BAKLA SA PNP



TANONG: DAPAT ba o HINDI DAPAT payagan ang bakla sa Philippine National Police?



Mula sa pinagsamang panulat nina:

Rafael A. Pulmano Dapat, at Lakandiwa

Gonie T. Mejia Hindi Dapat



LAKANDIWA (Pagbubukas)


Pasintabi muna kami sa lahat ng nakikinig

Sa katwirang maaanghang, tamaa'y wag magagalit

Katuwaan man ang paksa, may mapupulot ring matwid

Kung di kaya ng sikmura, sa tainga ay magtakip.


Paksa natin ay "DAPAT ba o DI DAPAT na isali

Ang bakla sa kapulisan o sa pwersa ng PNP?"

Narito na ang makatang nakahandang magpandali,

Salubungin ng palakpak si Rafael at si Gonie!



DAPAT (Unang Tindig)


Isa munang paglilinaw bago magkalabuan po

Sa bakla man kumakampi, lingkod ninyo'y machung-macho

Danga't tawag ng tungkuling dapat akong makibuno

Kaya kahit alanganin ang panig ay di susuko.


Nang panahong sinauna, nung si Gonie musmos pa po

At marami pa sa atin ang wala sa mundong ito,

Ang lalaki, pag naghikaw, ang babae, pag nagkorto,

T'yak malaking iskandalo, tsismis na sa buong baryo.


Pero ngayo'y moderno na ang takbo ng ating buhay

Haircut, T-shirt, at pants - walang sinisino, basta't bagay

Sa trabaho ay ganyan din, lalaki o babae man,

Tomboy, bakla, importante'y kumikita nang marangal.


Sino pa ba'ng magugulat ngayon kapag nakakita

Halimbawa'y ng lalaking guro, narses, kumadrona?

O babaeng sikyu, pulis, boxer, bouncer, karatista?

Kung ang ganya'y tanggap natin, bakit bakla ipepwera?


Ano man ang kanyang lahi, kulay, anyo, kasarian

Ang tao sa mula't mula ay nilikhang pantay-pantay

Kapag merong napaiba, asahan mo't kagagawan

Ng tao ring sa kapwa ay mapandusta't mapanlamang!



HINDI DAPAT (Unang Tindig)


Laba'y di pa umiigting, katalo ko'y umamin na

Mga bakla anya'y mga alanganin na nilikha

Kundi ako namamali, sa akin lang sapantaha

Ang pagsuko po sa laban ay hangad nang ibandera.


Paalala ko din naman, nang ang tao ay likhain

Lalaki at babae lang, wala yaong alanganin

Karagdagang pagunita sa lahat ng mga bakling

Ako'y hindi nanlalait, matwid ang aking layunin.


Kung ako nga'y isinilang sa panahong sinauna

Yaong dapat na marating, walang dudang inabot na

Ngayong ako'y nakauwi, batbat na ng ekspiryensya

Sa dinako ko, si Raffy ay patungo pa lang pala.


Malinaw na di pa batid ni Rafael ang katwiran

Na ang bakla'y hindi ayon sa pulisya manilbihan

Palakarin yaong batas, patahimikin ang bayan

Na tapang ang itutumbas sa kaaway ng lipunan.


Ma-lalaki, ma-babae, sa pulisya'y sadyang bagay

Sa matagal nang panahon, sukat na ang katatagan

Subalit kung sasabihing bakla po ang isasalang

Naku, atse! Baka pati ang baril ay ipansuklay!



DAPAT (Ikalawang Tindig)


Ang hirap sa gumugurang na kagaya ni Gorgonying 

Lalaki kung pumustura pero utak-alanganin

Babae at lalaki lang ang tao raw nang likhain

Pwes, ang bakla, kung di sa Dyos, ay kanino ba nanggaling?


Sya na rin po ang nagbuhol ng lubid na ibibigti

Nang amining sa gawaing pagpupulis, importante

Ay hindi ang kasarian kundi tapang, lakas, liksi

Katangiang taglay mandin ng iba sa mga syoke.


Ipatupad raw ang batas, payapain ang lipunan

Tapang anya'ng itatapat sa kaaway nitong bayan

Higit pa dyan, kayang gawin ng may gitnang kasarian

Na bukod sa matatapang ay super pang istariray.


Pag ang taong nag-aaplay ay qualified maging pulis

At dahil lang sa sya'y bakla kung kaya mo nire-reject

Labag yan sa konstitusyon, kung tawagin nga sa Ingles,

"Discrimination against persons on account of gender or sex!"



HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)


Tila baga nalimot na ni Tyu Paeng ang nagdaan

Na si Eba ay babae at lalaki po si Adan 

Sa tanong nya kung saan daw nagmula ang kabaklaan

Ang sagot ay simpleng-simple, sa mali pong kinagisnan.


Kaylan man ay di paglabag sa batas o konstitusyon

Ang maghayag ng palagay at sarili nyang opinyon

Magpulis man po ang bakla, karapatan nila iyon

Danga't ito'y balagtasan, ang panig ko ay pagtutol.


Sinasabing ang bakla ay masahol pa sa babae

Mas mahina raw ang puso, at lamang din sa pag-arte

Higit makembot ang beywang, lalo't kaharap ay pogi

Kung macho ang huhulihin, ano na ang mangyayari?


Sa pagtugis sa kaaway, pagresponde sa tungkulin

Mayroon bang ibubuga silang Adan na mahinhin?

Kung sa ipis sila'y takot, sa bwaya pa na may pangil?

Ako po ay sadyang tutol na sila ay pagpulisin!



DAPAT (Ikatlong Tindig)


Meron palang kaeskwela si Pangulong Clinton dito

Makasagot lang ng tama, ang tanong ay binabago

'Kako, bakla'y saan galing? Tao silang kagaya mo

Ugali at katangiang kabaklaa'y ibang isyu!


Nilahat na ni Gonie po - basta bakla, awtomatik

Na hindi nya papayagang magtrabaho bilang pulis

Sobrang unfair - Bakit hindi daanin sa pagsusulit?

At kung sadyang di papasa, ipwera man ay may matwid.


Karapatan kahit ninong magbigay nga ng opinyon

Ngunit hindi lahat tayo'y hinirang na maging hukom

Kung wala pang paglilitis ay guilty na ang yong hatol

Baluktot ang hustisya mo, sa bakla ka'y mas masahol!



HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)


Kung Raffy'y abogado, nagtatanggol sa nasakdal

Pati lihis, igigiit sa sala po ng hukuman

Baka hindi niya batid, kapag ang judge ay naasar

Papatawan sya ng contempt, perjury ang kasalanan.


Ngunit di ko hinihiling sa amin pong Lakambini 

Na gawaran sya'ng parusa sa paratang na hinabi

Kung hustisya ko'y baluktot, do'n sa bakla'y higit mali

Kahulugan sya'y balimbing, sa panig nya'y namumuhi.


Hindi dahil tutol akong silang bakla ay magparak

Ako na nga sa kanila'y asiwa at nababanas

Ayaw ko lang mahaluan silang tunay na kagawad

Ng mahina yaong loob at lalaking nakameyk-ap.



DAPAT


Sa likod ng kahinaan kadalasang nagkukubli

Ang lakas ng isang yagit na akala'y walang silbi

Baklang bongga kung magmeyk-ap, magdamit ay seksing-seksi

Pag pulis na ay mag-ingat ang rapist na makakati!


Kagalingan pa ng mga nagpupulis na double-switch

Mahirap na ispelengin ang kanilang puso't isip

Pwede silang mag-Hercules, o mag-ala-Osang Roces 

Masisira ang diskarte ng kriminal kahit wais.



HINDI DAPAT


Pwede palang mag-Hercules o mag-ala-Roces Osang 

Kaya bakla ay higit pang kailangan sa peryahan

Sa himpilan ng pulisya, di bagay ang kaartehan

Pagka’t dito ay seryosong trabaho ang gagampanan.


Kung ang pulis ay palaban, gulat yaong masasama

Lalo't ito ay lalaki, sa porma ay bidang-bida

Subalit kung ito'y bakla, pulis-patola pong lampa

Lalaganap pa ang krimen sa halip na masawata.



DAPAT


Kung misyon mo'y undercover kaylangan kang magkunwari

At sa buy-bust operation pag-arte ang siyang susi

May lalaking pulis lamang sa tsapa at uniporme

Magagaling mangurakot, sa serbisyo'y walang silbi!



HINDI DAPAT


Kung baga sa pelikula, ibig yatang sabihin na

Ang kawawang baklang pulis, sa bwitre po ay patuka

Kung ang lalaki ngang pulis, mahilig sa dilihensya

Baklang pulis, sa pogi pong kawatan ay laglag-saya!



DAPAT


Ang alam ko, sa kapwa nya ay galit ang mandarambong

Bakla kaya ay gayon din? Ako lang po'y nagtatanong!



HINDI DAPAT


Sa isa bang naghahangad ng matatag na proteksyon

Sa bakla ba na pulis mo iaasa yaong tugon?



DAPAT


Eh, kanino? Sa lalaking police-holdaper-for-ransom?



HINDI DAPAT


Ang bulaklak bang katuray, mayrong bangong isisimoy?



DAPAT


Kahit bakla, di uurong!



HINDI DAPAT


Ngunit sila'y pusong mamon!



LAKANDIWA (Pagtatapos)


Kababayan, pasalamat muna't ating palakpakan

Si Gonie at si Rafael na magiting na naglaban

Kayo naman ang magsulit... alin nga ba'ng mas matimbang?

DAPAT ba o HINDI DAPAT ang bakla sa kapulisan?


Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link