BUGSO NG GUNITA
ni Bert Cabual
PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA
PAALAM, MAHAL KO!
Ama:
Huwag kang magdamdam sa aking paglayo,
magbabalik ako, iyan ay pangako;
sa aking paglisan tayo mahahango
sa pagdaralitang sa ati’y tumimo.
Ina:
Ang karalitaa’y di ko alintana,
kung sa kahirapa’y ikaw ang kasama;
ako’t ang anak mo ay mangungulila,
paglalayo natin ay ipagdurusa.
Ama:
Huwag kang lumuha’t di na mapipigil
ang napipinto kong pag-alis sa atin;
ikaw at ang bunso nating ginigiliw,
sa pagbabalik ko’y pagiginhawahin.
Anak:
Siyanga naman, Ina, huwag kang lumuha,
sang-ayunan mo na ang kay Amang nasa;
sapagka’t ang kanyang pangingibang-lupa
ay papatnubayan ng Poong Bathala.
Ina:
Ano nga bang aking magagawa’t sukat,
kundi hangad ninyo’y katigang banayad;
yaring abang puso’y kahi’t magkasugat,
titiisin ko na’t aariing palad.
Ama:
Kung gayo’y paalam, anak at asawa
na pugad ng aking buhay at pag-asa;
lalayo man ako’y hindi magbabawa
sa akin ang inyong gintong alaala.
Ina at Anak:
Amang mahal namin, sa iyo’y paalam,
Diyos ang sa iyo’y laging pumatnubay;
magdarasal kami sa gabi at araw,
sumapit kang ligtas sa paroroonan.
KASUNOD > NASA ISIP KITA, NAYON KO
PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact