PAG ANG PUSO’Y NAPUSOY

ni Rafael A. Pulmano

​

​

​

​

​

P A G H A H A N D O G

​

Ang kwentulang ito ay inihahandog ko sa aking pinsan

​

ROD ALONDE 

​

                             ~ Rafael A. Pulmano

​

  

​

​

ALL RIGHTS PRESERVED. Keep refrigerated. Ingredients:

Sugar, food coloring, honey, sweetheart, darling, etc.

​

​

PAG ANG PUSO’Y NAPUSOY

​

                 1

Laganap ang dilim sa ka-Maynilaan

Palibhasa, noon ay brown out na naman

Sa bahaging ito ating sisimulan

Itong kasaysayan ni PEPONG at MENDAY.

                  2

Si Menday ay isang magandang dalaga

Saksakan ng ganda sang-ayon sa kanya

Mayroon lang siyang malaking problema:

Baligtad ang kuko ng kaniyang paa.

                  3

Sinubok na niyang patingnan sa duktor

At sa arbularyo ang problemang iyon

Ang duktor at saka arbularyo ngayon

Naro'n pa sa loob niyong Mandaluyong.

                  4

Marami ring ibang ispesyalista pa

Ang nilapitan n'ya para pakunsulta

Ah, sila, di tulad ng mga nauna,

Sa ngayon ay pawang nananahimik na.

                  5

Subalit si Menday ay hahangaan mo

Dahil kahit gayon ang kaniyang kuko

Di siya katulad ng iba sa mundo

Na pag may problema'y nagsisintimyento.

                  6

Palibhasa, siya'y mahusay magdala,

Di mo mabibistong masagwa ang paa

Sa bahay, palengke, disko at kalsada,

Siya'y makikitang laging nakabota.

                  7

Iyan ang dahilan kung bakit kay Menday

Ay pila-pila rin ang ibig manligaw

At isa sa kanyang tagahangang tunay

Ay itong si Pepong na kapitbahay lang.

                  8

Kaya lang, si Pepong na pogi pa naman

Wag lang tititigan nang pangmatagalan

Ay meron din namang problema sa buhay:

Ang kaniyang likod ay nasa harapan.

                  9

Kung anu-ano na ang ginawa niya

Upang malunasan ang abang problema

Naroong pamisa siya't magnobena

Sa Ongpin, Angeles, Mabini't Ermita.

                  10

Nguni’t siya'y bigo, di rin nalunasan

Ang problema niyang di na makayanan

Kaya naisipang mag-Saudi na lamang

Sa nasang magbago ang takbo ng buhay.

                  11

Isang gabi, bago tuluyang lumisan

Para nga tumulak sa patutunguhan,

Nagpunta si Pepong upang magpaalam

Kay Menday na sinta at aliw ng buhay.

                  12

Ang nais ni Pepong ay maisiwalat

Ang laman ng pusong ibig sumambulat

Bago man lang sana mawalay sa liyag,

Makamtan ang "Oo" na pinapangarap.

                  13

Tiniyak ni Pepong na itsura niya

Ay makakaakit sa mutyang dalaga

Bukod sa pabango at saka pomada,

Naglagay rin siya ng polbo sa teynga.

                  14

Ang kaniyang kuko ay linis na linis

Ang gupit ng buhok - kulot na patulis

Terno ang sapatos, pantalon at damit

Terno rin ang ilong na animo'y ipis.

                  15

May ilang oras ding nag-ensayo siya

Sa harap ng munting salaming basag pa

Ng dapat sabihin kapag nagtapat na

Kay Menday na tanging buhay at pag-asa

                   16

Ang kaso, pagsapit niya sa tahanan

Ng dalaga niyang pinakamamahal

Naro'n din ang iba niyang manliligaw

Na si Pol, si Natoy, at saka si TOKLAY.

                 17

Sa tatlong nabanggit na mga karibal

Pinakamasugid ay itong si Toklay

Anak ng tatay n'ya at ng kanyang nanay,

Pinakamayaman sa dami ng utang.

                  18

Si Toklay ay tapos niyong Abugasya

Nguni’t sa Bar Exam ay hindi pumasa

Tatlong ulit siyang nagtangkang kumuha

Hindi rin pinalad na magkalisens'ya.

                  19

Di siya nawalan agad ng pag-asa

Kada may iksamen, kumukuha siya

Hindi nga nagtagal ay nagkalisens'ya

Ngayon ay ganap na siyang kumadrona.

                  20

Bukod sa nadatnan ni Pepong sa bahay

Ang tatlong kaagaw sa puso ni Menday,

Nataon pang oras noon ng hapunan

Pamilya ni Menday ay nagkakainan.

                  21

Ang pagkain nila ay nilagang talong,

Nilagang kamote, nilagang bagoong,

At saka nilagang buntot ng galunggong,

At nilagang ubas, mansanas at litson.

                  22

Ang mga binatang pawang mapoporma

Ay inanyayahan na kumain muna

Nagpaunlak naman ang apat, anupa

At pati ang pinggan ay naubos nila.

                  23

Matapos kumain at makapagtinga

Ang mga bisita'y nag-iskrabol muna

At nagkasarapan hanggang sa umaga

Kaya doon na rin nag-almusal sila.

                  24

Inabot rin doon ng pananghalian

Ang apat na mukha'y pawang makakapal

Biglang naalala ni Pepong ang araw

Na iyon ang araw ng kanyang paglisan.

                  25

Kaya dali-daling nagpaalam siya

Hindi na nasabi tuloy sa dalaga

Ang laman ng dibdib pagka’t aalis na

Upang magtrabaho sa Saudi Arabia.

                  26

Sa pagmamadali na baka maiwan

Niyong eroplanong kaniyang sasakyan

Mga dapat niyang dalhin sa paglisan

Ay di naihanda ni munti man lamang.

                  27

Anupa't ang laman lamang ng bagahe

Na dala ni Pepong sa pagbibiyahe

Ay iisang damit, sipilyo, istante,

Tokador, pridyider, betamaks at T.B.

                  28

Yaong eroplano'y lilipad na halos

Nang dumating itong si Pepong sa airport

Mabuti, piloto'y biglang napautot

Medyo naantala tuloy ang pag-take off.

                  29

Lumulan si Pepong na di nalalaman

Ibang eroplano ang kanyang nasakyan

Kung kaya ang bansa niyang napuntahan

Ay hindi sa Saudi kung hindi sa Saipan!

                  30

Sa Saipan, si Pepong ay nagkatrabaho

Bilang isang tsuper ni Dyeyem Dyelelo

Si Dyeyem Dyelelo'y isang Amerkano

Na kaliwang mata'y akala mo k'wago.

                  31

Mataba at usli sa laki ang tiyan,

Mayaman, mahigpit, laging nakasigaw,

Mainit ang ulo sa kaunting bagay

Kaya buhok niya ay naglalagpakan.

                  32

Si Dyeyem ay bukod sa siya'y mapera,

Makapangyarihan at may impluwens'ya

Wala siyang ibig na hindi nakuha

At walang ginustong di napasakanya.

                 33

Isa pa, maraming sa kanya ay takot

Kaya natutupad ang bawa’t iutos

Kahit minumura pag nakatalikod,

Kagustuhan rin n'ya ang s'yang nasusunod.

                  34

Sobrang suspitsoso, napakatsismoso,

Siya raw ay isang debotong Krist'yano

Di raw sinungaling, di raw nanloloko,

Pero daming galit sa kanya na tao.

                  35

Ang kanyang ekspres'yon kapagka nagalit

Ay "Bullshit!", "Gaddammit!", at "Don't give me that shit!"

Tingin sa sarili'y laging nasa mat'wid

At ang kanyang kapwa ay minamaliit.

                  36

Ang trato sa tao'y tila kasangkapan

Ginagawa kahit ano'ng maisipan

Pag nakayamutan o pinagsawaan

Tanggal sa trabaho, uwi na sa bahay.

                  37

Subalit si Dyeyem, kahit siya ganyan,

Labis ang pag-ibig sa kaniyang nanay

Gagawin ang lahat kapag alang-alang

Sa kaniyang inang pinakamamahal.

                  38

Iyan nga ang amo ni Pepong sa Saipan

Nguni’t siya nama'y walang pakialam

Pagka’t sahod niya ay dolyar, okey lang

Ang lahat ay handa niyang pagtiisan.

                  39

Kaya kahit tsuper ang kanyang trabaho

Sunud-sunuran lang at walang reklamo

Naroong utusan siyang magbarbero,

Tubero, minero, pati inidoro.

                  40

Sinikap ni Pepong na mapaglingkuran

Sa abot ng kaya ang among dayuhan

Araw-araw halos ang kanyang overtime

May pasok rin kahit na pistang opisyal.

                  41

Pitong araw siya sa buong 'sang linggo

Na nagtatrabaho nang walang reklamo

Batid n'ya noon pang bago naparito

Ang gawang mag-abroad, sadyang sakripisyo.

                  42

Tiniis nga niya ang lahat ng hirap

Lahat ng salita ay kanyang tinanggap

Sapagka’t si Pepong ay merong pangarap

At ito ang susi para nga matupad.

                  43

Nakapagbibigay rin namang pag-asa

At tibay ng loob si Menday na sinta

Na ang mga liham tuwing nababasa

May hatid na tuwa, aliw at ligaya.

                  44

Naging magka-pen pal sila nang matagal

At itong si Pepong na naro'n sa Saipan

Ay wala ng ibang pinananabikan

Kundi ang pagdating ng liham ni Menday.

                  45

Sa buong panahon ng pamamalagi

Sa isla ng lungkot at pamimighati

Si Menday kaylanman ay nananatili

Niyang inspirasyong pinakamimithi.

                  46

Subalit kay Dyeyem ay maraming sipsip

At dito kay Pepong ay maraming inggit

Di sila mapirmi, hindi matahimik

"Kaylangan," anila, "si Pepong maalis!"

                  47

Sari-saring sumbong ang ipinarating

Kay Dyeyem Dyelelo para s'ya sirain

Kesyo si Pepong raw ay hindi na virgin,

Di raw naliligo, may anghet, maitim!

                  48

Dahilan sa sumbong na hindi totoo

Ay napag-initan ni Dyeyem Dyelelo

Si Pepong na hindi alam kung paano

Nangyaring nagalit sa kanya ang amo.

                 49

Nang di na matiis ni Pepong ang galit

Ng kaniyang among sa kanya'y nainis

Naipasya niyang dapat nang umalis

Bago maunahan siyang mapatalsik.

                  50

Si Pepong ay merong tapat na kaybigan

Ang pangalan - MIYI, galing sa Cook Island

Siya ang madalas niyang pagtapatan

Kapag may problema si Pepong sa buhay.

                  51

Miyi Tekamuna ang buong pangalan

Malaking lalaki, talbog ang katawan

Ang itsura niya'y mabagsik, matapang

Subalit ang puso'y singlambot ng suman.

                  52

Trabaho ni Miyi'y kumain ng apoy

Ang kanyang libangan, maglaro ng pusoy

Mahilig sa saging na gaya ng unggoy

At sobrang mabiro, akala mo kenkoy.

                  53

Tumakas si Pepong sa tulong ni Miyi

At kung ilang araw na siya'y nagkubli

May isang pamilyang mabait, mabuti

Kumupkop sa kanya upang di mahuli.

                  54

Kumupkop sa kanya'y isang Karolinyan

Na PEDRO TETANO ang buong pangalan

Nakapag-asawa ng magandang Pinay,

PATRICIA KABUTE naman kung turingan.

                  55

Si Pedro Tetano'y sunog na matibay

Si Patricia nama'y subok na madaldal

Tamis ng samahan nila at suyuan

Daig ang asukal na laging may langgam.

                  56

Libangan ni Pedro'y "mag-beer muna tayo!"

Hilig ni Patricia'y magsayaw sa disco

Sila'y matulungin sa kapuwa tao

Lalo na sa mga inapi sa mundo.

                  57

Sa tulong din nila'y muling nakakuha

Ng ibang trabaho si Pepong pagdaka

Bilang tagapulot ng mga basura

Sa magandang isla nitong Manyagaha.

                  58

Doon nakasama ni Pepong ang pinsan

Niyang matagal nang naroon sa Saipan

NINO kung tawagin ng mga kaybigan

(Nino Muhta yaong buo n'yang pangalan.)

                  59

Si Nino'y makisig pag di tinitingnan

Matangkad pag siya'y may silyang tuntungan

Mabait kung tulog at kahit gising man

At sobrang tahimik pag di dumadaldal.

                  60

Bukod sa matagal na siya sa Saipan

Si Nino'y mayroong sariling sasakyan

Na malaking tulong, kahit second-hand lang

Sa mga kasamang mahilig manghiram.

                  61

Sa tulong ni Nino at ng kanyang kotse

Nalibot ni Pepong ang Saipang mabuti

Nasaksihan niya't natantong mabuti

Ang buhay ng kapwa Pilipinong api.

                  62

Kung tawagin sila'y alien contract workers

Trabaho ng iba'y sa gitna ng init

Ang sahod kung minsa'y di pa minimum wage

Ang tinutulugan, barracks na masikip.

                  63

Maraming lalaki ang nasa construction

Babae'y sa garments factory naroon

Mayroon din namang sa club napahantong

Naghuhubad para kumita ng "datung".

                  64

May minamalas pang ang napapasukan

Ang gusto ng amo ay laging overtime

Nguni’t yaong oras dinadaya naman

O, lalong masaklap, di binabayaran.

                 65

Iba palibhasa ay kapos sa aral

Bait lang at sipag ang tanging puhunan

Takot magreklamo, nagtitiis na lang

Baka mapa-deport pag nakainitan.

                  66

Nasa ibang bansa'y busabos ang turing

Sa sahod, tirahan, maging sa pagkain,

Sa nasang kumita ng dolyar, alipin

Ang labas ng isang Pinoy contract worker.

                  67

Sa kabilang dako'y may sinusuwerte

May sumusuweldo ng sadyang malaki

May magandang bahay, minsan pa'y pakotse

Nakapag-iipon ng perang marami.

                  68

Meron namang ibang sa tagal na rito

Nakapagtayo na ng kanyang negosyo

Mayro'ng naging I.R. (kasal sa Merkano)

O kaya'y resident o citizen nito.

                  69

Sabihin mang malas o kaya'y mapalad

Maraming patuloy pa ring nangangarap

Na makapag-abroad dahil lalong hirap

Ang buhay sa Inang Bansang Pilipinas!

                  70

Samantala, ating balikan si Menday

Na hanggang sa ngayon ay hindi malaman

Kung sino sa apat niyang manliligaw

Ang iibigin n'ya nang panghabang-buhay.

                  71

Ito kayang si Pol na kulay ay sunog?

O si Natoy kayang nahagok pag tulog?

Si Toklay na mukhang pilipit na suyod?

O si Pepong kayang harap, nasa likod?

                  72

Naisip tuloy n'yang mahirap din pala

Ang sobrang maganda (sang-ayon sa kanya)

Problema ang pangit, maganda'y problema

Mabuti pa silang ang mukha ay bura.

                  73

Para di gaanong mag-isip si Menday

Naghanap na muna ng paglilibangan

Siya'y nagnegosyo, na tumakbo naman,

At doon naukol ang kanyang isipan.

                  74

Nagpatayo siya ng munting pabrika

Ang gawang produkto'y sandal na bonita

Umorder ang Zenco, Shoe Mart at si Gina,

Nalibang na siya ay meron pang kita.

                  75

Sa simula siya'y pinagtatawanan

Ng mga tsismosa niyang kapitbahay

Nguni’t nang lumago ang kanyang puhunan

Mga pintasera ay nagtahimikan.

                  76

May kat'wiran namang magtaas ng kilay

Ang kapitbahay n'yang ang kaligayahan

Ay mapag-usapan ang sa ibang buhay

Sapagka’t kay Menday, negosyo'y di bagay.

                  77

Sa Iriga City siya isinilang

Doon din lumaki at doon nag-aral

Ang ama ay Pastor sa isang simbahan

Ang ina'y asawa ng kaniyang tatay.

                  78

Nang sa kolehiyo ay tumuntong siya

Doon nagpatuloy sa ibang esk'wela

Kaya sa Maynila siya napapunta

At ang kursong Narses ang kanyang kinuha.

                  79

Nakatapos siya't doon na tumira

Pati ang kapatid at magulang niya

Nguni’t sa trabaho'y sawimpalad siya

Hindi rin nagamit ang kanyang diploma.

                  80

Sa bawa't ospital na kanyang pinasok

Para magtrabaho ay okey ang sagot

Nguni’t pag nakita ang kuko ay, lagot...

Sisante kaagad – kaysaklap, kaylungkot!

                  81

Nagtiyaga siyang mamasukan na lang

Sa isang pabrika sa kanilang lugar

Doon nagsimula niyang matutuhan

Ang paggawa nitong bonita na sandal.

                  82

Nang makapag-ipon ng sapat na kita,

Naglakas ng loob magnegosyo siya

Palibhasa'y Narses ang natapos niya

Maraming sa kanya'y nangiti, natawa.

                  83

Ngayon ang negosyo niya'y okey naman

At si Menday ngayon ay libang na libang

Subalit ang isa niyang manliligaw

Ay ayaw tumigil sa kanyang pagdalaw.

                  84

Si Toklay ay sadyang dibdibang umibig

Handa raw ialay ang lupa at langit

Kahit daw mangutang, kanya lang makamit

Ang "Oo" ng sintang pinakananais.

                  85

Seryoso si Toklay at di hahayaang

Mapunta sa iba ang mutyang minahal

Handa n'yang itaya ang sariling buhay

Kahit sa loterya, nang dahil kay Menday

                  86

Matagal nat'yaga, halos magpalimos

Si Toklay kay Menday sa kanyang pag-irog

Umaga, tanghali, hapon, gabi halos

Naro'n ang binata at naglulumuhod.

                  87

Nang halos ubos na ang kanyang pag-asa

Sa puso ni Menday na tanging ligaya

Nagpas'ya si Toklay na kidnapin siya

Upang masarili at mapasakanya!

                  88

At isang gabi nga na bilog ang buwan

Noon sa Maynila ay brown out na naman

Ay isinagawa ni Toklay ang pakay:

Kidnapin si Menday buhay man o patay!

                  89

Dalawang batalyon ng mga sundalo

Ang inupahan n'ya para gawin ito

Isang helikopter at apat na barko

Ang naka-stand by sang-ayon sa plano!

                  90

Kasabwat rin niya si Kernel Gringorio

At si Noy Miswari para masiguro

Na hindi papalpak ang balak na ito

Pagka’t si Menday lang ang kaniyang mundo!

                  91

Sa hudyat ni Toklay ay lumusob sila,

Sumabog ang bomba, umulan ng bala!

Pumutok ang kanyon, dinamita, seba!

Akala ng iba ay merong kudeta!

                  92

Sabay-sabay halos, tangke ay lumusob!

Mga submarino'y lumitaw-lumubog!

Mga eroplano'y nagpaikut-ikot

Hanggang sa maliyo ang pilotong engot!

                  93

Nagsipanakbuhan ang lahat sa takot!

Pati kasambahay, tumakas sa nerb'yos!

Si Menday na lamang ang naiwang tulog!

(Ang sarap ng tulog, may saklob pang kumot.)

                  94

Ngayon, solong-solo ni Toklay si Menday

Nilapitan niya itong dahan-dahan...

Yayakapin sana nang bigla na lamang

Mayroong naglagos mula sa bubungan!

                  95

Nang lingunin niya ay si Pepong pala!

Nagulat si Toklay, biglang nataranta!

Tumakbong di alam kung saan pupunta!

Nagising si Menday...Pupungas-pungas pa.

                  96

Nagsiatras na rin ang mga sundalo

Nang makita nilang si Toklay, tumakbo

Nagsibalik naman ang maraming tao

"Mabuhay si Pepong!" ang sigawan nito.

                  97

Ang tanong ni Menday, "Nangyari'y ano ba?"

Tanong din ni Pepong, "Ay, ano nga baga?"

At isinalaysay ng nangakakita

Kung ano'ng naganap mula pa kanina.

                  98

Sang-ayon kay Meyam na lubhang madaldal,

Sila diumano'y biglang ginulantang

Ng mga sundalong lumusob sa bayan

Na ang namumuno'y di iba't si Toklay.

                  99

At batay sa tsismis na kanyang nasagap,

Ito raw si Toklay ay isa ang balak:

Kidnapin si Menday at gawing kabiyak

Sa sobrang pag-ibig, ginamit ay dahas!

                  100

Mabuti na lamang, patuloy ni Meyam,

At itong si Pepong ay biglang dumatal

Ang mga sundalo at maging si Toklay

Sa matinding sindak ay nagpanakbuhan!

                  101

"Kung hindi kay Pepong," ang dugtong pa niya,

"Si Menday ay isang rosas na lanta na."

Biglang napatigil si Meyam, "Bah, teka !!!

Di ba dapat ikaw ay nasa Saipan pa???"

                  102

"Oo nga!" ang sabi ng nangakarinig

At itong si Pepong ay biglang kinilig,

Nagsuklay ng buhok, binuksan ang bibig,

Saka sa kanila'y ito ang sinambit:

                  103

"Ako man, alam ko'y nasa Saipan ako,

Kung paanong ako ay napunta rito

Ay sadyang mahaba, malungkot na k'wento

Na ang puno't dulo naman ay ganito:

                  104

"Ang hanapbuhay ko'y mamulot ng lata

Sa islang ang tawag nila'y Manyagaha

Sa dami ng lata na aking nakuha

Napuno ko halos ang isang bodega.

                  105

"Ang lahat ng lata'y ipinatunaw ko

At saka kinorteng hugis eroplano

Pagsakay ko, t'yempong merong ipu-ipo,

Ako't eroplano'y inilipad nito!

                  106

"Mataas na lubha ang aking nilipad

At sadyang malayo ang aking binagtas

Nang ang ipu-ipo ako ay ibagsak,

Ang nabagsakan ko'y ang bansa ng Iraq!

                  107

"Ako ay dinakip ng kawal ni Saddam!

At muntik pang ma-rape ng sundalong hunghang!

Itinali ako sa isang Scud missile

Saka ibinala sa kanilang launcher !

                  108

"At pumailanlang ako sa itaas!

Mabuti't gapos ko ay kusang nakalag,

Yaong Scud missile ay pinasambulat

Ng Patriot missile niyong U.S. Allies.

                  109

"Ako naman, heto at dito pinalad

Na sa Pilipinas ngayon ay lumagpak

Dini pa sa bahay ni Menday kong liyag

Di ko akalaing eksaktong matapat!"

                  110

Pagkasabi nito ay biglang lumuhod

Si Pepong na tila ibig magpalimos!

Kinuha ang kamay ni Menday na irog

At saka sinabi ang laman ng loob:

                  111

"Patawarin akong pangahas, o Menday,

Kung ang sarili ko'y hindi mapigilan

Ibig kong magtapat niring pagmamahal,

Kung mabigo ako ay ikamamatay!"

                  112

Matagal na hindi agad nakaimik

Si Menday, nabigla sa kanyang narinig,

Mga kapitbahay nama'y nananabik:

Tatanggapin kaya ang haing pag-ibig?

                  113

Matapos mag-isip ng siyam na oras

Sumagot si Menday, pabulong, malakas:

"Ang iyong pag-ibig ngayo'y tinatanggap,

Hindi mo lang alam...I LOVE YOU VERY MUCH!"

                  114

At yaong dalawa'y nagyakap sa tuwa

Mga tao naman ay napatunganga

May isang sumigaw, "Mabuhay! Oo nga!

Mabuhay ang dal'wang pagsinta'y dakila!"

                  115

At sila'y nagsaya sa tuwa at galak

Umawit ng kanta sabay ng palakpak

Sa saliw ng tugtog, lahat ay umindak

Matanda o bata, matangkad o pandak.

                  116

Nagmistulang pista sa nasabing lugar

Ang kaligayahan ay nag-uumapaw

Walang anu-ano, sila'y ginulantang

Ng nakabibinging malakas na sigaw.

                  117

"Di ako papayag!!!" ang sabi ng tinig

At sila'y nagulat sa lakas ng gibik,

Nang lingunin nila'y si Toklay, bumalik

May dalang machine gun at galit na galit!

                  118

"Si Menday ay akin!" ang kaniyang sigaw,

"At papatayin ko sino mang umagaw!!!"

Ang lahat ng tao ay nahintakutan

Maliban kay Pepong na sadyang matapang.

                  119

Pumorma si Pepong ng dyudo-karate

Luma si Jackie Chan at talbog si Bruce Lee

Butas pa ang damit sa may kilikili

Natawa si Toklay sa kanyang inarte!

                  120

Sa lakas ng tawa'y talsik ang pustiso!

At hindi napigil, napatatse ito!

Siya ay dinumog ng maraming tao,

Pinitik sa ilong hanggang sa maliyo!

                  121

At magmula noon ay natahimik na

Ang lugar na iyon, at naging masaya

Ang buhay ni Pepong at Menday na bida

At si Toklay naman ang siyang nagdusa.

                  122

Nakulong si Toklay sa salang robbery

Nakasal si Pepong at Menday sa pari

Nagkaanak sila ng isang lalaki

At limang dosena na puro babae.

                  123

ITO NA ANG WAKAS ng abang istorya

Maging aral sana sa mga bumasa:

Ang di raw lumingon sa minulan nila,

Di makararating kung putol ang paa.

​

​

          - - - WAKAS - - - 

​

​

Rafael A. Pulmano

April 3, 1991

Saipan, C.N.M.I.

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link