ANG DASALAN NI BELEN

ni Lamberto B. Cabual

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 2

    “Kung ayaw mong tanggapin ito, baka naman pu’edeng samahan mo akong kumain.  Mag-aalauna na rin e. Magtatanghalian ako. Sige na, please!”

​

    Sa pakiusap niya’y napahinuhod ako at natagpuan ko ang aking sariling kasama niya sa Max Restaurant ng Mall.

​

    Siya ang umorder ng pananghalian.

​

“’Buti’t tinulungan mo ako at ikaw ang nakatagpo ng aking wallet. Kung hindi, baka nakita ng iba at hindi na napabalik sa akin.

​

    “Importante ba ang laman?”

​

    “Napakahalaga, nandito kasi lahat ang aking mga access at credit card. Narito rin ang mga resident at email address ng karamihan sa mga kaibigan ko.”

​

Nang maidulot na ng waiter ang pagkain patuloy kami ng pag-uusap habang kumakain.  Napansin n’ya ang madalas kong pagbulos ng kaldereta.

​

    “Mukhang paborito mo ‘yan. Order pa ako ng isa.”

​

    “A, tama na ito. Inuubos ko nga lang e.” 

​

    Ang totoo, talagang gutom na ako noon. Marami ang kinain ko at nang makatapos kaming kumain, busug na busog ako, at nagliwanag ang isip ko…pati ang aking mga mata.

​

    Noon ko napagwaring maganda pala ang tinulungan ko na nag-anyaya sa akin ng pananghalian. Noon ko nakitang may nangungusap siyang mga mata kung nagsasalita, may hugis-pusong mukha na tila masasalamin ang isang anghel, may matangos na ilong na bumagay sa maninipis na labi…at may ngiting nakahahalina…pagkatamis-tamis.

​

    Naramdaman ko ang paghangang nagpapitlag sa aking puso at nagkainteres tuloy akong makilala siya.

​

    Ako muna ang nagpakilala. Matapos kong sabihin ang ngalan ko at ang iba pang bagay tungkol sa akin, nagpakilala naman siya.

​

    “Si Belen ako…Belen Ledesma.”

​

    “Singer ka siguro.”

​

    “Ba’t mo nasabi iyan?”

​

    “Kaapilyedo mo si Kuh Ledesma e, kamag-anak mo ba siya?”

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link