ARAW AT LIGAW



TANONG: DAPAT ba o HINDI DAPAT pagsabayin ang pag-aaral at 

panliligaw?



Mula sa panulat ni:

Rafael A. Pulmano



LAKANDIWA


Isang mapagpalang araw 

‍     ang malugod na handog ko

Sa lahat ng Pilipinong 

‍     nagkalat sa buong mundo

Mayrong isang email message na natanggap ang lingkod nyo

Apurahang naghahanap ng sagot sa tanong na 'to:


DAPAT BA O HINDI DAPAT PAGSABAYIN ANG DALAWA:

ANG MAG-ARAL AT MANLIGAW? Dapat nga ba? o Hindi ba?

Sa nais na makisali, ang tanghalan ay bukas na

Ipahayag ang katwiran nang marinig ng balana.



DAPAT


Ako'y isang mag-aaral na nasa hustong gulang na

May isip na tumutuklas at may pusong sumisinta

Pag-aaral, panliligaw, magsabay man di problema

Kaya dapat ang syang panig na handa kong ibandera. 



HINDI DAPAT


Bilang ama ng tahanan, kung ako ang tatanungin

Pag-aaral ang sya munang nararapat atupagin

Saka na ang panliligaw, hindi dapat pagsabayin

Ang panig na igigiit sakali at palahukin.



LAKANDIWA


Tuloy, kayo'y magsituloy upang ating umpisahan

Ang tagisan ng talino sa larangan ng katwiran

Ang panig ng DAPAT muna una nating pakikinggan

Salubungin nating lahat ng masiglang palakpakan!



DAPAT (Unang Tindig)


Nang ang tao sa daigdig ay nilikha ng Maykapal

Magkasamang nilangkapan ng damdamin at isipan

Kung di dapat pagsabayin ang mag-aral at manligaw

Sana'y isip na lang muna ang sa tao'y ibinigay.


Sa tahanan una munang namumulat sa pag-ibig

Ang sanggol na laging kupkop ng ina sa kanyang dibdib

Bago pa man makagapang, magsalita, magkaisip

Dama na ang pagmamahal ng magulang at kapatid.


Sa eskwela hinuhubog, pinapanday ang isipan

May subject na Health at P.E. para naman sa katawan

Mayroon ding Social Studies at iba pang pagsasanay

Upang maging mamamayang responsable sa lipunan.


Kumpleto ang kurikulum upang tayo'y makumpleto

Sa paglago ng isipan, katawan at pagkatao

Kapag ang crush, o puppy love, o ang pana ni kupido

Ay dumating, bahagi yan ng dapat na ikatuto.


Kaya kung ang estudyante ay pumorma at manligaw

Walang dapat ipagtaka pagka’t ito ay normal lang

Ang binatang umiibig, ang dalagang minamahal

Ganado at inspirado sa kanilang pag-aaral.



LAKANDIWA


Napakinggan nating lahat ang katwirang pumapanig

Na DAPAT daw pagsabayin, pag-aaral at pag-ibig

Sunod nating tatawagin upang dito'y humagupit

HINDI DAPAT, salubungin ng palakpak na mainit!



HINDI DAPAT (Unang Tindig)


Sinasabing mas madali sa tao ang maging henyo

Matapos na magkamali at magbunga ng di gusto

Sa pangaral ng magulang na noon ay sinuway ko

Mapait na kapalaran ang inaning pagkabigo.


Pagtuntong sa kolehiyo, sa kaklase'y nahalina

Mas maraming oras kaming ginugol na magkasama

Sa halip na makatapos ay maagang nag-asawa

Kaya high school diploma lang ang pwede kong iparanya.


Ngayon hirap na maghanap ng trabahong papasukan

Hirap akong matutustusan ang gastusin sa tahanan

Kung sana ay inuna ko sa halip na panliligaw

Ay nag-aral nang mabuti, mas malapit ang tagumpay.


Kabataang mag-aaral, isipin ang kasabihan

Hindi pwedeng magkasabay na sambahi't paglingkuran

Ang dalawang panginoon: ang puso at ang isipan

Mabuti pang pag-aaral na muna ang katutukan.


Ganito ang natutuhan sa minsang pagkakamali

Ngunit kayong di pa huli, wag sayangin ang sandali

Pag-aaral ay tapusin, panliligaw ay madali

Lalo't ikaw'y tagumpay na't limpak-limpak ang salapi.



LAKANDIWA


Nakatapos ang unang round nitong ating balagtasan

Na kapuwa nakatindig ang dalawang naglalaban

Hahayaan ko na silang magpambuno't magkagatan

Kababayan, isa pa ngang masigabong palakpakan!



DAPAT (Ikalawang Tindig)


Sa katalong nagkamali ng landas sa murang edad

Nanligaw at nag-asawa at maagang nagkaanak

At ngayon ay nangangaral upang kami'y di matulad

Ang tangi kong masasabi ay marami pong salamat.


Mag-aral at mag-asawa, mabigat ngang pagsabayin

Ngunit tila lumilihis yata kami sa usapin

Kaya upang di malito, akin munang lilinawin

Panliligaw at di kasal ang paksa ng away namin.


Pag-aaral, panliligaw, kahit ito'y magkasabay

Di masama hangga't kaming kabataang nagmamahal

Ay marunong na magdala, responsable, may paggalang

May ambisyong makatapos, at may basbas ng magulang.


Pag-aaral, panliligaw, kapag sabay na nagtagpo

Maski harangan ng tabak ay tiyak na mabibigo

Higpitan man ng magulang at bantaan ng paghinto

Tatakas at magtatanan, magkikita nang patago.



HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)


Salamat din sa katalong niliwanag itong paksa

Panliligaw nga't di kasal ang usapin mula't mula

Ako lang ay nag-apura, prusisyong kayhaba-haba

Sa simbahan din ang tuloy, inunahan ko nang kusa.


Alalaon baga, kapag sinabay sa pag-aaral

Iyang gawang panliligaw, ang tuloy din ay sa altar

Kaya upang makaiwas sa di-planong kalagayan,

Pag-aaral muna sana ang unahin, bago ligaw.


Totoo ngang inspirasyon ang katipang iniibig

Ngunit ito'y totoo rin: pag sya'y laging nasa isip

At sa kampus ng eskwela hanggang labas ay kadikit

Mga leksyon at assignments ang tuluyang nawawaglit.


Ang magulang na kawawa at subsob sa hanapbuhay

Nangungutang ng pang-tuition, pambaon sa araw-araw

Umaasang anak nila ay gagradweyt balang araw

Iyun pala'y winawaldas ang oras sa panliligaw.



DAPAT (Ikatlong Tindig)


Ang hirap sa gumagawa ng mali at nagsisisi

Ginagawang pamantayan ang nangyari sa sarili

Gayong noong kabataan siya mismo ay rebelde

At hindi nya alintana ang magulang na nagsabi.


Mangyari nga'y noon, ngayon, at hanggang sa hinaharap,

Hindi pwedeng magkabula ang sinulat ni Balagtas

Pag pumasok daw sa puso ng sinuman ang pagliyag

Masunod lang ay sukdulang hahamakin lahat-lahat.


Sa halip na kabataang mag-aaral ay pigilin

Sa pagligaw na lalo lang sasadlak sa panggigigil

Bakit hindi na lang sila pabayaang balansehin

Ang kaway ng karunungan at ang tibok ng damdamin?



HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)


Ang sariling karanasan ay akin at akin lamang

At di layong ipanggiit na sukatan ng sinuman

Binabanggit ko lang rito sa pag-asang kapulutan

Ng aral at halimbawa ng musmos pang kabataan.


Pagmasdan mo ang paligid, talamak ang kahirapan

Karaniwang ugat nito'y kawalan ng hanapbuhay

Ang totoo ay marami ang trabahong naghihintay

Ngunit ito'y nakalaan sa may college diploma lang.


Di hadlang ang kahirapan kung hangad ay edukasyon

Di sagabal ang itsura o ang utak na mapurol

Subalit ang panliligaw na kapatid ng bulakbol

Maternity sa halip na college degree ang katugon!



DAPAT


Panliligaw samantalang nag-aaral ay maganda

Kapwa namin natitimbang ugali ng isa't isa

Kung kami ay maka-gradweyt, magtrabaho, mag-asawa

Sa pagharap sa dambana, walang puwang ang pangamba.


Ang manligaw samantalang nag-aaral ay tama lang

Pagka’t minsan lamang kami dadaan sa kabataan

Aanhin ang kayamanan sa oras ng katandaan

Kung kulubot na ang mukha't walang gustong magpaligaw?



HINDI DAPAT


Maganda nga kung gagradweyt muna bago mag-asawa

Ngunit ating nababatid na di ganyan ang resulta

Maraming di makahintay sa pagmartsa nang may toga

Dahil labis na nabuyo, sa damdamin nagpadala.


Ang ganito'y maaaring iwasan kung panliligaw

Ay di muna isasabay samantalang nag-aaral

Prayoridad ang syang susi sa pangarap na tagumpay

Tagumpay na ihahandog sa katipang naghihintay.



DAPAT


Katipan ay nakahandang maghintay sa pagtatapos

Ngunit iyang panliligaw ay di dapat ginagapos

Walang taong nag-aaral na ang puso'y di tumibok

Hindi pwedeng paghintayin ang pag-ibig pag kumatok.



HINDI DAPAT


Ang mag-aral at manligaw kung parehong pagsabayin

Mahahati ang atensyon dahil kapwa agaw-pansin

Kung mabigo sa pag-ibig, baka ikaw pa'y maglasing

Mauuwi lang sa wala ang pangarap at mithiin.



DAPAT


Mas mabuti ang umibig at mabigo kahit minsan

Kaysa hindi nakaranas na umibig kahit kaylan!



HINDI DAPAT


Ang lahat ay may panahong kanya-kanyang nakalaan

Panahon sa pag-aaral, panahon sa panliligaw!



DAPAT


Ang mahuli sa pantalan, ang daratna'y baling sagwan!



HINDI DAPAT


Ang lumakad nang matulin, malalim kung masugatan!



DAPAT


Dapat silang magkasabay!



HINDI DAPAT


Dapat silang ipagbawal!



LAKANDIWA


Tumigil na kayong dal'wang umuusok na ang tuktok

Sumapit na ang sandali upang tayo'y magkatapos

Igagawad ko ang hatol, ngunit bayang nanonood,

Palakpakan muna natin ang makatang nagpanuntok!


Sino'ng dapat na tanghaling kampeon nitong balagtasan?

Walang dudang kapwa sila magagaling mangatwiran

Kaya itong aking pasya: Sila'y patas, tabla lamang

Muli nating paulanan, malutong na palakpakan!



Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link