BUGSO NG GUNITA
ni Bert Cabual
PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA
ITO BA ANG LONDON?
Sumadsad sa lupang panaho’y taginaw
yaong eroplano naming sinasakyan;
ito ba ang London?—bansang inaasam,
pag-asang hahango sa karalitaan.
Nang sa paliparang gusaling malaki
ay magsunud-sunod na manaog kami;
mga awtoridad doong nagsisilbi,
sa pagsisiyasat ay di mapakali.
Sinalang buklatin at basahing lahat
yaong kasulatang taglay sa paglipad;
pagka’t pasaherong di-Puti ang balat,
pinagdududahang papeles ay huwad.
Kaya nga ba’t ako’y inulan ng tanong,
kung anong layunin sa ganito’t gayon;
itinanong pa ring kung habang panahong
mamumuhay ako sa lungsod ng London.
Sa tanong na yaon, ako ay sumagot,
“sa Londo’y di ako maninirang lubos;
sa pagsisinop ko’y kapag nakaimpok,
sa sariling bansa’y uuwing may lugod!”
Wika ko’y di ako lubhang magtatagal
na lumagi rito sa lupaing hiram;
babalik din ako sa bayan kong mahal,
pagka’t Pilipinong may buhay at dangal.
Ang aking sinabi ay nilimi nila
at ang papeles ko ay nilagdaan na;
ako ay humayong buong pagtataka—
bakit sa dayuhan ay ganito sila?
KASUNOD > LONDON AT MAYNILA
PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact