TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Isang-yugtong dula mula sa panulat ni
MGA TAUHAN
Hukom
Tagapag-usig
Tagapagtanggol
Court Clerk
Assistant Prosecutor
Nasasakdal:
Inocente Walangmalay
Mga saksi:
Vida Corcuera
Dr. Radin
Sarhento Pitopito
Dr. Yesorno
Patrolwoman Mahinhin
Dyaskeka Amparo
Interpreter
Assistant prosecutor
2 Nakaunipormeng opisyales ng korte
TV Reporter
Press Reporters
Press Photographers
TAGPO: Sa isang silid-hukuman, sa kasalukuyang panahon.
Tagapag-usig : Your Honor, patutunayan namin sa harap ng Kagalanggalang na Hukumang ito na ang nasasakdal ay siyang akusado...
Tagapagtanggol : Objection, Your Honor. Ang akusado ang siyang nasasakdal!
Hukom : Overruled.
Tagapag-usig : That’s all, Your Honor.
Hukom : Nais ba ng panig ng Tagapagtanggol na magbigay ng pambugad na pananalita?
Tagapagtanggol : Yes, Your Honor.
Hukom : Proceed.
Tagapagtanggol : Thank you, You Honor. Naniniwala ang panig ng Tagapagtanggol na ang nasasakdal ay ikinuwadro lamang ng mga alagad ng batas upang mapagtakpan ang kanilang kapalpakan at kabiguang madakip at maparusahan ang tunay na salarin sa pagkapaslang...
Tagapag-usig : Tutol ako, Kagalang-galang na Hukom, sa ibinibintang ng panig ng Tagapagtanggol na ang nasasakdal ay ikinuwadro ng mga pulis!
Hukom : May katwiran ang panig ng Tagapag-usig. Napakapangit ng itsura ng nasasakdal. Hindi karapat-dapat na ikuwadro...
Tagapagtanggol : Pero, Your Honor! Maliwanag sa mga ebidensiya na ang aking kliyente ay na-frame up lamang! Inosente siya sa ipinaparatang na krimen ng prosekusyon!
Tagapag-usig : But Your Honor...
Hukom : (Ipupukpok ang gavel.) Silensyo! Nais mabatid ng Hukuman ang buong katotohonan tungkol sa bagay na ito. Tawagin ang nasasakdal.
Court Clerk : Nasasakdal!!!
Inocente : Present!!!
Hukom : (Ipupukpok ang gavel.) Lumapit ka rito at maupo sa witness stand.
(Lalapit at uupo sa witness stand si Inocente. Lalapit din ang Court Clerk dala ang isang itim na aklat.)
Court Clerk : Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?
Inocente : Opo.
Tagapagtanggol : Maaari bang sabihin mo sa Hukumang ito kung ano ang iyong buong pangalan?
Inocente : Inocente Walangmalay po.
Tagapagtanggol : Walangmalay, Your Honor. Inosente po ang kliyente ko.
Tagapag-usig : Objection!
Hukom : Overruled! (Kay Inocente) Sabihin mo sa akin ang totoo. May nalalaman ka ba sa ibinibintang na krimen laban sa iyo?
Inocente : (Nakanganga, mukhang tanga.) Ha?
Tagapagtanggol : Nakita n’yo na, Your Honor...Walang kaalam-alam ang nasasakdal sa ibinibintang na krimen laban sa kanya. Siya’y nakwadro lamang! Biktima ng pangpi-frame up ng mga alagad ng batas! Kaya hinihiling ngayon ng panig ng Tagapagtanggol sa Hukumang ito na idismis ang kaso laban sa kanya at hayaang makalaya...
Tagapag-usig : I object, Your Honor! Hindi pa nakapaghahain ng mga ebidensya ang Mamamayan ng Pilipinas. May pananagutan ang Hukumang ito na dinggin ang ilalahad na katibayan ng panig ng Tagapag-usig, at batay sa katibayang ito, ay hatulan kung ang nasasakdal ay karapat-dapat na maparusahan o mapawalang-sala. And may I remind this Honorable Court: Maagang matatapos ang palabas na ito kapag dinismis agad ang kaso.
Hukom : May katwiran na naman ang Tagausig. Tawagin ang unang testigo. Ang nasasakdal ay maaari nang tumayo at bumalik sa upuan.
Inocente : Ha?
(Ipupukpok ng Hukom ang gavel . Hindi kikilos si Inocente. Sesenyas ang Hukom. Lalapit and dalawang nakaunipormeng opisyal ng korte, hahawakan si Inocente sa magkabilang braso, bubuhatin mula sa witness stand at ibabalik sa pinanggalingang upuan.)
Tagapag-usig : Tinatawagan si Ginang Vida Corcuera.
(Lalapit at uupo sa witness stand si Vida. Lalapit din ang Court Clerk dala ang isang itim na aklat.)
Court Clerk : Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?
Vida : Opo.
Tagapag-usig : Maaari bang sabihin mo sa harap ng Hukumang ito ang iyong buong pangalan at tirahan?
Vida : Ako po si Vida Salvavida Viuda de Corcuera, taga-Purok Onse, San Vicente Ferrer, Biñan, Laguna.
Tagapag-usig : (Kukunin sa mesa ng prosekusyon ang ilang litrato.) Maaari po bang tingnan ninyo ang mga larawang ito, Ginang Corcuera, at sabihin sa Hukumang ito kung kilala ninyo ang taong nasa mga larawan?
Vida : (Matapos tingnan ang mga larawan.) Ang nasa larawan po ay si Viskotso Corcuera, ang nasira kong asawa.
Tagapag-usig : Sigurado po ba kayo, Misis. Positibo po ba kayo...
Tagapagtanggol : Objection, Your Honor! Ang pagiging buntis ng saksi ay walang kinalaman sa dinidinig na kaso!
Hukom : Overruled! Sagutin ang tanong.
Vida : Three months na pong delay... tatlong buwan na pong atrasado palagi kung umuwi ng bahay ang mister ko kaya bihira na po kaming magkita. Pagkatapos po ay tuluyan na siyang hindi umuwi ng bahay. Matagal po siyang nawalay sa aking paningin. Pero hindi ko po makakalimutan kailanman ang itsura ng aking asawa. Positibung-positibo po ako na siya nga ang nasirang asawa ko, ang lalaking nasa larawan.
Tagapag-usig : Your Honor, hinihiling ng Mamamayan ng Pilipinas sa Kagalanggalang na Hukumang ito na tanggapin ang mga larawang ito bilang People’s Exhibit A, B at C.
Tagapagtanggol : No objection.
Hukom : (Ipupukpok ang gavel.) Tinatanggap ng Hukumang ito ang mga litrato at mamarkahan bilang People’s Exhibit A, B at C.
Tagapag-usig : Misis, kailan ninyo huling nakitang buhay ang asawa ninyo?
Vida : Noon pong November 1, anibersaryo po ng aming kasal. Nagyakag po siyang lumabas kami ng bahay para mag-celebrate noong gabing iyon. Hindi ko po makakalimutan ang araw na iyon dahil sa mahigit na 10 taon naming pagsasama ay noon lamang niya naalala ang aming anibersaryo, at first time din niyang magyakag para lumabas kami. Maligayang-maligaya po ako.
Tagapag-usig : Saan po kayo nagpunta ng mister n’yo ng gabing iyon?
Vida : Doon nga po. Sa labas ng bahay. Umorder siya ng dalawang tuhog na fishball at saka Pap Cola sa kanto, tapos doon kami kumain sa harapan ng aming bahay. Ako na yata ang pinakamaligayang babae sa buong mundo nang gabing iyon. Hindi ko naisip, hindi ko sukat akalain... (Mababasag ang tinig ni Vida at magsisimulang humikbi, maglalabas ng panyo at papahirin ang luha sa mata.) ...na bigla na lamang siyang aagawin sa akin ng malupit na kapalaran. (Sisinga nang malakas sa panyo si Vida.)
Tagapag-usig : Dinaramdam ko, Ginang Corcuera. Isang tanong na lamang po. Nakita pa ba ninyong muli ang inyong mister pagkatapos ng nasabing insidente?
Vida : Opo. Araw ng Biyernes, Agosto trese po. May nakapagsabi po sa akin na ang aking mister ay dinampot ng mga di-kilalang tao at dinala sa malayong lugar. Ipinagtanung-tanong ko po at kung saan-saan ko po siya hinanap. Hanggang isang araw ay natagpuan ko siya, subali’t siya ay isa nang...baliw, isang sira ulo sa Mentality Hospital.
Tagapag-usig : (Sa Tagapagtanggol) You may cross-examine.
Tagapagtanggol : Ginang Corcuera, sinabi ninyo kanina na positibo kayo na ang lalaking nasa larawan ay ang nasira ninyong asawa. Paano ninyo nasiguro na siya nga ang nasa larawan?
Vida : Kasi po, napansin ko na mayroon ding sira ang mga larawan, kaya nasiguro ko na iyon nga ang litrato ng nasira kong asawa.
Tagapagtanggol : I have no more questions. Thank you.
Hukom : The witness may step down. Call your next witness.
Tagapag-usig : Tinatawagan si Dr. Radin bilang pangalawang saksi ng Mamamayan. Dr. Radin, please come forward and be sworn.
(Lalapit at uupo sa witness stand si Dr. Radin Lalapit din ang Court Clerk dala ang isang itim na aklat.)
Court Clerk : Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?
Dr. Radin : Opo.
Tagapag-usig : Maaari po bang sabihin ninyo sa Hukumang ito ang inyong pangalan at propesyon?
Dr. Radin : Ako po si Dr. Radin, ispesyalista sa iba’t ibang sakit na may kinalaman sa mental diseases at brain disorders lalo na yung pagkasira o pagiging baliw ng isang pasyente. Ako ang kasalukuyang direktor ng Philippine Colonial Mentality Hospital.
Tagapag-usig : Thank you, Doctor. Pamilyar po ba kayo sa pangalang Viskotso Corcuera?
Dr. Radin : Opo. Viskotso Corcuera ang pangalan ng isa sa mga naging pasyente namin sa Philippine Colonial Mentality Hospital.
Tagapag-usig : Ipakikita ko sa inyo ang mga larawang may marka bilang Exhibit A, B at C. Sabihin nga ninyo sa Hukumang ito kung ang Viskotso Corcuera na inyong pasyente at ang lalaking nasa mga larawan ay iisa?
Dr. Radin : Hindi ko ho masasabi na ang lalaking naging pasyente namin at ang lalaking nasa litrato ay iisa.
Tagapag-usig : Anong ibig ninyong sabihin, Doktor?
Dr. Radin : Ibig ko hong sabihin, mahirap silang maging iisa, dahil itong litrato pa lamang ay tatlo na.
Hukom : (Ipupukpok ang gavel.) Order in the Court!
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.