buhat sa Batangang lalawigang maalamat,
Sa ang mga manunula’y pawang kawal ni Balagtas.
Dapat raw ba o di dapat na ang mga kandidato
Na senador ay “matapat” kung mahalal sa senado?
Mariin kong isasagot sa harap ng madlang-tao,
“Katapata’y kailangan!” Magdaraya’y walang modo;
Ang makatang sasalungat, kung hindi man naloloko,
Ay makatang sinungaling at bulisik na pagano!
HINDI DAPAT (Sa ibaba ng tanghalan)
Oh mabunying Lakandiwa ako sana’y tanggapin din
Pagka’t mali, maling-mali ang naunang may tiriring;
Kandidato pag nagsabing tapat siya sa tungkulin
Sarili ang inuuto, ipokrito’t sinungaling;
Katapatan sa palitiks ay di pwedeng seryosohin
Kaya panig na DI DAPAT ang matimbang para sa ‘kin.
Kandidatong iluluklok sa senado’y masusukat
Sa talas ng pag-iisip at batas na isusulat;
Matalinong abogado kadalasang nararapat
Sa ganitong katungkulang nababagay sa may utak;
Kandidatong walang alam kahit ga’no man katapat,
Sa senado’y walang silbi’t magsasabog lang ng kalat.
LAKANDIWA (Pagtanggap)
Hindi ko man nagustuhan ang tabas ng kanyang dila,
Akin na ring pagbibigyan ang pangahas na makata;
Halina at pumarito sa tanghalang may babala:
Iwasan ang personalan, atakihin lang ang paksa;
At upang sa pagpalakpak di malugi itong madla
Pakilala ka rin muna, sino ka ba’t saan mula?
HINDI DAPAT (Sa ibabaw ng tanghalan)
Salamat! Oh, Lakandiwa sa kaloob na pagtanggap
Ralph Pulmano ang lingkod n’yong bumabating buong galak;
Sumilang sa bayang Binyang na lunsod na ngayong ganap
Matagal na napawalay nang sa abroad ay napadpad;
Sandata kong naging lunas ang hilig sa pagsusulat
Sa panahong nag-iisa’t malayo sa bansang liyag.
Sa usaping nakasalang ay muli kong inuulit,
Katapatan ay di dapat katangiang ipipilit
Sa sino mang nagnanasang sa senado’y magkandideyt
(Baka wala nang matira kung lahat ay maging honest!)
Mabuti pa, katalo kong Batanggenyong hindi wais,
Umatras na habang di pa sa bakbakan naiipit!
LAKANDIWA (Simula ng pagpapalitan ng katuwiran)
Patalastas muna tayo bago pa magkaipitan
Pangalan ko ay Solomon Jurado ng Pangasinan;
Sa Barangay Macabito ng Calasiao isinilang
Na ang puto’y dinarayo at mangga ay pinapakyaw;
Balagtasang ito’y ako Lakandiwang naatasan
Matapat na Lakandiwa (…huwag lamang masuhulan!)
Yamang tayo’y mayroon nang dal’wang kapwa mababangis
Na sa paksa’y magkabila ang panig na itatagis;
Simulan na agad natin Balagtasang ninanais
At alamin kung tuktok nga nila’y wagas at di panis;
Unang tindig si Bert Cabual, walang kulang, walang labis,
Isalubong sa kaniya’y palakpakang buong tamis!
DAPAT (Unang tindig)
Katunggali kong makatang buhat pa sa bayang Binyang,
Kat’wiran mong likong-liko’y pahayag ng nahihibang;
Di ko naman sinasabing ang “tapat” ay walang alam,
Kung mahalal na senador nitong ating bansang mahal;
Katapatang may talino ang pag-asang nag-aabang
Sa bukas ng ating bansang ngayo’y hantad sa nakawan.
Sabi pa ng katalo ko ay hindi raw ako “wais”
Sapagka’t ang “katapatan” itong napili kong panig;
Kahi’t sinong tanungin mo na may tamang pag-iisip,
Katapata’y papanigan suongin man ang panganib,
Ang may-utak, matalino’t may tapat na pananalig,
Kung maluklok sa senado, bansa nati’y tatahimik.
At bakit mo sasabihing ang “tapat” ay ipokrito,
Gayong siyang maghahayag ng pahayag na totoo?
Gusto mo bang ang senador nati’y mga bagamundo,
Magnanakaw, magdaraya’t sinungaling na tulad mo?
Hindi ka ba nahihiyang sa panahon nating ito
Ay senador na balawis ang lingkod mo at idolo?
Sa saligang batas natin, ang unang k’walipikasyon
Ng sino mang lingkod-bayang maglingkod sa ating nasyon,
“Katapata’t integridad” at paglaban sa kuraps’yon,
Katangiang kailangan ngayo’t sa habang panahon;
Mag-isip ka, kabalagtas! Anong nangyayari ngayon?
Ang senado’y winawasak ng di tapat na senador!
Kaya naman ang hiling ko’y magbago ka, kamakata
Sa panig mong tinindigang patay-mali at di tama;
Ang isip mo’y liwanagin! Tanglawan ang iyong diwa
Ng pag-ibig sa bayan mong ibinigay ng Bathala;
Magkaisa tayong lahat sa mabuting panukala
Na ihalal sa senado yaong tapat at dakila!
LAKANDIWA (Sa unang tindig ng Hindi Dapat)
Nagpasabog agad-agad nang matindi si Cabual
Ibig yatang patulugin ang kalaban sa unang rawnd;
Ang kalaban kalmado lang tila walang pakundangan
Katuwiran niya naman sunod nating pakikinggan;
Ralph Pulmano, ang panig mong Hindi Dapat, bigyang-linaw
Atin siyang palakpakan, kababayang minamahal!
HINDI DAPAT (Unang tindig)
Salamat sa panukala, kamakatang katunggali
Ako lang ay nahahabag sa unawa mong kay-ikli;
Katapatan ay madaling isabuhay na ugali
Kung sariling kapakanan ang tangi mong kaurali;
Pag sumawsaw sa palitiks lumalabnaw pati budhi
Pribado mong pamumuhay publiko na ang may-ari!
Politika’y sa maitim na palayok ihahambing
Humahawak di aaring di mantsahan niyang uling;
Kandidatong sumusungkit sa boto ng ginigiliw
Mangangako, mangangako, kahit hindi kayang gawin;
Magkekenkoy, mambobola, bobotante’y aaliwin,
Sa sarili’y tapat siya...sa bayan ay sinungaling!
Wika nga ni Inday Sara sinungaling naman lahat
Kaya hindi anya isyu sa halalan maging tapat;
Tatay na nga niya mismo halimbawang mauungkat
Sa kampanya pinangakong 3 to 6 months lutas ang drugs,
Kuraps’yon ay susupilin, pati ang kriminalidad,
Nanalo s’yang presidente sa pangakong di natupad!
Kaya Ka Bert, ang hamon ko’y aminin nang di praktikal
Panukalang katapatan mabuti ma’y walang saysay;
Mas madaling masusukat, mas mainam pang batayan
Kung pagpili sa kandideyt ay base sa kakayahan;
Kakayahang magpatawa, magpasaya sa lipunan
Nang malimot ang problema sa EJK saka Tokhang!
Isipin mo, kabalagtas, sa dami ng suliranin
Nitong bayang naghihirap, iba’y wala nang makain,
Ang trapiko’y buhul-buhol, MRT laging diskarel,
Teritoryo unti-unting Intsik na ang umaangkin,
Kesa mga kandidato ay atin pang seryosohin
Hayaan na lamang silang sa atin ay mag-entertain!
LAKANDIWA (Sa ikalawang tindig ng Dapat)
Makatang si Ralph Pulmano ay wala nang liguy-ligoy
Diretsahan sa pagtumbok at maraming isinumbong;
Unang banat pa lang iyan ng dalawang nagsasabong
Nag-aapoy na kaagad ang palitang malulutong;
Si Bert Cabual, nagbabalik, ikalawang tindig ngayon
Isalubong nating muli palakpakang umuugong!
DAPAT (Ikalawang Tindig)
Katalo ko’y unti-unting dinadala ng habagat
Sa panganib ng masigwang mandi’y kumukulong dagat;
Isip niya’y nilulukob ng karimlan at bagabag
Sa pagtugon sa panig kong “Katapatan” ang marapat;
Ang isip ng taong baya’y nililito niya’t sukat
Sa pagboto sa senador na may pusong binusilak.
Politika’y di marumi, politika ay malinis,
Kung ang mga kandidato ay may wastong pag-iisip;
Kung botante ay marunong kumilala’t kumilatis
Sa kandidatong senador at iba pang kapanalig;
“Katapatan” ng botante’t kandidatong ninanais
Ay lilikha ng pag-asa, kagitingan at pag-ibig.
Sa sabi ni Inday Sara ay huwag kang maniwala,
Di lahat ay tulad niyang mayabang at salaula;
Pangako ng tatay niyang lapastangan ang bunganga
Ay pangakong napapako – di mabuting halimbawa;
Ang paglutas sa kuraps’yon at sa droga’y hindi tama,
Mamamaya’y pinapatay! Inang Baya’y lumuluha!
Lulutas ba sa problema nitong Inang Bayan natin
Kung sila ay magpatawa at magtanghal ng bodabil?
Inutil ang kakayahan, sabihin ma’t di sabihin,
Ng senador na komedyan at di tapat sa tungkulin;
Ang EJK at ang Tokhang ay paano lilimutin?
MRT man at trapiko ay malaking suliranan!
LAKANDIWA (Sa ikalawang tindig ng Hindi Dapat)
Ang palitang maaanghang tila lalong lumalala
Sa pagpitpit at paggisa ng sinalang nating paksa;
Si Bert Cabual nag-aalab ang damdamin sa pagtula
Di matanggap ang kat’wirang isinulong ng kabangga;
Si Pulmano atin muling pabayaang magngangawa
Palakpakan natin upang di magmukha s’yang kawawa!
HINDI DAPAT (Ikalawang tindig)
Katalo ko’y walang habas kung sa aki’y magparatang
Samantalang siya itong malala ang pagkahibang;
Nangagarap siyang gising kaytayog ng pamantayan
At bulag sa reyalidad ng masaklap na lipunan;
“Katapatan” di pupunan ang sikmurang kumakalam
Na ang boto’y pangkape na’t pambigas na tawid-buhay.
Oo, pera-pera na lang ang boto ng ibang tao
Silang di na makahintay ng pangakong pagbabago;
Marami nang ulit kasing nagtiwala’t nagpaloko,
Nabilog sa “katapatan” na akala ay seryoso;
“Matapat” na kandidato matapos na maiboto
Nagkasakit ng amnesia nang maupo sa senado!
Katapatang “pinuhunan” sa panahon ng kampanya
Agad-agad na nilamon ng lumingkis na sistema;
Sa halip na tinutukan ang hinaing at problema
Ng bumotong mahihirap, pansarili inuuna;
Pork barrel ang inatupag at kung saan s’ya kikita,
Nasa’n ngayon ang pag-ibig? Kagitingan? At pag-asa?
Kaya balik na lang tayo sa paksa ng pagtatalo
“Katapatan” di kaylangan kung tatakbo sa senado;
Mas masaya kung bukod pa sa artista’t boksingero
Magkaro’n din ng selfie king, iyakin king, kahit kalbo;
Maski walang mapakitang diploma sa kolehiyo
Tayo’y sanay na at manhid sa kanilang panggagago!
LAKANDIWA (Sa ikatlo at nalalabing tindig ng Dapat at Hindi Dapat)
Lumalaon lalo lamang umiigting ang alitan
Ng makatang Batanggenyo at pambato nitong Binyang;
Sa ikatlong pagbubuno atin silang hahayaan,
Saka na ‘ko papagitna pag meron nang nabalian;
Heto muli si Bert Cabual, katapatan ay dapat daw,
Kaya dapat ganti natin matapat ring palakpakan!
DAPAT (Ikatlong tindig)
Ang alam mong reyalidad ay paraang walang modo,
Pamimili’t pagbibili niyang mahalagang boto;
Binubulag ka ng iyong gawang hindi makatao
Na lilikha ng senador na balakyot sa senado;
Hindi lamang sa pangkape at pambigas buhay tayo,
Manapa’y sa “katapatan” bilang tunay na Krist’yano.
Senador na sinungaling ay malayong magtagumpay
Sa halalang ang boboto’y matalinong mamamayan;
Sa buka ng kanyang bibig at ng dilang salanggapang,
Mapapansin ng botante ang kaniyang panlilinlang;
Sa ganito, bawa’t sabi’t kilos niya’y babantayan
Ng lipunang makatao’t sa senado’y nagmamanman.
Maging tapat sa sarili’t maging tapat sa kapuwa,
Katapata’y pagbutihin sa isipan at sa gawa;
Ito’y buhay na pundasyon ng marangal na adhika
Na patungo sa senadong sandigan ng ating bansa;
Walang gahamang senador at botanteng maaaba,
Walang daya’t walang nakaw sa senadong malilikha!
HINDI DAPAT (Ikatlong tindig)
Binanggit mo ang Krist’yanong sa pagboto ay matapat
Kristy’ano sa ngalan lamang –– walang sindi, walang alab;
Sa malaswang biro’t mura ng pangulo’y napalakpak
Diyos, pari, at Simbahan lapastangang niyuyurak;
Pipi’t binging nagmamatyag, pagkontra’y di maihantad
Dahil baka paratangang drug pusher sa komunidad.
Sino nga bang kandidato sa senado ang iibig
Sa bayan ay maging tapat kung siya ay manganganib;
Na pangalang iningatan karangalang madadawit
Sa talaang mahiwaga kung tawagin ay ‘narco list’?
Balimbing na kandidatong di kaya ang panggigipit,
Ibabaling ang pagsamba sa partidong iwas-sabit.
Saka ano pa ba’ng silbi ng matapat na senador
Kung katulad nila’y papet loyal lamang sa diktador?
Pag ginusto ng Palasyo senado ay walang ungol
Senadora naikulong, ang chief justice naitaboy;
(Nguni’t dating kalabosong kaso’y plander, pandarambong
May neck brace at wheel chair noon, speaker of the house ngayon!)
DAPAT
Sa bigay mong katuwiran ay ibig kong humalakhak,
Ang sama ng kataksilan — ano’t iyong inihantad;
Ang lahat mong halimbawang mga imbi at di tapat
Ay hudas sa Inang Bayang panganib sa ating lahat;
Ang “DI TAPAT” ay masama, mag-isip ka, kabalagtas,
Nang hindi ka pagtawanan at tanghaling “laughing stock!”
Isipin mong ang senado ay balwarteng nakatindig,
Kapag tapat ang senador sa gawaing ihahatid;
Ito’y tulay ng pag-asa’t tuwang hindi mapapatid
Ng magandang Pilipinas –– Inang Bayang nananabik;
Maglalaho nang tuluyan ang pagluha at paghibik
Ng naaping mamamayang may babalang maghimagsik!
HINDI DAPAT
Kung ikaw ay hahalakhak dahil walang maisangga
Maging tapat sa usapan at amining suko ka na;
Halimbawang tinuran ko’y bulag lang di makakita
Kagaya mong ang kat’wiran pawang bunga ng pantasya;
Sarili mo ay sampalin nang sa gayon magising ka
Sa tunay na kaganapan imulat ang mga mata.
Pag may mga kandidatong bayan-bayan iniikot
Taumbayang dumadalo (karamihan pa ay hakot!)
Naro’n sila hindi para sa isyu ay makisangkot
Kundi para sumandaling maaliw at makalimot;
Kahit nagtatalumpati’y “tapat”, tao’y nababagot
Maliban kung libre kain at meron pang perang abot!
DAPAT
Bakit hindi mo matanggap ang bigay kong katuwiran,
Gayong ito ang lulutas sa suliranin ng bayan?
Akala ko’y makata kang maginoo’t mapitagan,
Bakit ngayo’y naglulubid ng buhangin, kaibigan?
Isuko mo ang panig mo at sumama ka na lamang
Sa panig kong patutungo sa langit ng “katapatan.”
HINDI DAPAT
Ang langit mong katapatan ay maskarang balatkayo
Sa panahon ng kampanya pambingwit ng gintong boto;
Kapag sila’y nailuklok umpisa na ng imp’yerno,
Sarili munang interes uunahin bago tao;
“Pinuhunan” sa tarpolin, sa TV ads, radyo, d’yaryo
Babawiin, saan pa ba? Di sa kaban ng gobyerno!
DAPAT
Sa kaban ba ng gobyerno nararapat na bawiin
Ang gastos ng senador mong ginugol sa pagtataksil?
Kung ang Santong Katapatan ay panatag na susundin,
Budhi nila ay lalaya sa marusing na gawain.
HINDI DAPAT
Yang marusing na gawain ang pangunang nagtutulak
Sa ambisyon ng maraming pumalaot at mangarap;
Maluklok lang sa gobyernong kakarampot s’weldong bayad
Kung lumustay sa kampanya milyun-milyon limpak-limpak!
DAPAT
Milyon-milyon, limpak-limpak ang salaping nilulustay
Ng di-tapat na senador sa tungkuling ginampanan!
HINDI DAPAT
Katapatan ay ilusyon pagka’t tukso’y sandamakmal
Hangga’t merong kandidatong tuso, ganid, mapanlinlang!
DAPAT
Katapatan sa senado’y sa kabutihan ng lahat!
HINDI DAPAT
Kabutihan ba ng lahat kung ilan lang nabubundat?
DAPAT
Maka-D’yos ang taong tapat!
HINDI DAPAT
Tapat ba ang taong corrupt?
LAKANDIWA (Pagwawakas)
Tigilan na ninyo iyang mainitang pagtatalo
Pahupain ang damdamin, palamigin din ang ulo;
Katuwirang naihayag sa panig na inyong gusto
Ay patnubay sa sino mang naghahangad na matuto;
Hindi biro ang humabi’t bumigkas ng ganyang berso
Kaya ating palakpakan sina Cabual at Pulmano.
DAPAT nga ba o DI DAPAT na may katapatang angkin
Ang tatakbong kandidato ng senado sa Pilipins?
Ako man ay Lakandiwang tagahatol ang tungkulin,
Ang disisyon ay sa iyo, Bayang Sinta, ibabaling:
Bayan, ikaw…Oo, IKAW –– sa BALOTA, sa May 13,
Sino iyong iboboto? Tapat ba o sinungaling?
Marso 21, 2019
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact