BUGSO NG GUNITA
ni Bert Cabual
PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA
NASA ISIP KITA, NAYON KO
Kumakaway sila noong aking iwan,
nang sa eroplano ako ay lumulan;
may luha sa mata ang asawang hirang,
saka ang bunso kong buhay n’yaring buhay.
Paglalayo nami’y di pa dinaranas,
kung kaya ang dusa’y kaaki-akibat;
nang ang sinasakya’y simulang umusad,
sikil ang luha kong puso’y naghihirap.
Unang paglalakbay doon sa ibayo,
sa Londong di batid ang uri ng tao;
paglampas sa ulap noong eroplano,
diwa’y di mawari sa paninibago.
Nagbalik sa isip ang naiwang nayon,
sa ang kanayon ko’y tigib ng linggatong;
minsa’y masaya rin at naglilimayon,
kahi’t dugo’t pawis ang pantawid-gutom.
Mga kanayon ko’y mayro’n ding hangaring
makapangibayong-lupa ay danasin;
limpak daw salapi’y doon kikitain,
sa sariling bansa’y di kayang hanapin.
Nguni’t hindi nila napapasa-isip,
ang katumbas nito’y kirot at pasakit;
ang rangya’t salapi kaya’y maging sulit
sa pangungulilang hagupit ng langit.
Sa paglalakbay ko’y hindi makatulog,
pikit ang mata kong luha’y umaagos;
lumbay na sa diwa’y di matapus-tapos
ay apoy na waring sa aki’y tutupok.
KASUNOD > ITO BA ANG LONDON?
PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact