TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

DOON PO SA AMIN, BAYAN NG MATIISIN

Dalawang-yugtong dula mula sa panulat ni

Joaquin R. Velasco


Karugtong ng Dula – Pahina 7

CHIEF:

Ibig kong tumestigo kayo na si Mang Ilyo ay may dalang gulok at nakita ninyong tatagain ang tauhan ni Don Bareta kaya siya binaril bilang pagtatanggol.


PERTO:

Ang ibig ba ninyong sabihin eh huwag na naming pahalagahan ang buhay na ibinuwis ni Mang Ilyo alang-alang sa aming kapakanang lahat?


CHIEF:

Gaya nga ng naipaliwanag ko na sa inyo, wala na tayong magagawa sa buhay ni Mang Ilyo. Ang mahalaga ay ang magkaroon na ng katahimikan dito sa ating bayan, at gagawin namin ang lahat upang ang pader na inihalang sa ilog ay mabuwag.


SIMO:

Kung gayo'y hindi na mapaparusahan ang bumaril kay Mang Ilyo?


CHIEF:

Hindi ba sinabi ko sa inyong huhulihin ko rin? Ang husgado na ang tatapos diyan. Ang ibig ko lamang ay maputol na ang ating pakikipagtigasan kay Don Bareta. Ang inaalala ko, pag patuloytayong makikipaglaban sa kanya ay baka kayo pa ang maparusahan. 


PERTO:

(LOOKING AT SIMO THEN TO THE CHIEF) Hindi Hepe, hindi ako makakatestigo ng laban kay Ilyo.


SIMO:

Ako rin Hepe.


CHIEF:

Eh siya, kung ayaw ninyong pumayag ay kayo ang bahala.


PERTO:

Di uuwi na ho kami.


CHIEF:

Aba, hindi na hu kayo makakauwi kundi magpipiyansa muna pagka't ayon din sa inyong pananalita ay kayong galit kay Don Bareta ang pinanggalingan ng gulo at naging dahilan ng kamatayan ni Mang Ilyo.


SIMO:

Akala ko ba sinabi ninyo na hindi naman ninyo kami hinuhuli?


CHIEF:

Wala akong magagawa... pero kung kayo ay tetestigo nang kagaya ng sinabi ko sa inyo ay palalayain ko kayo.


PERTO:

At paano ho si Mareng Iska? Bakit ninyo siya dinampot din gayong ang kanyang asawa ang napatay?


CHIEF:

Hindi ba naipaliwanang ko na sa inyo na inilalayo lamang namin kayo sa kapahamakan? O ano, tetestigo na ba kayo?


PERTO & SIMO:

Hindi! Kulungin na ninyo kami kung kukulungin!


CHIEF:

Sarhento!


SARGEANT:

(ENTERS SCENE FROM INSIDE) Ano iyon Chief?


CHIEF:

Kunan mo na ng deklarasyon silang lahat at gawin agad ang demanda.


SARGEANT:

(TO SIMO & PERTO) Tena kayo sa loob.


(AS THE THREE EXIT, MAYOR ENTERS SCENE FROM HIS OFFICE WITH A FOLDED LETTER IN HAND AND GOES TO CHIEF.)


MAYOR:

O Chief, eto ang sulat.


CHIEF:

Meyor, pinipilit ko sanang gawing testigo sina Mang Perto at Simo upang mapalabas na nakita nilang tatagain ni Mang Ilyo iyong bumaril bilang pagtatanggol.


MAYOR:

O pumayag namang tumestigo?


CHIEF:

Hindi hu eh... talagang masyado ang galit nila kay Don Bareta.


MAYOR:

Paano iyan, baka mapahamak tayo. Sige, pilitin mong maisama ang bumaril at pagdating dito'y idemanda mo rin! 


(BERTO WILL ENTER SCENE RUNNING AND EXCITED.)


BERTO:

Chief! Iyong anak mong si Ismael, pinuntahan si Don Bareta at hinihingan ng pera at nang hindi siya bigyan ay binuntal ang matanda!


CHIEF:

Ano?


BERTO:

Oho. At pagkatapos pa ay nagsama ng maraming taong galit sa don at sinulsulang sunugin ang bahay!


CHIEF:

Baka naman hindi ang anak kong si Ismael ang nakita mo?


BERTO:

Hindi ho ako magkakamali at kilala ko si Ismael!


(MUNDA, ALSO EXCITED, ENTERS THE SCENE.)


MUNDA:

Silyo! Ang anak mo ayun! Kasama ang mga taong sinusunog ang bahay ni Don Bareta!


MAYOR:

Ayan, totoo nga pala Chief.


CHIEF:

Ako ang bahala sa kanya, Meyor.


(ACTS TO LEAVE BUT MUNDA STOPS HIM.)


MUNDA:

Teka muna, mabuting malaman mo... malaon na palang addict ang batang iyan sa marihuwana kaya laging humihingi ng pera at nang hindi makakuha sa iyo kanina ay ayun, si Don Bareta ang pinagdiskitahan! 


(THE CHIEF GOES NEAR WINDOW OF HIS OFFICE.)


CHIEF:

Sarhento, halika muna at importante ito!


(SARGEANT ENTERS SCENE FROM INTERIOR.)


SARGEANT:

Ano iyon, Chief?


CHIEF:

Mamaya mo na ipagpatuloy ang pagkuha ng mga deklarasyon! Magsama ka ng ilang pulis at sumunod kayo sa akin sa bahay ni Don Bareta!


BERTO:

(UPON HEARING CHIEF'S ORDER) Aba Chief, wala na sila roon! Ang sinusunog na nila ngayon ay ang parmasya ni Don Bareta dito sa bayan!


MAYOR:

Aba, malapit dito iyon! (RUNS TO HIS SECRETARY WHILE CHIEF RENEWS ORDER. TIMING OF ACTION MUST BE FAST.)


CHIEF:

Dito sa parmasya ninyo ako sundan! (RUNS AHEAD FOLLOWED BY THE SARGEANT AND TWO POLICEMEN. MAYOR APPROACHES SECRETARY.)


MAYOR:

Miss Valdez, tawagan mo si Fire Chief! Dali!


(SECRETARY PICKS UP PHONE RECEIVER ON HER DESK AND DIALS.)


VALDEZ:

(AFTER A BRIEF MOMENT) Chief! Pinapaparito kayo ni Meyor at may sunog!


(TO MAYOR) Darating na ho!


(FIRE CHIEF WITH TREASURER WILL BE RUNNING OUTSIDE FROM INTERIOR, MEETING THE MAYOR.)


FIRE CHIEF:

Saan ang sunog Meyor?


MAYOR:

Iyong bahay ni Don Bareta at ang kanyang parmasya dito sa bayan! Subali't unahin ninyo itong nasa bayan at malapit dito sa munisipyo iyon!


FIRE CHIEF:

Pero Meyor, wala kaming magagamit na hose... Iyong dalawampung metrong idineliber ay hindi sapat. Iyan na nga ba ang inaalala ko treasurer, eh...


TREASURER:

Di dalhin ninyo pati luma! Alam naman ni Meyor iyan.


FIRE CHIEF:

Eh wala rin hong silbi, tatawanan lamang kami ng tao kapag nakitang maraming fountain ang hose.


MAYOR:

Ay naku at nagtalo pa! Tawanan kung tatawanan, basta't kumilos kayo!


(FIRE CHIEF AND TREASURER RUNS TO EXIT. ANOTHER MAN ENTERS SCENE.)


MAN:

Meyor, nasawata na hu ng mga tao ang paglaki ng apoy! Ang parmasya na lamang ang binayaang matalpog!


Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link

MAY KARUGTONG >>>


Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]  [7]  [8]

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link