BUGSO NG GUNITA

ni Bert Cabual

​

​

PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA

​

​

HAWIG NG PALAD

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

Sa otel na ako ay isang tauhan, 

iba’t ibang lahi ang doo’y kabilang;

may mga Kastila, Portogesa, Indyan,

at iba pang liping balat ay may kulay.

​

May tawanan kami’t palitan ng biro,

panlunas sa aming kapagura’t hapo;

hindi man kalahi’y kanilang nakuro—

pakisamang-Pinoy ay taos sa puso.

​

Kahalubilo ko sila araw-araw

sa pakikitalad sa laro ng buhay;

sa pagsama-sama’y aking nawatasan

ang alamat nila at pinanggalingan.

​

Kaya nandayuhan, aking naulinig,

pagka’t bansa nila’y tigib din ng hapis;

sila ma’y dukha ring nagpapakasakit,

mahango sa lumbak ng basag na langit.

​

Minsa’y kausap ko ang isang Kastila

na napilitan ding mangibayong-lupa;

iniwan din niya ang kaawa-awang

inirog sa buhay habang lumuluha.

​

Isinaysay niyang siya’y disgrasyada,

may naiwang anak sa pagkakasala;

ipinaaruga doon sa Espanya

ang irog na bunso sa matandang yaya.

​

Ang yayang sa anak umaasikaso

ay pinadadalhan ng buwanang sweldo;

sa pana-panahon ay sinusustento

ang supling na mahal nang di mamamagkano.

​

Sa gayo’y kumislap sa aking isipan

ang lupit ng kanyang naging kapalaran;

hawig ng sa aking mga kababayang

nadapa sa lusak na kababaihan.

 

KASUNOD > PAGHANGA

​

PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link