BUTAS NA MEDYAS

ni Rafael A. Pulmano

​

​

​

​

​

P A G H A H A N D O G

​

Sa Dakilang Diyos ay pasasalamat

Ang unang nasa kong dito ay malimbag

Pagka't muli Niyang pinapagindapat

Na ako'y sumulat ng isa pang aklat.

​

Ang aklat na ito'y katulad ng dati,

May hatid na galak sa nais bumili

Nguni’t sa babasang dito'y di mawili...

Ang pagpupuyat ko ay totoong lugi.

​

Gayon man ay hindi ako magtatampo

Pagka't nababatid ang kahinaan ko;

Ikalawa'y pagka't di lahat ng tao

Sa lahat ng oras ay handang paloko.

​

A... Ako'y sadya ngang di nanghihinayang

Sa mga ginugol na gabi at araw

Upang maisulat itong kasaysayang

Kung saan kinuha'y di ko rin malaman.

​

Sa aklat na ito, ang bawa't salitang

Ang pagkakahanay ay kinusang sadya

Sa anyo ng mga mapanudyong tula

Iniaalay ko sa iisang mutya.

​

Ang pangalan niya: Josephine Castelltort

Isang kaibigang matapat na lubos

At kalakip na rin nitong paghahandog

Ang aking dalangin sa Panginoong D'yos

​

Na mapatnubayan at tanglawan siya,

Ang buhay na taglay ay mapalawig pa

Gayundin ang mga magulang na sinta

At mga kapatid na mahal sa kanya.

​

​

                             ~ Rafael A. Pulmano

​

​

​

  

​

P A U N A W A

​

Ang pangalan ng mga tauhan at mga pangyayaring napapaloob sa aklat na ito ay hindi totoo at pawang likhang-isip lamang ng may-akda (na walang isip). Ano man ang pagkakahawig sa tunay na buhay, patay man o buhay, ay di sinasadya at wala na akong pakialam.

​

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbasa sa kwentong na ito doon sa mga may karamdamang gaya ng sakit sa puso, alta presyon, nerbiyos, atbp., lalo na kung sila ay walang panahon at interes para magbasa, malabo ang mata, o hindi marunong magbasa.

​

Para sa mga buntis na nagdadalang-tao, ang pahintulot hinggil sa pagbasa nito ay nasa kapasiyahan ng doktor. Kung walang doktor, komadrona. Kung walang komadrona, hilot. Kung walang hilot, arbularyo. Kung walang arbularyo, isangguni sa asawa. Kung wala ang asawa, itanong sa biyenan. Kung ang biyenan ay wala rin, tumawag ng bumbero. Kung walang matawag na bumbero, magpasundo ng pulis.  Kung tinatamad sumama ang pulis, hingin ang kapasiyahan ng doktor.

​

~ May Akda                  

​

​

​

BUTAS NA MEDYAS

​

                 1

ITO AY NAGANAP sa pinangyarihan

Sa bansang BURURUS ang taglay na ngalan

Doon ay mayroong isang kaharian

Malaki't maringal, POTPOT kung turingan.

                  2

May naninirahan sa Palasyong Potpot

Na isang prinsesang sa ganda't alindog

Maluluma kahit ang d'yosang si Venus

Ang kariktan niya ay bantog na bantog.

                  3

Lalabing-walo pa ang gulang na taglay

Ng prinsesang itong TAKYA ang pangalan

Ang kaniyang buhok ay ginto ang kulay

Kaypula ng pisngi; ang mata, mapungay.

                  4

Ang kaniyang ina'y si REYNA KUBAKA

At si HARING BOKNOK yaong tatay niya

Ang mahal na hari ay, isang umaga,

Sinumpong ng sakit ng KAMBAL NA PIGSA.

                  5

Nang umagang iyon, hari'y isinugod

Doon sa klinika ng Palasyong Potpot

Nang maopera na ang pigsang nahinog

DULING pa ang matang doon ay nadukot!

                  6

Kabilin-bilinan ng doktor sa hari

Bawal daw sa kanya ang mapagod lagi

Huwag rin daw siyang kakain ng mani

At baka ang pigsa'y magbalik na muli.

                  7

Ang mahal na hari, nang malaman ito,

Ay ipinatawag yaong mensahero

"TENGGOY!" ang wika n'ya, "Isulat mo ito

Tapos ay ipaskel sa buong palasyo.

                  8

Ibalita mo rin sa karatig-bayan

Ang sasabihin kong mahalagang tunay."

At ito ang kanyang mensaheng tinuran,

Basahin nga natin nang ating malaman:

                  9

"Mga kababayan ng Palasyong Potpot

At lahat ng sakop ng bansang Bururus,

Pakinggan n'yo ako, na si Haring Boknok.

Sa aking mensaheng nais ipaabot.

                  10

"Di naman kaila sa lahat na ako

Ay totoong pogi bagaman at g'wapo

Subali't nais kong ibalita'y ito:

DAPAT NA'NG PRINSESA AY MAGKA-ESPOSO.

                  11

"Una ay sapagka't ako'y matanda na

Tungkulin ng hari'y hindi na makaya

Ang anak ko naman na tagapagmana

Ng setro't korona ay isang prinsesa.

                  12

"Kaya kayong lahat na kalalakihan

Sa bansang Bururus o kahit saan man,

Ay buong puso kong inaanyayahan

Dito sa palasyo sa makal'wang buwan.

                  13

"Ang lalaking dito ay magsisidating,

Magpapaligsahan ng dahas at giting

Sa kanila'y doon naman pipiliin

Ang karapat-dapat sa prinsesang giliw."

                  14

Nangyari ang ibig ng hari ng Potpot

Yaong mensahero'y agad ngang sumunod

Naglagay ng paskel sa lahat ng bakod,

Poste at tindahan, at gitna ng ilog.

                  15

Matuling kumalat ang abang balita

Kaydaming nagulat at pawang namangha

Marami ang hindi makapaniwala

Na ikakasal na ang prinsesang mutya

                  16

Sa lagay na ito'y marami rin naman

Ang natuwa, lalo ang kalalakihan

Sapagka't maraming nagmimithing tunay

Doon sa pag-ibig ng prinsesang hirang.

                 17

Ang mga prinsipe sa karatig-bayan

At saka sa ibang mga kaharian

Ay nangatuwa rin nang ito'y malaman

Pagka't ang prinsesa ay hinahangaan.

                  18

Kung kaya ang lahat halos sa Bururus

Ay nag-iinsayo ng pakikihamok;

May nangagsasanay ng tamang pagsuntok,

Merong sa espada, sa sibat, sa gulok.

                  19

At ang bawa't isa'y iisa ang nais:

Makamtan ang puso't wagas na pag-ibig

Ni Prinsesa Takyang sa ganda at rikit

Kahit na artista'y alangang ihawig.

                  20

At isa sa mga tagahangang lubos

Ng Prinsesang supling niyong Haring Boknok

Ay ang kusinero ng Palasyong Potpot,

Ang pangalan niya ay TARULIPAKOT.

                  21

Kusinerong ito'y labis ang pag-ibig

Kay Prinsesa Takyang pinakananais.

Mensahe ng hari ay noong mabatid,

Ang kaniyang diwa'y di na natahimik.

                  22

Paano'y may isang malaking sagabal

Sa kanyang pagsintang pinakaaasam

Si Tarulipakot ay may kapintasan...

Bukod sa unano ay pandak pang tunay!

                  23

Ah, walang sino mang aaring humadlang

Sa kanyang pag-ibig na sadyang dalisay!

Hahamakin lahat, kahit kamatayan

Ng buhay na taglay niyong kapitbahay!

                  24

"Hindi maaari!" ang kanyang himutok

At inihampas pa ang hawak na sandok,

"Talagang di p'wede!" ang wikang kasunod,

"Kaylangang maluto itong lagang itlog!"

                  25

Nang matapos yaong pagluluto niya

Kaagad umalis na itlog ay dala

Tinunton ang landas patungo sa k'weba

Na ang nananahan ay pingkaw na bruha.

                  26

Nang makasapit na si Tarulipakot

Sa harap ng yungib sa paa ng bundok,

Isang munting sanga ang kanyang inikot

Ang pinto'y nabuksang kusa pagkatapos.

                  27

Pagkapasok doon, ang pinto'y nagsara

Umandar pababa... Elebeytor pala!

Nang muling mabuksan ang pinto ay, aba...

Naroon ang bruha at nagpe-pelota!

                  28

"Magandang tanghali sa iyo, Rosemarie,"

Ang doon sa bruha ay kanyang sinabi

Nagtanong ang bruhang mukhang elepante.

"Ano ang problema't napasugod rine?"

                  29

Ang tugon sa kanya ni Tarulipakot,

"Tanggapin mo muna ang nilagang itlog

Iyan ay pitumpu, meron pang kasunod

Kung itong nais ko'y ipagkakaloob."

                  30

"Tuso ka! I-i-i!  Kaya ka nagbigay

Ng itlog ay dahil iyong nalalamang

Sa mga pagkain, sadyang itlog lamang

Ang aking talagang paboritong tunay!"

                  31

Sinimulan na ngang alisan ng balat

Ng bruha ang itlog na sadyang masarap

Saka ibinigay sa alagang uwak

Na dahil sa dami'y totoong nabundat.

                  32

Pagkatapos nito'y tinipon ng bruha

Ang pinagtalupan at kinain niya.

(Pambihira ito... Ang balat lang pala

Ang gusto ng lintik at hindi ang pula!)

                 33

"O, ano," ang tanong kay Tarulipakot,

"Ang sa iyo'y aking maipaglilingkod?

Siguradong ito'y mahalagang lubos...

Turan mo't ngayon din, ipagkakaloob!"

                  34

Tumugon sa bruha yaong kusinero

(Na ang paa yata'y iisa ang kuko),

"Ang Prinsesa Takya na sadyang mahal ko

Ay nais ng hari na magka-esposo."

                  35

"Huwag nang ituloy!" ang sabi ng bruha,

"Nalalaman ko na ang iyong problema.

Ibig mong makuha ang prinsesa, di ba?"

Si Tarulipakot ay sumagot, "Ya! Ya!"

                  36

"I-i-i!  Madaling lutasin ang lahat!"

Ang wika ng bruhang sa dila'y may peklat,

Agad nagparikit ng apoy at sukat

Malaking talyase'y doon itinapat.

                  37

Sinalinan iyon ng maraming tubig

At pinatakan pa ng kaunting langis

Yao'y binudburan ng pamintang panis.

Gatas at asukal, betsin, suka, dilis.

                  38

Pagkatapos, ito ay kanyang hinalo

Ng isang tinidor na ang dulo'y liko

Habang nilalagyan ng patis at toyo

At ilang tinadtad na buhok ng tuko.

                  39

Ilang sandali pa'y kumulo na iyon

At siya'y naglagay ng ugat ng talong,

Kaunting repolyo, at buhay na suhong,

Sandakot na lupa, at mata ng pagong.

                  40

Habang hinihintay na yao'y lumamig,

Pumasok ang bruha sa kaniyang silid

At noong lumabas ay may boteng bitibit,

Yaon ay may laman, at ubod ng liit.

                  41

"Halika," ang tawag kay Tarulipakot,

At siya'y lumapit na lugod na lugod,

"Sa pagluluto mo ay ihalong lubos

Ang gamot na ito, siguradong ayos!

                  42

"Lahat ng kakain o kahit tikim lang,

Ng pagkaing iyo'y iiwan ng malay

Sila'y mahihimbing nang maraming araw

Kaya't sa balak mo'y walang sasagabal!

                  43

"Ang kakain nito'y kawal ng palasyo,

Ang hari, ang reyna't mga kabalyero...

Kapag sila'y walang malay nang totoo,

Prinsesa'y malayang maitatanan mo!"

                  44

"Yipipi!  Nya-ha-ha!  Sa wakas, nyak-nyak-nyak!"

Ang wika ng kanyang lalaking kausap,

"Ang Prinsesa Takyang pinakaliliyag

Nitong abang puso ay akin nang ganap!"

                  45

Si Tarulipakot, sa labis na galak,

Ay di na nagawa ang magpasalamat.

Ang munting botelya ay noong matanggap,

Dali-dali itong umuwi kaagad.

                  46

Magdadapit-hapon nang kanyang sapitin

Yaong kahariang Potpot kung tawagin

Ang abang kusina ay noong pasukin

Ay walang sino mang natawag ang pansin.

                  47

Inihanda niya ngayon ang pagkain

Para sa hapunang kanyang lulutuin...

Relyenong gurami, dilis na pinaksiw,

Eskabetseng murkon, nilagang ayungin.

                  48

Sumisipul-sipol habang nagluluto

Si Tarulipakot na tatlo ang nguso

(A, yaong dalawa, kaya nadagdag po,

At sa katitikim, madalas mapaso!)

                 49

Si Tarulipakot, sa tagal na halos

Ng pagseserbisyo sa palasyong Potpot,

Sa kanyang gawai'y bihasa nang lubos

Pup'wedeng magluto kahit natutulog.

                  50

Kaya itong apat na putaheng ulam,

At saka apat ding lakip na sawsawan,

Ay niluluto n'ya nang magkakasabay

Nakapameywang pa ang kaliwang kamay.

                  51

At hindi naglaon, ang mga pagkain

Ay halos luto na at handang hanguin;

Dito na kinuha ang boteng nanggaling

Sa bruhang Rosemarie kung tawag-tawagin.

                  52

At binuksan iyon ni Tarulipakot,

At tigkakaunti niyo'y ibinuhos

Sa bawa't putaheng nakulo pa halos

Na sa sobrang init ay usok nang usok.

                  53

Pagkatapos nito'y buong kasiyahan

Na tinikman niya ang apat na ulam.

"Ang sarap!" aniya, "Tiyak na malamang

Na ito'y kanilang mangagugustuhan!"

                  54

Nang hahanguin na nitong kusinero

Ang nalutong ulam sa mga kaldero,

Siya'y nakadama nitong pagkahilo

Hanggang makatulog na siyang totoo.

                  55

(Papaanong hindi'y kanyang nalimutan

Na yaong pagkaing kaniyang tinikman

Ay nalagyan na nga ng gamot na bigay

Sa kanya ng bruhang singganda ng langaw!)

                  56

(Kaya tuloy ayan – ang unang biktima

Nitong kabuhungang binalak-balak n'ya

Ay wala ring iba kung hindi nga siya

Palibhasa, ayaw mag-iisip muna!)

                  57

Mag-iikapito ng gabi na halos

At ang hari't reyna ng Palasyong Potpot

Ay nababalisa sa hindi pagsipot

Nitong kusinerong si Tarulipakot.

                  58

Gutom na ang hari at ang kanyang reyna

Gayon din ang mga sundalo at g'wardya

(Mga g'wardyang ito, nalalaman n'yo ba?

Bukod sa lambutin ay panay pa lampa!)

                  59

Gutom na ang lahat, maliban na lamang

Sa Prinsesang ngayon ay tulog nang tunay

(Miniryenda niya kani-kanina lang

Ay apat na sakong mani't butong-pakwan!)

                  60

Mag-iikawalo ng gabi’y nag-utos

Sa mensahero n'yang si Tenggoy Turpelok

Ang mahal na hari nang upang matalos

Kung ano'ng nangyari kay Tarulipakot.

                  61

Kaagad sumunod ang napag-utusan

At yaong kusina'y kanyang pinuntahan

Nang makita niya na nakahandusay

Si Tarulipakot, siya'y kinabahan.

                  62

Nilapitan niya si Tarulipakot

Sinuring mabuti, inamoy ang tuhod,

At nang matiyak n'yang ito'y natutulog

Ay medyo nagluwag ang kaniyang loob.

                  63

Nagbuntung-hininga't sa kanyang sarili

Ay ito ang kanyang pabulong na sabi,

"Ako ay natakot, akala ko kasi,

Sa pandak na ito'y kung ano'ng nangyari!"

                  64

At hindi kawasa, siya'y napalingon

Sa mga pagkaing naghalera roon

Saka naalala nang bigla ni Tenggoy

Na siya nga pala'y kanina pa gutom.

                 65

Nakalimutan na ang utos ng hari

At kumain muna, nang una'y kaunti;

Nang maubos ito'y kumuha pang muli

Hanggang gutom niya'y tuluyang napawi.

                  66

Ang mahal na hari'y lalong nabalisa

Nang ang inutusan magmula kanina

Magpahanggang ngayon, mag-iikas'yam na,

Kahit na anino'y di nagbabalik pa.

                  67

Lubha pa nga't noong kaniyang napansing

Maputla na halos sa kaniyang tingin

Sa matinding gutom ang reyna n'yang giliw

At mga sundalong di pa kumakain.

                  68

Tumindig ang hari sa kaniyang trono

Bago'y nagsalita, "Halina na kayo

At ating puntahan yaong kusinero

Doon sa kusina ng aking palasyo!"

                  69

Sa mahal na hari'y sumunod ang lahat

Na nanlulupaypay ang hakbang at lakad.

Noong ang kusina'y sapitin na't sukat,

Ang mga pagkain ay agad pinapak!

                  70

Ay, mistulang tigre't leon ang kawangis

Niyong bawa't isang nagsuot ng bangis!

Sa pag-aagawan ay may nananabig,

May nadadaganan at may naiipit!

                  71

Ilang sandali pa't gabi'y natahimik

Ikalabing-dal'wang oras ay sumapit

At ang bawa't isa'y mahimbing ang idlip

Kabilugan noon ng buwan sa langit.

                  72

Kinaumagahan, prinsesa'y nagising

Sa gulo at ingay na sa labas galing;

Sa kanyang bintana ay noong dungawin,

Siya ay ginimbal ng isang tanawin.

                  73

Sila ay nilusob ng mga kaaway

Na mula sa bayan ng NEBER-NEBER-MAYN!

O, kaydami nila!  At kung lalabanan,

Batid ng prinsesang matatalo lamang.

                  74

Si Prinsesa Takya ay agad nagpunta

Sa silid ng kanyang tatay na'y ama pa,

Nguni’t ang naroong nasalubong niya

Ay yaong kalaban... mabuti't iisa!

                  75

Naunahan niya ang kanyang kaaway

Bago napaputok ang armas na tangan

(Ang nasabing armas, kung ibig malaman,

Ay sumpit, ang bala: itlog ng bayakan!)

                  76

Kinarate niya saka id'yinudo

Ang kawawang pobreng iisa ang kuko

At bago dumating ang ibang saklolo,

Si Prinsesa Takya'y agad nakatakbo!

                  77

Isang munting silid ang kanyang pinasok

At siya'y may isang bagay na pinindot

Ah, isang pintuan, na lubhang makipot,

Ang biglang bumukas... patungo sa ilog!

                  78

At dito naglaho si Prinsesa Takya

Walang nakabatid kung nasaan na nga

May nangagkukurong nalunod na sadya

O baka kinain ng b'wayang baluga!

                  79

Kung napasaan man ang prinsesang mahal

Ang tiyak lang natin ay iisang bagay:

Kahariang Potpot ay napasakamay

Ng mga lumusob na lilong kaaway!

                  80

At ang mga tao't mamamayan roon,

Kasama ng hari't reynang walang ilong,

Ay ginawang bihag, ngayo'y nakakulong...

Kapalaran nila'y paano na ngayon?

                  81

Ang masaklap nito'y wala pa ring malay

Ang hari, ang reyna, at ang mga kawal

Na siyang marapat magtanggol sa bayan!

Kailan gigising?  Walang katiyakan.

                  82

Nagdaan ang araw at mga panahon

Sa Palasyong Potpot na iba na ngayon;

Pinamumunuan ng sukab at buhong,

Ang kanyang pangalan ay TANGKULIWEYONG.

                  83

Si Tangkuliweyong ay anak na supling

(Na kahit iisa'y bugtong kung ituring)

Ng tatay n'yang ama, at asawa mandin

Ng kaniyang nanay na kanyang ina rin!

                  84

Ang tatay na itong aking binabanggit

Ay ang siyang hari ng Liping Kamatis

(Kaya ito ang s'yang ngalang napakapit,

Pagka't tao rito'y sa talong mahilig).

                  85

Ang Liping Kamatis ay lubhang mayaman

Sa ginto at pilak, at sa brilyante man

Kaya itong hari'y kilalang lubusan

Sa alin mang sulok ng sandaigdigan.

                  86

Hindi lamang dahil sa yaman ng lipi

Kung bakit totoong natanyag ang hari

Kundi dahil na rin sa kanyang ugali

Na dapat hangaan at katangi-tangi.

                  87

Kaya naman lahat halos ng palasyo't

Mga kaharian sa balat ng mundo

Ay kumikilala't gumagalang dito

Sa nasabing haring may kuto sa puyo.

                  88

(Ay, lintik!  Talagang kaydaling lumimot

Nitong aking abang diwang nasa tuktok

Kanina pa yaring pluma ko'y nasuntok

Ang ngalan ng hari'y di pa napapasok!)

                  89

Ang ngalan ng hari, pasens'ya na kayo,

Ay BENYORITUSAKWEDIROTINELO

(Di na sasabihin yaong apelyido

At baka kapusin ang ating espasyo.)

                  90

Kung ano ang bait na taglay at angkin

Ng hari ng liping Kamatis ang turing

Ay kabaligtaran naman ng sa supling

Na halos ay walang puso at damdamin!

                  91

Hindi lamang yata damdamin at puso

Ang sa kanya'y sadyang nawala't naglaho

Kundi pati kanyang pitso, apdo't dugo

At balunbalunang singtigas ng ginto!

                  92

Ganito marahil ang laki sa dyeproks,

Palibahasa'y walang nasang di nasunod

Hayan!  Nang tumanda'y may sungay at buntot!

Salat sa pangaral, sa galak nabusog!

                  93

Saka kung kailan tumanda't may isip

Ngayon tuturuan ng gawang matuwid

Nguni’t kanyang asal mula nang maliit

Ay pilipit na rin, baguhin mang pilit.

                  94

Di isang araw nga'y muling inaralan

Si Tangkuliweyong ng ama n'yang hirang

Aniya, "Masamang barkada'y iwasan,

Pagka't walang buti ditong makakamtan."

                  95

Itong anak naman ay hindi nakinig

Kaya itong ama'y naghubad ng lamig;

Nguni't ang hinaho'y pinigil pang pilit

Upang di maglabo kanyang pag-iisip.

                  96

A, dala marahil ng kabiglaanan,

At dahil masidhi yaong kagustuhan

Na ang mutyang anak ay magbagong-asal

Kung kaya parusa'y kusang ipinataw.

                  97

"Mula ngayon," anya, "ay di ka aalis

Sa loob ng iyong maharlikang silid.

Ano man ang iyong kailanga't ibig

Ay ibibigay ko at ipahahatid.

                  98

"Ayaw kong sa iyo ay maging marahas

Nguni't pinilit mong puso ko'y tumigas

Sa silid na iyan ay di ka lalabas

Hanggang matuto kang humingi ng tawad."

                  99

Natupad ang nasa ng hari sa anak

Si Tangkuliweyong ay nagdusang ganap

Subali't sa halip na magsisi't sukat,

Sa kanyang isipan, may nabuong balak.

                  100

Ang kanyang damdamin sa amang mabait,

Pawang pagkasuklam, pagsumpa, paglait.

Aniya'y "Hindi na ako iniibig...

Kaya kailangang siya ay iligpit!"

                  101

At isang gabi nga na lubhang mapanglaw,

Nang namamayani ang katahimikan

Ay isang anino yaong dahan-dahang

Nagbukas sa silid ng isang pintuan...

                  102

Ang tinungo nito ay isa pang silid;

Pagbukas na muli ng pinto'y namasid

Ang mahal na haring di pa naiidlip

Na tila malalim yaong iniisip...

                  103

Naroon ang anak – alibughang anak

Ulo, nakatungo... at waring iiyak;

Naroon ang ama, tumindig kaagad

Buong pagmamahal na ito'y niyakap.

                  104

Subali't ang anak, ang putris na anak,

Ay di pala tunay ang hinging patawad

Sapagka't buo na ang kaniyang balak...

Ang kaniyang ama ay dapat mautas!

                  105

Kaya nang magyakap ang anak at ama,

Ang anak na lilo'y kumilos pagdaka

Agad kiniliti sa tuhod at paa

At sa kilikili ang haring natawa!

                  106

Halakhak ng hari ay pumailanlang

Sa dilim ng gabi sa kapaligiran

Kaya buong lipi n'yang nasasakupan

Pawang nabulabog at nangagulantang!

                  107

Ang lahat ng paa at lahat ng hakbang

Pawang sa palasyo gumawa ng daan

Datapwa't huli na silang nagdatingan

Pagka't itong hari ay wala ng buhay!

                  108

At ito ang tagpong kanilang namalas:

Si Tangkuliweyong ay nag-uumiyak

At naglulupasay na hindi maawat

Sa harap ng bangkay na walang ulirat.

                  109

Nalibing ang hari, lahat ay nagluksa

At ang buong lipi ay nalasong lubha

Ng isang matapat na paniniwala

Na ang kamatayan, sa bangungot mula.

                  110

At hindi pa halos nag-iisang linggo,

Inangkin ng anak ang naiwang trono;

Dito nagsimula ang bagong kalbaryo

Nitong dati-rati'y masasayang tao.

                  111

Pagka't kung paanong sa mundo'y natanyag

Ang kaniyang amang kabaita'y ganap,

Gayon din, ang ngalan ng sukab na anak

Ay sa kasamaan totoong sumikat.

                  112

Ang pamamalakad sa liping Kamatis

Ni Tangkuliweyong ay sobrang malupit

Ang ayaw sumunod sa kaniyang ibig,

Pinarurusahan ng tatlumpung pitik!

                  113

At upang malubos ang kaligayahan

Ay pinalitan pa ng bagong pangalan

Ang Liping Kamatis na kilalang tunay,

Ang tawag na ngayon ay NEBER-NEBER-MAYN.

                  114

Sa Neber-Neber-Mayn ay kanyang ginanap

Ang mga gawaing malaong binalak

Ang kapangyariha'y yamang nasa palad

Ang ano mang nasa'y dagling natutupad.

                  115

Mula nang hawakan ang pamamahala

Ng liping ang lagay ay naging kawawa,

Kauna-unahang kanyang inihanda

Ay ang mga kawal sa pakikidigma.

                  116

Siya ay nagsanay ng kalalakihang

Pawang binubuo nitong kabataan

Upang maihanda sa pakikilaban

At pakikibuno sa mga kaaway.

                  117

Sino mang tumangging magsanay na lubos

Ay kinikiliti sa leeg at tuhod

Dili kaya nama'y ikinakalabos

At pinakakain ng balat ng niyog.

                  118

Ilang panahon pa'y kinilala na nga

Ng mga kanugnog na bayan at bansa

Ang lakas-militar na kahanga-hanga

Ni Tangkuliweyong sa pakikidigma.

                  119

At nagsimula nang siya ay lumusob

Sa karatig-bayan at mga kanugnog;

Bawa't masalakay ay napaluluhod,

Sa kaniyang nasa'y napabubusabos!

                  120

Kung ano ang palad na kinasadlakan

Ng Liping Kamatis (o Neber-Neber-Mayn)

Ay gayon din halos sa iba pang bayan

Na nabibiktima nitong pagsalakay!

                  121

Kaya nga kumalat ang lagim at sindak

Na dulot ng taong gahaman at sukab,

Kabilang na rito ang sinamang-palad

Na Palasyong Potpot... Ay!  Kahabag-habag!

                  122

Ang bahaging ito'y sandaling iiwan

Sa pagpapatuloy nitong kasaysayan

Upang itong paksa ng ating usapan

Ay doon ibaling sa malayong bayan.

                  123

Ang bayang nabanggit, na ang ngala'y OWAT,

Ay nasa paanan ng bundok MENGOYNGAT;

Ang nasabi namang bundok ay magubat,

Lubhang mapanganib... Ay!  Kaydaming ahas!

                  124

Doon, walang taong mangahas pumasok

Pagka't nabalita iyon sa kilabot

Ay ayon sa mga tsismis kong nasalok,

Walang lumalabas nang buhay sa loob.

                  125

Nguni't isang araw, magdadapit-hapon,

May isang lalaking nagtangkang pumaro'n

Siya'y walang takot at di umuurong

(Kahit ang kalaba'y isang yutang pagong!)

                  126

At sa kalalakad at sa kauusad

Ay kanyang nasapit ang pusod ng gubat

Madilim nang lubos, naglaho nang ganap

Ang araw sa langit na dati’y busilak.

                  127

Kaya itong tao (a, pogi pa naman)

Na tila napagod sa kanyang nilakbay

Ay sa isang puno ng lasing na sitaw

Doo’y isinandal ang katawang pagal.

                  128

Ang lalaki’y agad-agad nakatulog

Bagama’t maraming naglipanang lamok

Ipagtataka mo’y isa-isa halos

Nangagbabagsakan ang lamok na tepok.

                  129

Wala man lang isang nakatikim yata

Ng dugo ng taong mayroon nang muta

Sa lamok na iyon (ito’y pambihira!)

Ang bawa’t madapo’y nangingisay bigla!

                  130

Kayhimbing ng tulog ng lalaking iyon

Pikit pa ang mata at taas ang ilong

Hindi niya alam, sa puno ring yaon

Ay may isang ahas na nakikisilong.

                  131

Ang ahas ay halos singhaba ng poste

Ang pangil ay tulad ng sa  elepante

Kung ito’y magising...Ay naku!  Ay nake!

Kawawang totoo ang lalaking pobre!

                  132

Ang takbo ng oras ay napakabagal...

Ang bawa’t sandali’y panganib ang alay...

(Madali ka, dali!  O taong nilalang!

Bumangon kaagad nang huwag mamatay!)

                  133

Umaga na pala, ang tao’y nagising

Nag-inot-inot pa at nag-iling-iling

Na wari ay tila akala mo mandin

Di pansin ang ahas na kanyang kapiling!

                  134

Tumayo na siya at naglakad-lakad

Hindi na nagising ang putris na ahas!

(Atin ngang lapitan... aba, naku!  Hudas!

Ito ay patay na, bangkay nang matigas!

                  135

Ano kayang meron ang lalaking ito

Na di malapitan ng sama’t peligro?

Lubhang mahiwaga, batbat ng misteryo,

Di kayang arukin ng diwa ng tao!

                  136

Kani-kanina lang ay buhay na buhay

Ang ahas na iyon... ano at namatay?

Ang sagot sa tanong, kung nais malaman

Ay malalaman din pagsapit ng araw.)

                  137

Naglakad-lakad nga ang lalaking iyon

Malayo ang tingin at di lumilingon

Tila hindi pansin sa bawa’t pagsulong

Ang mga panganib na masasalubong.

                  138

Nakita ay isang malinis na batis

Na dinadaluyan ng sariwang tubig;

Huminto sandali, marahang lumapit

Nagpalinga-linga sa kanyang paligid.

                  139

At nang makakita ng basag na bao,

Yaon ay dinampot at ginawang lumbo

Saka isinalok at uminom dito

Kaylamig ng tubig... Ah-ha!  “Que sabroso!”

                  140

Di pa halos tapos sa kanyang pag-inom.

Biglang lamagaslas ang tubig, umalon...

Kaydaming buwaya!  At gutom na gutom,

Siya ang napiling miryendahin ngayon!

                  141

Ang lalaking ito’y ni hindi kumilos,

Hindi sinagihan gamunti mang takot

Sa halip, nag-ekis ng kanya pang tuhod

At pagkakaupo’y lalong pinag-ayos.

                  142

Na tila ba siya ay kukunan yata

Ng litrato (Tsk-tsk!  Sadyang pambihira!)

Aba!!!  Mga b’waya’y biglang nagtahiya...

Nang mapalapit na ay nangisay kusa!!!

                  143

Nangyari ay parang wala ring nangyari

Tumayo na naman ang poging lalaki

At muling lumakad na tulad ng dati,

Tiwalang-tiwala sa kanyang sarili.

                  144

Walang anu-ano ay nagpagaspasan

Ang dahon ng mga nagtayong halaman,

Ilang sandali pa’y napaliligiran

Na siya ng mga kung anong nilalang!

                  145

Sila’y taong-bundok na may kulay uling,

Mapula ang mata at berde ang ngipin

May hikaw sa pisngi, sa teynga–may drowing

(He!!! Baligtad pala ang aking naturing!)

                  146

Sila ay mayroong hawak na sandata–

Tangke at masinggan, dinamita’t bomba’y

Pawang hindi nila tunay na kilala

Dahil armas nila’y plastik na espada!

                  147

Ang lalaki’t tila di rin natatakot

Sa kabila nitong sa kanya’y naglibot

At hindi naglaon, siya’y iginapos...

Nang matauhan na ay nakakalabos.

                  148

Nang malaman ngayong siya’y nakukulong,

Dito ay namutla, nagpagulung-gulong

Saka ubod-todong umiyak, umungol!

(Daig pa ang batang animo ay sanggol!)

                  149

Lubha pa nga’t noong matanaw sa labas

Yaong mga taong nagsisipagpadyak

Nangagsasayawan sa labis na galak

Sa saliw ng tugtog ng tambol na wasak.

                  150

Sa may gawing gitna nila ay may apoy,

May palayok namang doo’y nakapatong

Kaylaking palayok!  Ang naisip tuloy

Nitong tao’y baka siya’y imumurkon!

                  151

Kaya ang pag-iyak ay hindi mapatid

Lalo pang lumakas na tulad sa biik

Hindi niya lubos na alam at batid

Na may kasama s’yang doo’y napipiit.

                  152

“Tumigil ka nga d’yan!” ang sigaw sa kanya

Ng nakabilanggong kaniyang kasama.

Siya ay nagulat, at noong makita–

Nakilala ito na isang dalaga!

                  153

Pagkaganda-ganda ng babaeng ito

Kaya ang lalaki ay medyo nalito,

Di makapangusap, napiping totoo

Mistulang estat’wang hawig sa rebulto!

                  154

Nang pagsaulian ng sariling malay,

Matamis na ngiti yaong hinayaang

Sa kaniyang labi ay mapalarawan

At ito’y ginanti ng babae naman.

                  155

“Bakit ka narito?” ang tanong sa kanya

Ng babaeng iyon na ubod ng ganda,

Ang lalaki nama’y tumugon pagdaka

At isinalaysay ang buong istorya:

                  156

“Ang pangalang binyag ng tatay ko ay PENG

Nguni’t ang palayaw na tawag sa akin

Ay... KUNKURILELENGLILOTUYIBEHEM-

TIBIKAWTUYAKATLILULIMIHEYENG.

                  157

“Ako’y isang Pinoy sa puso at diwa

At anak-mahirap, ‘sang kahig, ‘sang tuka

Nagmula sa bayan ng TAOBTIHAYA,

Sakop ng TAGILID, malapit sa GITNA.

                  158

“Ako’y ulila na sa ama at ina

At kailan lamang, ako’y iniwan pa

Noong aking lolo pagka’t pumanaw na

(Ang lolo kong ito’y asawa ni Lola).

                  159

“At siya ay bago tuluyang pumanaw,

May isang pamanang sa aki’y iniwan,”

At ipinakita ang k’wintas, kasabay

Ang muling pagluha at paglulupasay.

                  160

“Narito ang tanging munting alaalang

Naiwan sa akin, at ayon sa kanya,

K’wintas raw na ito’y lubhang naiiba...

Ito raw’y agimat na kanya pang mana.

                  161

“Ito kaylan pa ma’y di ko inaalis

Sa aking katawan kahit na sasaglit

Katulad rin naman ng saplot kong damit

Na kayamanan kong tanging masasambit.

                  162

“Mabisa ngang tunay ang bigay na k’wintas

Ng mahal kong lolo, isa ngang agimat

Kung kaya sa akin ay lubhang mailap

Ang mga panganib sa alin mang landas.

                  163

“At akin lang lubhang ipinagtataka

Ay kung bakit ito’y pumaltos kanina

Nang ako’y dakipin at dito’y dinala

Niyang mga taong sa mukha’y may pinta!

                  164

“Ito ang dahilan kung bakit umiyak

Ako nang lubusan sa tindi ng habag

Sa buong buhay ko’y gamunti ma’t kagyat,

Ang gawang mabigo’y ngayon lang naganap!”

                  165

Siya ay suminghot at luha’y pinahid,

At ang katanungan nama’y ibinalik

Doon sa babaeng kasamang napiit

Na ang  naging tugon ay pawang pasakit.

                  166

Aniya’y tumakas siya sa palasyo

Na ang ngala’y Potpot, at napadpad rito,

At nadakip naman nitong mga tao,

Saka ikinulong may ilan nang linggo.

                  167

Sinabi rin niya kung bakit tumakas

Doon sa palasyo na ngayon ay bihag

Ni Tangkuliweyong na totoong sukab

At ang kasamaan sa buto ay sagad!

                  168

Subalit kaniyang inilihim kay Peng

Na siya’y prinsesa, at sa halip mandin

Ay nagbalatkayong anak ng alipin

Doon sa palasyong Potpot kung tawagin.

                  169

Ang usapan nila ay biglang napatid

Ng mga sigawang kulog ang kawangis

Ang may-ari niyo’y natakbong palapit

Sa dalawang bihag na di umiimik.

                  170

At silang dalawa’y kanilang kinuha

Upang sa palayok ay maisalang na

Nag-utos ang Datu na ang una muna

Ay yaong lalaki, bago ang dalaga.

                  171

Kaya kinalag na ang kaniyang gapos

At saka hinubad ang damit na suot

Ah, inalis na rin pati ang sapatos

At lahat ng kanyang kasuotang saplot.

                  172

Walang anu-ano’y biglang nagkagulo

At nangagpulasan ang lahat ng tao

Hanggang sila’y pawang natumba’t nahilo...

At namatay lahat, pati na ang Datu!

                  173

Nang makita ito’y kaagad nagbihis

Si Peng, pagkatapos ay kanyang pinatid

Ang gapos ni Takya, at sila’y umalis

Tumakas nga sila nang nagmamabilis!

                  174

Katuwaan ni Peng ay gayon na lamang

At yaong kuwintas ay tuloy nahagkan.

“Mabisang talaga,” ang kanyang naturan,

“Itong agimat kong makapangyarihan!”

                  175

Nang sapitin nila ang labas ng gubat

Nagpahinga muna sa lilim ng duhat

Sa pamamahinga ay muling nag-usap

Saka nagbalangkas ng maraming balak.

                  176

Sila’y magbabalik sa palasyong Potpot

Upang mailigtas sa pagkakakubkob

At masagip yaong reyna’t Haring Boknok

Kay Tangkuliweyong na masamang loob.

                  177

Gabi na nag sila’y makasapit roon...

Ah, may kasayahang ginaganap noon

Dahil kaarawan ni Tangkuliweyong,

Nagdiriwang sila at nagsisiinom.

                  178

“Huwag kang mangamba, ako ang bahala!”

Yaong wika ni Peng kay Prinsesa Takya,

At sila’y pumasok na roon pagdaka...

Si Peng–walang takot, matapang na sadya!

                  179

“Tigil!” yaong sigaw ng kawal na bantay,

“Ano ang sadya n’yo at ano ang pakay?”

“Kami’y naparito upang sumalakay!”

Ang s’yang tugon naman ni Peng na mayabang.

                  180

Nang malaman ito ay sinumpit sila

Ng bantay na kawal na tanod rin pala!

Kaagad umilag, tumakbo ang dal’wa

Kung kaya ang kawal ay nagsisigaw na.

                  181

“Nilulusob tayo ng mga kaaway!!!”

Ang kaniyang sigaw na ubod nang linaw

At yaong babala ay agad nalaman,

Ang mga trumpeta’y kanilang hinipan.

                  182

Dito ay natigil yaong pagdiriwang

At nagsipaghanda ang lahat ng kawal

Si Tangkuliweyong ay agad rin namang

Gumayak sa isang bagong paglalaban.

                  183

“Sino kayang taong walang pag-iisip

Ang lulusob ngayon at makikitagis?

Kung sabagay, ako’y malaon nang inip

Sa pakikidigma,” ang kanyang nasambit.

                  184

“Nahuli po namin ang dalawang ito!”

Ang sigaw ng kawal na panot ang ulo

Kasama ng ibang kawal ng palasyo

Na di kukulangin sa bilang na husto.

                  185

Nagkaharap na nga ang bidang magiting

At ang kontra-bidang pusakal at sakim!

Ano kaya ngayon yaong sasapitin

Sa sandaling itong nalipos ng lagim?

                  186

“Sino kang pangahas na dito’y pumasok?”

Ang tanong sa kanya ng taong balakyot

Si Peng nama’y agad nagbigay ng sagot,

“Ako’y isang taong walang pagkatakot!”

                  187

“Aha!  Matapang ka!” ang wika sa kanya

Ni Tangkuliweyong na medyo natawa,

“Kung gayon, humanda sa aking parusa...

A... Kawal!  Sunugin ito nang buhay pa!”

                  188

Si Peng, sa narinig, ay napahalakhak

Sinabi pa niyang “Hala... Gawin agad!!!

Kahit na sa apoy, ako’y walang gulat

Pagka’t katawan ko’y hindi magliliyab!”

                  189

Sa sinabing ito’y nagbago ng isip

Si Tangkuliweyong na tila nainis,

“Kung gayon,” ang utos, ay ipahagupit

Nang apat na milyon at kal’hating ulit!”

                  190

“Yahuhu!” ang tawa ni Peng pagkatapos,

“Madali!  Ako nga’y inyong ipabugbog

Nguni’t baka naman una pang manlambot

Ang inyong berdugo’t manakit ang likod?

                  191

“Pagka’t ako’y hindi maaaring sak’tan

Ha-ha-hay!  Hay!  Manhid ang aking katawan!”

Si Tangkuliweyong ngayo’y lalo namang

Namula sa galit, nag-asal halimaw!

                  192

May isang lumapit kay Tangkuliweyong

Saka pagkatapos ay may ibinulong

Bago’y nilapitan si Peng na umurong,

At saka hinablot ang k’wintas ng buhong! 

                  193

A, gayon na lamang yaong pagkabigla

Ni Peng na pagdaka’y nagmukhang tulala!

Siya’y pinawisan nang saganang sadya

At ang panginginig ngayo’y nahalata!

                  194

“Ye-ye-yey!” ang tawa ni Tangkuliweyong

“Hala, kaibigan!  Magyabang ka ngayon!

Narito ang iyong agimat na putol

Na siyang sa iyo’y marapat magtanggol!

                  195

“Kawal!  Ito ngayon ang aking parusa

At parusang ito’y di mababago pa:

Bihag ay alisan ng mga suot n’ya

At saka ihagis sa dagat pagdaka!”

                  196

Nang marinig ito’y lalo pang nagimbal

Si Peng, sabay luhod sa harap ng kawal,

“Parang awa mo na, hatol ay palitan

Gawin na ang lahat, huwag lamang iyan!”

                  197

“At batyit?” ang tanong ni Tangkuliweyong,

“Dahil ba sa di ka marunong lumangoy?

O natatakot kang mamatay na ngayon,

Pagka’t agimat mo’y di makatutulong?”

                  198

Si Peng ay sumagot, “Hindi dahil diyan

Pagka’t ako’y hindi takot na mamatay!

Nguni’t ang parusang iyong ipinataw

Hanggang maaari’y mangyaring palitan!

                  199

“Di rin dahil ako ay hindi marunong

Ng sinasabi mong gawaing paglangoy...

Ay, walang halagang malunod man ngayon,

Nguni’t kung pup’wede, hatol mo’y iurong!”

                  200

“Kung gayon ay batyit?” ang tanong sa kanya

Ni Tangkuliweyong nang may pagtataka.

Si Peng ay sumagot pagdaka sa kanya,

“Kung sasabihin ko’y mahabang istorya...

                  201

“Gayon man, ang tunay na kadahilanan

Ay ito: Magmula nang ako’y isilang

Kaylan man ay sadyang di pa naranasang

Dampian ng tubig ang aking katawan.

                  202

“Hindi naliligo mulang pagkabata

Kung kaya sa tubig, takot akong lubha!

O Tangkuliweyong... para mo nang awa,

Ang iyong parusa ay baguhin nawa!”

                  203

Sa sinabing ito ay pinagtawanan

Ni Tangkuliweyong ang kanyang kaaway.

Yay-ha-hay!  Kung gayon, aking kaibigan,

Parusa ko’y lalong hindi pipigilan!

                  204

“Bah, marapat ka ngang magpasalamat pa

Sa kabaitan ko’t malasakit, di ba?

Nang dahil sa akin, makatitikim ka

Ng unang paligo!  N’ya-ha-ha!  Hay!  Ha-ha!”

                  205

“Kung gayon,” ang sabi ni Peng na nalumbay,

“Ako’y meron sanang huling kahilingan:

Bago ang buhay ko’y tuluyang pumanaw,

Makausap muna ang kasamang hirang.”

                  206

Si Tangkuliweyong ay tumango lamang

Hudyat na si Peng nga ay pinapayagan.

Siya ay bumaling sa dalagang hirang

Nang upang mag-alay ng pamamaalam.

                  207

“Takya, kung sakaling ako ay wala na,

Tandaan mo sanang INIIBIG KITA.

Pag-ibig na ito’y nadama kanina

Nang kagandahan mo ay unang makita.

                  208

“Ang buhay ko rito’y oo nga’t may wakas

Pag-ibig sa iyo di naman kukupas...

Oo, mahal kita, sinta, irog, liyag...

Isang pagmamahal na dakila’t wagas.”

                  209

Si Takya’y tumugon, “O Peng!  O, aking Peng!

Mahal ko rin ikaw, sinta ko at giliw!

Kahit di ka goli, pogi ka sa akin

Sayang at ganito’ng naging palad natin!”

                  210

Ang nag-iibiga’y magyayakap sana

Subalit ang kawal ay naiinip na

Kaya nga inawat na silang dalawa

Upang maigawad ang takdang parusa.

                  211

Siya ay dinalang may hapis at lungkot

Sa dalampasigan ng dagat POYIPOT

Nang sapitin iyon, may isang nag-utos

Na kalagin muna ang lubid na gapos.

                  212

Dagdag pa ng kawal, “Alisan ng saplot

Nang ang pagpaligo ay lalong malubos!”

At nasunod naman ang kaniyang utos,

Hinubdan nga si Peng ng lahat n’yang suot.

                  213

Naunang inalis ang kanyang sapatos

Na lumang-luma na at pudpod na pudpod

(Sapatos na yao’y mula nang isuot

Wala nang hubaran hanggang sa mabulok.)

                  214

O ano’ng himala!  Nang ito’y maalis,

Natambad ang MEDYAS niyang DE COLORES

Tadtad pa ng BUTAS, at amoy tawiles

Na mayro’ng bagoong at panis na pawis!

                  215

Sa tindi ng amoy na umalingasaw

Ay pawang namatay ang naroong kawal

Katuwaan ni Peng ay gayon na lamang

Sapagka’t ang kanyang paligo’y nabalam.

                  216

Siya ay bumalik doon sa palasyo

Binitbit na lamang ang sapatos nito

Naglakad na lamang, dahil ang kabayo,

Noong sakyan niya’y totoong nahilo!!!

                  217

Nang makita siya’y nilusob kaagad

Ng iba pang kawal – Naku!  Sangkatutak!

Nguni’t nang maamoy ang suot na medyas,

Isa-isa silang natumba, nanigas!

                  218

Hinanap n’ya ngayon si Tangkuliweyong;

Sa kaniyang silid ay doon natunton

At tangkang halayin ang sintang pinoon

Kaya galit niya’y natulad sa leon!

                  219

Inambaan niya ng karate’t kung-fu

Si Tangkuliweyong na sukab at lilo

Nguni’t hindi pa man sila nagtatalo,

Ang kalaban ni Peng, agad nang naliyo!

                  220

Nagwakas ang kanyang mga kabuktutan

Kasama ng buhay na kaniyang taglay.

Nagkayakap naman sa kaligayahan

Si Takya at si Peng na nagmamahalan.

                  221

“Ang tapang-tapang mo!” ang wika ni Takya,

“Kaydaming kaaway na ‘yong pinadapa!”

“Giliw ko,” ang tugon sa kanya pagdaka,

“Sa nangyari’y hindi ako ang may gawa.

                  222

“Ang lahat ay dahil sa butas kong medyas

Na mula at sapul ay di hinuhubad.

Nguni’t hintay... Sila dito’y nagsibagsak

Maliban sa iyo, o Takya kong liyag!”

                  223

Ngumiti si Takya na ito ang tugon:

“Mangyari’y mayroong sipon ako ngayon

Kung kaya mahina ang aking pang-amoy...

Ay, ikaw rin, bakit di ka napagulong?”

                  224

“Paano ay akin ang medyas na ito

Kung kaya sa amoy ay sanay na ako!”

Ang sagot sa kanya, at inalis nito

Ang medyas sa paang mero’n pang kulugo.

                  225

Aniya, “Ang butas na medyas ko ngayo’y

Yamang di kaylangan, dapat nang itapon.”

Saka inihagis, at ito’y humantong

Nang di sinasadya sa may gawing silong.

                  226

Maya-maya, sila’y mayroong narinig

Na mga sigawang nangakatutulig

Kanilang tinunton kung nasaang panig

Nagmumula yaong malakas na boses.

                  227

Sa gawing ilalim ng palasyo pala

Doon nakukulong ang hari at reyna

Sampu niyong kawal at mga kasama

Na kung mamalasin ay bagong gising pa.

                  228

Agad na binuksan ni Peng ang pintuan

Nitong bilangguan, nang may kasiyahan

Si Takya’y niyakap ng Hari n’yang tatay

Gayon din ng Reynang ang mata’y luhaan!

                  229

At isinalaysay nitong Haring Boknok

Kung paanong sila’y pawang nakatulog

At kung paano ring nagising na lubos

Sa tindi ng amoy ng kung anong bulok.

                  230

Sila’y nagsialis doon sa piitan

At nagsipaghanda nitong pagdiriwang

Nag-utos ang Haring lahat... anyayahan

Upang masaksihan itong kasayahan.

                  231

Sumagot si Tenggoy, “Di na po kaylangan.”

Nagtanong ang Hari, “Aba, bakit naman?”

“Kasi po,” ang tugon, “Bukas na ang araw

Niyong paligsahang inyong ibibigay.

                  232

“Kaya bukas rin po ay magsisidating

Ang mga prinsipeng pawang magigiting

Na kung saan-saang kaharian galing

Bilang paunlak po sa anyaya natin.

                  233

“Nalimot na baga, Hari naming mahal,

Ang nasabi ninyo kamakailan lang

Na Prinsesa Takya ay ipakakasal

Sa sino mang doo’y magwawaging tunay?

                  234

“Kaya nga hindi na kakailanganin

Ang mag-anyaya pa niyang panauhin

Ang marapat na lang ay ating hintayin

Yaong nagnanasang kayo’y biyenanin.”

                  235

Ang sabi ng Hari, “He’nga pala naman!

Muntik ko na tuloy na makalimutan!”

“E, Tatay...” ang wika ng prinsesa naman,

“Si Peng po at ako ay nagmamahalan.”

                  236

“Ano?  Ano kamo?!!” ang tanong sa kanya

Ng mahal na Hari at asawang Reyna,

“At sino iyang Peng na iyong nakuha?

Tila pogi nguni’t mistulang basura!”

                  237

“Siya po,” ang sabi ni Takya sa ama,

“Ang siyang nagligtas sa inyo kanina

At ang buhay ko rin ay utang sa kanya,

Pati ang pag-ibig na ipinadama.”

                  238

Ang sabi ng Hari, “Anak, di ko nais

Na panghimasukan ang iyong pag-ibig

Kung siya ang tunay na tibok ng dibdib,

Ako’y hindi tutol, gawin mo ang ibig.

                  239

“Datapwat, subalit, kaya lamang, pero

Nguni’t may problemang ibubunga ito:

Sa mga prinsipeng magsisiparito,

Pagpapaliwanag kaya ay paano?

                  240

“Pagka’t sila’y pawang dito’y magpupunta

Na taglay sa puso ang isang pag-asa

Na ikaw nga, iha, ay mapangasawa

At saka magmana ng aking korona.

                  241

“Paano kung biglang kanilang mabatid

Na nakasangla na ang iyong pag-ibig?

Hindi nga malayong kanilang maisip

Na nagsinungaling itong aking bibig!”

                  242

Si Peng ay nagwika, “Mawalang-galang na;

Nais kong tumulong sa inyong problema.

Upang dangal ninyo’y hindi magkamantsa,

Ang sasabihin ko ay pakinggan sana:

                  243

“Kahit na po itong puso ng prinsesa

Ay akin nang tunay, kung kailangan pa

Na ito’y daanin sa pakikig’yera,

Handa kong isugal ang abang pagsinta!

                  244

“Ililihim nating tulad ng sikreto

Ang pag-iibigan namin ng anak n’yo

At magkukunwari na lamang po ako

Na gaya rin nilang laang makitalo.”

                  245

“Hintay, aking mahal!” ang sabi ni Takya,

“Mamamatay ako pag iya’y ginawa,

Kung ikaw’y masawi, paano na kaya

Ang abang buhay kong iiwang ulila?”

                  246

“Huwag kang mangamba,” sabi ni Peng naman

“Sasandatahin ko’y ang ‘yong pagmamahal

Di pababayaan ng Poong Maykapal

Ang sino mang tapat na nagsusuyuan.”

                  247

Kaya gayon na nga ang nabuong balak

Nitong mag-aama’t ni Peng na matatag

At muling lumipas ang buong magdamag

Sumapit ang araw na kasindak-sindak.

                  248

Lahat halos yata niyong mamamayan

Ng bansang Bururus ay nagsidatingan

Sa palasyong Potpot upang masaksihan

Itong paghaharap ng pawang matapang.

                  249

Naghintay ang Hari, Reyna at Prinsesa

Sa mga prinsipeng handang makibaka

Maging mga taong nangaiinip na

Ay nag-aabang din nang nakanganga pa!

                  250

Nang magtipon doon ay umaga pa lang,

Ngayo’y malapit nang lumubog ang araw

Subalit ni isa’y wala pang nadatal

(Alam ko ang sanhi, nguni’t di ko alam.)

                  251

Ang totoo’y ito (kahit di totoo):

KAGABI, sa labas ng abang palasyo

Nagkatipun-tipon nang nagsiparito

Ang mga prinsipeng handang makitalo.

                  252

Sila ay tunay ngang pawang magigiting

Hindi natatakot sa ano ma’t alin

Pumanaw ay handa, handa ring kumitil

Lalo’t ang kapalit ay prinsesang giliw.

                  253

Nguni’t nang naro’n na’t nagkasama-sama

May nakapagsabi naman sa kanila

Tungkol sa naganap na pakikibaka

Ng isang lalaking matapang talaga.

                  254

Ayon sa balitang kanilang narinig,

Kaydami ng buhay na kanyang napatid.

Ang mga prinsipe ay pawang nagkibit

Lamang ng balikat at nangagsingibit.

                  255

Nguni’t nang mabanggit ang hinggil sa MEDYAS

Na pag-aari nga ng taong nabunyag,

Ang mga prinsipe ay agad nagyakag...

Nabakla ang puso at biglang naduwag.

                  256

Kaya hindi na nga nagpaumaga pa

Ang mga prinsipe ay nagsiuwi na

Sa takot na sila’y baka mapasama

Sa naging biktima ng MEDYAS na bida!

                  257

Sa pag-aakalang sila’y di dumating,

Ang mahal na Hari’y nagsalita mandin,

“Mga kababayan–Ledis en d’yentelmen

Ako ay pakinggan wayl ol ob yu lisen:

                  258

“Yamang wala yatang nais makibaka

Upang kamtin yaong puso ng prinsesa

Ay narito ngayon itong aking pas’ya:

Si Peng ang kaniyang mapapangasawa!

                  259

“Kaya hayo’t ating ipagdiwang lahat

Ang kasal ng aking mabait na anak

At ipagsigawan ang pasasalamat

Sa Poong Maykapal na Tagapagligtas!”

                  260

Mga taong bayan ay pawang nagalak

“Mabuhay!” anila, “si Takyang marilag!

Mabuhay rin si Peng!  At higit sa lahat,

Mabuhay!  Mabuhay ang BUTAS NA MEDYAS!”

                  261

    Mga kaibigan,

        ito na ang wakas

    Nitong kasaysayan

        ng BUTAS NA MEDYAS

    Ang ARAL na nais

        nitong ipahayag.....

    “MATUTONG MAGTIPID

        NANG TAYO’Y UMUNLAD!!!”

​

​

             – Wakas –

​

​

Rafael A. Pulmano

March 22, 1976

Biñan, Laguna

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link