TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Isang-yugtong dula mula sa panulat ni
A project of the SMCL Cultural Affairs Unit chaired by Mr. Rizaldy Teñido
Written by Mr. Rafael A. Pulmano, TELON Adviser
Directed by Jonathan Marquez
–– Curtain ––
MULTO:
Ang susunod na palabas ay may temang hindi angkop sa mga taong sobrang seryoso. Bagama't may mga bahaging hango sa katotohanan, ang iba sa mga pangalan at pangyayari ay sadyang binago, at anuman ang pagkakahawig sa tunay na buhay ay hindi sinasadya at pawang likhang-isip lamang ng may gawa, na wala namang isip, at wala ring magawa. Pinapayuhan ang mga magulang na humingi ng patnubay sa kanilang mga anak.
ANNOUNCER 1:
(Station I.D. jingle) Kayo ay nakikinig sa himpilang DZ-Extra Large. Ang himpilang hindi mapagkakatiwalaan. Sais-kwarenta sa pihitan ng inyong mga radyo. (Music)
ANNOUNCER 2:
Antabayanan ang susunod na palatuntunan. Ang oras sa hudyat, ganap nang ika-12 ng umaga. (Sound)
ANNOUNCER 3:
Oras hatid sa inyo ng Wigg Shampoo. Wigg Shampoo, the shampoo for people with more face to wash and less hair to comb. Mabibili sa inyong mga suking tindahan, hardware at supermarket.
ANNOUNCER 2:
At ngayon... narito ang inyong tagapagbalita – si Ernie Pulburon.
ERNIE PULBURON:
Magandang umaga, Bayan. Narito na naman po ang inyong lingkod, maghahatid sa inyo ng mga umuusok na balitang naganap sa loob at labas ng ating bansa, sa inyong paboritong programang pangradyo, ang "Hoy! Ka-hoy!" (Hoy! Ka-hoy! jingle)
At ngayon, sa ating mga headlines. (Music)
President Ramos, hindi na tatakbo sa 1998 elections. Maglalakad na lamang. (Music)
Sa ibayong dagat – President Clinton ng Amerika, walang hilig sa sayaw, kaya hindi makikialam sa isyu ng Cha-Cha. (Music)
Sa sports – Gordon's Gin, magiging kampeon muli, kung matatalo lahat ang mga kalaban sa susunod na PBA Conference. (Music)
Sa balitang artista...
ANNOUNCER 4:
Balitang pinupukpok... (Sound FX)
Balitang nilalagari... (Sound FX)
At higit sa lahat, balitang inaanay! (Sound FX)
Hoy! Ka-hoy! (Hoy! Ka-hoy! jingle)
ERNIE PULBURON:
Carmina at Rustom, nagkabalikan na... ng singsing, tsokolate, bulaklak at iba pang regalo. (Music)
Samantala, narito si Miss Amada Pineda ng Weather You Like It or Not para sa pinaka-latest na report hinggil sa kalagayan ng panahon. (Music)
AMADA PINEDA:
(Visayan accent) Salamat, Ka-Ernie. Ang buong ka-Maynilaan, kasama na ang Luzon, Visayas, at Mindanao ay makararanas ng maganda at kaaya-ayang panahon sa susunod na veinte-cuatro oras.
Magkakaroon ng banayad na ihip ng hangin... kasunod ng malakas na bagyo, ipu-ipo, pagkulog at pagkidlat... na sasabayan ng paglindol, tsunami, tidal wave at pagdaloy ng lahar sa lahat ng panig ng bansa.
Ang araw ay sumikat kaninang umaga, at lulubog mamayang hapon. At yan po ang pinakahuling ulat mula sa tanggapan ng Weather You Like It or Not. Have a nice day.
(Commercial Break)
MALE SINGER:
The first time ever I saw your face...
MALE VOICE:
Aaaaaahhhhhhhhrrrrrrgggggg!!!!
FEMALE:
Mga kaibigan, kayo ba ay may problema sa inyong mukha? Kung gayon, gumamit ng Miracle Cream and Facial Lotion. Ang Miracle Cream and Facial Lotion ay nagtataglay ng pinakamataas na uri ng mga sangkap na pampaganda at pampakinis ng kutis gaya ng muriatic acid, toilet disinfectant at high grade formalin. For people whose face nature forgot to finish, Miracle Cream and Facial Lotion is the solution. Available at all leading department stores, pet shops and funeral parlors nationwide.
(Music)
ERNIE PULBURON:
Sa ating pagpapatuloy... (Music) Pakinggan natin ang ulat ni kasamang Julius ng Radyo Patrol Number 5-1/2 na ngayon ay nasa Saint Michael's College of Laguna, Biñan, Laguna. Come in, Julius.
JULIUS:
Maraming salamat, Ka Ernie, at magandang umaga sa ating mga tagasubaybay sa programang Hoy! Ka-hoy! Narito po tayo ngayon sa Saint Theodore's Gym ng Saint Michael's College of Laguna, kung saan ipinagdiriwang sa araw na ito ang kapistahan ng patron saint at archangel ng nasabing paaralan, si Saint Michael.
Isang masaya at makulay na palatuntunan ang inihanda ng mga guro at mag-aaral sa kolehiyong ito sa panunguna ng kanilang dashing and debonair at indefatigable Cultural Affairs Chair Rizaldy Teñido, na mamaya ng kaunti ay sisikapin nating makapanayam nang live, dito lamang sa programang paborito ng lahat, ang Hoy! Ka-hoy!
Ito po ang inyong tagapagbalita, Julius Mamaw ng Radyo Patrol Number 5-1/2. Magbabalik tayo in a short while. Meanwhile, back to you Ka Ernie.
ERNIE PULBURON:
Maraming salamat, kasamang Julius ng Radyo Patrol No. 5-1/2. Kaugnay pa rin ng ulat hinggil sa pagdiriwang ng Feast of Saint Michael, pakinggan po natin ang isang flashback report na inihanda ng ating segment reporter na si Macarena – Isang pagbabalik-tanaw tungkol sa mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng sangtinakpan na naganap libu-libong taon na ang nakalilipas. Take it away, Macarena.
MACARENA:
Maraming salamat sa iyo, Ka Ernie. Para sa ating lahat na ipinanganak at nabubuhay sa makabagong panahon, sino ang makapagsasabi na sa likod ng napakaganda at kulay-bughaw na tanawin sa itaas na kung tawagin ay kalawakan o kalangitan ay naganap, napakaraming taon na ngayon ang nakalilipas, ang pinakamabangis kundi man pinakamadugong digmaan sa kasaysayan ng mga nilikha.
Ang tinutukoy natin ay ang pagsasagupaan ng dalawang malalaking puwersa sa langit – si Lucifer sa isang panig at si Michael naman sa kabila – kapwa anghel na nilikha ng Diyos upang maglingkod sa Kanya ngunit sa pagdaraan ng panahon ay nagkahiwalay ng landas dahil sa magkaibang paniniwala tungkol sa kanilang tunay na misyon sa buhay.
Si Michael, itinuturing na pinakamakapangyarihan sa mga anghel na nilikha ng Diyos, ay nanatiling loyal o tapat sa kanyang Panginoon, samantalang si Lucifer, na ipinalalagay naman ng marami na siyang pinakamaganda sa lahat ng anghel, ay tumangging magpatuloy na magsilbi sa Panginoon at, kasama ng iba pang anghel, ay naglunsad ng isang rebelyon o kudeta laban sa Dakilang Lumikha.
Ang resulta ay isang maigting na pagsasagupaan sa pagitan nga ng nasabing dalawang puwersa, na naisahimpapawid naman, live, sa himpilang ito nang kasalukuyang nagaganap ang naturang pangyayari.
Narito ngayon ang replay ng nasabing live broadcast, muli nating iparirinig sa kapakanan ng ating mga tagasubaybay na wala pa o hindi pa ipinanganganak noong mga sandaling iyon.
TINA:
Mga kaibigan, narito po tayo ngayon sa kalangitan kung saan nagaganap ang isang maigting na sagupaan ng dalawang pangkat ng mga anghel, ang isa nga ay pinamumunuan ng matapang na si Michael, at ang kabila naman ay pinangungunahan ng kanilang lider na si Lucifer.
Hindi tayo gaanong makalapit dahil baka tayo tamaan ng kanilang mga pinakakawalang liwanag na sa tingin natin ay laser beams at tila mga kidlat na pamuksa sa kanilang kaaway.
Gayunman, mula sa ating kinalalagyan ay nakikita natin na talagang mahigpitan ang labanan ng magkabilang panig. Kapag may tinatamaan ay sumasambulat na parang maitim na usok ang ating nasasaksihan ay iyon ay bumubulusok paibaba patungo sa kailaliman ng kawalang-hanggan.
Sandali lamang at susubukan nating makalapit nang kaunti...Oooppppsssss!!! Muntik na tayong tamaan ng ligaw na sinag... may tinaman, mga kaibigan! Kitang-kita natin dahil malapit sa ating kinatatayuan ang biktima, tinamaan ng nakasisilaw na liwanag...
Sumabog, mga kababayan! Sumambulat na gaya ng nasabi natin kanina, nababalot ng maitim na usok...Unti-unting napapawi ang itim na usok...At...mga kababayan, gumagalaw pa rin ang biktima...Sa ating pagkaalam sapagkat sila ay espiritu ay wala talaga silang kamatayan...
Pero kabayan nagbabago ang kanilang anyo...Nagbabago! Namimilipit ang anghel na parang nagkukumbulsyon...at...kabayan ang kanyang busilak na pakpak ay nagsimulang umitim at natutuyong parang pakpak ng paniki...Tinutubuan ng maitim na balahibo ang dating malasutla niyang anyo...at...kabayan kitang-kita nating sinisibulan siya ng matutulis na sungay at matatalas na pangil!
Nagkakaroon din siya ng mahahabang kuko...nagiging kakila-kilabot ang kanyang anyo...nagkakaroon siya ng matang mapupula at nanlilisik, parang punung-puno ng galit at pagkasuklam sa kanyang itsura...
At mga kababayan...mga kabayan, ang naturang anghel ay dinampot ng dalawang kalaban ay buong lakas na inihagis paibaba sa kailaliman...Bumubulusok nang mabilis pailalim sa kawalan ang naturang anghel, mga kababayan...
At marami pa tayong nakikitang tinatamaan ng nakasisilaw na liwanag, at gayon din ang nangyayari sa kanila, unti-unting pumapangit at inihahagis sila sa kailaliman ng kawalang-hanggan. Doon marahil ang tinatawag nilang impyerno, at ang mga nalupig na anghel na ating nakita ang mga diyablo.
Lalong umiigting ang pagsasagupaan dito, mga kababayan....ooooppppsss!!! Muntik na naman po tayong matamaan ng ligaw na liwanag! Medyo aatras muna tayo at kukubli.
Hanggang dito na muna ang ating pagbabalita. Ito po si Tina Maan ng Radyo Patrol No. 007, nag-uulat para sa Hoy! Ka-hoy!
MACARENA:
Ang inyo pong napakinggan ay bahagi ng ginawang coverage ng ating kasamahan sa pamamahayag maraming-maraming taon na ang nakalipas, tungkol sa tunggaliang naganap at kinasangkutan ng mga anghel sa langit. Ito po naman ang inyong tagapag-ulat, Macarena El Tongo. Ka Ernie...
(Music)
ERNIE PULBURON:
Salamat, Macarena. Nasa langit po naman ngayon ang ating Radyo Patrol No. 12-3/4 upang kapanayamin ang isa sa mga anghel na sumapi sa pangkat ni Michael noong panahong naganap ang tunggalian sa pagitan ng dalawang grupo ng mga anghel ng Diyos. Lyka ng Radyo Patrol No. 12-3/4, come in.
LYKA:
Maraming salamat, Ka Ernie.
Bueno, isa po namang anghel rito ang ating kakapanayamin upang mabigyang-linaw sa ating mga tagapakinig ang tungkol sa kaganapang ifinityur ng ating kasama kanina bilang pagbabalik-tanaw sa ating nakalipas.
Ah, Ma'm...Excuse me, live ho tayo ngayon sa radio program na Hoy! Ka-hoy! at naririnig tayo live via satellite ng milyun-milyong tagasubaybay. Puwede ho bang malaman kung ano talaga ang pinagmulan ng away sa pagitan ng dalawang pangkat ng mga anghel? Paano ho ba ito nagsimula?
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.