“Bayaan mo na lang na Kuya ang itawag ko sa ‘yo, nakasanayan ko na e, p’wede ba?” wika ng madre. “Ang tunay ko nga palang pangalan ay Maria Elena…Sister Maria Elena …pero tawagin mo na lamang ako ng Elena, okay?”
“Sige. Pero bakit hindi mo nabanggit sa akin nang nasa tren tayo na madre ka pala…saka bakit hindi ka nakasuot ng abito at belo noon?”
Ipinaliwanag ni Elena na kabilang siya sa Active na pangkat ng mga madre at pinapayagang walang belo at abito kung nasasa-labas. Sa loob daw ng kumbento at sa tirahan nila nagbibihis siya ng kasuotang pang-madre. Ipinadala raw siya ng nakatataas sa Filipino Chaplaincy sa London upang sumangkot sa mga organisasyon at tumulong sa mga kababayan. Sinasadya raw niyang hindi mag-abito at magbelo kung kahalubilo ng kapuwa Filipino sa labas upang ang mga ito’y hindi mangimi o mangilag sa pakikisalamuha sa kanya. Bago pumasok sa pagmamadre, nakapagtapos daw siya ng karera sa Pilipinas at isa siyang propesora na nagtuturo sa La Salle University bago isinugo sa ibayong-dagat.
“Active ba ‘ka mo ang tawag sa grupo ng madreng kinabibilangan mo?”
“Oo, Kuya Fidel.”
“E, ‘yong mga madreng lagi sa loob ng kumbento at di lumalabas?”
“Sila ang tinatawag na Contemplative Sisters…sadyang nakatalaga sila sa tahimik at taimtim na pananalangin lamang.”
Nagsalaysay din si Fidel ng mga bagay tungkol sa kanya. Sinabi niyang dito sa London siya pinapag-aral ng mga magulang. Nagtapos siya sa Oxford University. Isa siyang kuwalipikadong Accountant at nagdalubhasa sa Economics. Pinamamahalaan niya sa kasalukuyan ang negosyong ipinundar ng kanyang mga magulang, isang import-export enterprise.
“Mayaman ka pala, Kuya Fidel. Kung nanaisin mo’y makatutulong ka nang malaki sa ating mga kababayan sa bansang ito. Maaari kang umanib sa mga organisasyon ng mga kababayan natin.”
“Masyadong busy ako. Saka bakit ako makikilahok sa mga organisasyon dito? Alam mo bang ang karamihan sa mga samahang ‘yan ay pinamumunuan ng mga taong walang inaatupag kundi sariling kapakanan? Marami rito’y may pilosopiya, na ang buhay raw e kanya-kanyang pakikipagsapalaran…walang pakialaman. This is a free country. Kanyang buntot - kanyang hila; kanyang lutas - kanyang problema.”
“Kuya, hindi ganyan ang buhay na gusto ng Diyos para sa atin. Nais niyang mahalin natin ang ating kapuwa nang tulad sa pagmamahal natin sa ating sarili.”
Nagsikap si Elena na kumbinsihin ang binata sa makatao at maka-Diyos na paraan ng pamumuhay. Sinabi niyang naririto siya sa London upang ipalaganap sa mga kababayan
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.