ISANG LIBO’T ISANG HALIK

ni Lamberto B. Cabual

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 6

    Napahagalpak ng tawa si Takya. Subali’t may kiliting gumapang sa kanyang kaibuturan.

​

    Nakabalik si Anding sa kanilang bahay nang hindi namamalayan ng nag-iinuman pang mga lalaki. Malagihay na ang magkumpare.  

​

    Hindi nagluwat, nagpaalam na ang Andres na kapilas ni Takya.

​

    “H’wag mong kalilimutan, Pare, ang mga sinabi ko,” bilin ni Kulas.

​

    “Oo… ngayong gabi’y sisimulan ko na!”

​

    Masiglang umuwi ng bahay si Dupong. Buo na ang balak n’ya kay Takya. Pupuyatin niya ang asawa sa kanyang mga gagawin. Sa isip-isip niya, humanda ka, asawa ko, at makakatikim ka ng sisid-marino… at ng isanlibo’t isang halik sa lahat ng parte ng katawan mo!

​

    Pagkapaghapunan, magkatulong na iniligpit nina Dupong at Takya ang kanilang kinanan. Nang makapag-imis sa kusina, naupo sila sa panonood ng telebisyon. Lakas-loob na ninakawan ni Dupong ng halik sa pisngi si Takya. Nang hindi kumikibo, hinagkan niya sa noo, sa batok, at sa leeg.

​

    “Ano ka ba?… nakikiliti ako!” hagikhik ng asawa.

​

    Bigla niya itong pinupog ng halik sa dibdib, gumapang na pataas hanggang sa maghinang ang kanilang mga labi. Maapoy ang ganting-halik ni Takya, tila nagkakabuhul-buhol ang hininga.

​

    Bumulong si Dupong, “tayo na magpahinga, Mahal… sa silid na tayo!” 

​

    Marahang tumayo si Takya at pinatay ang telebisyon, saka buong lambing na bumaling sa asawa. “Tayo na…” paanas na tinig.

​

     Humantong sa kama ang magkabiyak. Pinatay ni Dupong ang ilaw. At ang gabing yao’y nalipos ng malalamyos na halinghing at ng mga impit nguni’t matitimyas na daing ng tila ipinagduruyan sa ulap na si Takya.

​

     Kinaumagahan, hindi nagisnan ng lalaki ang asawa. Bumangon siya at hinanap ito.  Nasumpungan niya sa kusina, bihis na si Takya para sa pagtungo sa trabaho. Gayon man, naghahanda pa ito ng almusal at masayang kumakanta-kanta.

​

            Sa silong ni Aling Takya,

            May asong nakadapa;

            Kaya pala nakadapa,

            Naninilip ng palaka…

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]  [7]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link