TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

BABAE ANG MANLILIGAW



TANONG: DAPAT ba o HINDI DAPAT na babae ang manligaw?



Mula sa panulat ni:

Rafael A. Pulmano



LAKANDIWA


Malugod na pagpupugay 

‍     ang nais kong ipaabot

Sa lahat ng kababayang 

‍     nakikinig, nanonood;

Salamat sa kahiligan 

‍     ni Vilma A. Malabuyoc

Ng Laguna na nag-email 

‍     ng usaping itatampok.


Dapat ba o hindi dapat na babae ay manligaw?

Yan ang paksang hihimayin sa sangkalan ng katwiran

Na kilala at mas tanyag sa tawag na Balagtasan

Lumapit na't makilahok sa tulaan ang may alam.



DAPAT


Ako'y isang binibining nakahandang makitugon,

At sa paksang nakasalang malinaw ang aking hamon:

Babae ay nararapat na manligaw, pagka’t ngayon,

Ang lahat ay nagbabago sa paglipas ng panahon.



HINDI DAPAT


Ako rin ay binibini, nguni’t sa 'king pagmumuni,

Babae ay hindi dapat na manligaw, pagkat mali;

Ang dalagang Pilipina ay likas na mayuyumi,

Di magaslaw, matahimik, magalang at mapagtimpi.



LAKANDIWA


Malugod kong tinatatanggap ang dalawang paraluman

Na kapuwa marurunong at bihasa sa bigkasan;

Wag na nating patagalin, umpisahan na ang laban

Unang tindig ay ang DAPAT, siya'y ating palakpakan!



DAPAT (Unang Tindig)


Ang lola ng aking lola, may kapatid na dalaga

Na dalaga pa rin kahit edad na ay ciento treinta;

Pila-pila nanliligaw nguni’t mahal niya'y iba

Na saksakan namang torpe, panay tingin lang sa kanya.


Kung lalaki'y ligaw-tingin, di marunong na magtapat,

Ang babaeng umiibig, s’ya nang dapat magpahayag;

Sa panahong makabago, may text, email, Facebook, WhatsApp,

Di na uso ang pakipot, pa-cute, pasikret-secret love!


Kung babae manliligaw at lalaki ang sasagot,

Malaya ang isa't isang tanggapin ang niloloob;

Mas mabuti ito kaysa sapilitang pananakot

Na kaya lang nagpakasal ang lalaki ay napikot.


Hindi naman yata tama kung tanging may karapatan

Magsabi ng niloloob ay ang kalalakihan lang;

Ma-lalaki, ma-babae, pantay lamang na nilalang,

May puso at may damdaming kapwa marunong magmahal!


Nasa'n tamis ng pagsinta o hapdi ng pagkabigo,

Kung di man lang naranasan pagka’t lalaki ay dungo?

O babae kahit gusto ay di naman makakibo?

Ano'ng saysay ng mabuhay? Para saan pa ang puso?



LAKANDIWA


Mabibigat na katwiran ang kaagad ipinukol

Ng makatang nasa panig ng DAPAT ang pinagtanggol;

Ang kaniyang katunggali, pakinggan natin ang tugon…

Palakpakang masagana ang sa kanya'y isalubong!



HINDI DAPAT (Unang Tindig)


Ang lolo ng aking lolo ay may apong binatilyo,

High school pa lang marami ng tagahanga, isa rito

Ay kaklaseng agresibo, nanligaw na'y siya mismo;

Nang mabuntis, di gumradweyt, nag-iwan ng iskandalo.


Makabago na nga tayo sa gamit at kasangkapan,

Modernong teknolohiya, mas asensong kaisipan;

Nguni’t hindi nagbabago ang pundasyon nating moral,

Ang ugali at karakter ay di bagay na materyal.


Alalaon baga, kahit marami nang hindi uso,

Mayro'n pa ring makalumang sariwa at laging bago;

Kagaya ng panliligaw, kahit tayo ang may gusto,

Lalaki ang siyang dapat sumungkit ng ating "Oo."


Ang binatang namuhunan ng tiyaga't paghihirap

Upang kamtin ang pag-ibig ng dalagang nililiyag,

Sa puso ay iingatan ang matagal pinangarap,

Kung magmahal siya'y lubos, habambuhay at matapat.


Mayro'n tayong kasabihan, pag patuka ang lumapit

Sinong manok ang tatanggi? Ito'y hulog na ng langit!

Sa babaeng manliligaw, siguradong may sasabit

Nguni’t dahil natukso lang at di tunay ang pag-ibig!



LAKANDIWA


Umpisa lang mainitan na kaagad ang bakbakan

Ng makatang magkaiba ng pananaw at katwiran;

Sa susunod nilang tindig, sila'y aking hahayaan

Paulanan nating muli ng masiglang palakpakan!



DAPAT (Ikalawang Tindig)


Ang tangi kong masasabi sa estudyanteng nabanggit:

Di masama ang manligaw, ang di tama'y magpabuntis!

Hiling ko sa katunggali, wag palitan itong topic,

Huwag sanang insultuhin ang utak ng nakikinig.


Tinukoy kong pagbabago'y tungkol sa nakagawian:

Noon, mga nagpupulis, sikyu, pawang lalaki lang;

Ngayon, may nurse na rin tayong baligtad ang kasarian,

Kaya ano'ng kaibahan kung babae ang manligaw?


Noong una, iskandalo ang maraming nagaganap

Lumaon ay unti-unting niyakap ng komunidad:

Babae ang nasa abroad, lalaki ang nagsisikap

Gampanan ang pagka-ina sa naiwang mga anak.


Kung tanggap na ng lipunan ang ganitong pagbabago,

Babae man ang manligaw, wala itong malisyoso;

Tamang gawa, laging mali sa mata ng suspitsoso

Kaya tuloy pati ating bansa ayaw umasenso!



HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)


Palagay nang marami na ang babaeng nag-a-abroad

At ito ay tanggap na nga ng bayang naghihikahos,

Batid nating ito'y mali lalo't ating napagtuos

Ang bilang ng nawawasak na pamilyang lasug-lasog.


Nguni’t aking ibabalik sa ligawan ang usapin,

Hindi dapat ang babae ang magtapat ng paggiliw;

May paraan siya upang maglambing at magpapansin,

Magpakita ng motibo, magparamdam, magpa-charming.


May batas na itinakda ang dakilang kalikasan,

Pagmasdan mo ang paligid, marami kang malalaman;

Bubuyog ang lumalapit, bulaklak ang naghihintay,

Bulaklak ba ang dadapo, iaalok kanyang nektar?


Kung baligtad na ang mundo sa larangan ng pagsuyo:

Babae ang nanliligaw, lalaki ang inaamo,

Dapat silang lalaki rin ang mag-meyk-ap, magpa-laypo,

Paretoke ng katawan at mukha kay Doktor Belo!



DAPAT (Ikatlong Tindig)


Halata nang nagigipit ang makatang katunggali,

Dinadaan sa komedi ang katwirang maling-mali;

Sa pag-ibig karapatan nating lahat na pumili,

Karapatang walang silbi kung babae'y itatali!


Ang babaeng nakagapos sa tradisyong makaluma,

Hindi pwedeng makaligaw, maghayag ng ninanasa;

Biktima ng kalupitan ng nagbatas na tadhana

Na siya ring nagkaloob ng puso sa 'sangnilikha.


Ang babaeng nagtatapat ng pag-ibig sa binata

Sa kabila ng paghatol ng lipunang mapangutya

Ay higit kong igagalang kaysa mga nagkukunwa,

Mga plastik, ipokrita, kabilaan pagmumukha!



HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)


Mas bistadong nakokorner ang katalong paraluman

Sa init ng ulo pilit hinahatak ang labanan;

Balagtasan, kagaya rin ng pag-ibig at ligawan,

Ay di dapat dinaraan sa santuhang apurahan!


Ano na ang sasabihin ng balanang makakita,

Kung babaeng nanliligaw gabi-gabi'y pumoporma;

Lunes kay Jun, Martes kay Bert, Myerk'les, kay George, etsetera?

Sa lalaki ito'y okey... Sa babae? Ay sus-barya!


Baryang-barya, murang-mura ang tingin nga sa babae,

Kung masyadong desperadang makabingwit ng lalaki;

Perang sugal, kung gastusin, walang halong pagsisisi,

Pagsintang kay daling kunin, madali ring isantabi!



DAPAT (Ikaapat na Tindig)


Labis namang pinababa ng katalong mapanghusga

Ang halaga ng babaeng tapat lang sa sarili nya;

Mas mabuti na ang lantad sa ugali't pagpapasya,

May pag-asang lumigaya sa halip na magpantasya.


Buhay nga natin ay sugal, kung lagi kang tagataya,

Mas maliit ang tsansa mo di tulad ng nagbabangka;

Sa dalawang naghahanap, naghihintay ng biyaya,

Mas higit na may pag-asa ang babaeng nagkukusa!



HINDI DAPAT (Ikaapat na Tindig)


Ang dalagang Pilipina ay dangal ng ating lahi,

Matimtimang Maria Clara, buong mundo'y pumupuri;

Ang nais ng ka-Balagtas ay baguhin ang ugali,

Itulad sa Kanluraning mas mababa yaong uri!


Sa Kanlurang Amerika, makabago na ang lahat,

Talamak ang teen pregnancy, diborsyo ay sangkatutak!

Ganyan ba ang ninanais pausuhin sa pagpayag?

Babae na ang manligaw sa modernong moralidad?



DAPAT (Balitaktakan)


Katunggaling paraluman hanggang ngayo'y nakahawla

Sa panahon ng Kastila nina Simoun at Ibarra;

Ang paksa ay tumutukoy sa kung dapat, di dapat ba

Na manligaw ang babae––ngayon! Hindi nu'ng una pa!



HINDI DAPAT (Balitaktakan)


Noong una pa at ngayon, ang sagot ko ay iisa:

Hindi dapat na manligaw ang babaeng Pilipina;

Mas matamis ang tagumpay ng nagpagod na atleta,

Mas dalisay ang pagsuyong di nakuha basta-basta!



DAPAT (Balitaktakan)


Matamis lang ang pag-ibig sa babaeng niligawan

Ng lalaking nagkataong kanya mismong napusuan;

Nguni’t dulot nito'y pait sa dalagang matimtiman,

Na di pansin ng binatang lihim niyang inaasam!



HINDI DAPAT (Balitaktakan)


Hindi dapat manibugho ang babaeng di pinansin,

Parehas lang naman sila ng lalaking gumigiliw;

Na kahit may karapatang pumili ng susuyuin,

Kung biguin ng dalaga'y nagdurugo ang damdamin!



DAPAT (Balitaktakan)


Hindi patas na lalaki lamang ang may karapatan,

Ang babae ay dapat ding bigyang-laya sa pagligaw!



HINDI DAPAT (Balitaktakan)


Kung paanong mayro'ng Ama at may Ina ang Tahanan,

May lalaking manliligaw, may babaeng liligawan!



DAPAT (Balitaktakan)


Sa panahong makabago ay di na uso ang ganyan!



HINDI DAPAT (Balitaktakan)


Laging uso kahit kaylan ang mabuti't tamang asal!



DAPAT (Balitaktakan)


Dapat babae manligaw!



HINDI DAPAT (Balitaktakan)


Maghintay kang maligawan!



LAKANDIWA (Pagtatapos)


Sa ayaw at sa gusto n’yo, ako naman ang papakli

Upang kayo'y awatin na sa labanang tumitindi;

Kayo muna'y magpahinga, magpalamig sumandali…

Kabayayang minamahal, palakpakan silang muli!


Babae ba'y nararapat na manligaw? Yan ang tanong.

Sino nga ba ang nagwagi at dapat tanghaling kampeon?

Kayong mga madlang people ang bahala nang humatol,

Pagpalain tayong lahat ng Dakilang Panginoon.





Ang Balagtasang ito ay tugon sa kahilingang ipinarating pamamagitan ng email ng isang bumisita sa ating website:



Sir,


Ako po ay isang guro sa Filipino dito sa Laguna. Napakasaya ko po nang makita ko ang inyong website. Napakarami ko pong natutunanbilang guro ng wika. Napakaganda po ng pyesa ng Balagtasan na inyong ginawa, binabati ko po kayo. Kababasa ko lang po ng bagong pyesa na DAPAT BA O HINDI DAPAT ISABAY ANG PANLILIGAW SA PAG-AARAL? Nakakatuwa po at ipinabasa ko rin sa aking mga mag-aaral dito sa Kolehiyo.


Gusto ko po sanang hilingin kung mayroon kayong pyesa ng Balagtasan na tumatalakay sa DAPAT BA O HINDI DAPAT NA MANLIGAW ANG MGA KABABAIHAN? Sa makabagong panahon kase ngayon nauuso na ito, ngunit gusto ko itong ipabasa sa aking mga mag-aaral bilang Balagtasan dahil mas magandang basahin ang may tugma. Naisip ko po ito nang magkaroon ng debate sa klasrum tungkol dito.


Inaasahan ko po ang inyong pagtugon.


Marami pong salamat!


Vilma



Marami ring salamat kay Vilma! Maganda ang nabanggit na paksa. Sana ay makagiliwan itong basahin at kapulutan ng leksyon ng mga mag-aaral.


Rafael A. Pulmano

Pohnpei, FSM

August 24, 2008


affiliate_link

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link