“Bakit naman?”
“Mahal na mahal kita…pinakaiibig…at nais kong ikaw ang maging katuwang ko sa buhay sa habang panahon.”
“Tiyak mo ba ang damdamin mo?”
“Oo, handa akong ibigin ka habang buhay,” minasdan ko ang kanyang mga mata, “at kung katugon ng damdamin mo ang damdaming kong ito…handa kitang pakasalan.”
“Maraming salamat sa pagtatapat mo at sa pag-uukol mo sa akin ng ganyang damdamin… nguni’t…”
“Nguni’t ano?”
“Mayroon na akong kompromiso sa Panginoon…Nakatakda na akong maging alagad niya…nakatakda na akong maging isang madre.
Natigilan ako sa kanyang sinabi, humulagpos sa dibdib ko ang isang malalim na buntunghininga…at gumilid ang luha sa aking mga mata.
“H’wag mong ipagdamdam ang sinabi ko,” hinawakan ni Belen ang aking kamay. “Ayaw kong makitang nalulungkot ka!”
Nang magpaalam ako’y inihatid niya ako sa tarangkahan ng kanilang tahanan.
“Bye, Belen,” may panglaw sa boses ko. “Hangad ko ang tagumpay mo sa tungkuling nais mong gawin.”
Hindi siya sumagot. Nakatungo siya.
Inihakbang ko ang aking paa na patungo sa kotse ko.
Subali’t pinigil niya ako…biglang niyakap…at sa dibdib ko’y umiyak siya nang umiyak. Niyapos ko rin siya nang mahigpit.
Yanig ang balikat niya at dinig ko ang mahina niyang paghikbi, “Alam mo ba…mahal na mahal din kita!”
Hindi ko napigilang hagkan siya…sa noo…sa pisngi…at sa huli… naghinang ang aming mga labi. Luhaan ang aming mga mata…humihingal kami kapuwa.
Nang magbalik sa katinuan, nagulumihanan kami…hindi makakibo…litung-lito…at hindi malaman ang gagawin.
Naisip ko ang bigay na dasalan ni Belen. At nanariwa sa diwa ko ang huling sinabi ni Dad nang mag-usap kami. “Ipauunawa sa iyo ng Panginoon sa takdang panahon ang mga banal na kaisipang hindi mo pa gaanong maunawaan ngayon!” —
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.