SUBYANG SA PUSO

ni Belen “Bheng” Arellano

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 5

“Masyadong busy ako. Saka bakit ako makikilahok sa mga organisasyon dito?  Alam mo bang ang karamihan sa mga samahang ‘yan ay pinamumunuan ng mga taong walang inaatupag kundi sariling kapakanan?  Marami rito’y may pilosopiya, na ang buhay raw e kanya-kanyang pakikipagsapalaran…walang pakialaman. This is a free country. Kanyang buntot  - kanyang hila;  kanyang lutas - kanyang problema.”

​

“Kuya, hindi ganyan ang buhay na gusto ng Diyos para sa atin. Nais niyang mahalin natin ang ating kapuwa nang tulad sa pagmamahal natin sa ating sarili.”

​

Nagsikap si Elena na kumbinsihin ang binata sa makatao at maka-Diyos na paraan ng pamumuhay. Sinabi niyang naririto siya sa London upang ipalaganap sa mga kababayan ang pagtutulungan, pagdadamayan at pagmamahalan. Na kung isasa-puso ito ay magkakaroon ng makatuturang pananaw ang mga tao sa kahalagahan ng pag-asa at pananalig. Na ang mga tao’y nilikha ng Diyos hindi para sa sarili lamang, manapa’y para sa isa’t isa. Na tayo’y may pananagutang umibig sa Diyos na lumalang sa atin at sa ating kapuwa.

​

Sa mahusay na paglalahad ng madre ng mga kaisipang iyon, nakatungong tumahimik si Fidel. Ang mga katagang binibitiwan ni Elena’y naglagos mandin sa pinakaliblib na lugar ng puso ng binata.

 

“Kuya Fidel, para sa akin…at para sa Diyos, maaari bang mag-ukol ka ng panahon sa ating mga kababayan, at maging bahagi ka ng lipunang-Filipino sa bansang ito?”

​

May luhang gumilid sa mga mata ng binata. “Oo, Elena…Oo…gagawin ko!”

​

Nagmamaneho nang pauwi si Fidel pagkagaling sa tirahan ng mga madre. Isang van ng walang ingat na tsuper ang malakas na bumangga sa kanyang kotse. Isinugod ang binata sa malapit na ospital. Bagama’t hindi gaanong malubha ang pinsala, kinailangang tumigil siya sa pagamutan ng ilang araw.

​

“May dalaw po kayo,” sabi ng nurse.  “Mukhang marami po sila.” 

​

“Patuluyin mo,” tugon ni Fidel.

​

Nangunguna si Elena, kasunod ang ilang kababayan.

​

“Kuya, mabuti’t hindi gaanong malubha ang pinsalang natamo mo sa aksidente. Lagi kitang ipinagdarasal.”

​

“Maraming salamat.”

​

“Siyanga pala, Kuya Fidel,” tumingin sa mga kasama, “sila ang mga pinuno ng ilang organisasyon ng mga kababayan natin dito sa London.”

​

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link