MAGANDA VS PANGIT
TANONG: Kung dalawa lang ang pagpipilian, SINO ang iyong iibigin at pakakasalan: Taong PANGIT ang itsura, ngunit maganda ang ugali? O taong MAGANDA ang itsura, ngunit pangit ang ugali?
Mula sa pinagsamang panulat nina:
Gonie T. Mejia — Pangit ang itsura nguni't maganda ang ugali
Rafael A. Pulmano — Maganda ang itsura nguni't pangit ang ugali; sumulat rin ng iskrip ng Lakandiwa
LAKANDIWA (Panimula)
Malugod na nagpupugay sa balanang nanonood
At sa mga nakikinig itong aba ninyong lingkod
Sa tagisan ng katwiran ng dalawang magsasalpok
Narito ang paksa ngayong sa bayan ay idudulog:
Halimbawang dalawa lang ang pupwedeng pagpilian
Sino ang yong iibigin, yayayaing magpakasal —
Ang tao bang PANGIT ngunit may magandang kalooban?
O itsura'y MAGANDA nga, ang ugali'y pangit naman?
Yamang inyong nabatid na ang paksa ng pagtatalo
Simulan na agad natin ang bakbakang todo-todo
Si GONIE T. MEJIA po ang syang unang magbeberso
Isalubong sana ninyo'y palakpakang masigabo!
PANGIT (Unang Tindig)
Tinatangay ng panahon, bawa’t angking kamusmusan
Upang tayo ay idako sa panahong kabataan
Pag-usad ng mga taon, pagsapit sa wastong gulang,
Bawa’t isa'y hahanap ng sa buhay ay makakatwang.
Pag-aasawa'y di biro, di raw kaning isusubo
Na dagliang iluluwa kapag ikaw ay napaso
Pagsisisi ang katugon kung ang pinili ng puso
Panlabas na kagandahan, kalooba'y di matanto.
Higit ko pang pipiliin ang babaeng di maganda
Na mayroong kaloobang butihin sa pagsasama
Kaysa isang maalindog ang panlabas na itsura
Ngunit huwad ang damdamin, ang puso at kaluluwa.
Aanhin ko'ng kagandahang nagmamaliw, kumukupas
Sa buhay ko'y magpapako sa dusa at paghihirap?
Dama ko lang ang ligaya kapag siya ay kayakap
Kapalit ng pagtitiis habang buhay, hanggang wakas.
Tuwiran kong sinasabi, walang bahid alinlangan
Pangit man ang liliyagin, ligaya kong tinatanaw
Masakit man sa paningin, Bakekang ang kagandahan,
Buong tapat mamahalin kung ginto ang kalooban.
LAKANDIWA
Si Gonie ay sumandaling aawatin ko po muna
Sapagka’t ang kalaban nya'y nagwawala kanina pa
Si RAFAEL A. PULMANO na makata ng Laguna
Salubungin din po natin ng palakpak na masigla!
MAGANDA (Unang Tindig)
Nabigyan po ng pag-asa ni Gonie ang mga pangit
Na sa balagtasang ito'y marami ang nakikinig
Paumanhin, ang mang-uto ng kapwa ay di ko hilig
Kung ano ang nasa dibdib ay syang tulak niring bibig.
Kahit na nga panlabas lang at batid kong lilipas din,
Kagandahan ang hanap ko sa babaeng iibigin
Matapunan lang ng ngiti at magiliw nyang pagtingin
Hindi lamang parang Langit, damdam ko pa'y nasa Heaven.
Ang mata ay tinuturing na bintana ng kalulwa
Bibliya po ang may sabi, at mayroon ding nagwika,
Kung ang mata ay ginawa upang tao'y makakita
Hindi siya masisisi kung sa ganda mahalina.
Si Gonie po ay walang taste kaya di ko masisisi
Ngunit kayong merong isip na sa laban sumasaksi,
Limiin nang buong ingat ang kanya pong sinasabi
At tugunin ang tanong ko upang tayo'y magkaigi.
Paano ka maglalambing at hahalik nang lips-to-lips
Sa babaeng nguso'y biyak, ngipin — bungi, dila'y lawit?
Ang laway ay tumutulo, ang ilong ay korteng atis?
At ang matang mapupungay ay maghapong nakatirik?
PANGIT (Ikalawang Tindig)
Tumpak nga ang mga mata'y bintana ng kaluluwa
Ito din ang magsasabing dustain mo ang makita
Bibliya rin po ang nagwika, kung magkakasala'y mata,
Dukutin mo ito pagka’t mas mainam pang bulag ka.
Ako daw po ay walang taste at wala ding kaisipan
Hindi kaya kay Rafael nababagay ang paratang?
Malinaw ang aming paksa, ngunit siya'y nanlalamang
Dinako ang aking panig sa di dapat kapuntahan.
Iibigin ko ay pangit na may gandang kalooban
Sa sandali pong panahon, umiba na ang usapan
Pagka’t po iginigiit sa hinayag na katwiran
Ay babaeng walang silbi na tila ba isang bangkay.
Sa mabunying Lakandiwa, hukom nitong balagtasan,
Hanggang saan ba ang limit ng sinabing kapangitan?
Hinihiling ko po ngayon, kayo sana'y mamagitan
Upang akin pong matiyak ang panig kong ilalaban.
LAKANDIWA (Paglilinaw ng Paksa)
Sa hiling ng taga-Tarlac na makatang si Gonie po
Ako ngayo'y papagitna hindi upang sumaklolo
Lilinawin lang po natin ang sakop ng paksa't isyu
Na pinagdidiskusyunan ng dalawang nagtatalo.
Hindi ako, kundi kayong pumasok sa tunggalian
Ang bibigyan ko ng laya upang lagyang-kahulugan
Ang salitang "PANGIT" maging panloob o panlabas man
Walang limit, walang bawal, ang matira ay matibay.
Si Rafael ang syang muling papagitna at babanat
At yayamang di na pwedeng si Gonie ay makaatras
Sila'y aking hihilingang magkamay na't forget the past
Kayo namang madlang people magpaulan ng palakpak!
MAGANDA (Ikalawang Tindig)
Katunggali ko po pala'y sumbungero at iyakin
Sumusugod nang di batid ang peligrong susuungin
Ang paksa ay malinaw pa sa bituing nagniningning
Di lang mata, pati utak, dapat na nyang paiksamin.
Pinipili niyong pintor ang larawang iguguhit
Pihikan din ang eskultor sa modelong iuukit
Manunulat, kompositor — lahat sila'y nagnanais
Ng magandang inspirasyon, inspirasyong hindi pangit.
Naturingang makata po at alagad sya ng sining
May damdaming pag pinukaw ng marikit na tanawin
Ay kaagad nagaganyak na lumikha ng awitin
Bakit ngayo'y umaayaw sa magandang ginigiliw?
Kung ang unang halimbawa'y di matanggap ni Gorgonio
Dahil anya tila bangkay, walang silbi, inbalido
Eh, kung maging kabyak niya'y mukhang tsonggong alimango
Hindi po ba ang kawawa'y magmamanang anak, apo?
PANGIT (Ikatlong Tindig)
Kung magandang kalooban ng anak ay mamanahin
Kapurihan ng magulang, babaunin hanggang libing
Kung panlabas nga ang ganda ngunit asal ay maitim
Ang tanong ko'y simple lamang, may langit bang mararating?
Laman yaong iniibig nilang maang sa pagsinta
Panlabas na katangian ang halagang sinasamba
Lalaki man si Tyu Paeng ay di ako magtataka
Kung sa loob ng tahanan ay siya ang nakapalda.
Parang aso si Tyu Paeng pag tinawag ng asawa
Buntot ay kakawag-kawag sa dagliang pagtalima
Ganyan po ang nabibihag sa panlabas na hitsura
Mga takot maragdagan yaong blackeye po sa mata.
MAGANDA (Ikatlong Tindig)
Saan kaya napulot po ni Gonie ang kaisipan
Na ang misis, pag maganda, ang mister ay ander naman?
Nabisto po tuloy yaong makahari niyang asal
Serbisyo ang habol pala sa asawang mukhang aswang!
Sa tanong nyang may langit bang naghihintay sa maganda?
Hindi po ba ang naroo'y mga anghel, santo't santa?
Samantala, yaong pangit, impakto at impaktita
Naron lahat sa impyerno, sama-samang tinutusta!
Ngunit kami'y nalalayo sa paksa ng pag-uusap
Sino nga ba sa dalawa ang mas type mong maging kabyak?
Ang sa akin — yung maganda maski ugali ay palpak
Ako rin ay di perpekto, kapwa kami mag-a-adjust.
PANGIT
Sa Kaharian ng Diyos, ang doon ay tinatanggap
Ang inaglahi mong pangit, sa utos Nya ay tumupad
Kaawaawang Rafael, di batid ang nasa Aklat
Namumuhi pati Langit sa gaya nyang utak-palpak!
Sa piling ng isang pangit ang buhay ko'y maligaya
Malingap sa kabuhayan, sa tahanan at pamilya
May mababang kalooban, may pakundangan sa kapwa
Di suwail, lapastangan, tsismosa at bungangera!
MAGANDA
Nangingitim na sa galit kaya hindi nakikita
Bawa’t suntok ng katalo'y sa kanya rin tumatama
Inaglahi ang giliw ko't iniangat yaong kanya
Maligaya raw sya, ngunit, halata mong nagdurusa!
Ang ugali, kahit anong sama'y pwedeng magbago pa
At pag tunay na nagbago, sagad hanggang kaluluwa
Ang itsura, ipa-plastic surgery ma't mapaganda,
Ganda'y huwad, hindi tunay, synthetic, fake, walang kwenta!
PANGIT
Pag gumanda na ang pangit at bumait ang masama
Saka ko na sasabihing malaya na ang Takusa
Ang magdusa'y di ko batid sa mabait na asawa
Sa buhay ko'y kabalikat sa hirap man at ginhawa.
MAGANDA
Tamang hindi nababatid ni Gonie ang pagdurusa
Pano'y asawa nyang pangit ang sa bahay ay muchacha
Kung sabagay, okey na rin kung type nya ay mukhang bruha
Ang pangit ay sa kapwa raw pangit sanay makisama.
PANGIT
Ang kamelyo sa butas daw ng karayom ay lulusot
Kami pa bang inapi mo na may iwing gandang loob?
MAGANDA
Ang ilaw ay hindi dapat na itago, ani Jesus
Gaano pa iyang gandang Dyos mismo ang may kaloob?
PANGIT
Kagandahan ang kaloob, hindi asal na balakyot!
MAGANDA
At ang ganda, hindi asal, ang sa puso'y nagpatibok!
PANGIT
Tibok ng puso ay bulok!
MAGANDA
Dahil pangit ang yong irog!
LAKANDIWA (Pangwakas)
Hinto! Tigil! Para! Stop na! Magsitabi muna kayo
Ang oras nyo'y naubos na, ang sisingit nama'y ako
Sa lahat ng nanonood, nakikinig, ang hiling ko
Palakpakan nating muli si Mejia at Pulmano.
Sa tao bang pangit ngunit may magandang kalooban,
O itsura'y maganda nga, ang ugali'y pangit naman,
Sino nga ba'ng iibigin, yayayaing magpakasal?
Ang magpasya'y kayo, Bayan! Paalam na... See you next time...
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact