ISANG LIBO’T ISANG HALIK

ni Lamberto B. Cabual

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 3

   “Dahil sa sobrang pagbubunganga!”

​

    “Nagawa mo ‘yon, Dupong?”

​

    “Aba, e, Oo,” sabi niya. “Naro’n at me pasa pa nga sa mukha… kaya hindi makalabas ng bahay.”

​

    “Sobra ka naman…nilalabanan mo ang babae.”

​

    “Ibahin n’yo ako,” ipinakita sa mga kaharap ang nakatikom na kanang kamay at ang kalamnan ng braso. “Hindi p’wede sa akin ang sinisigawan at pinagdadabugan.”

​

    “E, kung ganyan nang ganyan si Takya… na kahi’t gulpihin mo e hindi rin magbago… ano’ng gagawin mo?”

​

    “Baka hiwalayan ko na… ang bruha!”

​

    Ang pagmamayabang ni Dupong ay hindi pinapatulan ng mga kausap. Alam nila na si Dupong ang laging binubulyawan ng asawa, at hindi nito kayang gulpihin si Takya. Pagkatalikod ni Dupong, para siyang nagbuhos ng tubig sa butas na balde.  At nagkakatawanan na lamang ang mga pinaglalakuan ng yabang.

​

    Wala pang anak, kahi’t ilang taon nang kasal sina Dupong at Takya. Di pa man nagkakasupling, hindi nila iyon pinoproblema. Hindi sila tulad ng ibang mag-asawa na nababahala pag hindi agad magkaanak.

​

    Iba ang problema… at ito’y sa panig lamang ni Dupong. Kalbaryo sa buhay  ang pagkabungangera at pang-aagrabiyado sa kanya ng asawa. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya ito mababata. Pakiramdam niya, unti-unting napupugto ang kanyang hininga. Para siyang bulateng lulubog-lilitaw sa santumpok na dumi ng kalabaw sa pakikipamuhay kay Takya.

​

​

ARAW ng Linggo. Walang trabaho si Dupong. Nagtungo siya sa bahay ng kanyang kumpareng Kulas.

​

    “Bakit mo ba hinahayaang api-apihin ka ni Mareng Takya?” tanong ni Kulas sa kumpare.  Si Kulas ang katapatang-loob ni Dupong.

​

    “Hindi ko nga malaman, Pare, ang aking gagawin,” sagot ni Dupong. “Ano kaya’ng mabuti?”

​

    “Sampigahin mo siya nang sakop ang taynga… at matatauhan ‘yon.”

​

    “Hindi ko kaya, Pareng Kulas, mahal ko siya.”

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link