ISANG LIBO’T ISANG HALIK

ni Lamberto B. Cabual

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 7

     Gustong bumunghalit ng tawa si Dupong sa awit ng asawa, nguni’t nagpigil siya. Takang-taka siya! Ibang-iba ang Takyang ito ngayon…masayang-masaya! Naligo siya at naghanda na rin sa pagtungo sa trabaho.

​

     “Darling,” masuyong tawag ni Takya sa asawa. “Mag-aalmusal na tayo, ‘lika na.”

​

     Lalo nang nagtaka ang lalaki. Sa loob-loob niya, Darling na ngayon ang tawag sa akin.  Hindi na yaong dumaragasang ‘Dupong.’ Nabago na talaga ang ihip ng hangin.

​

     “Oo, Mahal,” tugon ni Dupong, “and’yan na ako.”

​

     Habang naghahain ng almusal, umaawit pa rin si Takya.

​

        Ako’y ibigin mo’t babaeng maganda,

        Mahusay magluto’t marunong maglaba;

        Ang gawaing-bahay aakuhin ko na,

        Pagka’t sa puso ko’y mahal kang talaga…

​

     Hindi napigilan ni Dupong ang sarili. Bigla niyang kinabig at pinupog ng halik ang asawa.

​

     “Baka masilip tayo ng mga kapitbahay… ‘no ba ‘yan… ‘kakahiya!” nakangiti si Takya.

​

     “Bayaan mo ngang manilip sila!” tuloy ang di mapuknat na mga halik ni Dupong.

​

     Masayang nagsalo sa almusal ang magkabiyak.

​

     Bago sila naghiwalay tungo sa kanya-kanyang hanapbuhay, ginawaran pa rin ni Dupong si Takya ng maraming-maraming halik.

​

​

     MAKALIPAS ang isang linggo, bumalik  si Dupong sa bahay ng kanyang kumpareng Kulas.

​

     “O, ano Pareng Dupong, ginawa mo ba ang mga bilin ko sa iyo?”

​

     “Oo, Pare, at maganda ang resulta… nagbago na ang kumareng Takya mo… bumait na siya.”

​

     “Nakita mo na!”

​

     “At hindi lamang ‘yan, Pare, me bonus pa ako sa mga ipinagagawa mo,” pagmamalaking wika ni Dupong.

​

     “Ano’ng bonus ‘yon?”  

TATAPUSIN >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]  [7]  [8]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link