ANG DASALAN NI BELEN

ni Lamberto B. Cabual

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 5

pag-aanalisa, ang kapatawaran ay kinakailangan munang matanggap dito sa lupa bago makatanggap ng kapatawaran sa langit.” 

​

     “Sino po ba ang mga apostol?” nakatingin ako kay Dad. “At bakit tayo lamang pong mga Katoliko ang nangungumpisal sa Pari, na tao ring katulad natin?”

​

     “Ang tinutukoy kong mga apostol ay ang Papa, mga Obispo at mga Pari.”

​

     “Bakit po naman natin sila itinuturing na mga apostol ni Kristo?”    

​

     “Romana Iglesia Katolika lamang ang tanging relihiyon sa buong mundo na may pamunuan na nagmula sa mga unang apostol ng Panginoong Hesukristo,” paliwanag ni Dad. “Mula kay San Pedro na  itinuturing na unang Papa ng Simbahan, malinaw na matutunton mula sa mga aklat ng kasaysayan ng Iglesia ang mga sumunod pang mga Papa. Gayundin naman ang mga Obispo at mga Pari ay kasama sa pamunuang nabanggit.”

​

     “Gayon po ba, Dad,” pahiwatig kong nagsisikap na maunawaan siya.

​

     “Oo, anak ,” ipinatong niya ang kamay niya sa balikat ko. “Samakatuwid, kung ang mga gawain at awtoridad ng mga apostol ay naisalin sa mga sumunod pang mga pinuno ng Simbahang Katoliko, malinaw na masasabing kasama sa mga tungkuling ito ang tagubilin ni Kristong magpatawad ng kasalanan.”

​

     “Dad, salamat po sa paliwanag n’yo.”

​

     Halata marahil ng aking ama na may mga tanong pa ring nagtitining sa aking isipan. “Ang lubusang pagkaunawa ng mga bagay ng Diyos ay nagmumula sa puso at sa tibay ng pananalig,” aniya. “Ipauunawa sa iyo ng Panginoon sa takdang panahon ang mga banal na kaisipang hindi mo pa gaanong maunawaan ngayon!”

​

​

ARAW ng Sabado. Aywan ko kung bakit may kung anong kapangyarihang nag-uutos na magsimba ako nang araw na iyon. Nagbihis ako at nagpasiyang sumimba.  

​

     Taglay ko ang lumang dasalang galing kay Belen at ginamit ko ito sa pakikiisa sa sakripisyo ng misa. Taimtim akong nanalangin.  

​

     Nang dumating na sa bahagi ng Bidding Prayer, at sabihin ng namumunong manalangin ng pansariling kahilingan, naalala ko si Belen.

​

     “Pangalagaan mo po, Diyos ko, si Belen. Mula po nang magkakilala kami’y hindi na siya nawalay sa isipan ko. Pagindapatin mo po sana ako sa kanyang pakikipagkaibigan sa akin.  Aywan ko po, Panginoon, nguni’t dama ko pong umiibig ako sa kanya.  Kung magkatugon po ang aming mga damdamin, makaaasa po kayong magkasama kaming maglilingkod sa inyo.” 

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link