MASAKIT ang sigid ng init ng araw sa balat, ikasampu pa lamang ng umaga. Sinimulan na ang paggawa ng isang mansiyon na umano’y pag-aari ng isang maykaya. Hindi namin kilala ang may-ari ng ipinagagawang ito. Ayaw raw na magpakilala. Sa isip-isip ko, marahil ay isang malaking pulitiko na ayaw mabisto ang kayamanan sa pangambang baka siya’y imbestigahan at makasuhan ng Inexplicable Wealth.
Isa akong arkitekto, at bukod sa rito’y Civil Engineer pa. Dalawa ang kurso kong natapos. Matiwasay akong nakapagtapos ng high school sa pagpupunyagi ng aking mga magulang. Mapangarapin ako at nag-working student ako sa siyudad. Awa ng Diyos, maluwalhati akong nakatapos ng dalawang kurso na kapuwa ko naipasa sa eksamen ng pamahalaan. Kaya ngayo’y licensed Architect at licensed Civil Engineer ako.
Sa ginagawang malaking gusali, ako ang arkitektong gumuhit ng plano at ako rin ang enhenyero. Hindi ko alam kung sino ang nagpapagawa, basta may kinatawan siyang nakipagkontrata sa akin. Pumayag ako, di ko man kilala ang may-ari, tutal babayaran naman ako sa halagang napagkasunduan. Ang kinatawan ng nagpapagawa ang pumirma sa kontrata.
Ang foreman na raw ang bahala sa lahat, sa pagbili ng mga materyales, pagpapatrabaho sa steel man, kapentero, tubero, electrician at labor. Basta’t ako’y manaka-naka raw lamang na sisilip upang tingnan kung tama ang ginagawa ng mga trabahador. Nguni’t ang nais ko’y tumutok sa ginagawang bahay. Gusto kong makita at masubaybayan nang malapitan ang lahat nilang ginagawa. Hangad kong ang bawa’t bahay o gusaling ako ang arkitektong gumuhit at enhenyerong namamahala ay magawa nang tama sa plano at pulido ang pagkakayari.
Kinausap ko ang kinatawan ng may-ari na gusto ko’y naroroon ako habang ginagawa ang bahay upang makatiyak na magiging maayos ang lahat. Subali’t sabi ng kinatawan ay pangingilagan at kasisilungan ako ng mga manggagawa. Para daw sa kabutihan at kapanatagan ng mga manggagawa, minsan-minsan na lamang akong sumipot. Naroon daw naman ang kapatas para ipatupad ang lahat ng nais ko sa pagpapagawang ito.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.