TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Isang-yugtong dula mula sa panulat ni
MGA TAUHAN
RICARDO - Lalaking responsable at may prinsipyo
ARSENIA - Asawa ni Ricardo
UBALDO - Kumpare ni Ricardo
MARTIN - Kapitan ng Barangay
CURING at TOMAS - Mga panauhin nina Ricardo at Arsenia
ANONG - Kaibigan ni Ricardo
RUDY at FERDIE - Mga alalay ni Ubaldo
BOYET at NENITA - Mga anak nina Ricardo at Arsenia
3 ARMADONG LALAKI - Mga alalay at bodyguards ni Kapitan Martin
TAGPO: Kasalukuyan. Pasado alas-singko nang hapon. Sa sala ng tahanan ng mag-asawang Ricardo at Arsenia. May isang mahaba at dalawang maliit na sofa, at isang maliit na lamesa. Sa ibabaw ng mesa ay may isang flower vase na may bulaklak na plastik. Sa gawing kaliwa ay may pinto papasok sa silid, sa gawing kanan naman ay may pinto papalabas ng bahay. Isang metro mula sa kanang pinto ay may bintana.
Sa pagbubukas ng tabing, makikita si Arsenia, 32 taong gulang, nakasuot ng daster. Abala s’ya sa paglilinis ng mesa at pag-aayos ng mga bulaklak na naroon. May maririnig na katok sa kanang pinto. Bubuksan ni Arsenia ang pinto, papasok sina Tomas at Curing.
ARSENIA : Aling Curing, Mang Tomas, kayo pala. Tuloy kayo.
TOMAS : Salamat.
CURING : Nasabi mo na ba kay Kapitan, ha, Senyang?
ARSENIA : Hindi pa ho. Mangyari’y napakaagang umalis ng bahay kanina at hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik. Kagabi naman ho ay mukhang pagud na pagod s'ya at halos madaling araw na nang umuwi kaya hindi ako nagkaroon ng tyempong makausap nang maayos. Sandali lang ho at ikukuha ko kayo ng maiinom.
CURING : ‘Ku, wag ka nang mag-alala, Senyang.
TOMAS : S’ya nga, Senyang. Hindi naman kami magtatagal. Gaya ng nabanggit namin sa iyo...
ARSENIA : Oho, Mang Tomas. Huwag kayong mag-alala, si Ricardo’y walang pinahihindian basta kaya niya. Magkano pa nga ho pala ang kulang ikan’yo?
CURING : Ang sabi sa ospital, kahit daw tres mil ay mailalabas na namin ang aming apo.
TOMAS : Ang mga reseta ng gamot naman ay umabot ng...
(Papasok mula sa kanang pinto sina Ricardo, Anong at Rudy.)
ARSENIA : O, eto na pala s'ya.
CURING at TOMAS : (Sabay tatayo) Magandang hapon, Kapitan.
RICARDO : Magandang hapon din po. Pero hindi pa naman ho “Kapitan”, Mang Tomas, Aling Curing.
TOMAS : Pareho na rin yon, Kapitan. Siguradong panalo ka na sa darating na halalan.
CURING : At makaaasa ka sa boto naming mag-asawa, pati na ng mga kamag-anakan namin sa buong Barangay Ipil-ipil, Kapitan.
RICARDO : Thank you ho. E, ano ho ba ang atin at napasyal kayo?
ARSENIA : Kagabi’y galing na ang mga yan dito. Ang sabi ko’y baka matagalan ka nang dating kaya pinabalik ko na lang ngayon.
RICARDO : Ah, oho. Medyo nagtagal kami kagabi sa pangangampanya sa kabilang ibayo dahil yung isang napuntahan namin ay nagkataong may lamayan. Masagwang itsura kung basta na lang ako magpapaalam agad.
ANONG : Tama kayo, Bos. Sayang din ang boto nung patay.
RICARDO : Ah, hindi naman... Nga pala, Mang Tomas, Aling Curing, ito ho si Rudy. Kasama ko sa pangangampanya. Si Anong naman ay dati n’yo nang kakilala.
ANONG : (Sasaludo sa bisita) Dakilang alalay ni Bos Ric, at your service (ididispley ang ngiping bungi) ...with a smile.
TOMAS : Este, Kapitan. Nakakahiya man sa iyo ay... (Mapuputol ang sinasabi nito nang makitang may ibinubulong si Arsenia sa asawa. Tatango si Ricardo.)
RICARDO : Excuse me ho, at may kukunin lang ako sandali sa labas.
(Lalabas sa kanang pinto si Ric.)
CURING : Aling Senyang, talagang nahihiya kami sa iyo at kay Kapitan, kaso e wala na kaming ibang p’wedeng lapitan maliban sa inyo.
ARSENIA : Okey lang ho, Aling Curing. Ang tahanan namin ay palaging bukas sa mga tulad n’yong nangangailangan.
CURING : Talagang napakabait n’yo.
(Papasok mula sa kanang pinto si Ricardo, iaabot kay Arsenia ang isang sobre,
na ibibigay naman ni Arsenia sa mga bisita.)
ARSENIA : Eto ho. Pagpasensyahan n’yo na ang aming nakayanan. Sana’y tuluy-tuloy na ang paggaling ng inyong apo.
CURING : Naku, maraming salamat, Kapitan.
TOMAS : Hindi na kami magtatagal. Asahan mo ang aming boto sa eleksyon, Kapitan.
RICARDO : Salamat din po.
(Lalabas sina Curing at Tomas sa kanang pinto.)
ARSENIA : (Sasapuhin ng kanang palad ang noo. Tatalikuran si Ricardo at ibubulalas ang kanina pa pinipigil na damdamin.) Hay, nako... Ano naman kaya ang ilalapit sa atin ng dalawang iyon sa susunod? Aba’y halos linggu-linggo’y narito sila at nanghihingi ng tulong. Kung hindi namatayan ng kamag-anak na walang pampapalibing, kinapos sa pambayad sa matrikula ang pamangkin, may naospital namang apo na hindi makalabas dahil kulang ang pambayad. (Haharap sa asawa.) Hindi ka pa man nuuupo sa tungkulin ay hindi na maubusan ng hinihingi. Paano pa kaya kapag talagang Kapitan ka na ng ating barangay?
RICARDO : (Sa halip na sagutin ang tanong ay paiwas na tutugon.) Huwag mong isipin yon. Ang mahalaga ay nakatulong tayo sa kapwa natin.
(Uutusan ni Ricardo ang dalawang lalaking kasama.)
Rudy, pakitawag mo nga yung dalawa sa labas. Anong, baka gusto mong magkanaw ng kape para may mahigop tayong mainit-init?
ANONG : Yes Bos. Rights away.
(Lalabas ang dalawa – si Anong sa kaliwang pinto, at si Rudy sa kanang pinto.)
ARSENIA : (Parang walang narinig at mas interisadong mailabas ang nilalaman ng dibdib.) Eh mabuti kung sila lang. Mula nang iproklama mo sa ating mga kabarangay na tatakbo kang Chairman sa taong ito, aba e hindi na tayo maubus-ubusan ng bisita sa bahay. Buti nga kung bumibisita lang. Kaso, pagdidikit ay siguradong may kailangan. Uniporme at bola para sa mga kabataang kasali sa liga ng basketbol. Donasyon para sa pagpapakabit ng poso. Tropeo at medalya para sa timpalak-pangkagandahan ng mga bakla. Pamasahe para sa anak na papag-aaralin sa Maynila.
RICARDO : Senyang, pagdidiskusyunan na naman ba natin iyan? Di ba bago ko pinasok ang pulitika ay matagal muna nating pinag-usapan ang bagay na ito?
ARSENIA : (Parang wala pa ring naririnig.) Isipin mo, bigla na lang dumami ang mga gustong kumuha sa iyong ninong sa kasal, binyag at kumpil. Kahit mga taong hindi natin dating kakilala sa mahigit na tatlumpung taon mula nang ako’y maging tao dito sa Ipil-ipil, ay nag-uunahan para kumparihin ka. Aba, mamumulubi tayo nang husto bago ka manalo. (May halong panunuya ang tono ng pagsasalita.) Yun eh, kung mananalo ka nga.
RICARDO : Hindi mangyayari yan. Alam mong kaya ako napasubo sa kandidatura ay sa kahihimok na rin ni Kumpareng Baldo...
ARSENIA : (Sasaluhin ang sinasabi ng asawa.) ...Na nangakong wala raw tayong gagastusing kahit isang kusing dahil sagot niya lahat ang gastos.
RICARDO : Gano’n nga. Basta raw s'ya ang gagawin kong campaign manager, at pagdating sa pera ay wala tayong iintindihin.
ARSENIA : (Habang ikinukumpas ang kanang kamay at nakatuon sa mukha ni Ricardo ang hintuturo. Madiin ang bawat salita.) Iyan, iyan pa ang isang nagpapakaba sa dibdib ko. Ang kondisyon na yan.
(Hihinga ng malalim si Arsenia, at pagkaraang ilabas ang naipong hangin sa dibdib ay waring maglulubag ang kalooban nito. Sa muling pagsasalita ay mahinahon na ang kanyang tinig.)
Noong una’y sang-ayon ako dahil magandang pakinggan. Pero nitong papalapit nang papalapit ang eleksyon ay kung anu-anong masasamang bagay ang naiisip ko tungkol sa iba pang kundisyones na maaari niyang igiit kapag lalo na kapag napaupo ka na sa puwesto. May kutob akong ginagamit ka lamang ni Kumpare para sa kanyang sariling personal na interes, at salapi ang kanyang pinakikilos para makuha ang kanyang talagang gusto.
RICARDO : Senyang, aminado naman si Pareng Baldo na matagal na niyang gustong maalis sa puwesto si Kapitan Martin. Iyon talaga ang kanyang motibo kaya pinagkakagastusan niya at pinagbubuhusan ng panahon ang aking kandidatura. (Magsisimulang mag-alab ang damdamin.) Sawang-sawa na ang mga tao sa mga pang-aabusong nagaganap dito sa ating barangay sa ilalim ng pamamalakad ni Kapitan Martin. Hirap na nga sa kabuhayan ang mga tagarito ay nakuha pa rin niyang makapagpatayo ng sabungan sa may kanto, at hindi iilang kalalakihan dito at sa mga kalapit-baryo ang nahuhumaling sa bisyong ito. At saka napansin mo bang nitong mga huling araw ay balik na naman ang huweteng sa ating lugar, gayon na rin ang sakla at iba pang sugal na mahigpit na ipinagbawal ng ating bagong luklok na gobernador?
ARSENIA : Hindi lang yan. Palala nang palala ang drug addiction dito sa ating lugar. At ang balita, pag may nahuhuling pusher o user ang pulisya ay si Kapitan Martin pa raw ang lumalakad sa munisipyo para aregluhin ang kaso. Ibig ko na tuloy maniwalang mga tauhan din ni Kapitan ang supplier ng shabu gaya nang madalas napag-uusapan diyan sa tindahan ni Aling Epang.
RICARDO : Nakita mo na. Ikaw man ay hindi natutuwa sa kasalukuyang sitwasyon. Sabi nga ni Pareng Baldo, kailangang maalis sa p’westo si Kapitan Martin, at ang eleksyon ang pinakademokratikong paraan para isakatuparan ito, dahil mga taong bayan mismo ang magpapasya para patalsikin s'ya at paupuin naman sa p’westo ang higit na karapat-dapat na mamuno sa barangay.
ARSENIA : Yun eh, kung may lakas ng loob ang mga tagarito na patalsikin nga s’ya sa pamamagitan ng balota. Alam mo namang maraming takot kay Kapitan at sa kanyang mga galamay.
RICARDO : Tama ka. Chairman pa lang s’ya ng barangay, pero daig pa ang kongresista dahil hindi mo makikitang lumalabas sa kalsada nang di napaliligiran ng mga armadong bodyguard.
ARSENIA : Pero Ric, talagang kabado ako sa mga kundisyones na maaaring...
(Papasok mula sa kanang pinto sina Ubaldo, Rudy at Ferdie)
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.