MAHAL MO VS MAHAL KA
TANONG: Kung dalawa lang ang pagpipilian, sino ang handa mong pakasalan: Taong MAHAL MO, ngunit di ka niya mahal? o taong MAHAL KA, ngunit di mo siya mahal?
Mula sa pinagsamang panulat nina:
Gonie T. Mejia — Mahal Mo ngunit di ka niya mahal
Rafael A. Pulmano — Mahal Ka nguni’t di mo siya mahal; sumulat rin ng iskrip ng Lakandiwa
LAKANDIWA (Panimula)
Sa pagbukas nitong tabing na hudyat ng pasimula
Ng tagisan ng talinong paborito nating madla
Ako muna'y bumabati sa inyo at, harinawa,
Tanggapin ang malwalhating pagpapala ng Lumikha.
Paksa nating hihimayin sa sangkalan ng katwiran
Ay kung sino sa dalawa ang handa mong pakasalan:
Taong mahal mo nang labis ngunit di ka minamahal,
O labis na nagmamahal sa yo, di mo mahal naman?
Unang tindig at hahataw ay batikang manunula
Ang Hari ng Balagtasan na sa Tarlac pa nagmula
Gonie Mejia ang ngalan... Isa nga pong pampasigla
Palakpakan natin siya pagka’t iyan ang syang tama!
MAHAL MO (Unang Tindig)
Kapag puso ang nag-utos at nasunod yaong nais,
Ang mabuhay ay marangal sa piling ng nilalangit
Subalit kung makakatwang, yaong hindi iniibig,
Tagumpay sa pagsasama, may kapisang hapdi't pait.
Pag-aasawa ang wika nga'y hindi kaning isusubo
Na dagling mailuluwa lalo't ikaw ay napaso;
Paano ba lalambingin ang hindi mo pinintuho
Kung ang damdamin ay tutol, umaayaw pati puso?
Malinaw po ang panig kong daan sa pag-aasawa
Sa dambana'y ihaharap ang labis kong sinisinta
Pagka’t ayaw kong mabulid sa lagim ng pagdurusa
Kasamahin ang babaeng sa buhay ko'y di sinamba.
Dahil itong katalo ko ay salungat ang tahakin
Hindi ko na pagtatakhang balang araw sya'y mabaliw
Pagka’t higit nyang pinili ang di tugon ng damdamin
Sa mali nyang kapasyahan, sarili ang sisisihin.
Sa piling ng aking mutya, habang ako'y maligaya,
Si Raffy ay nagmumukmok, luhaan ang mga mata;
Habang ako, sa liwanag ng buwan ay nagsasaya,
Si Raffy ay nakapikit, nagbibilang po ng tala!
LAKANDIWA
Si Gonie po'y nagsulit na ng katwiran sa publiko
Pakinggan po naman natin si Rafael A. Pulmano
Sa Laguna pa po galing; makunsyensya naman kayo,
Isalubong agad sana'y palakpakang masigabo!
MAHAL KA (Unang Tindig)
Sa amin pong munting bayan ay may isang hampaslupa
Palaboy at sadyang yagit, tampulan ng alipusta;
Ngumiti ang kapalaran, umasensong biglang-bigla
Nang pakasal sa babaeng ekta-ektarya ang lupa.
Doon din po sa 'ming bayan ay may pinag-isang dibdib
Mga mata ng babae'y mugtung-mugto sa pagtangis
Ang lalaking nahumaling sa kanya nang labis-labis,
Nakagawa ng di wasto masungkit lang yaong langit.
Ang pananaw ko'y praktikal — mas higit pang nanaisin
Na makasal sa babaeng sa 'kin, labis ang pagtingin
Umulan man o umaraw, bumagyo man at humangin,
Panatag ang aking loob, siya'y akin, aking-akin!
Samantalang si Gonie po, nasa piling na ang sinta,
Patuloy pang umaasa't nabubuhay sa pantasya;
Nagsasaing, nagluluto, naglalaba, namamlantsa,
Nag-iigib, nanunuyo... sa takot na layasan sya!
Ang babae'y parang prutas, kahit na katakam-takam,
Mapakla at walang tamis kung hinog nang sapilitan;
Si Gonie po, namimilit kahit mutya'y umaayaw,
Ako'y hindi! Mahirap nang matulad kay Echagaray!
LAKANDIWA
Mababagsik ang katagang kapwa nila binitiwan
Gayong nasa unang yugto pa lamang ng paglalaban
Si Gonie ang muli ngayong papagitna sa tanghalan
Kaya ang akin pong hiling: Palakpakan Natin, Bayan!
MAHAL MO (Ikalawang Tindig)
Ligaya kong tinatanaw ang sinta ay pagsilbihan
Ang gawin ang nararapat ay isa kong katungkulan
Ngunit di ko magagawang hangarin ang kayamanan
Ng babaeng hindi tibok ng puso kong iisa lang!
Napilitan man ang dilag sa akin ay magpakasal
Dahil ako ay lalaki, handa akong mapulaan;
Sa pagbigkas ng "Yes, I do" ni Rafael don sa altar,
Baka naman sa likod po nakaamba ang balaraw.
Ang pagpatol ng lalaki sa babaeng hindi gusto
Masakit man pong tanggapin, dalawa ang tinutungo
Isa dito ay ang yaman ng babaeng sumusuyo,
Ikalawa'y kasikatan, makilala sa publiko!
Dahil ako ay naglingkod sa maganda kong asawa,
Sa pagpanaw ko ay tiyak, sa langit ang aking punta;
Kung si Raffy hahanapin at doon ay di makita
Pagka’t iba ang hinangad, t'yak nandoon sa kabila!
LAKANDIWA
Bawa’t tugong binitiwan ni Gonie ay tila sibat
Matulis at wari bagang pag tumama'y todas agad
Tingnan natin si Rafael kung mahusay sa pagsalag
Palakpakan natin upang mas ganahan sa pagbigkas!
MAHAL KA (Ikalawang Tindig)
Masaya raw si Gonie po na ang sinta'y paglingkuran
Ngunit ano'ng silbi nito kung sinta ay nasusuklam?
Ang hayop nga, pakanin mo't pag di gusto, umaangal,
Di lalo pa tayong taong ang puso ay di laruan!
Si Gonie po'y aminado, pinilit lang ang babae
Na pakasal kahit ito sa kanya ay diring-diri;
Palibhasa, ang hangad lang ay ligayang pansarili,
Wala siyang pakundangan kung may kapwang naaapi!
Kaya nga ang katalo ko'y hindi dapat kasiguro
Na pagpanaw sa daigdig, sa langit ang kanyang tungo;
Ako itong matulungin, mapagbigay, pasensyoso
Kung asawa'y liligaya, maligaya na rin ako.
Nagpakasal man kay Gonie ang babaeng sinasamba
May halaga naman kaya ang sumpaan nilang dalwa?
Ang babae, pag nagtaksil, pagka’t mahal niya'y iba,
Sino'ng dapat na sisihin? Kayo, Bayan, ang humusga!
LAKANDIWA
Lumalaon, umiigting pang lalo ang patutsada
Ng dalawang walang balak padaig sa isa't isa.
Sa ikatlong paghaharap, hahayaan ko na sila
Hahayaan ko rin kayong pumalakpak — kung pwede pa.
MAHAL MO (Ikatlong Tindig)
Sa pinilit na babae, alay ko ay karangyaan
At matapat na pag-ibig, abot hanggang kalangitan
Si Rafael na pinikot, tinakot at tinutukan
Anong uring pag-ibig ang idudulog kay Bakekang?
Ang giliw ko'y hinding-hindi sa akin ay magtataksil
Pagka’t sa aming tahanan, reyna ko syang ituturing
Di gaya ng katalo ko, sa bahay ay kukulungin
Ng asawang maskulado, mataray at mukhang boxer!
Maganda at seksing-seksi, mayumi at matalino
Ang babae kong pinili sabihin mang ginapang ko
Di katulad ng kay Raffy na ang mukha'y kunsimido
Ang katawa'y korteng lumpya, sa gabi ay parang multo!
MAHAL KA (Ikatlong Tindig)
Dalisay ba ang pag-ibig kung may halong pag-iimbot?
Yuyurakan ba ang puri para lamang mapasagot?
Paano nya masasabing langit anya'y ihahandog
Gayong langit na nga itong ninakaw nya at dinurog!
Lubha yatang nagigipit ang katalong lumihis na
Sa paksa po ng usapang napapunta sa itsura
Sa totoo, si Gonie po ang pangit at walang iba
Kasi, kung sya'y pogi sana, bakit kaylangang mangreyp pa?
Kung ako man ay napikot, hindi dapat magparunggit
Ang mabunying kabalagtas na saksakan nga ng pangit
Palibhasa'y konti lamang kaming mga makikisig
Hindi natin masisisi kung chicks na ang namimingwit!
MAHAL MO
Malinaw ang aming paksa, si Raffy ang pipiliin
Ang sa kanya'y nagmamahal kahit ito'y mukhang tikling
Dahil ako ay may layang tibok ng puso ay sundin
Sa magandang iibigin, ang pansin ko'y ibabaling.
Makisig man ang binata, kung may isip na makitid
Tiyak din pong magagapi ng mautak kahit pangit
Balagtasa'y paligsahan, pingkian po ng matuwid
Sa malinaw na salita, ako'y di pa lumilihis!
MAHAL KA
Si Gonie raw ay may layang tibok ng puso ay sundin
Babae ba'y walang laya't karapatang pumili rin?
Kung sa mula't mula pa lang, winalanghya na ang giliw,
Paano nya tuturuan ng paggalang yaong supling?
Panlabas na kapangitan ay hindi ko kinukutya
Kapag ugali ay pangit, yan ang dapat ikahiya
Ang pag-ibig ng dalaga'y hinihingi nang may tyaga
Pag kinuhang sapilitan, may lason ang kanyang dagta!
MAHAL MO
Kasi, pangit ang panlabas na anyo ng kanyang giliw,
Kaya biglaang binawi ng pinikot na balimbing;
Sa dalawa bang lalaking nakaharap sa pagkain,
Ang sumandok ba ng panis ang pinalad sa pagtikim?
MAHAL KA
Maliwanag ang motibo ng katalong walang budhi
Sarili ang iniibig at di mutyang inaglahi
Ang masarap na pagkain, kahit di nya pag-aari,
Nanakawing pilit dahil ugali nya'y makahari!
MAHAL MO
Taas-noo ako kapag kaakbay ang aking sinta
Ang pinikot, nahihiya, nanlulumo at tulala!
MAHAL KA
Pangdispley at hindi kabyak ang kaylangan lamang pala,
Bakit hindi na lang siya bumayad at umarkila?
MAHAL MO
Sa pumili ay ligaya, ang pinikot ay magdusa!
MAHAL KA
Importante'y mahalaga: Mahal ako ng asawa!
MAHAL MO
Sadya nga bang mahal mo sya?
MAHAL KA
Ba't nga ba sya sukang-suka?
LAKANDIWA (Pangwakas)
Dito natin puputulin ang singhalan ng dalawa
At sa madla ibabaling ang tanong na "Sino nga ba
Ang marapat pakasalan: Yung mahal mo, o mahal ka?"
Kayo na po ang humatol... Good-bye! Sweet Dreams! Sayoonara!
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact