TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

DOON PO SA AMIN, BAYAN NG MATIISIN

Dalawang-yugtong dula mula sa panulat ni

Joaquin R. Velasco


Karugtong ng Dula – Pahina 4

BARETA:

Teka, teka....nangingilak ba wika ninyo kayo para ipagpatayo ng klinika dito sa atin?


ALL:

Oho.


BARETA:

Aba eh, walang kabuluhan sa akin kung wala mang klinika dito sa atin. Alam naman ninyo na kapag ako ay nagkasakit ay sa ospital ako nagpapagamot.


LUCY:

Sa inyo nga ho ay hindi gaanong mahalaga ang klinika pero sa ating mga kababayang maralita ay...


BARETA:

Aba eh di sila ang dapat ninyong hingan at hindi ako!


TEACHER:

Talagang ang lahat po'y aming hinihingan ng tulong at...


BARETA:

Teka, teka, teka, maputol ko ang inyong sinasabi. Hindi ba ninyo alam na akin iyong kaisa-isang parmasya dito sa bayan? Kung magkakaroon ng klinikang libre, eh di ako ay tumulong para ipukpok ang bato sa aking ulo!


GUZMAN:

Alam namin Don Bareta na sa kita lamang ng inyong pera sa bangko ay hindi magiging kabawasan....


BARETA:

Teka, teka! At sino ang may sabi sa inyong nagdedeposito ako ng pera sa bangko?


TEACHER:

Bakit ho, hindi hu ba ang mga mayayamang tulad ninyo ay sa bangko itinatabi ang pera?


BARETA:

Sira ang ulo ng mga may kuwartang nagtatabi sa bangko. Hindi maikakaila ang kanilang yaman kaya nadadale sila ng taks ng gobiyerno. Ang pera ko'y sa bahay ko lamang itinatabi kaya hindi ako naaabala pa sa pagpunta sa bangko kung mayroon akong nais bayaran.


GUZMAN:

Mabuti ho nama't hindi kayo nananakawan sa bahay.


BARETA:

Mananakawan? Mayroon akong security guard na binabayaran, alarma elektriko, at nakabaon ang kaha de yero ko sa konkreto. Paano sila makapagnanakaw, aber?


LUCY:

Marahil naman Don Bareta, kung di man ninyo nais na umabuloy para sa klinika ay maaari naman kayong tumulong sa pangangailangan ng ating eskuwelahan...


BARETA:

Ano, eskuwelahan?


GUZMAN:

Opo... Kulang po ang ating mga desk at maging sa aklat ng ating librerya. Dadakilain kayo ng ating mga kababayan sa pagtulong sa mga kabataang nag-aaral.


BARETA:

Hindi ko kailangan ang maging dakila. At kung tungkol sa eskuwelahan ay lalo akong hindi dapat umabuloy.


TEACHER:

Bakit po naman?


BARETA:

Eh wala naman akong anak na pag-aaralin eh. Kaya nga ako hindi nag-aasawa ay sa dahilang ayoko ngang magkaroon ng mga ganyang problema sa buhay. Tingnan ninyo ang karamihan sa ating mga kababayan. Ang malimit na ipinaghihirap ay dahil sa kanilang mga anak. Hindi lamang sa pagpapaaral kundi sa pagpapakain, pagpapadamit at pagkakasakit.


LUCY:

Eh di... wala po pala kaming maaasahang tulong sa inyo...


BARETA:

Sa ibang bagay na mga ineng. Maaasahan naman ninyo na hindi ako makabibigat sa inyong klinika at eskuwelahan. Isa pa, ako ay hindi nagkukulang sa pagbabayad ng buwis at ang lahat ng inyong ipinangingilak na iyan ay tungkulin ng pamahalaan at hindi ng taong bayan.


GUZMAN:

Pagpaumanhinan ninyo ang aming pagkaabala sa inyo.


BARETA:

Ah walang ano man iyon. Inaasahan kong maiintindihan ninyo ang aking panig at patakaran sa buhay.


ALL TEACHERS:

Ah, opo.


BARETA:

Eh di tena na kayo sa opisina ni Meyor kung maghihintay din kayo.


GUZMAN:

Hindi na ho. Tanghali na rin lamang ay magpapaibang araw na kami.


BARETA:

Eh siya, maiwan ko na kayo kung ganon.


ALL TEACHERS:

Opo. 


(BARETA WALKS AWAY AND ENTERS OFFICE OF MAYOR.)


LUCY:

Walang hiya pala ang ugali ng Don Baretang iyan, hindi pala maaaring hingan ng tulong ng mga kababayan.


GUZMAN:

Wala tayong magagawa kung iyon ang kanyang patakaran sa buhay.


TEACHER:

Eh paano, hindi ba natin hihintayin si Meyor?


GUZMAN:

Kung makakasama rin lamang natin sa paghihintay ang matandang iyon ay huwag na. Saka na lamang tayo bumalik.


THE TWO:

Oo nga. Tena na. 


(THE THREE EXIT TO ONE SIDE OF STAGE COINCIDING WITH THE ENTRANCE OF MR. SIMOT, THE TREASURER, WHO APPROACHES THE SECRETARY.)


SIMOT:

Miss Valdez, nariyan ba si Meyor sa loob?


VALDEZ:

Aba, Tesorero kayo pala... may pinuntahan ho lamang saglit pero babalik din ho raw siya agad.


SIMOT:

Tawagin mo na lamang ako sa aking opisina pag nariyan na, ha.


VALDEZ:

Opo, Mr. Simot. 


(AS SIMOT ACTS TO TURN, FIRE CHIEF MAUSOK COMING FROM INTERIOR MEETS HIM.)


MAUSOK:

Mr. Simot, kayo ang hanap ko eh.


SIMOT:

Bakit, Mr. Mausok?


MAUSOK:

Dito na hu tayo sa labas. 


(BOTH WALK TOWARD MICROPHONE IN FRONT OF STAGE.)


Alam ninyo treas, idineliber na iyong hose na rekesisyon ko para sa aking departamento.


SIMOT:

Iyon pala eh. Ano pa ang reklamo mo?


MAUSOK:

Pinapirmahan ho sa akin iyong delivery invoice na nakalagay ang 200 meters na order ko pero ang idineliber ay dalawampung metro lamang at naiintindihan daw ninyo iyon.


SIMOT:

Ah, iyon ba... Hindi ko pa nga pala nasasabi sa iyo. Pirmahan mo at ayos yon.


MAUSOK:

Aba treas, malaki ho ang depirensiya ng dalawampu sa dalawang daan.


SIMOT:

Oo nga... sa delivery invoice lamang nakalagay ang dalawang daan, pero sa rekord mo ay aalisin natin ang isang zero.


MAUSOK:

Pero treas, talagang kailangan ho ng aking mga bumbero na mapalitan ang lahat ng kanilang hose pagka't panay na hong may butas. Ang dalawampung metro ay hindi makasasapat.


SIMOT:

Itong si Mr. Mausok, oo. Alin ba ang mahalaga sa iyo, ang hose ng iyong bumbero o ang ating tiyan at ng ating pamilya?


MAUSOK:

(POINTING HIS STOMACH) Siyempre ho ito.


SIMOT:

Iyon pala eh... kaya pirmahan mo na.


MAUSOK:

Pero treas... iyon hong sample na inaprubahan ko ay hindi siyang marka ng idineliber.


SIMOT:

Hindi bale, lulugihin pa ba naman natin iyong nakikipag-split sa atin?


Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link

MAY KARUGTONG >>>


Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link