NAGULAT si Nick nang tawagin ng tagapagpakilala ang kanyang pangalan. Hinihilingan siyang bumigkas ng tulang parangal sa napiling mutya ng pagdiriwang na iyon. Hindi siya nakapaghanda pagka’t wala namang pasabing kasali siya sa palatuntunan. Nguni’t alam ng maraming kayang-kaya niyang bumigkas ng tula kahi’t hindi pinaghandaan. Siya ang pinakatanyag na makata sa kanilang bayan. Isa rin siyang mahusay na mambibigkas.
Tutulaan niya si Vicky, ang pinakamatalik niyang kaibigan.
Nasa ibaba pa, nagsimula na siyang bumigkas. At bumibigkas habang naglalakad na papaakyat sa ibabaw ng tanghalan.
“Siya si Vicky kong ang taglay na ganda
Ay hirang ng langit at batis ng sigla;
Matangos ang ilong, may tala sa mata,
Ang labing may ngiti’y rosas na mapula…”
Nasa ibabaw na siya ng tanghalan. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagbigkas.
“Maburok na pisngi’y manggang maribalang,
At obrang-modelo ang kanyang katawan;
Kung tapos na ako sa tulang parangal,
Sa dibdib ni Vicky, gusto kong humimlay!”
Nilagom ng hagikhikan at palakpakan ang bulwagan. Mayroon ding binigkas si Nick na mga taludturang nakakikiliti at nagbigay-lugod sa lahat. Sa dakong huli ng tula, hiniling niya sa madlang suobin ng palakpak si Vicky bilang pagdakila sa ganda nito at sa pagiging mutya ng gabing iyon.
Sa gitna ng umaatikabong palakpakan at sigawan ng mga tao, nilapitan ng makata ang dalagang tinulaan, kinamayan at hinagkan sa magkabilang pisngi.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.